M. Joseph Brough
Pangalawang Tagapayo sa Young Men General Presidency
Sa loob ng tatlong taong paglilingkod ni M. Joseph Brough bilang pangulo ng Guatemala Guatemala City Central Mission (mula 2011 hanggang 2014), ang kanyang ama at biyenang lalaki ay kapwa pumanaw.
Bagama’t ang kanyang asawa ay maaaring umuwi sa Estados Unidos para sa libing, ipinasiya ng mag-asawa sa dalawang pangyayaring iyon na dapat siyang manatili sa Guatemala at magpatuloy sa kanilang gawaing misyonero. “Alam namin na mas mapapabuti kami sa pananatili at paggawa sa abot ng aming makakaya,” sabi ni Brother Brough, na tinawag noong Abril 4, 2015, bilang pangalawang tagapayo sa Young Men general presidency. “Iyan mismo ang inaasahan sa amin ng kanyang ama at ng aking ama.”
Si Brother Brough ay isinilang sa Salt Lake City, Utah, noong Disyembre 11, 1963, kina Monte J. and Ada B. Brough. Ginugol niya ang kanyang kabataan sa Farmington, Utah, at Robertson, Wyoming. Lumipat ang pamilya sa Minnesota nang ang ama ni Joseph, na kalaunan ay maglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, ay tinawag bilang mission president. Si Joseph ay senior high school nang matapos ng kanyang ama ang kanyang paglilingkod bilang mission president. Sa halip na bumalik sa high school, kumuha si Joseph ng high school equivalency exam at nakapasok sa Weber State University sa Ogden, Utah.
Gayunman, iginiit ng kanyang mga magulang na dapat siyang magtapos sa seminary at magkaroon ng apat-na-taong sertipiko para dito. Sa pagdalo sa seminary sa Davis High School nakilala niya ang kanyang magiging asawa na si Emily Jane Thompson. Ikinasal sila noong Abril 25, 1985, sa Salt Lake Temple; apat ang kanilang anak.
Bago ikinasal ang magkasintahan, si Brother Brough ay nagmisyon sa Guatemala Quetzaltenango Mission. Ang kanyang mission president na si Jorge H. Perez, ay naging “pinakamaimpluwensyang tao sa buhay ko,” sabi niya.
Tagapagtatag at may-ari ng Rotational Molding ng Utah, nagtapos siya ng bachelor‘s degree sa finance at master of business administration sa University of Utah. Sa Simbahan naglingkod siya bilang bishop, ward Young Men president at high councilor.