2015
Mary R. Dunham
Mayo 2015


Mary R. Durham

Pangalawang Tagapayo sa Primary General Presidency

Habang binabalanse ang mga responsibilidad sa tahanan, tungkulin sa Simbahan, propesyon, at iba pang mga responsibilidad sa kanyang buhay bilang may-asawa, napansin ni Mary Richards Durham na kapag inuna nilang mag-asawa ang Panginoon, lahat ng bagay ay nagiging maayos. “Ito ay isang napakagandang bagay. Kung kayo ay nagtitiwala, pagpapalain kayo ng Panginoon,” sabi niya.

Ang temang ito ay maraming beses na niyang nasabi. Natawag siyang maglingkod bilang ward Young Women president habang ang kanyang asawa ay naglilingkod sa stake presidency. Magkasama silang naglingkod kalaunan nang mamuno ang kanyang asawa sa Japan Tokyo Mission mula 2000 hanggang 2003. Siya ngayon ay maglilingkod bilang pangalawang tagapayo sa Primary general presidency habang ang kanyang asawa ay magsisimula nang maglingkod bilang Area Seventy.

“Kapag pasan-pasan natin ang ating pamatok kasama ang bawat isa at ang Panginoon, lahat ng bagay ay mas madali,” sabi niya.

Si Mary Lucille Richards ay isinilang noong Marso 15, 1954, sa Portsmouth, Virginia, kina L. Stephen Richards Jr. at Annette Richards. Habang tinatapos ng kanyang ama ang medical degree nito, lumipat ang pamilya sa Minneapolis, Minnesota, bago nanirahan sa Salt Lake City, Utah.

Pinalaki sa pananampalataya at pagmamahal ng kanyang mga magulang at ng maraming kamag-anak, nalaman niya na totoo ang ebanghelyo. “Masayang ipamuhay ang ebanghelyo. Hindi ito mahirap. Nakakatuwa ito,” sabi ni Sister Durham.

Noong dalagita pa siya, natimo sa kanya ang kahalagahan ng paghahanap ng isang karapat-dapat na binatang pakakasalan at ipinagdasal niya ito araw-araw at ipinag-ayuno linggu-linggo. Pagkatapos ng high school dumalo siya sa isang dance scholarship sa Brigham Young University at nakilala si Mark Durham, na nag-aaral sa University of Utah. “Agad kong nakita ang kanyang kabutihan,” sabi niya.

Nagpakasal ang magkasintahan noong Hunyo 1974 sa Salt Lake Temple. Sila ay may pitong anak.

Si Sister Durham ay naglingkod bilang stake Relief Society president, counselor sa ward Relief Society presidency, guro sa Gospel Doctrine, ward Young Women president, at, nitong huli, bilang miyembro ng Primary general board.