2014
Handa nang Sumulong
Disyembre 2014


Handa nang Sumulong

Lilipat ka na ba sa Young Men o Young Women mula sa Primary? Basahin ang sinabi tungkol dito ng pitong 12-taong-gulang na dumaraan sa transisyong iyan.

Portait of two girls (Aïolah and Evaline V.)

Aïolah at Evaline V.

Mga larawang kuha sa kagandahang-loob nina Richard M. Romney, Randall R. Ripplinger, at Mickey Shimomiya

Halos 12 taon ka na. Ang buhay ay puno ng pagbabago. Sa simbahan, lilipat ka sa Young Men o Young Women mula sa Primary. Ibig sabihin niyan ay pagtatakda ng mga mithiin, paglilingkod, paghahanda para sa templo, at pag-aaral pa tungkol sa ebanghelyo. Pero huwag kang kabahan! Sabi naman ng ibang nagdaraan sa ganyang sitwasyon ay masaya raw ito.

Dalawang Magkasama

Si Aïolah V. ng France ay 12-taong-gulang na Beehive. Gayundin ang kanyang Ate Evaline, na magiging 13 taong gulang sa isang buwan. “Natutuwa ako’t narito ang ate ko para alalayan ako sa paglipat sa Young Women mula sa Primary,” sabi ni Aïolah.

Isa sa mga paborito nila ang Pansariling Pag-unlad, pero nang mabasa nila ang isang mithiin, natawa sila. “Matutong tumugtog ng instrumento[ng pangmusika],” sabi roon.

“Matagal na kaming tumutugtog,” sabi ni Evaline. Pero kinausap nila ang kanilang ina. Ipinaunawa nito sa kanila na magagamit nila ang musika sa pagtupad ng isa pang mithiin: paglilingkod.

Naghahanda ngayon sina Aïolah at Evaline na tumugtog sa mga sacrament meeting at talent night, magtanghal ng konsiyerto para sa mga bata at matatanda, at sumaliw sa pagkanta ng mga missionary.

“Maganda ang Pansariling Pag-unlad,” sabi ni Evaline. “Hinahayaan ka nitong gawin ang gusto mo at ang iba pang mga bagay na bago sa iyo.”

Magtanong

photo of Brian R.

Brian R.

Naghahanda ang 12-taong-gulang na si Brian R. ng Arizona, USA, na magpasa ng sacrament sa unang pagkakataon. Ayaw niyang magkamali, kaya hiniling niya sa iba pang mga Aaronic Priesthood holder sa kanyang ward na ipaliwanag ito sa kanya.

“Ang babait nila,” sabi niya. “Sinabi nila sa akin kung saan tatayo, saan pupunta, at paano ipasa ang mga trey.”

Ngunit ang mas mahalaga, ipinaalala nila sa kanya na maging mapitagan. “Kailangan nating alalahanin ang Tagapagligtas habang nagpapasa tayo ng sakramento,” sabi ni Brian. “Kung mapitagan tayo, nakatutulong ito para alalahanin din Siya ng iba.”

Nalaman ni Brian na masaya ang iba na tulungan siyang maunawaan ang kanyang mga tungkulin at matutong gawin ito nang tama. “Magtanong ka lang,” sabi niya. “Ang paglipat sa Young Men mula sa Primary ay mas madali kaysa inaakala mo.”

Makipagkaibigan

young woman and leader in front of a building. Nodoka T.

Nodoka T.

“Kinabahan ako nang pasamahin ako ng counselor sa stake Young Women camp sa unang pagkakataon,” sabi ni Nodoka T. ng Okinawa, Japan. “Nagpasiya akong manalangin. Pagkatapos kong magdasal napanatag ako, kaya nagpasiya akong sumama.

“Sa unang araw pa lang, nagkaroon na ako ng mga bagong kaibigan. Mabubuti at mababait sa akin ang mga kabataang babae; agad nawala ang kaba ko. At natuto akong magpadalisay ng tubig, magbuhol, maglagay ng benda, magsagawa ng rescue breathing, at humanap ng mga halamang nakakain!”

Madamang Tanggap Ka

“Kaarawan ko noong unang araw ko sa Young Women,” sabi ni Grace S. ng Arizona, USA. “Masyado nilang binigyan ng atensyon iyon, pero mababait pa rin sila. Ipinadama nila sa akin na tanggap nila ako.”

Masaya rin siyang tinanggap ng adviser niya. “Ikinukuwento niya sa amin ang mga bagay na ginawa niya noong nasa Young Women siya,” sabi ni Grace. “At binabasa niya ang buklet na Pansariling Pag-unlad sa bawat isa sa amin, para matiyak na nauunawaan namin iyon.”

Matuto, Magturo, at Magbahagi

photo of Josh W.

Josh W.

Bilang bagong deacon, pinagturo si Josh W. ng Utah, USA, ng isang lesson tungkol sa pagiging disipulo ni Cristo. “Nakakita ako ng mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa pangingisda ni Pedro at ng iba pa. Sinubukan nilang mangisda sa isang panig ng bangka at wala silang nahuli,” sabi ni Josh. “Pagkatapos ay sinabi sa kanila ng Tagapagligtas na mangisda sa kabilang panig, at nakahuli sila ng maraming isda (tingnan sa Lucas 5:5–11 at Juan 21:6–11). Kaya sa lesson ko, iyon ang binasa namin. Pagkatapos ay pinag-usapan namin kung paano ito natutulad sa amin. Kapag sa sarili lang tayo umasa, maaari tayong magkaproblema. Pero kapag nakinig tayo sa Panginoon, tutulungan Niya tayo.”

Sabi ni Josh mahalagang matuto, magturo, at magbahagi sa Young Men. “Sa Primary marami kaming natutuhan at maraming aktibidad,” sabi niya. “Ngayo’y marami kaming natututuhan at naibabahagi. Ibig sabihin marami tayong nagagawa sa natututuhan natin.” Halimbawa, pagkatapos ng isang priesthood lesson, binisita ni Josh ang isang kaibigang matagal nang hindi nagsisimba. “Nagtatrabaho ang mga magulang niya tuwing Linggo, kaya hindi sila nakakasimba. Pero sinabi ko sa kanya na puwede siyang sumabay sa akin.”

Natututuhan ni Josh ang layunin ng Young Men at Young Women. “Iyon ay para ipakita sa atin kung paano maging higit na katulad ng Tagapagligtas,” sabi niya. Alam niya na ang ibig sabihin ng panawagang “lumapit kay Cristo” ay sumulong sa landas na nagsimula sa binyag at kumpirmasyon, hanggang sa makarating sa templo, at patungo sa buhay na walang hanggan.

“Handa na akong sumulong,” sabi niya.