Mga Tampok sa Ika-185 Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw
“Ang mga paksa sa pangkalahatang kumperensya ay iniaatas—hindi sa pamamagitan ng mortal na awtoridad kundi sa mga pahiwatig ng Espiritu,” paliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol (pahina 32). Sa isang nagbibigay-inspirasyong pangkalahatang kumperensya na nagsimula sa pangkalahatang sesyon ng kababaihan at nagtapos sa Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, nagturo ang mga tagapagsalita tungkol sa pamilya, pag-aayuno, gawain sa templo, pagkadisipulo, araw ng Sabbath, at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, bukod sa marami pang ibang alituntunin ng ebanghelyo (tingnan sa pahina 3).
Ang sumusunod ay ilan sa mga tampok:
-
Ibinalita ni Pangulong Thomas S. Monson ang mga bagong templong itatayo sa Abidjan, Ivory Coast; Port-au-Prince, Haiti; at Bangkok, Thailand. Tungkol dito, sinabi niya, “Kagila-gilalas ang mga pagpapalang naghihintay sa ating matatapat na miyembro sa mga lugar na ito, at totoo ito sa lahat ng dako ng mundo na may mga templo” (pahina 91).
-
Sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang limang bagong miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu, isang bagong Young Men general presidency, at isang bagong tagapayo sa Primary general presidency.
-
Ang taunang ulat sa estadistika ay nagtala ng 15.3 milyong mga miyembro ng Simbahan sa 3,114 na mga stake at 561 na mga district. Tatlong bagong templo ang inilaan noong nakaraang taon, kaya 144 na templo na ang gumagana ngayon.
-
Ang kumperensya ay na-interpret sa 95 wika. Sa pagsunod sa pagbabagong sinimulan noong Oktubre, tatlong tagapagsalita ang nagbigay ng kanilang mensahe sa ibang wika bukod sa Ingles.
Sa pagsasalita noong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, nagpatotoo ang ilang tagapagsalita tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. “Siya ang Anak ng Diyos,” pagpapatotoo ni Pangulong Thomas S. Monson. “Siya yaong nagbangon mula sa libingan noong unang umaga ng Pasko ng Pagkabuhay, at taglay Niya ang kaloob na buhay na walang hanggan para sa lahat ng anak ng Diyos” (pahina 93).