Kung Magiging Responsable Ka
Magpatuloy tayo sa pag-alam sa ating tungkulin, paggawa ng mga tamang desisyon, pagkilos ayon sa mga desisyong iyon, at pagtanggap sa kalooban ng ating Ama.
Ako’y 12 taong gulang lamang nang dumating sa unang pagkakataon ang mga missionary para mangaral sa lungsod kung saan ako isinilang sa hilagang Chile. Isang araw ng Linggo, matapos akong dumalo nang anim na buwan sa maliit na branch, inalok ako ng tinapay ng isang missionary nang magpasa siya ng sakramento. Tiningnan ko siya at mahina kong sinabing, “Hindi ako puwede.”
“Bakit hindi?” sagot niya.
Sinabi ko sa kanya, “Kasi hindi ako miyembro ng Simbahan.”1
Hindi makapaniwala ang missionary. Nagningning ang mga mata niya. Palagay ko naisip niya, “Pero dumadalo sa lahat ng miting ang binatilyong ito! Paano nangyaring hindi siya miyembro ng Simbahan?”
Kinabukasan, agad nagpunta ang mga missionary sa bahay ko, at ginawa nila ang lahat para turuan ang buong pamilya namin. Ngunit dahil hindi interesado ang pamilya ko, ang lingguhang pagdalo ko lang sa Simbahan nang mahigit anim na buwan ang nagbigay ng kumpiyansa sa mga missionary na magpatuloy. Sa huli, dumating ang magandang sandaling pinakahihintay ko nang anyayahan nila akong maging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Ipinaliwanag ng mga missionary na dahil bata pa ako, kailangan ko ang pahintulot ng mga magulang ko. Sumama ako sa mga missionary para kausapin ang tatay ko, na iniisip na ang kanyang magiliw na sagot ay “Anak, kapag nasa tamang edad ka na, makakagawa ka na ng sarili mong desisyon.”
Habang kausap siya ng mga missionary, taimtim kong ipinagdasal na maantig ang kanyang puso para payagan niya ako. Ito ang sagot niya sa mga missionary: “Elders, sa nakaraang anim na buwan, nakita ko ang anak kong si Jorge na maagang gumigising tuwing Linggo ng umaga, nagsusuot ng pinakamagandang damit niya, at naglalakad papuntang simbahan. Maganda ang impluwensya ng Simbahan na nakita ko sa buhay niya.” Pagkatapos, nang bumaling siya sa akin, nagulat ako nang sabihin niyang, “Anak, kung magiging responsable ka sa desisyong ito, papayagan kitang magpabinyag.” Niyakap ko ang tatay ko, hinagkan siya, at pinasalamatan sa ginawa niya. Kinabukasan ay nabinyagan ako. Noong isang linggo ang ika-47 anibersaryo ng mahalagang sandaling iyon sa buhay ko.
Ano ang ating responsibilidad bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo? Ipinahayag ito ni Pangulong Joseph Fielding Smith nang ganito: “Mayroon tayong dalawang malalaking responsibilidad. … Una, hangaring makamtan ang sarili nating kaligtasan; at, pangalawa, ang tungkulin natin sa ating kapwa-tao.”2
Ito, kung gayon, ang mga pangunahing responsibilidad na iniatas sa atin ng ating Ama: hangaring makamtan ang kaligtasan natin at ng iba, na nauunawaan na ang kahulugan ng kaligtasan sa pahayag na ito ay pagkakamit ng pinakamataas na antas ng kaluwalhatian na inilaan ng ating Ama sa Kanyang masunuring mga anak.3 Ang mga responsibilidad na ito na ipinagkatiwala sa atin—at kusa nating tinanggap—ay kailangang makita sa ating mga priyoridad, hangarin, desisyon, at araw-araw na pag-uugali.
Para sa isang tao na nakaunawa na, dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang kadakilaan ay tunay na makakamtan, at kapag hindi natin ito nakamtan tayo’y mapapahamak. Kaya nga, ang kabaligtaran ng kaligtasan ay kapahamakan, tulad ng ang kabaligtaran ng tagumpay ay kabiguan. Itinuro sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na “ang tao ay hindi masisiyahan nang gayon lamang [sa sandaling makita] nila na malapit na nilang maabot ang tagumpay.”4 Paano tayo makukuntento, kung gayon, sa anumang bagay na hindi magdudulot ng kadakilaan kung alam natin na posibleng makamit ang kadakilaan?
Hayaan ninyong magbahagi ako ng apat na mahahalagang alituntunin na tutulong sa atin na matupad ang ating mga hangaring maging responsable sa ating Ama sa Langit, gayundin ang tumugon sa Kanyang mga inaasahan na tayo ay maging katulad Niya.
1. Pag-alam sa Ating Tungkulin
Kung susundin natin ang kalooban ng Diyos, kung magiging responsable tayo sa Kanya, kailangang magsimula tayo sa pag-alam, pag-unawa, pagtanggap, at pamumuhay ayon sa Kanyang kalooban para sa atin. Sabi ng Panginoon, “Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig.”5 Ang pagkakaroon ng hangaring gawin ang tama ay hindi sapat kung hindi natin titiyaking maunawaan ang inaasahan at nais ipagawa ng ating Ama sa atin.
Sa kuwentong Alice in Wonderland, hindi alam ni Alice kung aling daan ang tatahakin, kaya tinanong niya si Cheshire Cat, “Puwede mo bang sabihin sa akin kung aling daan ang tatahakin ko mula rito?”
Sumagot ang pusa, “Depende iyan sa kung saan mo gustong makarating.”
Sabi ni Alice, “Kahit saan lang.”
“Kung gayo’y hindi mahalaga kung saan ka dadaan,” sabi ng pusa.6
Gayunman, alam natin na ang landas na patungo sa “punungkahoy, na ang bunga ay kanais-nais upang makapagpaligaya sa tao”7—“ang daang patungo sa buhay”—ay makitid. Kailangan ang sigasig sa paglalakbay sa landas, at “kakaunti ang nangakakasumpong noon.”8
Itinuro sa atin ni Nephi na “ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.”9 Pagkatapos ay idinagdag pa niya na “ang Espiritu Santo … ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin.”10 Kung gayon, ang nagtutulot sa atin na matutuhan ang ating tungkulin ay ang mga salita ni Cristo na natatanggap natin sa pamamagitan ng mga propeta noon at ngayon at ng personal na paghahayag na natatanggap natin sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
2. Paggawa ng Desisyon
Natutuhan man natin ang tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo, ang isang partikular na kautusan, mga tungkuling kaakibat ng paglilingkod sa isang calling, o mga tipang ginagawa natin sa templo, tayo ang nagpapasiya kung kikilos tayo ayon sa bagong kaalamang iyan o hindi. Bawat tao ay malayang magdesisyon para sa kanyang sarili na pumasok sa sagradong tipan tulad ng binyag o mga ordenansa sa templo. Dahil noon pa man ay bahagi na ng relihiyosong pamumuhay ng mga tao ang panunumpa, nakasaad sa lumang batas na “huwag kayong susumpa ng di totoo sa aking pangalan.”11 Gayunman, sa kalagitnaan ng panahon, nagturo ang Tagapagligtas ng mas mataas na paraan ng pagtupad ng ating mga pangako nang sabihin Niya na ang ibig sabihin ng oo ay oo at ang hindi ay hindi.12 Dapat ay sapat na ang salita ng isang tao para ipakita ang kanyang katapatan sa ibang tao—lalo na kapag ang taong iyon ay ang ating Ama sa Langit. Ang pagtupad sa pangako ay nagpapakita ng katotohanan at katapatan ng ating salita.
3. Pagkilos nang Angkop
Matapos malaman ang ating tungkulin at makagawa ng mga desisyon na kaakibat ng pagkaalam at pagkaunawang iyon, kailangan nating kumilos sa angkop na paraan.
Ang mabisang halimbawa ng matibay na determinasyong tuparin ang Kanyang pangako sa Kanyang Ama ay nagmula sa karanasan ng Tagapagligtas nang dalhin sa Kanya ang isang lalaking lumpo para pagalingin. “Pagkakita ni Jesus sa kanilang pananampalataya ay sinabi sa lumpo, Anak, ipinatatawad ang iyong mga kasalanan.”13 Alam natin na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay mahalaga sa pagtanggap ng kapatawaran ng ating mga kasalanan, ngunit nang pagalingin Niya ang lalaking lumpo, hindi pa nangyayari ang dakilang kaganapang iyon; ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani at sa krus ay hindi pa nangyari. Gayunman, hindi lang biniyayaan ni Jesus ang lumpo ng kakayahang tumayo at maglakad, kundi pinatawad rin Niya ang mga kasalanan nito, sa gayo’y nagbigay Siya ng malinaw na palatandaan na hindi Siya tataliwas, na tutuparin Niya ang pangakong ginawa Niya sa Kanyang Ama, at na gagawin Niya sa Getsemani at sa krus ang ipinangako Niyang gawin.
Ang landas na napili nating tahakin ay makitid. May mga hamon sa daan na mangangailangan ng ating pananampalataya kay Jesucristo at ng ating matinding pagsisikap na manatili sa landas at magpatuloy. Kailangan nating magsisi at maging masunurin at mapagtiis, kahit hindi natin maunawaan ang lahat ng nangyayari sa ating paligid. Kailangan nating patawarin ang iba at mamuhay alinsunod sa nalaman natin at sa mga desisyong nagawa natin.
4. Handang Tanggapin ang Kalooban ng Ama
Ang pagkadisipulo ay hindi lamang pag-alam sa ating tungkulin, paggawa ng mga tamang desisyon, at pagkilos alinsunod dito, kundi mahalaga rin na magkaroon tayo ng kahandaan at kakayahang tanggapin ang kalooban ng Diyos, kahit hindi ito tugma sa ating matwid na mga hangarin o kagustuhan.
Hangang-hanga ako sa ugali ng ketonging lumapit sa Panginoon, “na namamanhik sa kaniya, at nanikluhod sa kaniya, at sa kaniya’y nagsasabi, Kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako.”14 Hindi nanghingi ng anuman ang ketongin, kahit maaaring matwid ang kanyang mga hangarin; handa lang siyang tanggapin ang kalooban ng Panginoon.
Ilang taon na ang nakararaan isang magiliw at tapat na mag-asawa na kaibigan ko ang nabiyayaan sa pagsilang ng pinakahihintay nilang anak na lalaki, na napakatagal nilang ipinagdasal. Napuspos ng galak ang tahanan habang masaya naman ang aming mga kaibigan at ang kanilang anak na babae, na nag-iisang anak nila noon, na kapiling ang kasisilang na sanggol. Gayunman, isang araw, may nangyaring hindi inaasahan: ang batang musmos, na mga tatlong taon lamang noon, ay biglang nawalan ng malay. Nang malaman ko ang sitwasyon, agad kong tinawagan ang kaibigan ko para ipaalam ang aming suporta sa mahirap na sandaling iyon. Ngunit ang sagot niya ay naging aral sa akin. Sabi niya, “Kung kalooban ng Ama na kunin na Siya, tatanggapin namin.” Ang mga salita ng kaibigan ko ay walang anumang bahid ng pagrereklamo, pagrerebelde, o pagkayamot. Sa halip, lahat ng nadama ko sa kanyang mga salita ay pasasalamat sa Diyos sa pagtutulot na makapiling nila ang kanilang munting anak sa loob ng maikling panahon, gayundin ang lubos na kahandaan niyang tanggapin ang kalooban ng Ama para sa kanila. Makaraan ang ilang araw, ibinalik ang munting batang iyon sa kanyang selestiyal na mansiyon.
Magpatuloy tayo sa pag-alam sa ating tungkulin, paggawa ng mga tamang desisyon, pagkilos ayon sa mga desisyong iyon, at pagtanggap sa kalooban ng ating Ama.
Malaki ang pasasalamat at kasiyahan ko sa desisyong ipinagawa sa akin ng tatay ko 47 taon na ang nakalipas. Sa pagdaan ng mga taon, naunawaan ko na ang ibig sabihin ng kundisyong ibinigay niya sa akin—na maging responsable sa desisyong iyon—ay maging responsable sa aking Ama sa Langit at hangarin ang kaligtasan ko at ng aking kapwa-tao, sa gayon ay nagiging mas katulad ako ng inaasahan at nais ng aking Ama na kahinatnan ko. Sa napakaespesyal na araw na ito, pinatototohanan ko na ang ating Diyos Ama at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.