2015
Gawing Bahagi ng Ating Buhay ang Kumperensya
Mayo 2015


Nagsalita Sila sa Atin

Gawing Bahagi ng Ating Buhay ang Kumperensya

Isiping gamitin ang ilan sa mga aktibidad at tanong na ito bilang panimula sa talakayan ng pamilya o personal na pagninilay.

Para sa mga Bata

  • Nagkuwento si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na natakot siya nang mabasag niya nang di-sinasadya ang bintana ng isang tindahan malapit sa bahay nila (pahina 46). Pagkatapos ay itinuro niya na kapag tayo ay umasa kay Jesucristo at sumunod sa Kanya, madarama natin ang kapayapaan sa halip na takot. Ano ang magagawa ninyo bawat araw para tulungan ang inyong mga anak na umasa sa Tagapagligtas? Paano ninyo sila matuturuang magpatuloy kay Cristo kahit mahirap ang panahon?

  • Nagkuwento si sister Linda K. Burton, Relief Society general president, tungkol sa isang pamilyang lumipat sa isang bagong bahay na walang bakod sa paligid sa bakuran (pahina 29). Minarkahan ng ama ng pisi ang mga hangganan ng bakuran at sinabi sa kanyang mga anak na magiging ligtas sila kung mananatili sila sa loob ng linya. Sumunod ang mga bata, kahit na tumalbog ang bola sa labas ng pisi. Paano matutulungan ng mga magulang ang mga anak na maging ligtas? Anong mga pagpapala ang dumarating sa pakikinig sa ating mga magulang? Anong mga hangganan ang ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit?

  • Nagkuwento si Bishop Gérald Caussé, Unang Tagapayo sa Presiding Bishopric, tungkol sa tatlong lalaki sa Africa na naglakad nang dalawang linggo sa mapuputik na landas para dumalo sa isang district meeting (pahina 98)! Namalagi sila roon nang isang linggo para makabahagi ng sakramento bago umuwi. Pagkatapos ay nagdala sila ng kahun-kahong mga kopya ng Aklat ni Mormon sa kanilang ulo para ibigay sa mga tao sa kanilang nayon. Sa palagay ba ninyo magandang bagay ang ebanghelyo? Anong mga sakripisyo ang handa kayong gawin para ipamuhay ang ebanghelyo?

Para sa mga Kabataan

  • Maraming mensahe sa kumperensyang ito ang nagbigay-diin sa kahalagahan ng pamilya at tahanan. Halimbawa, hiniling ni Sister Bonnie L. Oscarson, Young Women general president, sa mga miyembro ng Simbahan na “ipagtanggol … ang tahanan bilang isang lugar na pumapangalawa lamang sa templo sa kabanalan” (pahina 14). Ano ang magagawa ninyo para ipagtanggol ang tahanan? Paano ninyo magagawang sagradong lugar ang inyong tahanan?

  • Itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang ating saloobin at kilos sa araw ng Sabbath ay isang palatandaan sa pagitan natin at ng Ama sa Langit (pahina 129). Habang binabasa ninyo ang mensahe ni Elder Nelson, maaari ba ninyong isipin ang darating na araw ng Linggo at itanong sa inyong sarili, “Anong palatandaan ang gusto kong ibigay sa Diyos?”

  • Nagkuwento si Elder Ulisses Soares ng Pitumpu tungkol sa isang deacon na sumunod sa halimbawa ni Kapitan Moroni (pahina 70). Nang makita ng binatilyo na nakatingin ang ilang kaklase niya sa malalaswang larawan sa kanilang cell phone, sinabihan niya sila na mali ang ginagawa nila at na dapat silang tumigil. Tumigil ang isa niyang kaibigan. Paano tayo tatanggap ng lakas na piliin ang tama? Paano natin malalaman kung ano ang ligtas na magpasaya sa atin?

  • Maaari nating madama na may kapangyarihan tayo sa mga electronic device dahil nagbibigay ito ng access sa halos lahat ng impormasyon at media. Ngunit tumigil na ba kayo at nag-isip kung sila ang kumokontrol sa inyo? Sabi ni Elder José A. Teixeira ng Pitumpu, “Nagdudulot ng ginhawa ang sandaling pagsasantabi ng ating mga electronic device” (pahina 96). Subukan ninyo! Pumili kaagad ng isang araw na wala kayong hawak na device. Maaaring mukhang ito ang huling bagay na gugustuhin ninyong gawin, ngunit magugulat kayo sa mas maraming oras na maiuukol ninyo sa pakikipag-usap sa mga kaibigan at pamilya at pagbubuo ng mga alaala sa piling nila.

  • Ang pag-aayuno ay isa sa pinakamaiinam na paraan para maging seryoso tungkol sa espirituwal na kapangyarihan. Ipinaalala sa atin ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na ang pag-aayuno at panalangin ay nagpalakas kay Jesus laban sa mga tukso ni Satanas noong nasa ilang ang Tagapagligtas (pahina 22). Sa susunod na Linggo ng ayuno, subukang sundan ang halimbawa ni Jesus at mag-ayuno nang may layunin. Tatanggap kayo ng banal na tulong at maging ng proteksyon.

Para sa Matatanda

  • Tinalakay ng ilang tagapagsalita sa kumperensya ang kahalagahan ng kasal at pamilya sa lipunan at sa plano ng kaligtasan. Maaari ninyong sagutin ang limang tanong ni Sister Burton sa pahina 31 at mapanalanging pag-isipan kung paano ninyo higit na maiaangat at mamahalin ang mga taong pinakamalapit sa inyo. Bilang pamilya, talakayin kung paano ninyo higit na maitutuon ang inyong tahanan kay Jesucristo at paano ninyo higit na masusuportahan ang isa’t isa.

  • Ipinaalala sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson ang mga pagpapalang nagmumula sa pagpunta at paglilingkod sa templo, kabilang na ang espirituwalidad, kapayapaan, at lakas na daigin ang mga tukso at pagsubok (pahina 91). “Sa pagpunta natin sa templo,” wika niya, “maaaring madagdagan ang ating espirituwalidad at makadarama tayo ng kapayapaan na higit pa sa anumang damdaming maaaring dumating sa puso ng tao.” Ano ang magagawa ninyo para maging mas makabuluhan ang inyong pagdalo sa templo?

  • Ang pananampalataya kay Jesucristo ay isang alituntunin ng pagkilos. “Hindi tayo maniniwala sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo ni mananalangin o magbabayad ng ikapu nang hindi sinasadya,” sabi ni Elder L. Whitney Clayton ng Panguluhan ng Pitumpu. “Sadyang pinipili nating maniwala” (pahina 36). Habang binabasa ninyo ang kanyang mensahe at ang mga mensahe nina Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol (pahina 32); Rosemary M. Wixom, Primary general president (pahina 93); Bishop Gérald Caussé (pahina 98); at Elder Kevin W. Pearson ng Pitumpu (pahina 114), isiping gumawa ng listahan ng mga paraan para mapalakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Pagkatapos ay gumawa ng listahan ng ipinangakong mga pagpapala na nagmumula sa nag-ibayong pananampalataya.

  • Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ang bumubuo ng “pinakadakilang pagpapamalas ng dalisay na pag-ibig ba na ipinamalas sa kasaysayan ng mundong ito” (pahina 104). Paano ninyo higit na maipapakita sa inyong mga iniisip, sinasabi, at ginagawa ang pagpapahalaga ninyo sa nagawa ng Tagapagligtas?

  • Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang mahimalang kaloob ng biyaya at ang kahalagahan ng pagsunod at pagsisisi. “Ang pagsisikap na unawain ang biyayang kaloob ng Diyos nang buong puso’t isipan ay nagbibigay sa ating lahat ng mas maraming dahilan para mahalin at sundin ang ating Ama sa Langit nang may kaamuan at pasasalamat,” wika niya (pahina 107). Isiping ituloy ang pag-aaral ninyo tungkol sa biyaya sa pagbasa ng Mga Taga Roma 3:23; 6:1–4; 2 Nephi 25:23, 26; Mosias 2:21; 5:2; 27:25; Alma 34:10, 15; Eter 12:27; at Moroni 10:32.