Mga Tanong at mga Sagot
“Ano ang dapat kong gawin kapag kinukutya ako sa paaralan dahil sa pagsunod ko sa mga pamantayan ng Simbahan?”
Kung kinukutya ka sa pagsunod sa mga pamantayan ng Simbahan, maaari mo itong ituring na isang pagkakataon para maging kinatawan ni Jesucristo. Maging magalang at mapagkawanggawa. Kung mahikayat ka, maipapaliwanag mo kung bakit ganyan ang pamumuhay mo. Isiping gamitin ang Para sa Lakas ng mga Kabataan para matulungan kang talakayin ang mga pamantayan mo. Anyayahan ang Espiritu sa buhay mo para maantig Niya ang puso ng mga kabarkada mo. Maituturo sa iyo ng Espiritu ang iyong sasabihin.
Makakahingi ka rin ng payo sa iyong mga magulang, mga lider ng Simbahan, o mga full-time missionary. Tanungin sila kung paano nila hinarap ang gayong mga sitwasyon.
Kung minsan maaari kang matuksong makipagtalo sa iba tungkol sa mga pinaniniwalaan mo. Ngunit tandaan na “siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi [kay Cristo]” (3 Nephi 11:29).
Sa ibang mga pagkakataon, maaari mong madama na pinipilit kang sumuko at tumigil sa pagsunod sa mga pamantayan ng Simbahan. Maging matatag. Ang matatag na paninindigan ay hindi lang magbibigay ng kapayapaan sa buhay mo, kundi pagpapalain din ang buhay ng mga kabarkada mo. Ang halimbawa mo ay makakahikayat sa kanila na magpasiya nang tama.
Tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas para maging matatag. Kinutya ang Tagapagligtas dahil nanindigan Siya sa katotohanan (tingnan sa Isaias 53). Alam Niya kung ano ang nadarama mo. Isinagawa Niya ang Pagbabayad-sala para sa iyo at dinanas din ang mga pagsubok mo. Nariyan Siya para sa iyo. Pag-aralan pa ang Kanyang buhay upang matularan mo Siya sa ganitong mga sitwasyon.
Humawak sa Gabay na Bakal
Kapag pinagtatawanan ako ng mga tao sa aming paaralan, iniisip ko ang pangitaing nakita ni Lehi tungkol sa malaki at maluwang na gusali: “Puno ito ng tao, kapwa matanda at bata, kapwa lalaki at babae; at ang paraan ng kanilang pananamit ay labis na mainam; at sila ay nasa ayos ng panlalait at pagtuturo ng kanilang daliri roon sa mga yaong nagsitungo at kumakain ng bunga” (1 Nephi 8:27). Tutularan ko si Lehi. Hindi ako bibitaw sa gabay na bakal na ito na patungo sa buhay na walang hanggan.
Pierre S., edad 18, Haiti
Ibahagi ang ebanghelyo
Habang kinukumpleto namin ng kaibigan ko ang proyekto tungkol sa kabanalan sa Pansariling Pag-unlad, nagbabasa kami ng Aklat ni Mormon sa paaralan habang hindi pa nagsisimula ang klase. Sinimulan kaming pagtawanan ng titser at mga kaklase namin. May mga pagkakataon na gusto ko nang tigilan ang pagbabasa, pero hindi ko talaga puwedeng iwan ang mga banal na kasulatan ko sa bahay. Patuloy kaming nagbasa sa paaralan, at kalaunan ay hindi na nila kami pinagtawanan. Isa sa mga kaibigan namin ang naging interesado sa ebanghelyo at sa Pansariling Pag-unlad. Binigyan namin siya ng buklet na ito at ng triple combination, at simula noon ay kinuwentuhan na namin siya tungkol sa ebanghelyo. Naging interesado rin ang kuya niya sa ebanghelyo. Pareho silang nagbabasa ng Aklat ni Mormon.
Kimberly A., edad 16, Brazil
Maging Isang Halimbawa
Sa aming paaralan, kakaunti ang mga estudyanteng pamilyar sa ebanghelyo. Palagay ko ang pinakamagandang magagawa mo ay ipakita sa mga tao kung paano nakakabuti sa iyo ang pamumuhay ng ebanghelyo. Kapag mabait at magalang ka anuman ang sabihin nila sa iyo, nagpapakita ka ng magandang halimbawa, at igagalang ka nila nang lubos at ang mga pinaniniwalaan mo. Dahil naaalala nila ang halimbawa mo, maaaring maging interesado ang mga taong ito mismo na malaman pa tungkol sa ebanghelyo balang-araw!
Kelsey P., edad 14, Florida, USA
Ibahagi ang Iyong Patotoo
Sa sandaling malaman mo ang mga pagpapala ng pamumuhay ayon sa mga pamatayan, hindi mo kailangang mahiya kapag kinutya ka. Maituturo mo ang mga pamantayan at makakapagpatotoo ka tungkol sa pamumuhay ayon sa mga ito. Maaaring matuto at mapuspos ng Espiritu ang mga kabarkada mo dahil pinatototohanan mo ang ebanghelyo.
Emmanuel A., edad 16, Ghana
Alalahanin Kung Sino Ka
Kapag may okasyon sa paaralan, sinasabi sa akin ng mga kaklase ko o maging ng mga kaibigan ko na magsuot ng damit na hindi kaaya-aya sa paningin ng Diyos. Sabi nila, “Dapat ay cute ang hitsura mo. Dapat naiiba ka.” Kung minsan sinasabi nila na kailangan kong kalimutan ang mga pinaniniwalaan ko para makaakma sa mundong ito. Pero palaging hindi ang sagot ko. Alam ko na ang pagiging totoo ko ay pagiging tunay at kakaiba sa mundo. OK lang kung ayaw nila ang pagkatao ko. Hindi mahalaga ang sinasabi ng iba; ang mahalaga ay tularan ang Ama sa Langit.
Jazzy C., edad 19, Philippines
Maging Missionary
Marami na akong naging karanasan tungkol sa pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo sa paaralan. Natutuhan ko na napakagandang pagkakataon ito para mapalakas natin ang ating mga patotoo at makabahagi sa gawaing misyonero. Tuwing malalagay ako sa ganitong sitwasyon at napanatili kong mataas ang mga pamantayan ko, natutuwa ako sa sarili ko sa pagkilos nang ayon sa gusto ng Diyos. Huwag kang mag-alinlangan sa pagkatao mo at sa pinaniniwalaan mo.
Hiram D., edad 18, Brazil