2015
Pangangalaga sa Kalayaan, Pagprotekta sa Kalayaang Pangrelihiyon
Mayo 2015


Pangangalaga sa Kalayaan, Pagprotekta sa Kalayaang Pangrelihiyon

Ang tapat na paggamit ng ating kalayaan ay batay sa ating pagkakaroon ng kalayaang pangrelihiyon.

Ito ang Linggo ng Pagkabuhay: isang araw ng pasasalamat at pag-alaala bilang parangal sa Pagbabayad-sala ng ating Panginoong Jesucristo at sa Pagkabuhay na Mag-uli para sa buong sangkatauhan. Ating sinasamba Siya, nagpapasalamat sa ating kalayaang pangrelihiyon, kalayaang magtipon, kalayaan sa pananalita, at sa karapatang ibinigay ng Diyos na pumili nang malaya.

Tulad ng sinabi ng mga propeta tungkol sa mga huling araw na ito kung kailan tayo nabubuhay, marami ang nalilito tungkol sa kung sino tayo at kung ano ang pinaniniwalaan natin. Ang ilan ay “palabintangin … [at] hindi mga maibigin sa mabuti”1 Ang mga iba ay “nagsisitawag ng mabuti ay masama, at ng masama ay mabuti; [at] na inaaring dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim.”2

Habang silang mga nakapalibot sa atin ay gumagawa ng mga pagpili hinggil sa kung paano tumugon sa ating mga pinaniniwalaan, hindi natin dapat kalimutan na ang moral na kalayaang pumili ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Ang walang hanggang planong ito, na inihayag sa atin sa Kapulungan sa Langit bago ang buhay dito sa mundo, ay may kalakip na kaloob ng kalayaang pumili.3

Sa Malaking Kapulungang iyan, si Lucifer, na kilala bilang si Satanas, ay ginamit ang kanyang kalayaang pumili para salungatin ang plano ng Diyos. Sinabi ng Diyos: “Sapagkat … Si Satanas ay naghimagsik laban sa akin, at naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, na ako, ang Panginoong Diyos, ang nagbigay sa kanya, … Aking pinapangyaring siya ay mapalayas.”4

Pagpapatuloy niya: “At gayon din ang ikatlong bahagi ng hukbo ng langit ay inilayo niya sa akin dahil sa kanilang kalayaang pumili.”5

Dahil dito, ang mga espiritung anak ng Ama sa Langit na piniling tanggihan ang Kanyang plano at sumunod kay Lucifer ay nawalan ng kanilang banal na tadhana.

Si Jesucristo, gamit ang Kanyang kalayaang pumili, ay nagsabing:

“Narito ako, isugo ako.”6

“Masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan.”7

Si Jesus, na ginamit ang Kanyang kalayaang pumili para ayunan ang plano ng Ama sa Langit, ay tinukoy at hinirang ng Ama bilang ating Tagapagligtas, inorden noon pa man para gawin ang nagbabayad-salang sakripisyo para sa lahat. Gayundin, ang ating paggamit ng kalayaang pumili para sundin ang mga utos ay magbibigay sa atin ng kakayahang maunawaan nang lubos kung sino tayo at matanggap ang lahat ng pagpapalang taglay ng ating Ama sa Langit—kabilang na ang pagkakataong magkaroon ng katawan, umunlad, magalak, magkaroon ng pamilya, at magmana ng buhay na walang hanggan.

Para masunod ang mga utos, kailangan nating malaman ang opisyal na ipinapahayag na doktrina ng Simbahan para hindi tayo malihis mula sa pamumuno ni Cristo dahil sa pabagu-bagong hangarin ng mga indibiduwal.

Ang mga biyaya na tinatamasa natin ngayon ay dulot ng pagpili nating sundin ang Tagapagligtas bago ang buhay na ito. Para sa lahat na naririnig o nababasa ang mga salitang ito, kahit sino ka man at kahit ano pa ang iyong nakaraan, tandaan ito: hindi pa huli para gawing muli ang pasiyang iyon at sundin Siya.

Sa pagsampalataya kay Jesucristo, pananalig sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi ng ating mga kasalanan, at pagpapabinyag, tayo ay maaaring makatanggap ng banal na kaloob na Espiritu Santo. Ang kaloob na ito ay nagbibigay ng kaalaman at pag-unawa, gabay at kalakasan para matuto at magkaroon ng patotoo, kapangyarihan, paglilinis para madaig ang kasalanan, at kapanatagan at panghihikayat na maging matapat sa kabila ng paghihirap. Ang walang kapantay na mga pagpapalang ito ng Espiritu ay magpapaibayo sa ating kalayaan at kapangyarihan na gawin kung ano ang tama, dahil “kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, doon ay may kalayaan.”8

Habang ating tinatahak ang landas ng espirituwal na kalayaan sa mga huling araw na ito, dapat nating maunawaan na ang tapat na paggamit ng ating kalayaan ay batay sa pagkakaroon natin ng kalayaan sa relihiyon. Alam na natin na hindi gusto ni Satanas na mapasaatin ang kalayaang ito. Tinangka niyang sirain ang moral na kalayaang pumili sa langit, at ngayon sa mundo, siya ay matinding naninira, sumasalungat, at nagpapalaganap ng kalituhan tungkol sa kalayaan sa relihiyon—kung ano ito at kung bakit ito mahalaga sa ating espirituwal na buhay at kaligtasan.

Mayroong apat na pundasyon ang kalayaan sa relihiyon na dapat nating panghawakan at protektahan bilang mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang una ay ang kalayaang maniwala. Walang sinumang dapat batikusin, usigin, o atakihin ng mga indibiduwal o pamahalaan anuman ang kanyang paniniwala tungkol sa Diyos. Ito ay napakapersonal at napakahalaga. Isang matagal nang pahayag ng ating mga pinaniniwalaan hinggil sa kalayaan sa relihiyon ang nagsasabing:

“Walang pamahalaang makaiiral sa kapayapaan, maliban kung ang gayong mga batas ay binalangkas at ipinalagay na hindi malalabag nang masiguro sa bawat tao ang malayang paggamit ng budhi. …

“… ang pambayang hukom ay nararapat na sugpuin ang krimen, subalit hindi kailanman pamahalaan ang budhi;… [o] sawatahin ang kalayaan ng kaluluwa.”9

Ang pangunahing kalayaan sa paniniwala ay tinanggap ng United Nations sa kanilang Universal Declaration of Human Rights at ng ibang pambansa at pandaigdigang mga dokumento ng karapatang-pantao.10

Ang pangalawang pundasyon ng kalayaan sa relihiyon ay ang kalayaang ibahagi ang ating pananampalataya at mga paniniwala sa iba. Inutusan tayo ng Panginoon, “Inyong ituturo [ang ebanghelyo] sa inyong mga anak … pagka ikaw ay nauupo sa iyong bahay.”11 Sinabi din Niya sa Kanyang mga disipulo, “Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kinapal.”12 Bilang mga magulang, full-time missionary, at mga miyembrong-missionary, pinanghahawakan natin ang kalayaang ito sa relihiyon para maituro ang doktrina ng Panginoon sa ating mga pamilya at sa buong mundo.

Ang pangatlong pundasyon ng kalayaan sa relihiyon ay ang kalayaang bumuo ng organisasyong pangrelihiyon at sumamba nang matiwasay kasama ang iba. Sinasabi ng ikalabing-isang saligan ng pananampalataya, “Inaangkin [natin] ang natatanging karapatang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos alinsunod sa mga atas ng [ating] sariling budhi, at pinahihintulutan ang lahat ng tao ng gayon ding karapatan, hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila.” Ang alituntuning ito ay suportado ng mga pandaigdigang dokumento ng karapatang-pantao at ng mga saligang-batas ng maraming bansa.

Ang pang-apat na pundasyon ng kalayaan sa relihiyon ay ang kalayaang ipamuhay ang ating pananampalataya—ang malayang paggamit ng pananampalataya hindi lamang sa tahanan at chapel kundi sa mga pampublikong lugar din. Iniutos ng Panginoon na hindi lamang tayo dapat magdasal nang sarilinan13 kundi humayo rin at “Lumiwanag na gayon ang [ating] ilaw sa harap ng mga tao, upang mangakita nila ang [ating] mabubuting gawa, at luwalhatiin ang [ating] Ama na nasa langit.”14

Ang ilan ay nayayamot kapag ibinabahagi natin ang ating relihiyon sa publiko, gayon pa man, ang mga tao ring ito na iginigiit na ang kanilang mga pananaw at mga gawa ay pinapahintulutan ng lipunan ay kadalasang sila ring napakabagal magpahintulot sa mga miyembro ng relihiyon na nais ding mapahintulutan sa kanilang mga pananaw at gawa. Ang laganap na kawalan ng respeto sa mga pananaw sa relihiyon ay mabilis na humahantong na rin sa paghihigpit ng lipunan at pulitika sa mga taong relihiyoso at mga institusyon.

Habang tayo ay dumaranas ng pamimilit na sumunod sa mga sekular na pamantayan, pagpapawalang-bisa ng ating kalayaan sa relihiyon, at pagkompromiso ng ating kalayaang pumili, isipin ang itinuturo ng Aklat ni Mormon tungkol sa ating mga responsibilidad. Sa aklat ni Alma, nabasa natin si Amlici ay, “napakatusong tao” at “isang masamang tao” na naghangad na maging hari ng mga tao at “[pinagkaitan] sila ng kanilang mga karapatan at pribilehiyo,” na “nakabahala sa mga tao ng simbahan.”15 Sila ay tinuruan ni Haring Mosias na itaas ang kanilang mga tinig para sa inaakala nilang tama.16 Samakatwid, “sama-samang tinipon ng mga tao ang kanilang sarili sa lahat ng dako ng buong lupain, bawat tao alinsunod sa kanyang nasasaisip, kung ito ay para kay o laban kay Amlici, sa magkakahiwalay na pangkat, na may masidhing pagtatalutalo … sa isa’t isa.”17

Sa ganitong mga talakayan, ang mga miyembro ng Simbahan at ang iba pa ay may pagkakataong magsama-sama, madama ang diwa ng pagkakaisa, at maimpluwensyahan ng Espiritu Santo. “At ito ay nangyari na, na ang tinig ng mga tao ay nagpahayag laban kay Amlici, kung kaya’t hindi siya ginawang hari sa mga tao.”18

Bilang mga disipulo ni Cristo, tayo ay may tungkulin na makipagtulungan sa mga katulad nating nananampalataya, na itaas ang ating mga tinig sa kung ano ang tama. Bagama’t ang mga miyembro ay hindi nararapat sabihin o kaya’y ipahiwatig na sila ay nagsasalita para sa Simbahan, lahat tayo ay inaanyayahan, sa ating kakayahan bilang mga mamamayan, na magbahagi ng ating personal na pagsaksi nang may pananalig at pagmamahal—“bawat tao alinsunod sa [kanilang] nasasaisip.”19

Sinabi ni Propetang Joseph Smith:

“Matapang kong ipinapahayag sa harap ng Langit na handa rin akong mamatay sa pagtatanggol sa mga karapatan ng isang Presbyterian, Baptist, o isang mabuting tao ng ibang relihiyon [tulad ng isang Mormon]; sapagkat ang mga alituntuning yuyurak sa mga karapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay yuyurak sa mga karapatan ng mga Romano Katoliko, o ng iba pang relihiyon na maaaring hindi popular at napakahina para ipagtanggol ang kanilang sarili.

“Pagmamahal sa kalayaan ang nagbibigay-inspirasyon sa aking kaluluwa—kalayaan ng tao at relihiyon sa buong sansinukob.”20

Mga kapatid, responsibilidad nating pangalagaan ang banal na mga kalayaan at karapatang ito para sa ating sarili at sa ating mga inapo. Ano ang maaari nating gawin?

Una, tayo ay maaaring maging maalam. Alamin ang mga bagay na nangyayari sa inyong komunidad na maaaring magkaroon ng epekto sa kalayaan sa relihiyon.

Pangalawa, sa inyong sariling kakayahan, makiisa sa iba na may dedikasyon sa kalayaan sa relihiyon na tulad natin. Magtulungan upang mapangalagaan ang kalayaan sa relihiyon.

Pangatlo, mamuhay sa paraang kayo ay magiging mabuting halimbawa ng inyong pinaniniwalaan—sa salita at gawa. Ang uri ng pamumuhay ng ating relihiyon ay mas mahalaga kaysa sinasabi natin tungkol sa ating relihiyon.

Ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas ay papalapit na. Huwag tayong magpaliban sa dakilang layuning ito. Alalahanin si Kapitan Moroni, na itinaas ang bandila ng kalayaan na may nakasulat na “Sa alaala ng ating Diyos, ating relihiyon, at kalayaan, at ating kapayapaan, ating mga asawa, at ating mga anak.”21 Tandaan natin ang isinagot ng mga tao: gamit ang kanilang kalayaang pumili, sila ay “sama-samang patakbong nagsidatingan” na may matibay na pangakong kikilos.22

Minamahal kong mga kapatid, huwag kayong maglakad! Tumakbo! Tumakbo upang matanggap ang mga biyaya ng kalayaang pumili sa pamamagitan ng pagsunod sa Espiritu Santo at paggamit sa mga kalayaang ibinigay sa atin ng Diyos para magawa ang Kanyang nais.

Ibinabahagi ko ang aking natatanging pagsaksi sa espesyal na araw na ito ng Pasko ng Pagkabuhay na ginamit ni Jesucristo ang Kanyang kalayaang pumili para gawin ang nais ng ating Ama.

Patungkol sa ating Tagapagligtas, tayo ay umaawit na “Ibinuhos N’ya ang sariling dugo; Buhay N’ya ay isinuko.”23 At dahil ginawa Niya ito, tayo ay nagkaroon ng walang kapantay na pagkakataon na “malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan” sa pamamagitan ng kapangyarihan at mga biyaya ng Kanyang Pagbabayad-sala.24 Nawa ay kusa nating piliin na sundin Siya ngayon at sa tuwina, ang aking dalangin sa Kanyang banal na pangalan, maging si Jesucristo, amen.