Nasaan Ako?
Paano Tuklasin at Paunlarin ang Inyong mga Espirituwal na Kaloob at Talento
Binigyan kayo ng Ama sa Langit ng mga espirituwal na kaloob at talento para tulungan kayong marating ang nais Niyang kahinatnan ninyo.
Sa mga banal na kasulatan maraming tanong na nagtutulak sa atin na pagnilayan ang ating buhay. Isa sa mga unang tanong sa Biblia ang ibinigay kay Adan matapos niyang kainin ang ipinagbabawal na bunga. Inaanyayahan ko kayong pag-isipan kung paano maiaangkop ang tanong na ito sa buhay ninyo:
“Nagtago [si Adan] at kaniyang asawa sa harapan ng Panginoong Dios sa pagitan ng mga punong kahoy sa halamanan.
“At tinawag ng Panginoong Dios [si Adan] at sa kaniya’y sinabi, Saan ka naroon?” (Genesis 3:8–9; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Alam ng Panginoon ang lahat ng bagay, kaya makatitiyak tayo na alam Niya kung saan nagtatago sina Adan at Eva. Kung alam Niya kung nasaan sila, ano talaga ang itinatanong ng Panginoon?
Ang tanong na ito ang malamang na nagtulak kina Adan at Eva na pag-isipan ang nangyayari sa buhay nila. Maitatanong din natin sa ating sarili ang mga bagay na katulad niyon. Halimbawa: Nasaan na tayo sa ating paglalakbay sa landas ng tipan tungo sa buhay na walang hanggan? Anong mga kaloob at talento ang ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit sa buhay bago tayo isinilang para tulungan tayo sa landas na ito? Ano ang iba pang mga kaloob at talentong matatamo natin kapag sinikap nating maging katulad ng nais ng Panginoon na kahinatnan natin?
Ipinahayag ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918), “Ang tao, bilang espiritu, ay isinilang sa mga magulang na nasa langit, at inaruga hanggang sa sumapit sa sapat na gulang sa mga walang hanggang mansiyon ng Ama, bago pumarito sa mundo sa isang katawang-lupa.”1 Itinuturo sa atin sa manwal na Mga Alituntunin ng Ebanghelyo na “Alam ng ating Ama sa Langit kung sino tayo at ano ang ating ginawa roon bago tayo pumarito. Pinili Niya ang panahon at lugar kung saan isisilang ang bawat isa sa atin para matutuhan natin ang mga aral na kailangan natin mismo at magawa ang pinakamabuti sa ating kani-kanyang mga talento at personalidad.”2
Inilagay kayo ng Ama sa Langit sa pinakamainam na lugar kung saan magagamit ninyo ang inyong mga espirituwal na kaloob at mapapaunlad ang inyong mga talento. Saanman kayo naninirahan o anuman ang inyong kalagayan, mapipili ninyong magtagumpay, anuman ang inyong mga hamon sa buhay. Huwag sumuko kailanman. Magpatuloy lang. Huwag umayaw. Tandaan, ang ginagawa ninyo sa mga bagay na nasa inyo ang huhubog sa inyong pagkatao.
Ang halimbawa nina Adan at Eva ay makapagbibigay sa atin ng malaking pag-asa. Matapos nilang labagin ang utos na huwag kainin ang ipinagbabawal na bunga, itinaboy sila mula sa magandang halamanan, isinumpa ang lupa, sumibol ang mga tinik at dawag, at kinailangan nilang bungkalin ang lupa para matustusan ang kanilang pangangailangan. Hindi sila sumuko. Nagtrabaho sila, tulad ng utos ng Panginoon sa kanila (tingnan sa Moises 5:1). Napakasama ng piniling gawin ng anak nilang si Cain, ngunit patuloy silang namuhay nang matwid at nagturo sa kanilang mga anak.
Ang Natuklasan ni Tito Ben
May tiyuhin ako na patuloy na naghahangad na pagbutihin at paramihin ang mga kaloob at talentong natanggap niya mula sa Ama sa Langit. Ibabahagi ko ang isang kuwento mula sa kanyang buhay na nakatulong sa akin na makita kung paano pinauunlad at pinagyayaman ang mga espirituwal na kaloob at talento.
Isang araw habang nagtatrabaho ang tito kong si Ben sa minahan ng tanso, napansin niya ang isang lumang piraso ng baluktot na metal sa riles ng tren. Itinanong niya sa kanyang amo kung puwede niyang hingin ito. Sabi ng amo niya, “Ben, walang silbi ang lumang metal na iyan. Sayang lang ang oras mo sa pagpulot diyan.”
Ngumiti si Tito Ben at nagsabi, “Higit pa sa lumang piraso ng metal ang tingin ko dito.”
Sa pahintulot ng kanyang amo, iniuwi niya ito. Sa kanyang talyer pinainit niya ang metal hanggang sa halos magbaga na ito. Pagkatapos, sa matiyagang pagtatrabaho, nagawa niya itong hubugin at ikurba hanggang sa tumuwid ito.
Nang lumamig na ito, ginuhitan niya ito ng hugis-kutsilyo. Gamit ang mainit na blowtorch, tinabas niya ang metal nang hugis-kutsilyo. Pagkatapos ay tinapyas ni Tito Ben ang magagaspang na gilid nito, at sa bawat oras ay pinutol, kiniskis, pinakinis, at pinaganda ang lumang pirasong metal na iyon.
Araw-araw niyang tinrabaho ang itinuring ng kanyang amo na walang-silbing piraso ng metal. Unti-unting nagkahugis ang metal at naging isang maganda at makinang na obra-maestra.
Ang kulang na lang dito ay isang puluhan. Pumunta sa kakayuhan si Tito Ben at nakakita ng sungay ng usa. Pagbalik sa kanyang talyer nilinis, pinutol, at pinakinis niya ang sungay. Nang matapos siya, makinis at maganda na ito. Maingat niyang ikinabit ang puluhan sa kutsilyo. Ang isang dating luma, kalawangin, at baluktot na piraso ng metal ay naging magandang kutsilyo na nanalo ng maraming gantimpala.
Tayo ay katulad ng lumang pirasong metal na iyon. Kailangan din tayong hubugin, pagandahin, at pakinisin para maabot ang ating ganap na potensiyal. Bahagi ng prosesong iyan ang pagtuklas, pagpapalakas, at pagpapaibayo ng ating mga talento at kaloob.
Naunawaan ni Tito Ben na karamihan sa ating potensyal ay hindi kaagad nakikita at kailangang tuklasin at paunlarin. Itinuro sa atin ng Panginoon na “masigasig ninyong hanapin ang mga pinakamahusay na kaloob” (D at T 46:8) at “upang ang bawat tao ay mapabuti sa kanyang talento, upang ang bawat tao ay magtamo ng iba pang mga talento, oo, maging sandaang ulit” (D at T 82:18). At bakit natin ito kailangang gawin? Magagamit natin ang ating mga talento at kaloob upang paglingkuran ang iba, tulad ng paliwanag sa kasunod na talata: “Bawat taong hinahangad ang kapakanan ng kanyang kapwa, at ginagawa ang lahat ng bagay na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos” (D at T 82:19). Ang paglilingkod ay humuhubog sa atin sa pamumuhay nang higit na katulad ni Cristo.
Pagtuklas sa Ating mga Talento
Itinuro sa atin ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo mahuhubog ng mga pagsubok: “Kung kailan tila maayos ang lahat, kadalasan ay saka sabay-sabay na dumarating ang mga hamon. Kapag ang mga pagsubok na iyon ay hindi bunga ng inyong pagsuway, ang mga ito ay katibayan na nadarama ng Panginoon na handa kayong umunlad pa (tingnan sa Mga Kawikaan 3:11–12). Samakatwid ay binibigyan Niya kayo ng mga karanasang nagpapaigting ng pag-unlad, pag-unawa, at habag [dalawang napakahalagang kaloob] na nagpapakinis sa inyo para sa inyong walang-hanggang kapakinabangan. Upang maialis kayo sa inyong kinalalagyan at maging tulad ng nais Niya kinakailangang subukan kayo nang husto, at iyan ay karaniwang nagdudulot ng lungkot at hirap.”3
Pagpapaunlad sa Ating mga Talento
Kailangan nating magtrabaho para maragdagan ang ating mga talento. Kamakailan lang, sinabi ni Elder Scott sa asawa ko, “Devonna, dapat kang magpinta.”
Hindi pa nakapagpinta si Sister Arnold sa buong buhay niya. Kinailangan niya itong pagsikapang gawin. Pinag-aralan niya ito, nagpinta siya araw-araw, at pagkatapos ng matagal na panahon at matinding pagsisikap ay natuto siyang magpinta nang maganda. Nakasabit ang isa sa magagandang painting ng ilog na ipininta niya sa dingding ng opisina ko.
Oo, kailangang sikaping matamo ang mga talento, ngunit napakalaki ng ating magiging kagalakan kapag narinig nating sinabi ng Panginoon sa atin na “Mabuting gawa. Ang iyong mga kaloob at talento ay pararamihin dahil sa iyong kasipagan” (tingnan sa Mateo 25:14–30).
Ang Inyong mga Espirituwal na Kaloob
Natuklasan ng asawa ko na may talento siya sa pagpipinta. Ano ang inyong mga kaloob at talento? Alam ko na nabigyan kayo ng ating Ama sa Langit ng ilan. Paano ko nalaman? “Maraming kaloob, at sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos” (D at T 46:11). Ang mga kaloob at kapangyarihan ng Diyos ay maaari nating matanggap. Karapatan at responsibilidad nating tanggapin ang ating mga espirituwal na kaloob, pag-ibayuhin ang ating mga talento, at ibahagi ang mga ito.
Nakasulat sa mga banal na kasulatan ang ilang kaloob na maaari nating hangarin (tingnan, halimbawa, sa D at T 46), ngunit napakarami talagang mga kaloob at talento. Saliksikin ang Aklat ni Mormon, lalo na ang 3 Nephi 11–26, at matutuklasan ninyo ang maraming kaloob at talento na maaaring matanggap ng bawat isa sa atin. Halimbawa, sa 3 Nephi 11 mababasa natin ang tungkol sa mga taong narinig ang tinig ng Ama sa Langit ngunit hindi ito naunawaan noong una:
“Sa ikatlong pagkakataon narinig nila ang tinig, at binuksan ang kanilang mga tainga upang marinig ito; at ang kanilang mga mata ay tumingin sa pinanggagalingan ng tunog niyon. …
“At ito ay nangyari na, nang kanilang maunawaan ay muli nilang itinuon ang kanilang mga paningin sa langit, at masdan, nakita nila [si Jesuscristo na] bumababa mula sa langit” (mga talata 5, 8).
Ang makarinig at makakita nang malinaw ay dalawang halimbawa lamang ng mga espirituwal na kaloob at talentong maaari ninyong matamo at mapag-ibayo kung handa kayong hangarin at pagsikapan ang mga ito.
Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na gawin ang ginawa ni Tito Ben: tingnan ang pinakamabuti sa lahat ng bagay habang naghahangad tayo ng mga espirituwal na kaloob at talento at gamitin ang mga ito upang pagpalain ang mga tao sa ating paligid. Alam ko na maraming kaloob at talentong gustong ibigay ang ating Ama sa Langit sa atin, ngunit ang mga ito “ay may kundisyon kapag hiningi natin. Ang mga pagpapala ay kailangan nating pagpaguran o pagsikapan” (Bible Dictionary, “Prayer”). Nawa’y matuklasan, pagpaguran, at paramihin pa natin ang mga kaloob at pagpapalang bigay sa atin ng Diyos na taglay natin noong isilang tayo, at nawa’y magtamo tayo ng iba pang mga kaloob ang mapagpakumbaba kong dalangin.