2015
Elder Allen D. Haynie
Mayo 2015


Elder Allen D. Haynie

Unang Korum ng Pitumpu

Si Elder Allen Decker Haynie ay sinang-ayunan bilang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu noong Abril 4, 2014.

Si Elder Haynie ay isinilang noong Agosto 29, 1958, kina Van Lloyd at Sarah Lulu Lewis Haynie.

Siya ay isinilang sa Logan, Utah, ngunit noong kanyang kabataan ay nanirahan sila sa iba pang mga lungsod sa hilagang Utah at sa Silicon Valley sa California. Siya ay nag-aral sa limang iba’t ibang paaralan sa elementarya, dalawang junior high school, at sa huli ay nag-aral sa isang high school sa Bountiful, Utah.

Ang iba’t ibang karanasang ito ay “nagturo sa akin ng magandang aral tungkol sa pagkatutong pahalagahan ang lahat ng tao,” sabi niya, “dahil tila taun-taon ay palipat-lipat ako ng lugar at nakikipagkaibigang muli. Isa sa mga bagay na gustung-gusto ko tungkol sa Simbahan ay na binibigyan tayo nito ng pagkakataong makasalamuha ang mga tao at mapahalagahan ang kanilang magkakaibang pinagmulan, karanasan, mga talento, at kakayahan.”

Naglingkod siya sa Argentina Cordoba Mission mula 1977 hanggang 1979.

Nang makatapos ng bachelor’s degree sa political science mula sa Brigham Young University, nag-aral pa at nagtapos si Elder Haynie ng juris doctorate mula sa J. Reuben Clark Law School ng unibersidad noong 1985.

Tinapos niya ang judicial clerkship nang isang taon sa U.S. Ninth Circuit Court of Appeals sa San Diego, California, bago pumasok sa law firm ng Latham and Watkins, na nagtatrabaho sa labas ng San Diego. Makaraan ang mga limang taon sila ng kanyang kapatid ay nagtayo ng sarili nilang law firm.

Si Elder Haynie ay naglingkod rin bilang elders quorum president, ward Young Men president, seminary teacher, high councilor, bishop, stake president, at Area Seventy.

Nakilala niya si Deborah Ruth Hall habang nag-aaral sa BYU, at ang dalawa ay ikinasal noong Disyembre 19, 1983, sa Salt Lake Temple. Mayroon silang anim na anak.

Naging madamdamin sa pagkukuwento tungkol sa kanyang patotoo, sinabi ni Elder Haynie na una niyang binasa at minarkahan ang Aklat ni Mormon noong siya ay edad 12. “Wala akong maalala na hindi ako naniwala; wala akong maalala na hindi ako nagdasal.”