2015
Pagbalik sa Pananampalataya
Mayo 2015


Pagbalik sa Pananampalataya

Mapapalakas nating lahat ang ating pananampalataya kay Jesucristo sa ating kani-kanyang paglalakbay at paghahanap ng kagalakan.

Sa umagang ito ng Pasko ng Pagkabuhay, Pangulong Monson, lubos kaming nagpapasalamat na marinig ang tinig ng aming buhay na propeta. Pinahahalagahan namin ang inyong mga salita, at ang inyong payo na “Magkaroon ng kagalakan sa paglalakbay”1 at “Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya.”2

Sa taong ito ang mga batang Primary ay magbabahagi ng kagalakan at liwanag ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo sa pagkanta ng awiting “Ako ay Minamahal Niya.” Kinanta nila ang katotohanang “Alam Ko na Siya ay buhay! … Puso’y ibibigay.”3 Gaya ng mga batang Primary, mapapalakas nating lahat ang ating pananampalataya kay Jesucristo sa ating kani-kanyang paglalakbay at paghahanap ng kagalakan.

Sa isang miting ng Relief Society kamakailan, narinig kong nagkuwento ang isang bata pang ina tungkol sa kanyang lubos na pagbabalik-loob. Pinalaki siya sa Simbahan ng mga magulang na nagturo sa kanya ng ebanghelyo. Dumalo siya sa Primary, Young Women, at seminary. Gusto niyang matuto at tumuklas ng mga katotohanan. Lagi niyang hangad na malaman kung bakit. Sabi ni Elder Russell M. Nelson, “Tanging ang isipang nagtatanong ang matuturuan ng Panginoon.”4 At ang dalagitang ito ay madaling turuan.

Pagkatapos ng high school nag-aral siya sa isang unibersidad, ibinuklod sa templo sa isang returned missionary, at biniyayaan ng magagandang anak.

Dahil palatanong, patuloy na nagtanong ang inang ito. Ngunit habang lumalalim ang mga tanong, gayon din ang mga sagot. At kung minsan ay walang mga sagot—o walang mga sagot na naghahatid ng kapayapaan. Kalaunan nang hangarin niyang malaman ang mga sagot, lalong dumami ang mga tanong, at nagsimula siyang magduda sa ilan sa mismong pundasyon ng kanyang pananampalataya.

Sa panahong ito ng kalituhan, sabi ng ilan sa mga nakapaligid sa kanya, “Sumandig ka lang sa pananampalataya ko.” Ngunit naisip niya, “Hindi puwede. Hindi mo naiintindihan; hindi ikaw ang may problema.” Paliwanag niya, “Handa akong igalang ang mga taong walang pagdududa, kung igagalang nila ako.” At iginalang ng marami ang pananaw niyang iyon.

Sabi niya, “Alam ng mga magulang ko ang nilalaman ng puso ko at hinayaan nila ako. Pinili nilang mahalin ako habang sinisikap kong unawain itong mag-isa.” Gayundin, ang bishop ng bata pang inang ito ay madalas siyang kausapin at sabihing may tiwala ito sa kanya.

Hindi nag-atubili ang mga miyembro ng ward na pakitaan siya ng pagmamahal, at nadama niyang kabilang siya. Ang kanyang ward ay hindi isang lugar kung saan nagkukunwaring perpekto ang mga tao; doon ay pinangangalagaan nila ang isa’t isa.

“Nakakatuwa,” paggunita niya. “Sa panahong ito ko nadama ang tunay na kaugnayan ko sa mga lolo’t lola kong pumanaw na. Pinalalakas nila ako at hinihimok na magsikap pa. Nadama kong sinasabi nila, ‘Magtuon ka sa alam mo.’”

Sa kabila ng maraming taong sumusuporta sa kanya, hindi na siya nagsimba. Sabi niya, “Hindi ako lumayo sa Simbahan dahil sa masamang asal, kawalan ng pagpapahalaga sa espirituwal, sa paghahanap ng katwiran na hindi sundin ang mga kautusan, o paghahanap ng solusyon. Pakiramdam ko kailangan ko ng sagot sa tanong na ‘Ano ba talaga ang pinaniniwalaan ko?’”

Sa panahong ito binasa niya ang isang aklat ng mga isinulat ni Mother Teresa, na nagbahagi ng gayon ding damdamin. Sa isang liham noong 1953, isinulat ni Mother Teresa: “Ipagdasal sana ninyo lalo na ako nang hindi ko masira ang Kanyang gawain at nang ipakita ng ating Panginoon ang Kanyang Sarili—sapagkat may nakakikilabot na kadiliman sa aking kalooban, na para bang lahat ay patay na. Ganito na ang pakiramdam ko noon pa mang simulan ko ‘ang gawain.’ Hilingin ninyo sa ating Panginoon na palakasin ang loob ko.”

Sagot ni Archbishop Périer: “Ginagabayan ka ng Diyos, mahal na Mother [Teresa]; wala ka sa kadiliman na tulad ng iniisip mo. Ang landas na tatahakin ay maaaring hindi palaging maliwanag kaagad. Ipagdasal na magkaroon ka ng kaliwanagan; huwag kaagad-agad magpasiya, makinig sa sasabihin ng iba, isaisip ang mga katwiran nila. Laging may makakatulong sa iyo. … Sa paggabay ng pananampalataya, panalangin, at katwiran na may tamang layunin, sapat na ang nasa iyo.”5

Naisip ng kaibigan ko na kung naipamumuhay ni Mother Teresa ang kanyang relihiyon kahit di nasasagot ang lahat ng tanong niya at di malinaw ang lahat sa kanya, siguro magagawa niya rin iyon. Maaari siyang sumulong nang may pananampalataya—sa paisa-isang hakbang. Maaari siyang magtuon sa mga katotohanang pinaniwalaan niya at hayaang puspusin nito ang kanyang puso’t isipan.

Nang mapag-isipan niya ito, sinabi niya, “Ang aking patotoo ay nauwi na sa wala. Nawala nang lahat. Ang tanging natira ay si Jesucristo.” Sabi pa niya, “Ngunit hindi ka Niya iiwanan kapag may mga tanong ka. Kapag may nagsisikap na sundin ang mga kautusan, malalapitan nila ang Tagapagligtas. Naging napakahalaga ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.”

Ang una niyang hakbang para magkaroon muli ng pananampalataya ay magsimula sa mga pangunahing katotohanan ng ebanghelyo. Nagdala siya ng isang Primary songbook at sinimulan niyang basahin ang mga titik ng mga awitin. Napamahal sa kanya ang mga iyon. Ipinagdasal niyang pagaanin ng pananampalataya ang bigat na kanyang nadama.

Nalaman niya na kapag may nabasa siyang pahayag na magiging sanhi para magduda siya, “maaari siyang tumigil, isipin ang kaugnayan nito sa mga pinaniniwalaan niya, at kung ano ang epekto nito sa buhay niya.” Sabi niya, “Itinatanong ko, ‘Ito ba ang tamang landas para sa amin ng pamilya ko?’ Kung minsan itinatanong ko sa sarili ko, ‘Ano ang gusto ko para sa mga anak ko?’ Natanto ko na gusto ko silang makasal sa templo. Noon nagbalik ang paniniwala sa puso ko.”

Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland, “Ang pagpapakumbaba, pananampalataya, at impluwensya ng Banal na Espiritu palagi ang ma[gi]ging mga elemento ng bawat paghahanap ng katotohanan.”6

Kahit may mga tanong siya tungkol sa kung paano nagawa ang Aklat ni Mormon, hindi niya maitatanggi ang mga katotohanang nalaman niya sa Aklat ni Mormon. Nagtuon siya sa pag-aaral ng Bagong Tipan para mas maunawaan ang Tagapagligtas. “Ngunit kalaunan,” sabi niya, “binalikan ko ang Aklat ni Mormon dahil gustung-gusto ko ang nadama ko nang mabasa ko ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.”

Pagtatapos niya, “Kailangang magkaroon ka ng sariling espirituwal na karanasan sa mga katotohanan na nasa aklat na iyon,” at naranasan niya iyon. Paliwanag niya, “Binasa ko ang Mosias at lubos akong napatnubayan: ‘Maniwala sa Diyos; maniwala na siya nga, at na siya ang lumikha ng lahat ng bagay … ; maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa; maniwalang hindi nauunawaan ng tao ang lahat ng bagay na nauunawaan ng Panginoon.’7

Sa panahong ito, tinawag siyang maglingkod sa Primary bilang piyanista. “Masaya iyon,” sabi niya. “Gusto kong maisama ang mga anak ko sa Primary, at ngayo’y makakasama ko na sila. At hindi pa ako handang magturo.” Nang maglingkod siya, patuloy niyang nadama ang pagmamahal ng mga nakapaligid sa kanya: “Halika, gusto ka namin anuman ang espirituwalidad mo ngayon, at tutulungan ka namin. Gawin mo lang ang kaya mo.”

Sa pagtugtog ng mga awitin sa Primary, madalas naiisip niya na: “Narito ang mga katotohanang gusto ko. Makakapagpatotoo pa rin ako. Sasabihin ko lang ang mga bagay na alam ko at pinagtitiwalaan ko. Hindi man ito perpektong pag-aalay ng kaalaman, ngunit ito ang magiging alay ko. Lumalakas ang patotoo ko sa mga bagay na pinatototohanan ko. Magandang balikan ang diwa ng ebanghelyo at makadama ng kaliwanagan.”

Sa Linggo ng umagang iyon, nang makinig ako sa kuwento ng miyembrong ito tungkol sa kanyang lubos na pagbabalik-loob, naalala ko na “sa bato na ating Manunubos” dapat nating itayo ang ating saligan.8 Naalala ko rin ang payo ni Elder Jeffrey R. Holland: “Manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman.”9

Sa kanyang aralin, nalaman ko nang mas taimtim na ang mga sagot sa ating tapat na mga tanong ay dumarating kapag masigasig nating hinahanap at sinusunod ang mga kautusan. Naalala ko na matutulungan tayo ng ating pananampalataya na maniwala sa mga bagay na walang kabuluhan sa atin sa oras na iyon.

At, gustung-gusto kong maging katulad ng mga taong nakapaligid sa bata pang inang ito, na nagmahal at sumuporta sa kanya. Sabi nga ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Lahat tayo ay mga manlalakbay na naghahanap ng liwanag ng Diyos habang tumatahak tayo sa landas ng pagkadisipulo. Hindi natin isinusumpa ang iba sa laki ng liwanag na maaari o hindi maaaring taglay nila; bagkus, pinangangalagaan at hinihikayat natin ang lahat ng liwanag hanggang sa luminaw ito, maging maningning, at tunay.”10

Nang kantahin ng mga batang Primary ang “Panalangin ng Isang Bata,” itinanong nila: “Ama sa Langit, kayo ba’y nar’yan? Dalangin ba ng musmos, pinakikinggan?”11

Maaari din nating maisip, “Nariyan kaya ang Ama sa Langit?” para lamang magalak—tulad ng kaibigan ko—kapag dumating ang mga sagot sa tahimik at simpleng mga pagtiyak. Pinatototohanan ko na dumarating ang mga simpleng pagtiyak na iyon kapag umayon tayo sa Kanyang kalooban. Pinatototohanan ko na ang katotohanang iyan ay nasa mundo ngayon at ang Kanyang ebanghelyo ay matatagpuan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Pagkakaroon ng Kagalakan sa Paglalakbay,” Liahona, Nob. 2008, 85.

  2. Thomas S. Monson, “Magalak,” Liahona, Mayo 2009, 92.

  3. “Ako ay Minamahal Niya,” sa Alam Kong Buhay ang Aking Tagapagligtas: 2015 Outline para sa Oras ng Pagbabahagi (2014), 28–29.

  4. Russell M. Nelson, sa M. Russell Ballard, “What Came from Kirtland” (Brigham Young University fireside, Nob. 6, 1994); speeches.byu.edu.

  5. Sa Mother Teresa: Come Be My Light; The Private Writings of the Saint of Calcutta, ed. Brian Kolodiejchuk (2007), 149–50; inayon sa pamantayan ang pagbabantas.

  6. Jeffrey R. Holland, “Huwag Kang Matakot, Manampalataya Ka Lamang” (isang gabi na kasama si Elder Jeffrey R. Holland, Peb. 6, 2015); lds.org/broadcasts.

  7. Mosias 4:9.

  8. Tingnan sa Helaman 5:12.

  9. Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 94.

  10. Dieter F. Uchtdorf, “Pagtanggap ng Patotoo sa Liwanag at Katotohanan,” Liahona, Nob. 2014, 22.

  11. “Panalangin ng Isang Bata,” Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7.