2015
Priesthood at Personal na Panalangin
Mayo 2015


Priesthood at Personal na Panalangin

Mapagkakalooban tayo ng Diyos ng kapangyarihan ng priesthood anuman ang kalagayan natin. Ang kailangan lamang ay humiling tayo nang may pagpapakumbaba.

Nagpapasalamat ako sa tiwalang ibinigay sa akin na magsalita sa mga mayhawak ng priesthood ng Diyos sa buong mundo. Dama ko ang bigat ng oportunidad na iyan dahil alam ko ang tungkol sa pagtitiwalang ibinigay sa inyo ng Panginoon. Dahil natanggap ninyo ang priesthood, natanggap ninyo ang karapatang magsalita at kumilos sa pangalan ng Diyos.

Ang karapatang iyan ay magkakatotoo lamang kapag tumanggap kayo ng inspirasyon mula sa Diyos. Sa pagkakataong iyon lamang kayo makapagsasalita sa Kanyang pangalan. At sa pagkakataong iyon lamang kayo makakakilos sa Kanyang pangalan. Maaaring nagkamali na kayo sa pag-aakalang, “Ah, hindi naman pala gayon kahirap. Makakatanggap ako ng inspirasyon kung sakali mang hilingan akong magbigay ng mensahe o ng priesthood blessing.” O baka iniisip ng binatilyong deacon o teacher, “Kapag mas matanda na ako o tinawag ako bilang missionary, malalaman ko na kung ano ang sasabihin at gagawin ng Diyos.”

Isipin ang araw na kailangan ay alam na ninyo ang sasabihin at gagawin ng Diyos. Dumating na ito sa ating lahat—anuman ang katungkulan ninyo sa priesthood. Lumaki ako sa mission field sa silangang Estados Unidos noong World War II. Magkakalayo ang tirahan ng mga miyembro, at mahigpit ang pagrarasyon ng gasolina. Ako lang ang deacon sa branch. Ang mga miyembro ay nagbibigay ng mga sobre ng kanilang fast-offering sa branch president kapag nagpunta sila sa fast and testimony meeting sa bahay namin.

Noong 13 anyos ako, lumipat kami sa Utah at napabilang sa isang malaking ward. Naalala ko ang unang tungkulin kong magbahay-bahay para mangolekta ng mga fast offering. Tiningnan ko ang pangalan sa isa sa mga sobre at napansin ko na ang apelyido roon ay kapareho ng isa sa Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon. Kaya kampante akong kumatok sa pinto. Binuksan ng lalaki ang pinto, tumingin sa akin, sumimangot, at pagkatapos ay sinigawan ako na umalis. Umalis akong malungkot.

Nangyari iyan halos 70 taon na ang nakararaan, ngunit naaalala ko pa rin ang nadama ko noong araw na iyon sa harapan ng pintuang iyon na dapat ay may sinabi o ginawa ako. Kung nanalangin sana ako nang may pananampalataya nang lumabas ako noong araw na iyon, nabigyang-inspirasyon sana akong magtagal pa sa harapan ng pintuang iyon, ngumiti, at magsabi nang ganito: “Natutuwa po akong makilala kayo. Salamat po sa naibigay ninyo at ng inyong pamilya noong nakaraan.” Inaasam ko pong makita kayo sa susunod na buwan.”

Kung sinabi at ginawa ko iyon, baka lalo pa siyang nainis—at nagalit. Ngunit alam ko na ngayon kung ano ang maaaring nadama ko. Sa halip na makadama ng lungkot sa pag-alis ko sa tahanang iyon, maaaring nadama ko ang banayad na papuri sa aking puso’t isipan: “Mabuting gawa.”

Lahat tayo ay dapat mangusap at kumilos sa pangalan ng Diyos sa mga sandaling ang ating sariling paghatol ay hindi sasapat nang walang inspirasyon. Ang mga sandaling iyon ay maaaring dumating sa atin kapag walang oras para maghanda. Madalas mangyari sa akin iyan. Nangyari ito maraming taon na ang nakararaan sa isang ospital nang sabihin ng isang ama sa amin ng kompanyon ko na sinabihan siya ng mga doktor na mamamatay na ang kanyang sugatang tatlong-taong-gulang na anak na babae sa loob ng ilang minuto. Nang ipatong ko ang mga kamay ko sa isang bahagi ng kanyang ulo na hindi nakabenda, kinailangan kong malaman, bilang lingkod ng Diyos, ang Kanyang gagawin at sasabihin.

Dumating ang mga salita sa aking isipan at namutawi sa aking mga labi na siya ay mabubuhay. Sumingasing sa yamot ang doktor na nakatayo sa tabi ko at pinatabi ako. Lumabas ako ng silid na iyon sa ospital na dama ang kapayapaan at pagmamahal. Nabuhay ang batang babae at naglakad sa pasilyo papasok sa sacrament meeting noong huling araw ko sa lungsod na iyon. Naaalala ko pa ang kagalakan at kasiyahang nadama ko sa nasabi at nagawa ko sa paglilingkod sa Panginoon para sa batang musmos na iyon at sa kanyang pamilya.

Ang kaibhan ng nadama ko sa ospital at ng lungkot na nadama ko habang palayo ako mula sa pintuang iyon noong deacon ako ay nagmula sa natutuhan ko tungkol sa kaugnayan ng panalangin sa kapangyarihan ng priesthood. Noong deacon ako, hindi ko pa alam na ang kapangyarihang magsalita at kumilos sa pangalan ng Diyos ay nangangailangan ng paghahayag, at para magkaroon nito kapag kailangan natin ito, kailangang manalangin at kumilos nang may pananampalataya para mapatnubayan ng Espiritu Santo.

Noong gabi bago ako kumatok sa pintuang iyon para sa mga fast offering, nagdasal ako bago matulog. Ngunit sa loob ng maraming linggo at buwan bago ang tawag na iyon sa telepono mula sa ospital, sinunod ko ang huwaran ng panalangin at sinikap kong sundin ang itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith na magtutulot sa Diyos na bigyan tayo ng inspirasyong kailangan natin para magkaroon ng kapangyarihan sa priesthood. Ito lang ang sinabi niya:

“Hindi natin kailangang magsumamo sa kanya [sa] maraming salita. Hindi natin siya [kailangang pagurin] sa mahahabang panalangin. Ang [talagang] kailangan natin, at ang dapat nating gawin bilang mga Banal sa mga Huling Araw, para sa ating kabutihan, ay magtungo sa kanya sa tuwina, patunayan sa kanya na naaalaala natin siya at na pumapayag tayo na taglayin sa ating sarili ang kanyang pangalan, [sundin] ang kanyang mga kautusan, [gumawa] ng kabutihan; at ninanais natin ang kanyang Espiritu [na] tulungan tayo.”1

At pagkatapos ay sinabi sa atin ni Pangulong Smith kung ano ang dapat nating ipagdasal, bilang kanyang mga lingkod na nangakong magsalita at kumilos para sa Diyos. Sinabi niya: “Ano ang mga idinadalangin ninyo? Idalangin ninyo na maalaala kayo ng Diyos, nang sa gayon ay pakinggan niya ang inyong mga panalangin, at na pagpalain kayo ng kanyang Espiritu.”2

Hindi ito gaanong tungkol sa kung aling mga salita ang gagamitin, kundi kailangan dito ang kaunting tiyaga. Paglapit ito sa inyong Ama sa Langit nang may layunin na personal Niya kayong maalaala. Siya ang Diyos ng lahat, ang Ama ng lahat, subalit handa siyang lubos na magtuon sa isa sa Kanyang mga anak. Kaya siguro ginamit ng Tagapagligtas ang mga salitang “Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.”3

Mas madaling angkop na makadama ng pagpipitagan kapag kayo ay nakaluhod o nakayuko, ngunit posible ring madama na lumalapit kayo sa inyong Ama sa Langit sa di-gaanong pormal na paraan at maging sa tahimik na panalangin, na kakailanganin ninyong gawin nang madalas sa inyong paglilingkod sa priesthood. Magkakaroon ng ingay at mga tao sa inyong paligid sa halos buong maghapon na gising kayo. Dinirinig ng Diyos ang inyong tahimik na mga panalangin, ngunit maaari ninyong kailanganing matuto na huwag pansinin ang mga gambala dahil maaaring hindi dumating sa mga oras ng katahimikan ang sandali na kailangan ninyong makipag-ugnayan sa Diyos.

Iminungkahi ni Pangulong Smith na kakailanganin ninyong ipagdasal na kilalanin ng Diyos ang inyong tungkuling maglingkod sa Kanya. Alam na Niya ang kumpletong detalye ng inyong tungkulin. Tinawag niya kayo, at sa pagdarasal sa Kanya tungkol sa inyong tungkulin, mas marami pa Siyang ihahayag na dapat ninyong malaman.4

Bibigyan ko kayo ng isang halimbawa ng maaaring gawin ng isang home teacher habang nagdarasal siya. Maaaring alam na ninyo na kailangan ninyong:

“Dumalaw sa bahay ng bawat kasapi, hinihikayat silang manalangin nang malakas at nang lihim at isagawa ang lahat ng tungkulin na pangmag-anak. …

“… Pangalagaan ang simbahan tuwina, at makapiling at palakasin sila;

“At tiyakin na walang kasamaan sa simbahan, ni samaan ng loob sa bawat isa, ni pagsisinungaling, paninirang-puri, ni pagsasalita ng masama;

“At tiyakin na ang simbahan ay madalas na sama-samang nagtitipon, at tiyakin din na lahat ng kasapi ay gumagawa ng kanilang mga tungkulin.”5

Ngayon, kahit para sa bihasang home teacher at sa kanyang junior companion, malinaw na imposible iyan nang walang tulong ng Espiritu Santo. Isipin ang mga pamilya o kahit ang mga tao na iniatas sa inyong paglingkuran. Ang paghatol at mabubuting hangarin ng tao ay hindi sasapat.

Kaya ipagdarasal ninyong malaman ang nasa puso nila, malaman kung ano ang mali sa buhay at puso ng mga taong hindi ninyo gaanong kilala at hindi sabik na makilala ninyo sila. Kakailanganin ninyong malaman ang gustong ipagawa sa inyo ng Diyos para tulungan sila at gawin ang lahat ng ito, hangga’t kaya ninyo, na nadarama ang pagmamahal ng Diyos sa kanila.

Dahil napakahalaga at napakahirap ng mga tungkulin ng priesthood, iminungkahi ni Pangulong Smith na kapag nagdasal kayo, lagi kayong magsumamo sa Diyos na patnubayan kayo ng Kanyang Espiritu. Kakailanganin ninyo ang Espiritu Santo hindi lang minsan kundi hangga’t maipagkakaloob ito sa inyo ng Diyos para makasama ninyo sa tuwina. Kaya nga kailangan tayong laging manalangin na gabayan tayo ng Diyos sa paglilingkod natin sa Kanyang mga anak.

Dahil hindi ninyo maaabot ang lubos na potensyal ng inyong priesthood nang walang patnubay ng Espiritu, kayo mismo ang pinupuntirya ng kaaway ng lahat ng kaligayahan. Kung matutukso niya kayong magkasala, mapapahina niya ang kakayahan ninyong paakay sa Espiritu kaya hihina ang kapangyarihan ng inyong priesthood. Kaya nga sinabi ni Pangulong Smith na dapat ninyong ipagdasal palagi na balaan at protektahan kayo ng Diyos laban sa kasamaan.6

Binabalaan Niya tayo sa maraming paraan. Ang mga babala ay bahagi ng plano ng kaligtasan. Ang mga propeta, apostol, stake president, bishop, at missionary ay pawang nagbibigay ng babala para matakasan ang kapahamakan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, at paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan.

Bilang mayhawak ng priesthood, kayo ay dapat maging bahagi ng tinig ng babala ng Panginoon. Ngunit kailangan ninyong pakinggan mismo ang babala. Hindi kayo espirituwal na makaliligtas nang walang proteksyon ng patnubay ng Espiritu Santo sa inyong buhay araw-araw.

Kailangan ninyong ipagdasal ito at pagsikapang mapasainyo ito. Sa pamamagitan ng gabay na iyan lamang ninyo matatahak ang makipot at makitid na landas sa gitna ng abu-abo ng kasamaan. Ang Espiritu Santo ang inyong magiging gabay habang inihahayag Niya ang katotohanan kapag pinag-aralan ninyo ang mga salita ng mga propeta.

Ang pagkakaroon ng patnubay na iyan ay nangangailangan ng higit pa sa kampanteng pakikinig at pagbabasa. Kakailanganin ninyong manalangin at magsikap nang may pananampalataya para maitimo ang mga salita ng katotohanan sa inyong puso. Kailangan ninyong ipagdasal na ipagkaloob sa inyo ng Diyos ang Kanyang Espiritu, na akayin Niya kayo sa lahat ng katotohanan at ipakita sa inyo ang tamang daan. Ganyan Niya kayo babalaan at gagabayan sa tamang landas sa inyong buhay at sa inyong paglilingkod sa priesthood.

Ang pangkalahatang kumperensya ay nagbibigay ng malaking pagkakataong hayaan ang Panginoon na palakasin ang inyong kakayahang maglingkod sa priesthood ng Diyos. Maihahanda ninyo ang inyong sarili, tulad ng tiyak kong ginawa ninyo para sa kumperensyang ito, nang may panalangin. Maaari kayong makiisa sa pananampalataya sa mga taong magdarasal sa kumperensya. Ipagdarasal nila na bigyan ng maraming pagpapala ang maraming tao.

Ipagdarasal nila na patnubayan ng Espiritu ang propeta bilang tagapagsalita ng Panginoon. Ipagdarasal nila ang mga Apostol at lahat ng lingkod na tinawag ng Diyos. Kasama kayo riyan, mula sa pinakabagong deacon hanggang sa bihasang high priest, at ang ilan, kapwa matatanda at bata, na hindi maglalaon ay paroroon sa daigdig ng mga espiritu, kung saan maririnig nila, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na [lingkod].”7

Ang papuring iyan ay ibibigay sa ilan na magugulat dito. Maaaring hindi sila magkaroon ng mataas na katungkulan sa kaharian ng Diyos sa lupa kailanman. Maaaring madama ng ilan na kakaunti ang nakikita nilang bunga ng kanilang mga pagsisikap o na hindi pa sila nabigyan ng ilang pagkakataong maglingkod kailanman. Maaaring madama ng iba na umikli ang panahon ng kanilang paglilingkod sa buhay na ito kaysa inasam nila.

Hindi mga katungkulang hinawakan o haba ng panahong ipinaglingkod ang mahalaga sa Panginoon. Nalalaman natin ito mula sa talinghaga ng Panginoon tungkol sa mga manggagawa sa ubasan, kung saan pare-pareho ang bayad sa kanila gaano man katagal o saanman sila naglingkod. Gagantimpalaan sila ayon sa paraan ng kanilang paglilingkod.8

May kilala akong isang lalaki na ang panahon sa ubasan ay natapos kahapon nang alas-onse ng gabi. Ilang taon siyang ginamot sa sakit na kanser. Sa mga taon ng gamutang iyon at sa matinding sakit at hirap, tinanggap niya ang tawag na magdaos ng mga miting at maging responsable sa mga miyembro sa kanyang ward na ang mga anak ay hindi na nila kasama sa bahay nila; ang ilan ay mga balo. Ang kanyang tungkulin ay tulungan silang maging masaya sa pagsasalamuha at pag-aaral ng ebanghelyo.

Nang malaman niya sa huling pagsusuri sa kanya na maikling panahon na lang siyang mabubuhay, nasa business trip ang bishop niya. Pagkaraan ng dalawang araw, nagpadala siya ng mensahe sa kanyang bishop sa pamamagitan ng kanyang high priests group leader. Ganito ang sinabi niya tungkol sa kanyang tungkulin: “Nauunawaan ko na nasa ibang lugar ang bishop, kaya ako na ang kumilos. Iniisip kong pulungin ang grupo namin sa susunod na Lunes. Ililibot kami ng dalawang miyembro sa Conference Center. Mahihilingan namin ang ilang miyembro na ipagmaneho sila at ang ilang Scout na magtulak ng mga wheelchair. Depende kung sino ang sasama, maaaring sapat ang bilang ng matatanda para magawa namin ito, pero maganda ring malaman kung may tutulong sa amin kung kailanganin. Maganda rin itong gawing gabing pampamilya para maisama ng mga kasambahay ang kanilang pamilya. Ano’t anuman ipaalam lang ninyo sa akin bago ko ipaskil ang plano. … Salamat po.”

Pagkatapos ay sinorpresa niya ang bishop nang tawagan niya ito sa telepono. Walang binanggit tungkol sa sariling kalagayan o sa masigasig niyang pagsisikap sa tungkulin, itinanong niya, “Bishop, may magagawa po ba ako para sa inyo?” Ang Espiritu Santo lamang ang makapagpapadama sa kanya ng bigat ng pasanin ng bishop bagama’t napakabigat ng sarili niyang pasanin. At ang Espiritu lamang ang maaaring gumabay sa kanya sa pagbubuo ng plano na paglingkuran ang kanyang mga kapatid gamit ang paraang ginamit niya sa pagpaplano ng mga kaganapan sa Scouting noong bata pa siya.

Sa pagdarasal nang may pananampalataya, mapagkakalooban tayo ng Diyos ng kapangyarihan sa priesthood para sa anumang sitwasyong mapasukan natin. Ang kailangan lamang ay humiling tayo nang may pagpapakumbaba na ipakita sa atin ng Espiritu ang nais ng Diyos na sabihin at gawin natin, gawin ito, at patuloy na mamuhay nang marapat sa kaloob na iyan.

Pinatototohanan ko sa inyo na ang Diyos Ama ay buhay, mahal Niya tayo, at pinakikinggan ang ating mga dalangin. Pinatototohanan ko na si Jesus ang buhay na Cristo, na dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala ay naging posibleng mapadalisay at maging marapat tayo sa patnubay ng Espiritu Santo. Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng ating pananampalataya at kasigasigan, maririnig natin balang-araw ang mga salitang maghahatid sa atin ng kagalakan: “Mabuting gawa, mabuti at tapat na [lingkod].”9 Dalangin ko na tanggapin natin ang dakilang pagpapalang iyan mula sa Panginoong ating pinaglilingkuran. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.