2015
Mga Pagpapala ng Templo
Mayo 2015


Mga Pagpapala ng Templo

Sa pagpunta natin sa templo, maaaring madagdagan ang ating espirituwalidad at makadarama tayo ng kapayapaan.

Mahal kong mga kapatid, labis akong nagpapasalamat na makasama kayo sa magandang umagang ito ng Pasko ng Pagkabuhay kung kailan bumabaling ang ating isipan sa Tagapagligtas ng sanlibutan. Ipinapaabot ko ang aking pagmamahal at pagbati sa bawat isa sa inyo at dalangin ko na bigyang-inspirasyon ng ating Ama sa Langit ang aking mga salita.

Ang kumperensyang ito ang ikapitong taon simula nang sang-ayunan ako bilang Pangulo ng Simbahan. Abala tayo sa nagdaang mga taon, na puno hindi lamang ng ilang hamon kundi maging ng di-mabilang na mga pagpapala. Kabilang sa pinakamasasaya at sagradong mga pagpapalang ito ang pagkakataon kong maglaan at muling maglaan ng mga templo.

Nitong huli, noong nakaraang Nobyembre nagkaroon ako ng pribilehiyong ilaan ang maganda at bagong Phoenix Arizona Temple. Sinamahan ako nina Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Elder Dallin H. Oaks, Elder Richard J. Maynes, Elder Lynn G. Robbins, at Elder Kent F. Richards. Noong gabi bago ang paglalaan, isang kahanga-hangang kultural na pagdiriwang ang idinaos kung saan mahigit 4,000 sa ating mga kabataan mula sa temple district ang nagsagawa ng napakagandang pagtatanghal. Kinabukasan inilaan ang templo sa tatlong sagrado at nagbibigay-inspirasyong mga sesyon.

Ang pagtatayo ng mga templo ay napakalinaw na pahiwatig ng pag-unlad ng Simbahan. Tayo sa kasalukuyan ay may 144 na mga templong ginagamit sa buong mundo, 5 ang sumasailalim ng renobasyon at 13 iba pa ang kasalukuyang itinatayo. Bukod dito, 13 templo na ibinalita noon ang nasa iba’t ibang bahagi na ng paghahanda bago simulan ang pagtatayo. Sa taong ito inaasam naming muling ilaan ang 2 templo at ilaan ang 5 pang bagong templo na nakaiskedyul nang matapos.

Sa nakaraang dalawang taon, dahil itinuon namin ang ating pagsisikap sa pagkumpleto ng dati nang ibinalitang mga templo, ipinagpaliban namin ang mga planong magdagdag ng mga templo. Gayunman, ngayong umaga, nasisiyahan akong ibalita ang tatlong bagong templong itatayo sa mga lugar na ito: Abidjan, Ivory Coast; Port-au-Prince, Haiti; at Bangkok, Thailand. Kagila-gilalas ang mga pagpapalang naghihintay sa ating matatapat na miyembro sa mga lugar na ito, at totoo ito sa lahat ng dako ng mundo na may mga templo.

Patuloy ang proseso ng pag-alam sa mga pangangailangan at paghahanap ng mga lugar para sa karagdagang mga templo, dahil hangad namin na hangga’t maaari ay maraming miyembro ang magkaroon ng pagkakataong makapunta sa templo nang di-gaanong nagsasakripisyo ng oras at salapi. Tulad ng ginawa namin noon, ipaaalam namin sa inyo kapag may mga desisyon na ukol dito.

Kapag iniisip ko ang mga templo, bumabaling ang isipan ko sa maraming pagpapalang tinatanggap natin sa loob nito. Kapag pumasok tayo sa mga pintuan ng templo, tinatalikuran natin ang mga panggagambala at kaguluhan ng mundo. Sa loob ng sagradong santuwaryong ito, nakakakita tayo ng kagandahan at kaayusan. May kapahingahan para sa ating kaluluwa at kapanatagan mula sa mga problema natin sa buhay.

Sa pagpunta natin sa templo, maaaring madagdagan ang ating espirituwalidad at makadarama tayo ng kapayapaan na higit pa sa anumang damdaming maaaring dumating sa puso ng tao. Mauunawaan natin ang tunay na kahulugan ng mga salita ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. … Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.”1

Ang gayong kapayapaan ay maaaring tumagos sa puso ninuman—mga pusong nagugulumihanan, mga pusong nagdadalamhati, mga pusong nalilito, mga pusong humihingi ng tulong.

Nalaman ko mismo kamakailan ang tungkol sa isang binata na nagpunta sa templo nang may pusong humihingi ng tulong. Maraming buwan bago iyon natanggap niya ang kanyang tawag na magmisyon sa South America. Gayunman, matagal na naatraso ang kanyang visa kaya idinestino siya sa isang mission sa Estados Unidos. Bagama’t nalungkot na hindi siya makapaglilingkod sa lugar kung saan siya orihinal na tinawag, nagsikap pa rin siya nang husto sa kanyang bagong assignment, na determinadong maglingkod sa abot ng kanyang makakaya. Gayunman, pinanghinaan siya ng loob dahil sa di-magandang mga karanasan niya sa mga missionary na sa tingin niya ay mas interesadong magpakasaya kaysa magbahagi ng ebanghelyo.

Pagkaraan ng ilang buwan nagkasakit nang malubha ang binatang ito at bahagya siyang naparalisado, kaya pinauwi siya para magpagaling.

Makalipas ang ilang buwan lubusang gumaling ang binatang ito, at naglaho ang pagkaparalisado niya. Ipinaalam sa kanya na muli siyang makapagmimisyon, isang pagpapalang araw-araw niyang ipinagdarasal. Ang malungkot lang na balita ay babalik siya sa dating mission na iniwan niya, kung saan niya nadama na ang mga asal at pag-uugali ng ilang missionary ay hindi nararapat.

Nagpunta siya sa templo para humingi ng kapanatagan at katibayan na magkakaroon siya ng magandang karanasan bilang missionary. Ipinagdasal din ng kanyang mga magulang na sana ang pagpuntang ito sa templo ay makatulong sa kanilang anak.

Nang pumasok ang binata sa celestial room pagkatapos ng sesyon, naupo siya sa isang silya at nagsimulang manalangin na patnubayan siya ng kanyang Ama sa Langit.

Maya-maya ay isa pang binata ang pumasok sa celestial room na ang pangalan ay Landon. Pagpasok nito sa silid, agad natuon ang kanyang tingin sa binatang nakaupo sa silya, na nakapikit at halatang nagdarasal. Nakatanggap si Landon ng malinaw na pahiwatig na dapat niyang kausapin ang binata. Gayunman, kahit nag-aalangang makagambala, nagpasiya siyang maghintay. Nakaraan na ang ilang minuto, nagdarasal pa rin ang binata. Batid ni Landon na hindi na niya maipagpapaliban ang pahiwatig. Nilapitan niya ang binata at marahan itong tinapik sa balikat. Nagmulat ng mata ang binata, gulat na may umabala sa kanya. Mahinang sinabi ni Landon, “Nadama ko na kailangan kitang kausapin, kahit hindi ko tiyak kung bakit.”

Nang magsimula silang mag-usap, ibinuhos ng binata kay Landon ang niloloob niya, ipinaliwanag ang kanyang sitwasyon at nagwakas sa hangarin niyang tumanggap ng kaunting kapanatagan at panghihikayat hinggil sa kanyang misyon. Ikinuwento ni Landon, na nakauwi na mula sa isang matagumpay na misyon isang taon lamang bago iyon, ang sarili niyang mga karanasan sa misyon, ang mga pagsubok at problemang kinaharap niya noon, kung paano siya humingi ng tulong sa Panginoon, at ang mga pagpapalang natanggap niya. Nakapapanatag at nagbibigay ng katiyakan ang kanyang mga salita, at nakakahawa ang sigla niya sa kanyang misyon. Kalaunan, habang napapawi ang mga pangamba ng binata, nakadama ito ng kapayapaan. Nakadama siya ng malaking pasasalamat nang matanto niya na nasagot ang kanyang panalangin.

Magkasamang nanalangin ang dalawang binata, pagkatapos ay naghanda nang umalis si Landon, na masaya dahil nakinig siya sa inspirasyong dumating sa kanya. Nang tumayo na siya para umalis, tinanong ng binata si Landon, “Saan ka nagmisyon?” Sa puntong ito, hindi nila nabanggit sa isa’t isa ang pangalan ng mission kung saan sila naglingkod. Nang sabihin ni Landon ang pangalan ng kanyang mission, napuno ng luha ang mga mata ng binata. Naglingkod si Landon sa mismong mission na babalikan ng binata!

Sa isang liham sa akin kamakailan, ibinahagi ni Landon sa akin ang sinabi ng binata bago sila naghiwalay: “Nanalig ako na pagpapalain ako ng Ama sa Langit, pero hindi ko sukat-akalain na magpapadala Siya ng isang taong tutulong sa akin na nakapaglingkod sa sarili kong mission. Alam ko na ngayon na magiging maayos ang lahat.”2 Ang mapagpakumbabang panalangin ng isang pusong taos ay dininig at sinagot.

Mga kapatid, sa ating buhay magkakaroon tayo ng mga tukso; magkakaroon tayo ng mga pagsubok at hamon. Kapag nagpunta tayo sa templo, kapag inalala natin ang mga tipang ginawa natin doon, mas kakayanin nating daigin ang mga tuksong iyon at malalagpasan natin ang mga pagsubok. Sa templo makasusumpong tayo ng kapayapaan.

Ang mga pagpapala ng templo ay walang katumbas. Ang isang pinasasalamatan ko araw-araw sa buhay ko ay ang natanggap namin ng mahal kong asawang si Frances nang lumuhod kami sa harap ng sagradong altar at gumawa ng mga tipan na nagbigkis sa amin para sa buong kawalang-hanggan. Walang ibang pagpapalang mas mahalaga sa akin kaysa sa kapayapaan at kapanatagang natanggap ko mula sa kaalaman na siya at ako ay magkakasamang muli.

Nawa’y pagpalain tayo ng ating Ama sa Langit na magkaroon tayo ng hangarin sa tuwina na pumunta at maglingkod sa templo, na tayo ay maging masunurin sa Kanyang mga utos, at na nawa’y sundan nating mabuti ang mga yapak ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Pinatototohanan ko na Siya ang ating Manunubos. Siya ang Anak ng Diyos. Siya yaong nagbangon mula sa libingan noong unang umaga ng Pasko ng Pagkabuhay, at taglay Niya ang kaloob na buhay na walang hanggan para sa lahat ng anak ng Diyos. Sa magandang araw na ito, sa pagdiriwang natin ng mahalagang kaganapang ito, nawa’y manalangin at magpasalamat tayo para sa Kanyang dakila at kagila-gilalas na mga kaloob sa atin. Nawa’y mangyari ito, ang mapagpakumbabang dalangin ko sa Kanyang banal na pangalan, amen.

Mga Tala

  1. Juan 14:27.

  2. Sulat na hawak ni Thomas S. Monson.