2015
Sa Pagiging Tapat
Mayo 2015


Sa Pagiging Tapat

Dalangin ko na labanan natin ang tuksong magtuon sa ating sarili at, sa halip, magsikap para sa mas dakilang karangalan: maging mapagpakumbaba at tapat na disipulo ni Jesucristo.

Noong mga huling taon ng ika-18 siglo, ipinahayag ni Catherine the Great ng Russia na lalakbayin niya ang katimugang bahagi ng kanyang kaharian, kasama ang ilang dayuhang embahador. Gustung-gusto ng gobernador sa lugar, na si Grigory Potemkin, na pahangain ang mga bisitang ito. Kaya ginawa niya ang lahat-lahat para itanghal ang mga nagawa ng bansa.

Sa isang bahagi ng paglalakbay, nagbalsa si Catherine pababa ng Dnieper River, at nagmamalaking itinuro sa mga embahador ang maliliit na nayon sa tabing ilog, na puno ng masisipag at masasayang mamamayan. Isa lang ang problema: palabas lang iyon. Sinasabi na nagpagawa si Potemkin ng mga pekeng tindahan at bahay na yari sa pasteboard. Naglagay pa siya ng mga magsasaka na tila abala para pagmukhaing maunlad ang ekonomiya. Nang makalampas na ang grupo sa pagliko sa ilog, tinatanggal ng mga tauhan ni Potemkin ang pekeng nayon at nagmamadaling ibinababa ito ng ilog para paghandaan ang pagdaan naman doon ni Catherine.

Bagama’t pinagdudahan ng mga makabagong mananalaysay ang katotohanan ng kuwentong ito, ang katagang “Potemkin village” ay pumasok sa bokabularyo ng mundo. Tumutukoy na ito ngayon sa anumang pagtatangkang paniwalain ang iba na mas mabuti tayo kaysa tunay nating pagkatao.

Mabuti ba ang Layunin ng Ating Puso?

Bahagi ng likas na ugali ng tao na gustuhing maging maganda sa paningin ng iba. Kaya nga marami sa atin ang pinagaganda nang husto ang labas ng ating bahay at tinitiyak ng ating mga binatilyong Aaronic Priesthood na nakaayos ang bawat hibla ng kanilang buhok, sakaling makasalubong nila ang kanilang nililigawan. Hindi masamang pakintabin ang ating sapatos, magpabango, o itago ang maruruming pinggan bago dumating ang mga home teacher. Gayunman, kapag lumabis na, ang hangaring ito na pahangain ang iba ay hindi na makabuluhan kundi panloloko na.

Ang mga propeta ng Panginoon ay laging nagbababala laban sa mga taong “luma[la]pit [sa Panginoon], at pinapupurihan [Siya] ng kanilang bibig at ng kanilang mga labi, nguni’t inilayo ang kanilang puso sa [Kanya].”1

Maunawain at mahabagin ang Tagapagligtas sa mga makasalanan na ang puso ay mapagpakumbaba at taos. Ngunit pinagalitan Niya ang mga ipokritong gaya ng mga eskriba, Fariseo, at Saduceo—yaong mga pakunwaring mabait para sila ay mapuri, makaimpluwensya, at yumaman sa mundo, samantalang inaapi ang mga taong dapat ay pinagpapala nila. Ikinumpara sila ng Tagapagligtas sa “mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa’t sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumaldumal.”2

Sa ating panahon, gayon din katindi ang sinabi ng Panginoon sa mga mayhawak ng priesthood na nagtatangkang “pagtakpan ang [kanilang] mga kasalanan, o bigyang-kasiyahan ang [kanilang] kapalaluan, [o ang kanilang] walang kabuluhang adhikain.” Kapag ginawa nila ito, wika Niya, “ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati; at kapag ito ay lumayo, Amen sa pagkakasaserdote o sa kapangyarihan ng taong iyon.”3

Bakit nangyayari ito? Bakit natin tinatangka kung minsan na magmukhang masigla, maunlad, at tapat sa panlabas na anyo samantalang sa ating kalooban—sabi nga ng Tagapaghayag tungkol sa mga taga-Efeso—ating “iniwan ang [ating] unang pagibig”?4

Sa ilang sitwasyon, maaaring nawala lang ang tuon natin sa diwa ng ebanghelyo, na ipinagkakamali ang “anyo ng kabanalan” sa “kapangyarihan nito.”5 Mapanganib ito lalo na kapag ginagampanan lang natin ang ating pagkadisipulo upang pahangain ang iba para tayo makinabang o makaimpluwensya. Sa gayon ay nanganganib tayong maging tulad ng mga Fariseo, at panahon na para suriin ang ating puso upang maituwid kaagad ang ating landasin.

Mga Programa ni Potemkin

Ang tuksong magmukhang mas mabuti kaysa tunay nating pagkatao ay matatagpuan hindi lamang sa ating personal na buhay kundi maging sa ating mga tungkulin sa Simbahan.

Halimbawa, may alam akong isang stake kung saan nagtakda ng matatayog na mithiin ang mga lider para sa buong taon. Samantalang mukhang makabuluhan ang lahat ng mithiin, nagtuon sila sa mataas at kahanga-hangang mga pahayag o sa bilang at porsiyento.

Matapos talakayin at pagkasunduan ang mga mithiing ito, may bagay na nagsimulang bumagabag sa stake president. Naisip niya ang mga miyembro ng kanyang stake—gaya ng bata pang ina na may maliliit na anak at kamamatay lang ng asawa. Naisip niya ang mga miyembrong nahihirapan sa mga pagdududa o kalumbayan o may matitinding karamdaman at walang insurance. Naisip niya ang mga miyembrong nakipaghiwalay sa asawa, may adiksyon, walang trabaho, at may sakit sa pag-iisip. At habang lalo niya silang naiisip, lalo siyang napapakumbaba sa tanong na ito: gagawa ba ng kaibhan ang mga bago naming mithiin sa buhay ng mga miyembrong ito?

Naisip niya kung paano maiiba ang mga mithiin ng kanilang stake kung itinanong muna nila, “Ano ang maitutulong natin?”

Kaya bumalik ang stake president na ito sa kanyang mga council, at magkakasama nilang binago ang pagtutuunan ng kanilang pansin. Naipasiya nila na hindi nila tutulutan “ang nagugutom, … ang nangangailangan, … ang hubad, … ang may karamdaman at ang naghihirap na dumaraan sa [kanilang] harapan, nang hindi sila pinapansin.”6

Nagtakda sila ng mga bagong mithiin, na kinikilala na ang tagumpay sa mga bagong mithiing ito ay hindi palaging nasusukat, kahit ng tao—sapagkat paano susukatin ng isang tao ang personal na patotoo, pag-ibig ng Diyos, o habag para sa iba?

Ngunit batid din nila na “marami sa mga bagay na mabibilang mo, ang hindi mahalaga. Marami sa mga bagay na hindi mo mabibilang ang tunay na mahalaga.”7

Iniisip ko kung ang mga personal na mithiin natin at ng ating organisasyon ay makabagong halimbawa kung minsan ng Potemkin village. Mukha ba silang kahanga-hanga sa malayo ngunit hindi nila malutas ang tunay na mga pangangailangan ng minamahal nating kapwa-tao?

Mahal kong mga kaibigan at kapwa mayhawak ng priesthood, kung uupo sa ating tabi si Jesucristo at magtatanong tungkol sa mga ginawa natin, hindi ako nakatitiyak na magtutuon Siyang masyado sa mga programa at estadistika. Ang nanaising malaman ng Tagapagligtas ay ang kundisyon ng ating puso. Nanaisin Niyang malaman kung paano natin minamahal at pinaglilingkuran ang ating mga pinangangalagaan, paano natin ipinapakita ang ating pagmamahal sa ating asawa at pamilya, at paano natin pinagagaan ang kanilang pasanin sa araw-araw. At nanaising malaman ng Tagapagligtas kung paano tayo mas napapalapit sa Kanya at sa ating Ama sa Langit.

Bakit Tayo Narito?

Makabubuting suriin natin ang ating sariling puso. Halimbawa, maitatanong natin sa sarili, bakit tayo naglilingkod sa Simbahan ni Jesucristo?

Maitatanong pa nga natin, bakit tayo narito sa miting na ito ngayon?

Palagay ko kung sasagutin ko nang mababaw ang tanong na iyan, masasabi kong narito ako dahil inatasan ako ni Pangulong Monson na magsalita.

Kaya wala talaga akong magagawa.

Bukod pa riyan, ang asawa ko, na mahal na mahal ko, ay inaasahan akong dumalo. At paano ako makakahindi sa kanya?

Ngunit alam nating lahat na may mas magagandang dahilan sa pagdalo sa ating mga miting at pamumuhay bilang tapat na mga disipulo ni Jesucristo.

Narito ako dahil buong puso kong hinahangad na sundin ang aking Panginoong Jesucristo. Nais kong gawin ang lahat ng ipagagawa Niya sa akin sa dakilang layuning ito. Hangad kong maliwanagan ng Banal na Espiritu at marinig ang tinig ng Diyos kapag nagsalita Siya sa pamamagitan ng Kanyang inorden na mga lingkod. Narito ako para maging mas mabuting tao, para mapasigla ng nagbibigay-inspirasyong mga halimbawa ng aking mga kapatid kay Cristo, at matuto kung paano mas epektibong mapaglilingkuran ang mga nangangailangan.

Sa madaling salita, narito ako dahil mahal ko ang aking Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo.

Tiyak kong iyan din ang dahilan ninyo. Kaya nga handa tayong magsakripisyo at hindi lang magsabi na susundin natin ang Tagapagligtas. Kaya nga ikinararangal nating taglayin ang Kanyang banal na priesthood.

Ningas na Naging Siga

Malago at malakas man ang inyong patotoo o mas mukhang Potemkin village ang inyong pagsisimba, ang magandang balita ay na masasandigan ninyo ang anumang lakas na taglay ninyo. Dito sa Simbahan ni Jesucristo maaaring mahusto ang inyong espirituwalidad at mas mapalapit kayo sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo araw-araw.

Sa pagtitiis at pagtitiyaga, kahit ang pinakamaliit na gawain ng pagkadisipulo o pinakamaliit na ningas ng paniniwala ay maaaring maging nagliliyab na siga ng isang banal na buhay. Katunayan, ganyan nagsisimula ang karamihan sa mga siga—sa isang simpleng ningas.

Kaya kung nanliliit at nanghihina kayo, lumapit lamang kay Cristo, na ginagawang malakas ang mahihinang bagay.8 Ang pinakamahina sa atin, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ay maaaring maging malakas sa espirituwal, dahil ang Diyos ay “hindi nagtatangi … ng mga tao.”9 Siya ang ating “tapat na Dios, na nag-iingat ng tipan at naggagawad ng kagandahang-loob sa mga umiibig sa kaniya, at tumutupad ng kaniyang mga utos.”10

Naniniwala ako na kung kayang tulungan at suportahan ng Diyos ang isang kaawa-awang German refugee mula sa isang simpleng pamilya sa bansang winasak ng digmaan sa kabilang panig ng mundo malayo sa headquarters ng Simbahan, kaya Niya kayong tulungan.

Mahal kong mga kapatid kay Cristo, ang Diyos ng Paglikha, na nagbigay ng hininga ng buhay sa sansinukob, ay tiyak na may kapangyarihang bigyan kayo ng hininga ng buhay. Tiyak na magagawa Niya kayong tapat at espirituwal na nilalang ng liwanag at katotohanan na nais ninyong kahinatnan.

Ang mga pangako ng Diyos ay tiyak at sigurado. Maaari tayong patawarin sa ating mga kasalanan at malinis mula sa lahat ng kasamaan.11 At kung patuloy nating tatanggapin at ipamumuhay ang mga tunay na alituntunin sa ating personal na sitwasyon at sa ating pamilya, sa huli ay darating tayo sa punto na tayo’y “hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa man. … Sapagka’t ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor [natin], at [tayo’y] papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawa’t luha ng [ating] mga mata.”12

Ang Simbahan ay Lugar ng Pagpapagaling, Hindi Lugar na Pagtataguan

Ngunit hindi ito mangyayari kung magtatago tayo sa likod ng pagkukunwari sa personal, doktrina, o organisasyon. Sa gayong huwad na pagkadisipulo, bukod sa hindi natin nakikita ang ating sarili kung sino tayo talaga, hindi pa tayo tunay na nagbabago sa pamamagitan ng himala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Ang Simbahan ay hindi isang automotible showroom—isang lugar na maididispley natin ang ating sarili para mahangaan ng iba ang ating espirituwalidad, kakayahan, o kasaganaan. Mas mukha itong talyer, kung saan dinadala ang mga sasakyang kailangang kumpunihin at baguhin para tumakbo nang maayos.

At hindi nga ba tayo, lahat tayo, ay kailangang kumpunihin, ayusin, at baguhin?

Nagsisimba tayo hindi para itago ang ating mga problema kundi para lutasin ang mga ito.

At bilang mga mayhawak ng priesthood, may karagdagan tayong responsibilidad—ang “pangalagaan … ang kawan ng Dios … , na hindi sapilitan, kundi may kasayahan; … ni hindi dahil sa [personal] na kapakinabangan, kundi sa handang pagiisip; ni hindi din naman ang gaya ng kayo’y may pagkapanginoon sa pinangangasiwaang ipinagtagubilin sa inyo, kundi kayo’y maging mga uliran ng kawan.”13

Tandaan, mga kapatid, “ang Dios ay sumasalansang sa mga palalo, datapuwa’t nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.”14

Ang pinakadakila, pinakamahusay, pinakatagumpay na taong nabuhay sa daigdig na ito ang siya ring pinakamapagkumbaba. Isinagawa Niya ang ilan sa Kanyang lubhang kahanga-hangang paglilingkod sa mga pribadong sandali, na iilan lang ang nakamasid, na sinabihan Niyang “huwag sabihin kanino man” ang Kanyang ginawa.15 Nang may tumawag sa Kanya na “mabuti,” agad Niyang tinanggihan ang papuri, na iginigiit na Diyos lamang ang tunay na mabuti.16 Malinaw na walang halaga sa Kanya ang papuri ng mundo; ang tanging layunin Niya ay paglingkuran ang kanyang Ama at “[gawing] lagi ang mga bagay na sa kaniya’y nakalulugod.”17 Makabubuting tularan natin ang halimbawa ng ating Panginoon.

Nawa’y Magmahal Tayo na Katulad Niya

Mga kapatid, ito ang ating mataas at banal na tungkulin—ang maging mga kinatawan ni Jesucristo, magmahal na katulad Niya, maglingkod na katulad Niya, “itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina,”18 “[mangalaga] sa mga maralita at sa nangangailangan,”19 at pangalagaan ang mga balo at ulila.20

Dalangin ko, mga kapatid, na habang naglilingkod tayo sa ating mga pamilya, korum, ward, stake, komunidad, at bansa ay labanan natin ang tuksong magtuon sa ating sarili at, sa halip, magsikap para sa mas dakilang karangalan: maging mapagpakumbaba at tapat na mga disipulo ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Kapag ginawa natin ito, lalakad tayo sa landas na humahantong sa ating pinakamaganda, pinakatapat, at pinakamarangal na pagkatao. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, amen.