Ang Tagapagligtas at ang Sakramento
Sa pakikibahagi ninyo ng sakramento, pinaninibago ninyo ang inyong mga tipan na laging aalalahanin ang Tagapagligtas.
Ano ang iniisip ninyo kapag kinakain ninyo ang tinapay at iniinom ang tubig ng sakramento o kapag naghahanda, nagbabasbas, o nagpapasa kayo ng sakramento? Marami sa atin ang pinagninilayan ang ating mga tipan at kung paano tayo namumuhay. Iniisip natin ang ating mga kasalanan at ipinagdarasal nating mapatawad tayo at sinisikap nating magpakabuti.
Ito ay mahahalagang aspeto ng ordenansa ng sakramento. Bukod pa riyan, may isa pang dapat pagnilayan—isang bagay na napakahalaga at natatanging bahagi mismo ng mga panalangin sa sakramento. Ito ay ang pag-alaala kay Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang mga kumakain ng tinapay ay nangangakong “makakain bilang pag-alaala sa katawan ng … Anak” at “lagi siyang [a]alalahanin” (D at T 20:77). Gayundin, ang mga umiinom ng tubig ay nangangakong uminom “bilang pag-alaala sa dugo ng … Anak” at “na sila sa tuwina ay aalalahanin siya” (D at T 20:79).
Ang pagpapasiyang alalahanin ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala at sakripisyo ay napakahalaga sa ordenansa. Tulad ng itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa simple at magagandang salita ng mga panalangin ng sakramento … tila ang pangunahing salitang naririnig natin ay alalahanin. … Ang binibigyang-diin sa dalawang panalanging ito ay na lahat ng ito ay isinasagawa bilang pag-alaala kay Cristo. Sa pakikibahaging iyon pinatutunayan natin na lagi natin siyang aalalahanin, nang mapasaatin sa tuwina ang kanyang Espiritu.”1
Binigyang-diin ng Tagapagligtas ang mga bagay ring ito nang pasimulan Niya ang sakramento sa Kanyang mga Apostol noong panahon ng Paskua sa Jerusalem sa huling gabi ng Kanyang mortal na ministeryo—ang gabing nagdusa Siya para sa atin sa Halamanan ng Getsemani bago Siya muling nagdusa sa krus. Halimbawa, matapos silang bigyan ng tinapay na kakainin, sinabi Niya, “Ito’y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin” (Lucas 22:19–20; tingnan din sa Mateo 26:26–28).
Sa unang araw ng Tagapagligtas sa piling ng mga Nephita sa mga lupain ng Amerika, itinuro din Niya sa kanila ang ordenansa ng sakramento. Muli, pinagbilinan Niya sila na makibahagi bilang pag-alaala sa Kanyang katawan at dugo at sinabi sa kanila na kapag ginawa nila ito, “ito ay magiging patotoo sa Ama na lagi ninyo akong naaalaala.” (3 Nephi 18:7). Pagkatapos ay ipinangako Niya sa kanila, “Kung lagi ninyo akong aalalahanin ang aking Espiritu ay mapapasainyo” (3 Nephi 18:7, 11).
Kamangha-manghang pagpapala! Sa mundong puno ng mga hamon at kaguluhan at mga tukso na palaging nagpipilit na iligaw tayo ng landas, anong mas mahalagang kaloob ang maaaring mapasaatin? Sa pagtataglay natin ng Espiritu, “malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5). Iyan ang magbibigay sa atin ng kapangyarihan at karunungang mamuhay ayon sa nais ng Panginoon, pumili nang tama, maglingkod nang tapat, at maging katulad Niya.
Sa pakikibahagi ninyo ng sakramento bawat linggo, ano ang magagawa ninyo para alalahanin Siya? Ano ang magagawa ninyo para lagi Siyang maalaala—sa buong linggo at buong buhay ninyo?
Inaanyayahan ko kayong pagnilayan ang mga tanong na iyon at tapat na mangako na lagi ninyong aalalahanin ang Tagapagligtas. Mamamangha kayo sa gagawin nitong pagbabago sa inyong buhay.