2015
Paghahanap sa Panginoon
Mayo 2015


Paghahanap sa Panginoon

Habang pinalalawak natin ang ating pang-unawa tungkol sa Tagapagligtas, mag-iibayo ang hangarin nating mamuhay nang may galak at pananalig na posible tayong magalak.

Mahal kong mga kapatid, malaking kagalakan para sa akin ang tumayo sa inyong harapan habang sama-sama tayong nakikibahagi sa pangkalahatang kumperensyang ito. Ang pakikinig sa mga salita ng karunungan, payo, pag-aliw, at babalang ibinibigay sa mga pangkalahatang kumperensya sa loob ng maraming taon ay naging malaking pagpapala kay Sister Teixeira, sa aming pamilya, at sa akin.

Sa espesyal na panahong ito ng taon, lalo na sa Sabbath na ito ng Pasko ng Pagkabuhay, hindi ko maiwasang pagnilayan ang kahalagahan ng mga turo ng Tagapagligtas at ang Kanyang mabait at mapagmahal na halimbawa sa aking buhay.

Ang mas malawak na pang-unawa tungkol kay Jesucristo ay magbibigay sa atin ng mas malaking pag-asa para sa hinaharap at, sa kabila ng ating mga pagkakamali, mas malaking tiwala sa pagkakamit ng ating mabubuting mithiin. Pagkakalooban din tayo nito ng mas matinding hangaring maglingkod sa ating kapwa.

Sabi ng Panginoon, “[Hanapin] ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”1 Ang paghahanap sa Panginoon at pagdama sa Kanyang presensya ay pinagsisikapan araw-araw at makabuluhang gawin.

Mga kapatid, ngayon higit kailanman, mayroon tayong mga pambihirang pagkakataon at paraan para mapalawak ang ating pang-unawa sa mga turo ni Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang angkop na paggamit ng mga paraang ito ay makatutulong sa atin upang mamuhay nang sagana na puspos ng kagalakan.

Sa talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa puno ng ubas at mga sanga, sinabi Niya: “Kayo’y manatili sa akin, at ako’y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo’y manatili sa akin.”2

Kapag higit nating naunawaan ang pambihirang tungkulin ni Cristo sa ating buhay, higit nating malalaman ang ating layunin dito sa lupa, ang magalak sa buhay. Gayunman, hindi dahil sa nagagalak tayo ay hindi na tayo daranas ng mga pagsubok at paghihirap, na ang ilan ay napakatindi at napakabigat kaya maaari nating isipin na hindi posibleng lumigaya sa gayong sitwasyon.

Alam ko sa aking personal na karanasan na ang kagalakang mamuhay sa kabutihan at manatili kay Cristo ay maaaring magpatuloy sa kabila ng mga pagdurusang likas sa mortalidad. Sa huli, ang mga pagdurusang ito kadalasan ay nagpapayaman, nagdadalisay, at gumagabay sa atin sa mas malawak na pang-unawa sa layunin ng ating buhay at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Tunay ngang ang lubos na kagalakan ay makakamtan lamang sa pamamagitan ni Jesucristo.3

Sabi Niya, “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.”4

Naniniwala ako na habang pinalalawak natin ang ating pang-unawa tungkol sa Tagapagligtas, mag-iibayo ang hangarin nating mamuhay nang may galak at pananalig na posible tayong magalak. Dahil diyan, magkakaroon tayo ng higit na kakayahang kumilos bawat araw na may higit na kasigasigan sa buhay at sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, maging sa mga oras ng pagsubok.

Huwag na nating ipagpabukas ang magagawa natin ngayon. Ngayon tayo kailangang lumapit kay Cristo dahil “kung naniniwala [tayo] sa [Kanya], [tayo] ay gagawa habang ito ay [ipinagagawa] ngayon.”5

Araw-araw ay dapat nating isiping dalasan ang pagkakaroon ng ugnayan sa mga turo ni Cristo. Ang maliliit at simpleng galaw at kilos natin araw-araw ay:

  1. Magpapalawak sa ating pang-unawa tungkol sa kahalagahan ng Panginoon sa ating buhay, at

  2. Makakatulong sa atin na ibahagi ang pang-unawang ito sa darating na mga henerasyon, na tiyak na makadarama ng pagmamahal ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo kapag nakita nila ang ating halimbawa ng tapat na pamumuhay ng ebanghelyo.

Kaya ano ang ilan sa mga simpleng pag-uugali sa makabagong panahong ito na magiging balsamo para sa ating kaluluwa sa pagpapalakas ng ating patotoo kay Cristo at sa Kanyang misyon?

Woman on a train with a cell phone illuminating her face.

Noong 2014, nagsumite sa National Geographic photo contest ang 9,200 mga propesyonal na retratista at mga taong interesado mula sa 150 bansa. Ang nanalong retrato ay nagpapakita ng isang babae sa gitna ng isang tren na puno ng mga pasahero. Iniilawan ng liwanag na nagmumula sa kanyang mobile phone ang kanyang mukha. Ipinararating niya ang malinaw na mensahe sa iba pang mga pasahero: kahit naroon siya, wala siya talaga roon.6

Lubos na binago ng mobile data, mga smartphone, at mga social network ang paraan ng ating pamumuhay sa mundo at pakikipag-ugnayan natin sa iba.

Sa panahong ito ng mga digital device, mabilis nating maililipat ang ating sarili sa mga lugar at aktibidad na mabilis na maglalayo sa atin sa kung ano ang mahalaga para sa buhay na puno ng walang-maliw na kagalakan.

Ang buhay na ito na ginugugol natin sa Internet, kung pababayaan natin, ay mas nagpapahalaga sa pakikipag-ugnayan sa mga taong hindi natin kilala o hindi pa natin nakita nang personal kaysa sa mga taong kasama natin—ang ating sariling pamilya!

Sa kabilang dako alam nating lahat na biniyayaan tayo ng napakagagandang online resources, kabilang na ang mga ginawa ng Simbahan tulad ng mga text at audio version ng mga banal na kasulatan at pangkalahatang kumperensya, mga video production ng buhay at mga turo ni Jesucristo, apps para maitala ang ating family history, at mga pagkakataong makinig sa nagbibigay-inspirasyong musika.

Malaki ang impluwensya ng mga pasiya at priyoridad na ginagawa natin sa ating oras online. Maiimpluwensyahan ng mga ito ang ating espirituwal na pag-unlad at kahustuhan sa ebanghelyo at ang hangarin nating makatulong para mapaganda ang mundo at mas mapaunlad ang buhay.

Sa mga kadahilanang ito, gusto kong bumanggit ng tatlong simpleng gawi na magpapasimula ng mabuting aktibidad online. Ang mga gawi na ito ay maghihikayat sa atin na magmuni-muni araw-araw na kailangan para mas mapalapit tayo sa mga turo ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Gawi Bilang 1: Bisitahin ang mga Official Website ng Simbahan para sa mga Resources

Kadalasan ang mga pagbisita sa loob ng isang linggo sa mga resources na ito ay makatutulong sa atin na laging maging sensitibo sa mga turo ng ebanghelyo at hikayatin ang ating pamilya at mga kaibigan na isipin at pagnilayan kung ano ang pinakamahalaga.

Gawi Bilang 2: Mag-subscribe sa mga Official Social Network ng Simbahan

Ang pasiyang ito ay maghahatid sa inyong screen ng content na mahalaga para palawakin ang inyong pagsasaliksik at paghahanap sa Panginoon at sa Kanyang mga turo at palalakasin nito ang inyong hangaring maunawaan ang ebanghelyo. Ang mas mahalaga pa, tutulungan kayo nitong maalala ang inaasahan ni Cristo sa bawat isa sa atin.

Tulad ng kasabihan na “walang mabuting lupa kapag walang mabuting magsasaka,”7 wala ring mabuting aanihin sa Internet maliban kung uunahin natin sa simula pa lang ang maaabot ng ating mga daliri at isipan.

Gawi Bilang 3: Magtakda ng Oras na Isantabi ang Inyong mga Mobile Device

Nagdudulot ng ginhawa ang sandaling pagsasantabi ng ating mga electronic device at sa halip ay buklatin ang mga pahina ng banal na kasulatan o kausapin ang pamilya at mga kaibigan. Lalo na sa araw ng Panginoon, damhin ang kapayapaan ng pakikibahagi sa sacrament meeting nang hindi palaging nahihikayat na tingnan kung may bago kayong message o post.

Ang gawi na isantabi ang ating mobile device sandali ay magpapayaman at magpapalawak sa ating pananaw sa buhay, sapagkat ang buhay ay hindi lamang nasa isang apat-na-pulgadang (10-sentimetro) screen.

Sabi ng Panginoong Jesucristo, “Kung paanong inibig ako ng Ama, ay gayon din namang iniibig ko kayo: magsipanatili kayo sa aking pagibig.”8 Nais ng Diyos na magalak tayo at damhin natin ang Kanyang pagmamahal. Ginagawang posible ni Cristo ang gayong kagalakan para sa bawat isa sa atin. May paraan tayo upang higit pa Siyang makilala at maipamuhay ang Kanyang ebanghelyo.

Pinatototohanan ko na iiral ang kagalakan kapag sinunod natin ang mga kautusan at madarama natin ang kapayapaan at kaligtasan kapag nanatili tayo sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na ating Tagapagligtas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.