2015
Ang Plano ng Kaligayahan
Mayo 2015


Ang Plano ng Kaligayahan

Ang katapusan ng lahat ng gawain sa Simbahan ay ang makita ang isang lalaki at isang babae at mga anak nila na masaya sa tahanan at ibinuklod para sa panahong ito at sa buong kawalang-hanggan.

Maraming taon na ang nakalipas, matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nag-aral ako sa kolehiyo. Doon ko nakilala si Donna Smith. Nang panahong iyon nabasa ko na ang dalawang mahahalagang sangkap sa matagumpay na pag-aasawa ay biskwit at halik. Naisip ko na magandang kombinasyon iyon.

Nag-aaral ako noon sa umaga at pagkatapos ay bumabalik sa Brigham City para magtrabaho sa talyer ng aking ama pagsapit ng hapon. Ang huling klase ni Donna sa umaga ay home economics. Dumadaan ako sa silid-aralan niya bago ako umuwi. May kakapalan ang salamin sa pintuan ng kanilang silid, pero kapag tumayo ako sa tapat ng salamin, naaaninag niya ako. Tahimik siyang lalabas ng silid at bibigyan ako ng biskwit at halik. At alam naman ninyo ang magandang ibinunga nito. Ikinasal kami sa Logan Temple, at iyon na ang simula ng masayang pakikipagsapalaran namin sa buhay.

Sa paglipas ng mga taon madalas kong itinuro ang isang mahalagang alituntunin: ang katapusan ng lahat ng gawain sa Simbahan ay ang makita ang isang lalaki at isang babae at ang kanilang mga anak na masaya sa tahanan at ibinuklod para sa panahong ito at sa buong kawalang-hanggan.

Sa simula:

“Bumaba ang mga Diyos upang buuin ang tao sa kanilang sariling anyo, sa anyo ng mga Diyos ay kanila siyang huhubugin, lalaki at babae ay kanila silang huhubugin.

“At sinabi ng mga Diyos: Babasbasan natin sila. At sinabi ng mga Diyos: Gagawin natin sila na maging palaanakin at magpakarami, at kalatan ang lupa, at supilin ito” (Abraham 4:27–28).

Sa gayon ang takbo ng buhay ng tao ay nagsimula sa mundong ito nang “nakilala ni Adan ang kanyang asawa, at siya ay nagsilang sa kanya ng mga anak na lalaki at babae, at sila ay nagsimulang dumami at kinalatan ang lupa.

“At … ang mga anak na lalaki at babae ni Adan ay nagsimulang mahati nang dala-dalawa sa lupa, … at sila ay nagkaroon din ng mga anak na lalaki at babae” (Moises 5:2–3).

Ang utos na magpakarami at kalatan ang lupa ay hindi kailanman binawi. Ito ay mahalaga sa plano ng pagtubos at ito ang pinagmumulan ng kaligayahan ng tao. Sa matuwid na paggamit ng kapangyarihang ito, maaari tayong mapalapit sa ating Ama sa Langit at maranasan ang lubos na kagalakan, maging ang pagkadiyos. Ang kapangyarihang lumikha ng bata ay hindi nagkataon lang na bahagi ng plano ng kaligayahan; ito ang susi sa kaligayahan.

Ang hangaring magtalik ng mga tao ay hindi nagbabago at masidhi. Ang ating kaligayahan sa buhay na ito, ang ating kagalakan at kadakilaan ay depende sa paraan ng pagtugon natin sa masidhi at mapamukaw na pagnanasang ito. Kapag ang mga kabinataan at kadalagahan ay may kakayahan nang magkaanak, may damdaming likas na dumarating sa kanila, na kaiba sa iba pang nararanasan ng katawan.

Karaniwang nagsisimula ang pagtatalik sa pag-iibigan. Magkakaiba man ang maaaring nakagawian, karaniwang pinatitindi ito ng mga nababasang kuwento ng pag-iibigan na nagpaparanas ng tuwa at pananabik, at kung minsan pa nga ay pagtanggi ng isang minamahal. Nariyan ang mga pagliligawan sa ilalim ng liwanag ng buwan, pagbibigay ng mga rosas, liham, awit, at tula ng pag-ibig, paghahawak-kamay, at iba pang pagpapakita ng pagmamahal ng dalaga’t binata. Parang wala nang ibang nakikita ang dalawang nag-iibigan, masayang-masaya sila sa piling ng isa’t isa.

At kung inaakala ninyo na ang ganap na kaligayahan sa pag-ibig ay mararanasan sa sandaling ang dalawang nagsisimula pa lang mag-ibigan ay may kakayahan nang lumikha ng buhay, marahil ay dapat muna ninyong maranasan ang katapatan at kapanatagang dulot ng matagal na pagsasama ng mag-asawang nagmamahalan. Ang mag-asawa ay sinusubok ng tukso, di-pagkakaunawaan, problema sa pera, krisis sa pamilya, at karamdaman, ngunit sa kabila nito ay lalo pang tumitibay ang pagmamahalan. Ang pag-aasawang subok na ng panahon ay may lubos na kaligayahang hindi aakalain ng mga bagong kasal.

Ang tunay na pagmamahal ay handang maghintay munang maikasal bago lubusang gamitin ang sagradong kapangyarihang lumikha ng buhay. Ibig sabihin ay iwasan ang sitwasyong maaaring pumukaw ng pagnanasa. Ipinapahiwatig ng dalisay na pagmamahal na kailangan ang lubusang katapatan, ang maikasal nang legal at ayon sa batas, at pagkatapos maibuklod ng ordenansa sa templo ay doon lamang gamitin ang kapangyarihang iyon na lumikha ng buhay ayon sa pahintulot ng Diyos upang maipahayag nang lubos ang pagmamahal. Ito ay ilalaan lamang sa iisa at tanging makakasama ninyo sa kawalang-hanggan.

Kapag ginawa nang karapat-dapat, ang prosesong ito ay kapapalooban ng lahat ng pinaka-katangi-tangi at dinakilang pisikal, emosyonal, at espirituwal na damdaming kaakibat ng salitang pagmamahal. Ang bahaging iyan ng buhay ay walang kapantay, walang katulad o katumbas, sa lahat ng mararanasan ng tao. Ito ay tatagal nang walang-hanggan, kapag ang mga tipan ay ginawa at tinupad “sapagkat naroroon ang mga susi ng banal na pagkasaserdote na inorden, upang kayo ay makatanggap ng karangalan at kaluwalhatian” (D at T 124:34), “kung aling kaluwalhatian ay magiging isang kaganapan at isang pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman at walang katapusan” (D at T 132:19).

Ngunit ang romantikong pag-ibig ay hindi kumpleto; ito ay simula lamang. Ang pag-ibig ay napapatatag sa pagdating ng mga anak, na bunga ng kapangyarihang lumikha na ipinagkatiwala sa mag-asawa. Ang pagdadalang-tao ay nagaganap bunga ng pagsasama ng mag-asawa. Isang munting katawan ang nagsisimulang mabuo sa isang kagila-gilalas na paraan. Iniluluwal ang sanggol sa mahimalang pagsilang, nilikha sa wangis ng kanyang ama at ina sa lupa. Nasa loob ng kanyang mortal na katawan ang isang espiritu na nakadarama at nakahihiwatig ng mga espirituwal na bagay. Sa mortal na katawan ng batang ito ay naroon ang hindi pa magagamit na kapangyarihang lumikha ng anak sa sarili nitong wangis.

“Ang espiritu at ang katawan ang kaluluwa ng tao” (D at T 88:15), at may espirituwal at pisikal na mga batas na susundin para tayo maging maligaya. May mga walang-hanggang batas, kabilang na ang batas na may kinalaman sa kapangyarihang ito na nagbibigay ng buhay, “hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay” (D at T 130:20). Ito ay mga batas na espirituwal na naglalarawan sa pamantayan ng kagandahang-asal para sa lahat ng tao (tingnan sa Joseph Smith Translation, Mga Taga Roma 7:14–15 [sa Bible appendix]; 2 Nephi 2:5; D at T 29:34; 134:6). Ito ay mga tipan na nagbibigkis, nagbubuklod, at nangangalaga at nangangako ng walang-hanggang mga pagpapala.

Pinayuhan ni Alma ang kanyang anak na si Shiblon, “Tiyakin ding pigilin ang lahat ng iyong silakbo ng damdamin; upang mapuspos ka ng pagmamahal” (Alma 38:12). Ang kabisada ay ginagamit upang gumabay, magbigay ng direksyon, at pumigil. Ang silakbo ng ating damdamin ay maaaring pigilin. Kapag ginamit nang ayon sa batas, ang kapangyarihang lumikha ng buhay ay magpapala at magpapabanal (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1999], 191).

Ang mga tukso ay laging nariyan. Dahil ang kaaway ay hindi makalilikha ng buhay, naiinggit siya sa lahat ng nagtataglay ng sagradong kapangyarihang iyan. Siya at ang lahat ng sumunod sa kanya ay pinalayas at pinagkaitan ng karapatang magkaroon ng mortal na katawan. “Hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 2:27). Siya ay manunukso, kung kanyang magagawa, na hamakin, pasamain, at kung maaari, wasakin ang kaloob na ito na magbibigay sa atin ng walang-hanggang pag-unlad, kung tayo ay karapat-dapat (tingnan sa D at T 132:28–31).

Kung dudungisan natin ang ating kapangyarihang lumikha ng buhay o aakayin ang iba na magkasala, may parusang mas “masidhi” at “mahirap dalhin” (D at T 19:15) kaysa lahat ng pisikal na kasiyahang kapalit nito.

Sinabi ni Alma sa anak niyang si Corianton, “Hindi mo ba alam, anak ko, na ang mga bagay na ito ay karumal-dumal sa paningin ng Panginoon; oo, pinakakarumal-dumal sa lahat ng kasalanan maliban sa pagpapadanak ng dugo ng walang malay o sa pagtatatwa sa Espiritu Santo?” (Alma 39:5). Hindi natin maliligtasan ang mga bunga ng ating pagsuway.

Ang tanging lehitimo at awtorisadong paggamit ng kapangyarihang lumikha ng bata ay tanging sa mag-asawa lamang, isang lalaki at isang babae, na ikinasal nang legal at ayon sa batas. Anumang bagay maliban dito ay paglabag sa mga utos ng Diyos. Huwag padaig sa kakila-kilabot na mga tukso ng kaaway, sapagkat lahat ng utang na pagkakasala ay dapat pagbayaran “hanggang sa … katapustapusang beles” (Mateo 5:26).

Walang ibang kakikitaan ng kabaitan at awa ng Diyos maliban sa pagsisisi.

Ang ating pisikal na katawan, kapag nasaktan, ay kayang gamutin ang sarili, kung minsan sa tulong ng isang doktor. Kung malaki ang pinsala, gayunman, kadalasang may naiiwang pilat na nagpapaalala sa sugat.

Hindi nangyayari ito sa ating mga espirituwal na katawan. Ang ating mga espiritu ay napipinsala kapag tayo ay nagkakamali at nagkakasala. Ngunit hindi tulad ng nangyayari sa ating mortal na katawan, kapag ganap na nagsisi, walang pilat na maiiwan dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang pangako ay: “Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito” (D at T 58:42).

Kapag nagsasalita tayo tungkol sa kasal at pamilya, may mga tanong na tiyak na papasok sa isipan, “Paano naman ang mga eksepsyon?” May mga taong isinilang na may mga limitasyon at hindi magkakaanak. May ilan na wala namang kasalanan ngunit nasira ang pamilya dahil sa pagtataksil ng kanilang asawa. Ang iba ay hindi nakapag-asawa at matwid na namumuhay.

Sa ngayon, ibinibigay ko ang kapanatagang ito: Ang Diyos ay ating Ama! Ang lahat ng pagmamahal at kabaitang makikita sa isang ulirang ama sa lupa ay makikita sa Kanya na ating Ama at ating Diyos nang higit pa sa kakayahang maunawaan ng isipan ng tao. Ang Kanyang mga paghatol ay makatarungan; ang Kanyang awa ay walang limitasyon; ang Kanyang kapangyarihang magbigay ng gantimpala ay walang kapantay sa mundo. “Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag” (1 Mga Taga Corinto 15:19).

Mapitagan ko ngayong gagamitin ang salitang templo. Nakikinita ko ang isang sealing room at isang altar na may mag-asawang nakaluhod. Ang sagradong ordenansang ito ng templo ay higit pa sa isang kasalan, sapagkat ang pag-iisang dibdib na ito ay maaaring mabuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako, at ipinahahayag ng mga banal na kasulatan na tayo ay “magmamana ng mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan” (D at T 132:19). Nakikita ko ang galak na naghihintay sa mga tumatanggap ng makalangit na kaloob na ito at karapat-dapat na ginagamit ito.

Kami ni Sister Donna Smith Packer ay halos 70 taon nang kasal. Pagdating sa aking asawa, ang ina ng aming mga anak, wala akong sapat na masasabi. Napakasidhi ng aking damdamin at napakatindi ng aking pasasalamat na halos hindi ko ito maipahayag. Ang pinakadakilang gantimpalang natanggap namin sa buhay na ito, at sa buhay na darating, ay ang aming mga anak at mga apo. Sa pagtatapos ng aming buhay sa lupa, nagpapasalamat ako sa bawat sandaling kapiling siya at sa pangako ng Panginoon na ito ay walang katapusan.

Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo at ang Anak ng Diyos na buhay. Siya ang namumuno sa Simbahang ito. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at ng kapangyarihan ng priesthood, ang mga pamilya na nagsimula sa buhay na ito ay maaaring magkasama-sama sa kawalang-hanggan. Ang Pagbabayad-sala, na maaaring muling umangkin sa bawat isa sa atin, ay hindi nag-iiwan ng pilat. Ang ibig sabihin niyan anuman ang ating nagawa o saanman tayo naroon dati o paano man nangyari ang isang bagay, kung tunay tayong magsisisi, nangako Siya na magbabayad-sala Siya. At nang gawin Niya ang pagbabayad-sala, naisaayos ang lahat. Marami sa atin ang nahihirapang ituwid ang buhay, gaya ng dati, dahil sa panunurot ng budhi, at hindi alam kung paano ito tatakasan. Tumakas ka sa pamamagitan ng pagtanggap ng Pagbabayad-sala ni Cristo, at lahat ng sama-ng-loob ay magiging kagandahan at pag-ibig at kawalang-hanggan.

Nagpapasalamat ako sa mga pagpapala ng Panginoong Jesucristo, sa kapangyarihan ng pag-aanak, sa kapangyarihan ng pagtubos, sa Pagbabayad-sala—ang Pagbabayad-sala na makahuhugas sa bawat mantsa gaano man kahirap o katagal o ilang beses mang inulit. Maaari kang palayaing muli ng Pagbabayad-sala para makasulong, nang malinis at karapat-dapat, para tahakin ang landas na pinili mo sa buhay.

Pinatototohanan ko na buhay ang Diyos, na si Jesus ang Cristo, na ang Pagbabayad-sala ay hindi pangkalahatan para sa buong Simbahan. Ang Pagbabayad-sala ay sa bawat isa, at kung may bumabagabag sa iyo—kung minsa’y napakatagal na kaya halos hindi mo na maalala ito—hayaang ang Pagbabayad-sala ang mag-ayos nito. Ito ang maglilinis, at ikaw, tulad Niya, ay hindi na maaalala pa ang iyong kasalanan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.