Tatlong Templo ang Ibinalita
Ang mga templo na nakaplanong itayo sa Port-au-Prince, Haiti; Abidjan, Ivory Coast; at Bangkok, Thailand, ay ibinalita ni Pangulong Thomas S. Monson sa sesyon sa Linggo ng umaga ng pangkalahatang kumperensya. Ito ang unang templo na itatayo sa mga bansang ito. Ang eksaktong mga lugar na pagtatayuan ng mga templo ay ibabalita pa sa mga susunod na araw.
“Kagila-gilalas ang mga pagpapalang naghihintay sa ating matatapat na miyembro sa mga lugar na ito, at totoo ito sa lahat ng dako ng mundo na may mga templo,” sabi ni Pangulong Monson.
Port-au-Prince Haiti Temple
Ang Haiti ay tahanan ng mahigit 20,000 Banal sa mga Huling Araw sa bansang may mga 10 milyong katao. Ang gawaing misyonero ay opisyal na nagsimula noong 1980. Ang pinakamalapit na templo ay Santo Domingo Dominican Republic Temple. Bagama’t matatagpuan sa iisang pulo, ang biyahe papunta sa templong ito ay halos isang araw.
Abidjan Ivory Coast Temple
Ang Ivory Coast (Côte d’Ivoire) ay tahanan ng mahigit 27,000 miyembro ng Simbahan sa bansang may mga 20 milyong katao. Ang gawaing misyonero ay opisyal na nagsimula noong 1988. Ang pinakamalapit na templo ay Accra Ghana Temple, na 340 milya (550 km) ang layo.
Bangkok Thailand Temple
Ang Thailand ay tahanan ng halos 19,000 Banal sa mga Huling Araw sa bansang may mga 67 milyong katao. Ang Simbahan ay opisyal na naorganisa sa Thailand noong 1966. Ang Bangkok Thailand Temple ay maglilingkod sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Thailand, gayundin sa lahat ng nasa Timog-Silangang Asya. Sa kasalukuyan, ang pinakamalapit na templo sa Thailand ay Hong Kong China Temple, na mahigit 1,000 milya (1,610 km) ang layo.
Karagdagang mga Balita tungkol sa Templo
Ang mga open house, kultural na pagdiriwang, at petsa ng pagbubukas para sa limang templo ay ibinalita na para sa 2015 sa Córdoba, Argentina; Payson, Utah, USA; Trujillo, Peru; Indianapolis, Indiana, USA; at Tijuana, Mexico. Ang binagong Mexico City Mexico Temple ay muli ring ilalaan sa 2015.
Sa nakalipas na dalawang taon, sinikap ng Simbahan na matapos ang mga templo na nauna nang naibalita noon. Bukod pa sa 3 bagong templo, mayroong 144 templo na ginagamit, 5 nire-renovate, 13 itinatayo na, at 13 ibinalita noon na nasa iba’t ibang bahagi na ng paghahanda bago simulan ang pagtatayo.