ANO ANG PAKIRAMDAM NG MAGING BAGONG BINYAG?
Matutulungan ninyo ang mga bagong miyembro sa pamamagitan ng pag-unawa sa kanilang pinagdaraanan.
Kung lumaki ka sa Simbahan, nagiging normal na sa iyo ang mga bagay ukol sa simbahan. Nasasanay ka sa regular na mga miting, sa gusaling dinadaluhan mo, sa pananamit ng mga tao sa simbahan. Ang mga bagay na gaya ng pagbibigay ng mensahe sa sacrament meeting, pagbabayad ng ikapu at mga handog-ayuno, at pag-aayuno nang minsan sa isang buwan ay bahagi na ng buhay. Ang pagsunod sa Word of Wisdom, pagtanggap ng mga tungkuling maglingkod, at pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay bahaging lahat ng natututuhan mong gawin.
Pero para sa mga nabinyagan, maraming babaguhin para maging pamilyar sila sa lahat. Talagang ang pagkakaroon ng patotoo sa mga katotohanan ng ebanghelyo ang unang hakbang sa pagiging miyembro ng Simbahan ni Cristo. Ngunit ang pagkakaroon ng patotoo ay hindi nangangahulugan na madaling mamuhay bilang miyembro ng Simbahan.
Ang Simbahan ay Maaaring Magmukhang Lubhang Kakaiba
Halimbawa na lang ay ako. May mga kaibigan na akong LDS noon pang 13 anyos ako, at kalaunan ay sumapi ako sa Simbahan noong 19 ako. Pero kahit marami na akong alam tungkol sa kultura ng Simbahan sa paglipas ng mga taon na iyon, nahirapan ako sa pagbabago. Para sa akin, ang kultura at mga kaugalian ng Simbahan ay lubhang kakaiba kaya mukhang kakatwa ang mga ito.
Lumaki ako sa isang simbahan na maraming pagkakaiba sa simbahang pamilyar o nagiging pamilyar pa lang sa inyo. Sa simbahang iyon ang damit na suot ng mga ministro at koro ay katulad ng isinusuot ng mga nagsisipagtapos sa high school. Sa oras ng pagsamba—ang katumbas sa kanila ng sacrament meeting—ang mga pastor ang nagbibigay ng sermon at sila lang ang nagsasalita. Tuwing Linggo inuulit naming lahat ang Panalangin ng Panginoon nang sabay-sabay at laging inaawit ang himnong “Praise God from Whom All Blessings Flow.” Binibinyagan ang mga bata sa pamamagitan ng pagwiwisik ng tubig sa kanilang ulo, pero ang kumpirmasyon ay ginagawa kapag mga 14 anyos na sila.
Katas ng ubas ang gamit namin sa halip na tubig para sa sakramento, at dumadalo ang mga kabataan sa Sunday School ng matatanda na ang pinag-uusapan ay ang kasalukuyang mga isyu sa lipunan.
Maging ang aming gusali ay kaiba sa mga gusali ng LDS na nabisita ko. May malaking kapilya kami na katulad ng mga simbahan sa Europa, na may mataas at patusok na bubong at matataas na stained-glass window. May krus sa lugar na kinauupuan ng koro. May nakasabit na maganda at mataas na kampana sa harapan. Gustung-gusto kong patunugin ang kampanang iyon pagkatapos ng pagsamba. Sapat ang bigat nito para iangat ang isang batang paslit mula sa sahig habang tumataas-baba ang lubid.
Iba rin ang aming mga kaugalian at paniniwala sa lipunan. Tinuruan kami na OK lang uminom ng alak o manigarilyo. OK lang magkaroon ng nobyo o nobya kahit tinedyer pa lang. Sa katunayan, itinuro sa amin na puwede ka pang magkaroon ng seksuwal na relasyon bago ikasal basta’t naniniwala ka na nagmamahalan kayo. Hindi namin pinag-usapan kailanman ang pagkakaroon ng patotoo. Noong una akong makakita ng fast and testimony meeting—wow! Hindi ako makapaniwala na may ganoon pala. Wala pang tumayo sa harapan sa simbahan namin para ibahagi nang gayon ang kanilang paniniwala.
Ang pagsapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi lang tungkol sa pag-aaral ng mga bagong doktrina, tulad ng buhay bago tayo isinilang at binyag para sa mga patay; ito’y isang pagbabago sa kultura at pamumuhay at mga inaasahan. Ang pagpapasiyang tanggapin ang mga pagkakaibang iyon ay mahirap gawin.
Ang unang anim na buwan matapos akong binyagan ay talagang mahirap. Muntik na akong hindi makatagal. Lubhang kakaiba lahat, lalo pa’t hindi ko kasama ang pamilya ko sa pagsisimba. Nahirapan pa rin akong unawain ang ilang doktrina, gayundin ang damdamin ng pagkawalay sa nakamulatan ko.
Mabuti na lang, mapagpasensya, mabait, at hindi nagbabago ang mga kaibigan ko sa Simbahan. Isinama nila ako sa mga aktibidad, inanyayahan ako sa bahay nila para maghapunan at sumali sa family home evening, at nanalanging kasama ko. Malaking kaibhan ang nagawa niyan hindi lang sa pagsapi ko sa Simbahan kundi pati sa pananatili kong aktibo at pagiging matatag kapag nanghihina ang aking patotoo. Malaki ang utang-na-loob ko sa kanila sa pagpapaunawa sa akin ng mga bagay-bagay.
Sa kasunod na mga kuwento, dalawang kabataang miyembro ang nagbahagi ng sarili nilang mga karanasan sa pagsapi sa Simbahan at kung paano sila nanatiling matatag. Habang binabasa ninyo ang kanilang mga karanasan, isipin kung ano ang magagawa ninyo para matulungan ang isang bagong binyag o nagbabalik sa pagkaaktibo na magkaroon ng lakas na makihalubilo at makibagay sa kultura [ng Simbahan] at espirituwal na umunlad.
Maraming Taon ng Paghihintay para Mabinyagan
Noong high school ako, nagpasiya akong sumapi sa Simbahan matapos kong makausap ang mga missionary sa mga English class at mag-aral na kasama nila. Hindi maganda ang naging reaksyon ng mga magulang ko nang sabihin ko sa kanila na gusto ko nang magpabinyag. Wala silang gaanong alam tungkol sa Simbahan, at natakot sila na baka malagay ako sa panganib. Inakala nila na magiging sagabal ang Simbahan sa pag-aaral ko at hindi ako magiging masaya sa buhay dahil sa lahat ng patakarang susundin. Hindi nila ako pinayagang magpabinyag sa loob ng dalawa’t kalahating taon.
Sinubukan na ako sa simula pa lang. Sa lumipas na mga taon bago ako nabinyagan, paulit-ulit kong ipinagdasal na magkaroon ako ng lakas at sapat na pananampalataya na patuloy na maniwala. Hindi ako makasimba o ko magawang makihalubilo sa mga miyembro o missionary. Kinailangan kong palakasin ang aking pananampalataya at patotoo sa pamamagitan ng pagdarasal, pagbabasa ng mga banal sa kasulatan, at ng mga salita ng mga makabagong propeta—nang mag-isa. Marami akong pinalampas na masasayang programa at aktibidad.
Nang lumipat ako sa Rome para magkolehiyo, naging matapat kong kaibigan ang bishop ko na sumuporta sa akin noong galit na galit ang mga magulang ko. Itinuro niya sa akin na mahalagang mahalin ang mga magulang ko anuman ang sitwasyon.
Nang mabinyagan na rin ako sa wakas, maraming miyembro ng ward ang dumating at sumuporta sa akin. Sumali ako sa koro at nagkaroon ako ng maraming kaibigan doon. Ang pakikipagkaibigan at kabaitan nila ang nagbigay ng kapanatagan sa akin.
Kapag tayo ay tapat sa mga turo ni Jesucristo at sinusunod natin ang Kanyang halimbawa ng pagmamahal at pagmamalasakit sa iba, makikita ng mga bagong binyag at investigator na hindi lang tayo nagtuturo, kundi ipinamumuhay rin natin ang ating itinuturo.
Si Ottavio Caruso ay mula sa Italy at kasalukuyang naglilingkod sa full-time mission.
Hindi Kabilang
Sumapi ako sa Simbahan noong 13 taong gulang ako. May patotoo ako sa ebanghelyo, pero pakiramdam ko ay hindi ako kabilang sa simbahan. Alam ng lahat ng naroon ang mga awitin at mga kuwento sa banal na kasulatan; samantalang hindi ko alam ang mga ito. Naaalala ng lahat ang mga ginawa nila sa Primary o napag-aralan sa family home evening; hindi ko pa naranasan ang alinman doon.
Pero bukod pa riyan, parang lahat ay pare-pareho ang interes at opinyon—kung minsa’y matitinding opinyon na talagang salungat sa aking opinyon—tungkol sa halos lahat ng bagay mula sa mga pelikula at pulitika hanggang sa interpretasyon ng ilang talata sa banal na kasulatan. Tinitingnan ko ang lahat ng taong tumatango at naiisip ko, “Mababait kayo at mabait ako. Pero talagang magkaiba lang tayo. Hindi ako bagay rito.”
Nahirapan ako sa damdaming iyon sa loob ng maraming taon. Pagkatapos ay naalala at nabasa kong muli ang kuwento mula sa Lucas 19 tungkol kay Zaqueo. Dahil isa siyang maniningil ng buwis, hindi siya popular at itinuring siyang makasalanan. Ngunit nang dumaan si Jesus sa kanyang lungsod, umakyat si Zaqueo sa isang puno para makita niya ang nangyayari sa gitna ng maraming tao. Hindi niya inalintana ang iisipin ng mga tao sa kanya. Ang pag-akyat niyang ito sa puno—paghiwalay niya sa maraming tao—ang nagbigay sa kanya ng napakaganda at personal na karanasan sa piling ng Tagapagligtas. Habang nagbabasa, natanto ko na ang pakiramdam na hindi ako kabilang ay hindi nagmula kay Cristo. Si Jesus ay walang kinikilingan at mapagpatawad. Masigasig Niyang hinanap ang mga taong hinusgahan at binalewala—mga taong tila naiiba.
Hindi ko masasabi na hindi ko na naramdaman kailanman na hindi ako kabilang. Naramdaman ko na iyon. Pero natutuhan ko na ang mga bagay na nagpapaiba sa akin—ang hitsura ko, ang tingin sa akin ng ibang tao, ang mga bagay na kinahihiligan ko, ang iniisip ko tungkol sa mundo—ay hindi dahilan para hindi magsimba. Ito ang mga dahilan kaya kailangan tayong lahat ng Simbahan, taglay ang iba’t iba nating mga talento, kalakasan, at pananaw.
Si Elaine Vickers ay naninirahan sa Utah, USA.