Websites Nagtampok ng Paglilingkod
Ano ang ginagawa ng mga Banal sa mga Huling Araw para mas mapabuti ang mga komunidad kung saan sila naninirahan? Alamin sa pagpunta sa MormonNewsroom.org. Narito ang ilang halimbawa mula sa pinakahuling mga posting sa international Newsroom websites.
New Zealand at Vanuatu
Nang tumama ang Cyclone Pam sa maliit na Pacific island ng bansang Vanuatu, ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Auckland, New Zealand—kasama ang tulong mula sa Church Humanitarian Services—ay nagsama-sama para tulungan ang mga nasalanta ng bagyo. Nakagawa sila ng 2,000 kahon ng mga pagkain para matulungan hangga’t maaari ang marami sa apektadong populasyon. Ang bawat lalagyan ay may harina, bigas, de-latang prutas, beans, corned beef, isda, biskwit, pasas, noodles, chocolate milk powder at isang can opener. Ang mga lalagyan ay maaari ding gamitin para sa iba pang bagay, tulad ng lalagyan ng tubig.
Dominican Republic at Canada
Sa Dominican Republic at Canada, nakibahagi ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw sa pagdiriwang ng International Women’s Day, isang kaganapan na itinataguyod ng United Nations. Mahigit 1,200 kababaihan ang nagtipon sa mga meetinghouse ng Simbahan sa ilang lugar ng Dominican Republic upang papurihan ang kababaihan sa kanilang maraming kontribusyon sa mundo. Nakibahagi ang mga lider ng relihiyon, lipunan, at militar sa okasyong ito, na kinapapalooban ng pagtatanghal ng musika at pagbibigay ng mensahe. Sa Canada, ipinagdiwang din ito ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw sa pamamagitan ng pagbabahagi ng impormasyon tungkol sa Relief Society, na binibigyang-diin na ito ay “napakalaking kasangkapan sa paglilingkod sa iba’t ibang panig ng mundo.”
United Kingdom
Ang kanilang orihinal na mithiin ay makapagtahi ng 100 damit para sa mga batang nangangailangan sa Africa, ngunit nang matapos sila, ang kababaihan ng Coventry Ward sa England ay nakagawa nang mahigit 230. Ang simpleng mga damit, na gawa sa punda ng unan, ay madaling gawin. Ang isang babae, na hindi dating nagtatahi, ay nakagawa ng 3 sa mga ito.
Arkansas, USA
Mahigit 600 katao ang dumalo sa interfaith community devotional tungkol sa paksang kalayaang pangrelihiyon na pinangasiwaan ng Little Rock Arkansas Stake, kabilang ang mga kinatawan ng mga Katoliko, Methodist, at Islamic at isang personalidad mula sa Evangelical radio. Kasama rin sa debosyonal na ito ng iba’t ibang relihiyon ang isang mensahe na naka-video mula sa lieutenant governor ng estado at ang pangwakas na panalangin mula sa senador ng estado, na kapwa Baptist. Sinabi ng mga nag-organisa na ang kaganapang ito ay lumikha ng “pagkakaunawaan.”