2015
Ang Walang-Hanggang Pananaw ng Ebanghelyo
Mayo 2015


Ang Walang-Hanggang Pananaw ng Ebanghelyo

Para sa mga desisyong may epekto sa kawalang-hanggan, ang pagkakaroon ng pananaw ng ebanghelyo ay mahalaga.

Sa isang paghahayag kay Moises, sinabi sa atin ang layunin ng ating Ama sa Langit: “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.1 Ayon sa pahayag na iyan, ang hangarin ng Ama ay bigyan ng pagkakataon ang lahat na tumanggap ng lubos na kagalakan. Ipinakita sa mga paghahayag sa mga huling araw na ang ating Ama sa Langit ay bumuo ng isang dakilang plano ng kaligayahan para sa lahat ng Kanyang anak, isang napaka-espesyal na plano upang makabalik tayo sa piling Niya.

Ang pag-unawa sa planong ito ng kaligayahan ay nagbibigay sa atin ng walang-hanggang pananaw at tinutulungan tayong tunay na pahalagahan ang mga kautusan, ang mga ordenansa, ang ating mga tipan, at ang mga pagsubok at paghihirap.

Isang mahalagang alituntunin ang nagmula kay Alma: “Anupa’t ang Diyos ay nagbigay sa kanila ng mga kautusan, matapos maipaalam sa kanila ang plano ng pagtubos.”2

Kasiya-siyang pansinin ang pagkakasunud-sunod sa pagtuturo. Unang itinuro ng ating Ama sa Langit kina Eva at Adan ang plano ng pagtubos, pagkatapos ay binigyan Niya sila ng mga kautusan.

Ito ay isang napakahalagang katotohanan. Ang pag-unawa sa plano ay tutulong sa mga tao na sundin ang mga kautusan, makapagpasiya nang mas mainam, at magkaroon ng tamang motibasyon.

Nang maglingkod ako sa Simbahan, nasaksihan ko ang debosyon at katapatan ng mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang bansa, na ang ilan ay may problema sa pulitika, lipunan, o ekonomiya. Ang karaniwang madalas kong makita sa matatapat na miyembrong ito ay ang pananaw nila tungkol sa kawalang-hanggan. Ang walang-hanggang pananaw ng ebanghelyo ay umaakay sa atin na maunawaan ang bahagi natin sa plano ng Diyos, tanggapin ang mga paghihirap at pag-unlad na dulot ng mga ito, magpasiya, at ituon ang ating buhay sa ating banal na potensyal.

Ang pananaw ay ang pag-unawa natin sa mga bagay-bagay mula sa malayo, at tunay na napapahalagahan natin ang mga ito dahil dito.

Katulad ito ng pagpasok sa isang kagubatan at pagkakaroon ng puno sa ating harapan. Kung hindi tayo aatras nang kaunti, hindi natin mapapahalagahan kung ano talaga ang kagubatan. Minsa’y pinuntahan ko ang kagubatan ng Amazon sa Leticia, Colombia, malapit sa mga hangganan ng Brazil at Peru. Natanto ko lang ang lawak nito nang lumipad ako sa ibabaw nito at makita ko ang kabuuan nito.

Noong maliliit pa ang aming mga anak, madalas nilang panoorin ang pambatang programa sa telebisyon na What Do You See? Inilalapit nang husto sa screen ang isang bagay, at kailangang hulaan ng mga bata kung ano iyon habang unti-unting lumilinaw ang larawan. Kapag kitang-kita na iyon, madali na ninyong masasabi na ito ay isang pusa, halaman, prutas, atbp.

Naaalala ko nang minsang panoorin nila ang programang iyon at ipinakita roon ang isang bagay na napakalapit na mukhang napakapangit sa kanila, at nakakainis pa; ngunit nang luminaw na ang larawan, nalaman nila na ito ay isang napakasarap na pizza. Pagkatapos ay sinabi nila sa akin, “Itay, ibili ninyo kami ng gano’n!” Nang malaman nila kung ano iyon, ang sa una na mukhang hindi kanais-nais sa kanila ay kaakit-akit pala.

Magbabahagi ako ng isa pang karanasan. Sa aming tahanan mahilig bumuo ng jigsaw puzzle ang mga anak namin. Marahil nagkaroon tayong lahat ng pagkakataong bumuo ng puzzle. Ang ilan ay binubuo ng maraming maliliit na piraso. Naaalala ko na ang isa sa mga anak namin (hindi ko siya papangalanan para hindi siya makilala) ay laging nakatuon sa bawat piraso, at kapag hindi lumapat ang isang piraso sa inaakala niyang lugar nito, nagagalit siya at iniisip na walang kuwenta ito at gusto na niya itong itapon. Sa wakas ay natuto siyang bumuo ng puzzle nang maunawaan niya na bawat maliit na piraso ay may lugar sa buong larawan, kahit hindi niya alam sa una kung saan ito lalapat.

Isang paraan ito ng pagninilay sa plano ng Panginoon. Hindi natin dapat alalahanin ang bawat bahagi nito kundi sa halip ay sikapin nating pagtuunan ng pansin ang buong larawan, na isinasaisip kung ano ang magiging kabuuan nito. Alam ng Panginoon kung saan nabibilang ang bawat piraso para lumapat ito sa plano. Lahat ng kautusan ay may walang-hanggang kahalagahan sa konteksto ng dakilang plano ng kaligayahan.

Napakahalaga na hindi tayo gumagawa ng mga desisyong walang-hanggan ang kahalagahan ayon sa pananaw ng mortalidad. Para sa mga desisyong may epekto sa kawalang-hanggan, ang pagkakaroon ng pananaw ng ebanghelyo ay mahalaga.

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Bagama’t ‘nakatuon’ tayo sa bagay na lubos nating inaasam para sa kawalang-hanggan, ang ilan sa mga bagay na inaasam natin sa buhay na ito ay iba naman. Maaari tayong umasa na mataasan ng suweldo, magkaroon ng espesyal na deyt, manalo sa eleksyon, o magkaroon ng mas malaking bahay—mga bagay na maaaring magkatotoo o hindi. Ang pananampalataya sa plano ng Ama ay makatutulong sa atin na magtiis sa kabila ng pagguho ng mga bagay na ating inaasam. Pag-asa ang nagpapanatili sa atin na maging ‘sabik sa paggawa’ ng mabubuting bagay kahit tila hindi na maisasagawa ang mga iyon (tingnan sa D at T 58:27).”3

Ang hindi pagkakaroon ng walang-hanggang pananaw, o kawalan nito, ay maaaring humikayat sa ating gawing personal na pamantayan ang makamundong pananaw at gumawa ng mga desisyong hindi ayon sa kalooban ng Diyos.

Binabanggit sa Aklat ni Mormon ang pag-uugaling piniling taglayin ni Nephi at ang pag-uugali nina Laman at Lemuel. Dumanas silang lahat ng napakaraming pighati at hirap; gayunman, ang mga reaksyon nila sa mga ito ay magkaibang-magkaiba. Sabi ni Nephi, “At napakalaki ng pagpapala ng Panginoon sa amin, na samantalang kami ay nabubuhay sa hilaw na karne sa ilang, ang aming kababaihan ay nagbigay ng saganang gatas sa kanilang mga anak, at malalakas, oo, maging katulad ng kalalakihan; at nagsimula nilang batahin ang kanilang mga paglalakbay nang walang mga karaingan.”4

Sina Laman at Lemuel naman, sa kabilang banda, ay nagreklamo nang husto. “At sa gayon sina Laman at Lemuel, na mga nakatatanda, ay bumulung-bulong laban sa kanilang ama. At sila ay bumulung-bulong sapagkat hindi nila nalalaman ang mga pakikitungo ng Diyos na siyang lumikha sa kanila.”5 Ang hindi pagkaalam o pagbabalewala sa “mga pakikitungo ng Diyos” ay isang paraan para mawalan ng walang-hanggang pananaw, at ang pagbulung-bulong ay isa lamang sa mga palatandaan. Bagama’t nakasaksi sina Laman at Lemuel ng maraming himala habang kasama si Nephi, sinabi nila: “At tayo ay gumala-gala sa ilang sa maraming taong ito; at ang ating kababaihan ay nagpapakahirap, kahit na sila ay may dinadala sa sinapupunan; at sila ay nagsilang ng mga anak sa ilang at nagdanas ng lahat ng hirap, maliban sa kamatayan; at mabuti pang sila ay nangamatay bago sila lumisan sa Jerusalem kaysa nagdanas ng mga kahirapang ito.”6

Iyon ay dalawang magkaibang pag-uugali, kahit pareho ang dinanas nilang mga paghihirap at pighati. Malinaw na ang kanilang mga pananaw ay magkaiba.

Isinulat ni Pangulong Spencer W. Kimball ang sumusunod: “Kung iisipin nating mortalidad lang ang kabuuan ng buhay, ang sakit, kalungkutan, kabiguan, at maikling buhay ay magiging kalamidad. Ngunit kung titingnan natin ang buhay bilang kawalang-hanggan, na sakop nito ang buhay noong bago tayo isinilang at ang walang-hanggang hinaharap, ang lahat ng pangyayari ay mailalagay natin sa dapat nitong kalagyan.”7

Nagkuwento si Elder David B. Haight tungkol sa iskultor na si Michelangelo para ilarawan ang kahalagahan ng pag-unawa sa lahat ng bagay sa wastong pananaw: “Habang hinuhubog ng iskultor ang bloke ng marmol, isang batang lalaki ang araw-araw na pumupunta roon at tahimik na nakamasid. Nang mahubog na ang estatwa ni David mula sa batong iyon, nang kumpleto na para hangaan ng lahat, tinanong ng bata si Michelangelo, ‘Paano po ninyo nalaman na siya nga iyan?’”8

Ang pananaw na nakita ng iskultor sa bloke ng marmol na iyon ay iba sa batang iyon na nakamasid sa kanyang pagtatrabaho. Ang pagkaunawa ng iskultor sa mga posibilidad na naroon sa bato ay nagtulot sa kanya na makalikha ng magandang sining.

Alam ng Panginoon ang nais Niyang isakatuparan sa bawat isa sa atin. Alam Niya ang uri ng pagbabagong nais Niyang makamtan sa ating buhay, at wala tayong karapatang payuhan Siya. Ang Kanyang mga pag-iisip ay mas mataas kaysa sa atin.9

Pinatototohanan ko na tayo ay may mapagmahal, makatarungan, at maawaing Ama sa Langit na naghanda ng plano para sa ating walang-hanggang kaligayahan. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay Kanyang Anak at ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Alam ko na si Pangulong Thomas S. Monson ay propeta ng Diyos. Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.