“Hindi Baga Ito ang Ayuno na Aking Pinili?”
Marami pang magagawa ang inyong handog-ayuno maliban sa pagbibigay ng pagkain at kasuotan. Ito ay nagpapagaling at nagpapabago ng puso.
Mahal kong mga kapatid, ikinagagalak kong ipaabot ang pagmamahal ko sa inyo sa pangkalahatang kumperensyang ito ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang kagalakang iyan ay mula sa Espiritu na nagpapatotoo na ang pagmamahal ng Tagapagligtas ay ipinadarama sa bawat isa sa inyo at sa lahat ng anak ng Ama sa Langit. Nais ng ating Ama sa Langit na pagpalain ang Kanyang mga anak sa espirituwal at temporal. Nauunawaan Niya ang bawat pangangailangan nila, ang kanilang mga pighati, at inaasam.
Kapag tinulungan natin ang sinuman, nadarama ito ng Tagapagligtas na para bang Siya ang tinulungan natin.
Sinabi Niya sa atin na totoo iyan nang ilarawan Niya ang pagdating ng araw na Siya ay makikita nating lahat matapos ang buhay natin sa mundong ito. Ang naiisip ko tungkol sa araw na iyon ay lalong luminaw sa mga araw na nagdasal ako at nag-ayuno para malaman kung ano ang sasabihin ko sa umagang ito. Ang paglalarawan ng Panginoon sa araw na iyon na darating ay ibinigay sa Kanyang mga disipulo, at buong puso rin nating hinahangad na mangyari sa atin iyon:
“Kung magkagayoʼy sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan:
“Sapagkaʼt akoʼy nagutom, at akoʼy inyong pinakain: “Akoʼy nauhaw, at akoʼy inyong pinainom: Akoʼy naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy;
“Naging hubad, at inyo akong pinaramtan; Akoʼy nagkasakit, at inyo akong dinalaw; Akoʼy nabilanggo, at inyo akong pinaroonan.
“Kung magkagayoʼy sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka?
“At kailan ka namin nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad, at pinaramtan ka?
“At kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?
“At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”1
Hangad natin ang gayon kagiliw na pagtanggap ng Tagapagligtas. Ngunit paano tayo magiging karapat-dapat dito? Mas dumarami pa ang nagugutom, walang tahanan, at nalulungkot na mga anak ng Ama sa Langit kaysa natutulungan natin. At lalo pang dumarami ang hindi na natin kayang maabot para tulungan.
Kaya ang Panginoon ay nagbigay ng isang bagay na magagawa natin. Ito ay isang kautusang napakasimple na mauunawaan kahit ng isang bata. Ito ay isang kautusang may napakagandang pangako para sa mga nangangailangan at para sa atin.
Ito’y ang batas ng ayuno. Inilarawan ng Panginoon sa mga salita sa aklat ni Isaias ang kautusang ito at ang pagpapalang makakamtan natin na mga kabilang sa Kanyang Simbahan:
“Hindi baga ito ang ayuno na aking pinili: na kalagin ang mga tali ng kasamaan, na pagaanin ang mga pasan at papaging layain ang napipighati, at iyong alisin ang lahat ng atang?
“Hindi baga ang magbahagi ng iyong tinapay sa gutom, at dalhin mo sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan? pagka nakakakita ka ng hubad, na iyong bihisan; at huwag kang magkubli sa iyong kapuwa-tao?
“Kung magkagayo’y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay likod.
“Kung magkagayo’y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya’y magsasabi, Narito ako. Kung iyong alisin sa gitna mo ang atang, ang pagtuturo, at ang pagsasalita ng masama;
“At kung magmamagandang-loob ka sa gutom, at iyong sisiyahan ng loob ang nagdadalamhating kaluluwa; kung magkagayo’y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman, at ang iyong kadiliman ay magiging parang katanghaliang tapat;
“At papatnubayan ka ng Panginoon na palagi, at sisiyahan ng loob ang iyong kaluluwa sa mga tuyong dako, at palalakasin ang iyong mga buto; at ikaw ay magiging parang halamang nadilig, at parang bukal ng tubig, na ang tubig ay hindi naglilikat.”2
Kaya binigyan tayo ng Panginoon ng simpleng kautusan na may kagila-gilalas na pangako. Sa Simbahan ngayon binibigyan tayo ng pagkakataong mag-ayuno minsan sa isang buwan at magbigay ng saganang handog-ayuno sa pamamagitan ng ating bishop o branch president para sa kapakanan ng mga maralita at nangangailangan. Ang ilan sa handog-ayuno na ibinibigay ninyo ay gagamitin upang tulungan ang mga nasa paligid ninyo, marahil isa sa sarili ninyong pamilya. Ang mga lingkod ng Panginoon ay mananalangin at mag-aayuno para maipahayag sa kanila kung sino ang tutulungan at anong tulong ang ibibigay. Ang mga handog-ayuno na hindi kakailanganin ng mga tao sa inyong lokal na unit ng Simbahan ay gagamitin para pagpalain ang ibang mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo na nangangailangan.
Ang kautusang mag-ayuno para sa kapakanan ng mga maralita ay maraming kalakip na pagpapala. Tinawag ni Pangulong Spencer W. Kimball ang hindi pagsunod sa batas na iyan bilang kasalanan na may mabigat na kaparusahan dahil hindi natin ginawa ang alam nating tama. Isinulat niya: “Natatanging mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga nag-aayuno at tumutulong sa mga nangangailangan. … Ang inspirasyon at espirituwal na patnubay ay darating dahil sa kabutihan at pagiging malapit sa ating Ama sa Langit. Ang hindi gawin ang mabuting gawaing ito ng pag-aayuno ay magkakait sa atin sa mga pagpapalang ito.”3
Natanggap ko ang isa sa mga pagpapalang iyon ilang linggo pa lang ang nakararaan. Dahil idinaraos ang pangkalahatang kumperensya nang Sabado’t Linggo na karaniwa’y kinabibilangan ng fast and testimony meeting, ako ay nag-ayuno at nanalangin upang malaman kung paano ko pa rin susundin ang kautusang pangalagaan ang mga nangangailangan.
Sa araw ng Sabado, habang nag-aayuno pa rin, gumising ako nang alas-6:00 ng umaga at muling nanalangin. Naisip kong tingnan ang balita sa iba’t ibang dako ng mundo. Doo’y nabasa ko ang ulat na ito:
Winasak ng Tropical Cyclone Pam ang maraming kabahayan nang direkta itong tumama sa Port Vila, ang kabisera ng Vanuatu. Kumitil ito ng anim na katao sa Vanuatu, ang unang balitang nakumpirma na dulot ng isa sa pinakamalalakas na bagyong tumama sa kalupaan.
“Halos walang punong nakatayo sa pananalasa [ng bagyo] sa” islang bansa sa Pasipiko.4
Ang emergency assessment team ng World Vision ay nagplanong tingnan ang pinsala pagkatapos ng bagyo.
Pinayuhan nila ang mga residente na magkanlong sa matitibay na gusali gaya ng mga unibersidad at paaralan.
At pagkatapos ay sinabi nila: “‘Ang pinakamatibay na gusali na mayroon sila ay mga sementadong simbahan,’ sabi ni Inga Mepham [mula sa] CARE International. …Ang ilan sa kanila ay wala nito. Mahirap maghanap ng istruktura na sa palagay mo ay hindi mawawasak ng isang (bagyong) Category 5.’”5
Nang mabasa ko iyan, naalala ko ang pagbisita ko sa maliliit na bahay sa Vanuatu. Parang nakikinita ko sa aking isipan ang mga taong nagsisiksikan sa mga bahay na winawasak ng malakas na hangin. At pagkatapos ay naalala ko ang magiliw na pagtanggap sa akin ng mga taga-Vanuatu. Naisip ko sila at ang kanilang mga kapitbahay na papunta sa ating sementadong chapel para maging ligtas.
Pagkatapos ay naisip ko na pinuntahan sila ng bishop at Relief Society president, na nagbibigay ng kapanatagan, mga kumot, pagkain, at tubig na maiinom. Parang nakikita ko ang takot na takot na mga batang nagsisiksikan.
Napakalayo nila mula sa aking kinaroroonan kung saan ko nabasa ang ulat na iyon, ngunit alam ko ang ginagawa ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod. Alam ko na natulungan nila ang mga anak na iyon ng Ama sa Langit dahil sa mga handog-ayuno, na kusang ibinigay ng mga disipulo ng Panginoon na nasa malayong lugar ngunit malapit sa Panginoon.
Kaya hindi ko na hinintay pang sumapit ang araw ng Linggo. Dinala ko ang aking handog-ayuno sa bishop ko nang umagang iyon. Alam ko na magagamit ng bishop at Relief Society president ang aking handog-ayuno para tulungan ang isang tao sa lugar namin. Ang aking munting handog-ayuno ay maaaring hindi kailanganin sa lugar na malapit sa tinitirhan namin ng pamilya ko, ngunit ang sobra naming handog-ayuno ay maaaring makarating kahit sa Vanuatu.
Darating ang iba pang mga bagyo at trahedya sa iba’t ibang dako ng mundo sa mga taong mahal ng Panginoon at ang kalungkutan nila ay Kanyang nadarama. Bahagi ng ating handog-ayuno sa buwang ito ay gagamitin upang tulungan ang sinuman, saanman, at ang ginhawang dulot nito sa kanila ay madarama ng Panginoon na para bang sa Kanya ito ginawa.
Marami pang magagawa ang inyong handog-ayuno maliban sa pagbibigay ng pagkain at kasuotan. Pagagalingin at babaguhin nito ang mga puso. Maaaring ang bunga ng kusang pagbibigay ng handog-ayuno ay maging dahilan upang ang taong natulungan nito ay hangarin ding tulungan ang ibang nangangailangan. Nangyayari iyan sa iba’t ibang dako ng mundo.
Nangyari ito sa buhay ni Sister Abie Turay, na nakatira sa Sierra Leone. Isang giyera sibil ang sumiklab noong 1991. Winasak nito ang bansa sa loob ng ilang taon. Ang Sierra Leone ay isa na sa pinakamahihirap na bansa sa mundo. “Sa panahon ng digmaan, hindi malinaw kung sino ang namamahala sa bansa—sarado … ang mga bangko, sarado ang mga opisina ng gobyerno, ang kapulisan [ay walang magawa sa mga rebelde], … at may kaguluhan, patayan, at kalungkutan. Libu-libo ang nawalan ng buhay at mahigit dalawang milyong tao ang napilitang umalis sa kanilang tahanan upang hindi mapatay.”6
Kahit sa gayong panahon, lumago ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Inorganisa ang isa sa mga unang branch sa lungsod kung saan nakatira si Sister Turay. Ang kanyang asawa ang unang branch president. Naglingkod siya bilang district president noong giyera sibil.
“Kapag may mga bumibisita sa bahay ni Sister Turay [ngayon], gustung-gusto niyang ipakita sa kanila ang dalawang [mahalagang bagay] mula sa digmaan: isang kamisetang may stripe na asul at puti na [nakuha niya] sa mga damit na [ipinadala ng mga miyembro ng Simbahan] at isang kumot, na ngayon ay lumang-luma na at butas-butas.”7
Sabi niya, “Ang kamisetang ito ang unang … damit [na natanggap] ko. … Madalas kong gamitin ito papunta sa trabaho—napakaganda nito. [Parang napakaganda ko kapag suot ko ito.] Wala akong ibang damit.
“Noong panahon ng digmaan, ang kumot na ito ang nakatulong sa amin ng mga anak ko para hindi kami ginawin. Kapag nilulusob kami ng mga rebelde, ito lang ang dinadala ko [kapag tumatakas kami papunta sa mga palumpong para magtago]. Kaya dinadala namin ang kumot na ito. Hindi kami giniginaw at kinakagat ng mga lamok dahil dito.”8
“Binanggit ni Sister Turay ang pasasalamat niya sa mission president na nagpunta na may dalang [pera] sa bansang winasak ng digmaan.” Dahil sa pondong iyon, na nagmula sa mga donasyon ng handog-ayuno ng mga taong katulad ninyo, nakabili ang mga Banal ng pagkaing hindi kayang bilhin ng karamihan sa mga taga-Sierra Leone.9
Sabi ni Sister Turay, nang banggitin niya ang mga taong bukas-palad na nagbigay ng donasyon para makaligtas sila, “Kapag naiisip ko ang mga taong gumawa nito … nadarama ko na [sila ay] sugo ng Diyos, dahil mga karaniwang tao ang gumawa ng kabutihang ito sa [amin].”10
Isang bisita mula sa Estados Unidos ang nakausap ni Abie kamakailan. Habang magkasama sila, ang kanyang mga mata ay “natuon sa set ng mga banal na kasulatan na nasa ibabaw ng mesa.” Masasabi niya na ang mga ito ay kayamanan, na “maraming tala sa mga column nito. Ang mga pahina ay [lumang-luma na]; napilas na ang ilan. Tanggal na ang pabalat.”
Kinuha niya ang mga banal na kasulatan “at maingat na binuklat ang mga pahina nito. Habang [binubuklat niya ito, nakakita siya ng isang] dilaw na kopya ng tithing donation slip. Nakita [niya] na, sa isang bansa kung saan [napakahalaga ng isang dolyar], si Abie Turay ay nagbayad ng isang dolyar para sa kanyang ikapu, isang dolyar para sa missionary fund, at isang dolyar para sa handog-ayuno para sa mga taong, ayon sa kanya, ay ‘talagang maralita.’”
Isinara ng bisita ang mga banal na kasulatan ni Sister Turay at naisip, habang nakatayong kasama ang matapat na inang ito na taga-Africa, na siya ay nakatayo sa banal na lugar.11
Tulad ng ang pagtanggap sa ating handog-ayuno ay nagpapabago ng puso, gayon din ang pag-aayuno para sa kapakanan ng iba. Madarama ito kahit ng isang bata.
Maraming bata, at ilang nasa hustong gulang, na dahil sa personal na mga kadahilanan ay maaaring mahirapang mag-ayuno nang 24 na oras. Maaari nilang madama na ang pag-aayuno, ayon sa mga salita ni Isaias, ay “nagpahirap sa kanilang kaluluwa.” Alam ng matatalinong magulang na posible iyan at mahigpit nilang sinunod ang payo ni Pangulong Joseph F. Smith: “Mas mainam na ituro sa kanila ang alituntunin, at hayaan silang sundin ito kapag sila ay nasa hustong gulang na para pumili nang matalino.”12
Nakita ko ang mga pagpapala sa payong iyan kamakailan. Nadama ng isa sa aking mga apong lalaki na imposible niyang makayang mag-ayuno nang 24 na oras. Ngunit patuloy na itinimo ng kanyang matatalinong magulang ang alituntunin sa kanyang puso. Namatay sa aksidente ang batang pinsan ng isa sa kanyang mga kaibigan sa paaralan. Itinanong ng aking apo sa kanyang ina sa araw ng ayuno, noong panahon na nadama niyang napakahirap ituloy ang pag-aayuno, kung bubuti ang pakiramdam ng kanyang nagdadalamhating kaibigan kung itutuloy niya ang kanyang pag-aayuno.
Ang tanong niya ay patunay sa payo ni Pangulong Joseph F. Smith. Umabot ang apo ko sa puntong hindi lamang niya naunawaan ang alituntunin ng pag-aayuno, kundi natanim pa ito sa kanyang puso. Nadama niya na ang kanyang pag-aayuno at panalangin ay maaaring humantong sa isang pagpapala mula sa Diyos para sa isang taong nangangailangan. Kung madalas niyang ipamumuhay ang alituntunin, magdudulot ito ng mabubuting epekto sa kanyang buhay, gaya ng ipinangako ng Panginoon. Magkakaroon siya ng espirituwal na pagpapala na tumanggap ng inspirasyon at higit na kakayahang labanan ang tukso.
Hindi natin alam ang lahat ng dahilan kung bakit nagtungo si Jesucristo sa ilang para mag-ayuno at manalangin. Ngunit alam natin ang isa man lang sa mga epekto nito: lubos na napaglabanan ng Tagapagligtas ang mga tukso ni Satanas na gamitin sa hindi tamang paraan ang Kanyang banal na kapangyarihan.
Ang maikling oras ng pag-aayuno natin buwan-buwan at ang maliit na halagang ibinibigay natin para sa mga maralita ay maaaring gumawa ng bahagyang pagbabago sa ating pagkatao na wala na tayong hangaring gumawa ng masama. Ngunit may isang dakilang pangako na ibinigay sa atin kapag ginawa natin ang lahat ng ating makakaya para manalangin, mag-ayuno, at mag-ambag para sa mga nangangailangan:
“Kung magkagayo’y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay likod.
“Kung magkagayo’y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya’y magsasabi, Narito ako.”13
Dalangin ko na makamtan natin ang mga dakilang pagpapalang iyon para sa ating sarili at sa ating pamilya.
Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo, na sa Kanyang Simbahan tayo ay inaanyayahang tumulong sa Kanya sa pangangalaga Niya sa mga maralita ayon sa Kanyang pamamaraan, at na Siya ay nangangako na darating ang walang-hanggang mga pagpapala dahil sa pagtulong natin sa Kanya. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.