Ang Kaloob na Biyaya
Ngayon at magpakailanman ang biyaya ng Diyos ay para sa lahat na bagbag ang puso at nagsisisi ang espiritu.
Sa Linggo ng Pagkabuhay ipinagdiriwang natin ang pinakahihintay at pinakamaluwalhating kaganapan sa kasaysayan ng mundo.
Iyon ang araw na nagbago ang lahat.
Sa araw na iyon, nagbago ang buhay ko.
Nagbago ang buhay ninyo.
Ang tadhana ng lahat ng anak ng Diyos ay nagbago.
Sa pinagpalang araw na iyon, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan, na tinaglay sa Kanyang sarili ang mga tanikala ng lahat ng kasalanan at kamatayan na umalipin sa atin, ay kinalag ang mga tanikalang iyon at pinalaya tayo.
Dahil sa sakripisyo ng ating pinakamamahal na Manunubos, nawalan ng tibo ang kamatayan, hindi nagtagumpay ang libingan,1 hindi nagtagal ang kapangyarihan ni Satanas, at tayo’y “ipinanganak na muli … sa isang buhay na pagasa sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo.”2
Tama nga si Apostol Pablo nang sabihin niya na maaari tayong “mangagaliwan … sa isa’t isa [sa] mga salitang ito.”3
Biyaya ng Diyos
Madalas tayong mangusap tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas—at tama naman!
Sa mga salita ni Jacob, “Bakit hindi tayo mangungusap tungkol sa pagbabayad-sala ni Cristo, at magkaroon ng ganap na kaalaman tungkol sa kanya?”4 Ngunit kapag “nangungusap tayo tungkol kay Cristo, … nagagalak tayo kay Cristo, … nangangaral tayo tungkol kay Cristo, [at] nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo”5 tuwing may pagkakataon, huwag tayong mawalan ng galang at malaking pasasalamat para sa walang-hanggang sakripisyo ng Anak ng Diyos.
Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay hindi maaaring maging karaniwan sa ating turo, sa ating pag-uusap, o sa ating puso. Ito ay sagrado at banal, sapagkat sa pamamagitan nitong “dakila at huling hain” nagdala si Cristo Jesus ng “kaligtasan sa lahat ng yaong maniniwala sa kanyang pangalan.”6
Namamangha akong isipin na ang Anak ng Diyos ay magpapakababa upang iligtas tayo, na kadalasa’y may pagkukulang, marumi, madaling magkamali, at walang utang-na-loob. Pinagsikapan ko nang unawain ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas hanggang sa abot ng aking isipan, at ang tanging paliwanag na naiisip ko ay ito: Ang pagmamahal sa atin ng Diyos ay malalim, sakdal, at walang hanggan. Ni hindi ko mataya “ang luwang at ang haba at ang taas at lalim … [ng] pagibig ni Cristo.”7
Ang mabisang pagpapahayag ng pagmamahal na iyon ang madalas tawagin sa mga banal na kasulatan na biyaya ng Diyos—ang banal na pagtulong at pagkakaloob ng lakas na lumago mula sa pagiging mga nilalang na may kapintasan at limitado tungo sa kadakilaan sa “katotohanan at liwanag, hanggang sa [tayo] ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay.”8
Napakagandang bagay ng biyayang ito ng Diyos. Subalit madalas na hindi maunawaan.9 Magkagayunman, dapat nating malaman ang tungkol sa biyaya ng Diyos kung nais nating manahin ang inihanda para sa atin sa Kanyang walang-hanggang kaharian.
Dahil diyan gusto kong magsalita tungkol sa biyaya. Una, gusto kong magsalita tungkol sa kung paanong ang biyaya ay binubuksan ang mga pintuan ng kalangitan at, pangalawa, paano nito binubuksan ang mga dungawan sa langit.
Una: Binubuksan ng Biyaya ang mga Pintuan ng Langit
Dahil lahat tayo ay “nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios”10 at dahil “walang anumang maruming bagay ang makapapasok sa kaharian ng Diyos,”11 lahat tayo ay hindi karapat-dapat na pumasok sa kinaroroonan ng Diyos.
Kahit maglingkod tayo sa Diyos nang buong kaluluwa, hindi ito sapat; dahil magiging “hindi kapaki-pakinabang na mga tagapaglingkod”12 pa rin tayo. Hindi tayo makakapasok sa langit; ang mga hinihingi ng katarungan ang hadlang, at wala tayong kapangyarihan na daigin itong mag-isa.
Ngunit may pag-asa pa.
Ang biyaya ng Diyos ang ating dakila at walang-hanggang pag-asa.
Sa pamamagitan ng sakripisyo ni Jesucristo, ang plano ng awa ang tumutugon sa mga hinihingi ng katarungan13 “at nagbibigay ng daan sa mga tao upang sila ay magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi.”14
Ang ating mga kasalanan, bagama’t mapula, ay maaaring maging simputi ng niebe.15 Dahil ang ating pinakamamahal na Tagapagligtas ay “ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat,”16 naglaan siya ng pasukan sa atin tungo sa Kanyang walang-hanggang kaharian.17
Bukas ang pintuan!
Ngunit ang biyaya ng Diyos ay hindi basta-basta ipanunumbalik sa atin ang ating dating kawalang-malay. Kung ang ibig lamang sabihin ng kaligtasan ay pagbubura ng ating mga pagkakamali at kasalanan, ang kaligtasan—maganda man ito—ay hindi isinasakatuparan ang mga mithiin ng Ama para sa atin. Ang Kanyang layunin ay mas matayog pa riyan: Nais Niyang maging katulad Niya ang Kanyang mga anak.
Sa kaloob na biyaya ng Diyos, ang landas ng pagkadisipulo ay hindi tayo ibinabalik sa dati; tinutulungan tayo nitong magpakabuti.
Humahantong ito sa kadakilaang hindi natin kayang unawain! Humahantong ito sa kadakilaan sa selestiyal na kaharian ng ating Ama sa Langit, kung saan tayo, na napapaligiran ng ating mga mahal sa buhay, ay tumatanggap “ng kanyang kaganapan, at ng kanyang kaluwalhatian.”18 Lahat ng bagay ay atin, at tayo ay kay Cristo.19 Tunay ngang lahat ng mayroon ang Ama ay ibibigay sa atin.20
Para manahin natin ang kaluwalhatiang ito, kailangan natin ng higit pa sa bukas na pintuan; kailangan nating pumasok sa pintuang ito na may hangarin sa puso na magbago—isang pagbabago na dahil sa laki ay inilarawan ito sa mga banal na kasulatan na “isilang na muli; oo, isilang sa Diyos, nagbago mula sa [ating] makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan, na tinubos ng Diyos, naging kanyang mga anak na lalaki at anak na babae.”21
Pangalawa: Binubuksan ng Biyaya ang mga Dungawan sa Langit
Ang isa pang bahagi ng biyaya ng Diyos ay ang pagbubukas ng mga dungawan sa langit, na pinagbubuhusan ng Diyos ng mga pagpapala ng kapangyarihan at lakas, na nagbibigay-kakayahan sa atin na makamtan ang mga bagay na hindi natin kayang makamit. Sa kamangha-manghang biyaya ng Diyos nadaraig ng Kanyang mga anak ang mapanganib at tagong mga tukso ng manlilinlang, nadaraig ang kasalanan, at “[nagiging] ganap kay Cristo.”22
Bagaman lahat tayo ay may mga kahinaan, madaraig natin ang mga ito. Tunay ngang sa biyaya ng Diyos, kung magpapakumbaba tayo at mananampalataya, nagiging malakas ang mahihinang bagay.23
Habang nabubuhay tayo, ang biyaya ng Diyos ay nagkakaloob ng temporal na mga pagpapala at espirituwal na mga kaloob na nagpapalago sa ating kakayahan at nagpapayaman sa ating buhay. Pinatitino tayo ng Kanyang biyaya. Tinutulungan tayo ng Kanyang biyaya na maging napakabuti.
Sino ang Magiging Marapat?
Sa Biblia mababasa natin ang pagbisita ni Cristo sa bahay ni Simon na Fariseo.
Sa panlabas na anyo, tila mabuti at matwid na tao si Simon. Regular niyang ginampanan ang kanyang mga tungkulin sa simbahan: sumunod siya sa batas, nagbayad siya ng ikapu, iginalang niya ang Sabbath, nanalangin siya araw-araw, at nagtungo siya sa sinagoga.
Ngunit habang kasama ni Jesus si Simon, lumapit ang isang babae, hinugasan ng kanyang mga luha ang mga paa ng Tagapagligtas, at pinahiran ng mamahaling langis ang Kanyang mga paa.
Hindi nasiyahan si Simon sa pagpapakitang ito ng pagsamba, dahil alam niya na ang babaeng ito ay makasalanan. Naisip ni Simon na kung hindi ito alam ni Jesus, hindi Siya nararapat maging propeta o hindi Siya pahihipo sa babaeng ito.
Nahihiwatigan ang nasa isipan nito, bumaling si Jesus kay Simon at nagtanong. “Isang may pautang ay may dalawang may utang sa kaniya: … ang isa’y may utang na limang daang denario, … ang isa’y limampu.
Nang sila’y walang maibayad, ay kapuwa pinatawad niya. Alin nga sa kanila ang lalong iibig sa kaniya?”
Sumagot si Simon na ang pinatawad ng lalong malaki.
Sa gayon ay nagturo si Jesus ng malaking aral: “Nakikita mo baga ang babaing ito? … Ipinatatawad ang kaniyang maraming kasalanan; sapagka’t siya ay [nagmahal nang labis]: datapuwa’t sa pinatatawad ng kaunti, ay kakaunti ang pagibig.”24
Alin sa dalawang taong ito ang higit na katulad natin?
Tulad ba tayo ni Simon? Tiwala at panatag ba tayo sa ating mabubuting gawa, na nagtitiwala sa sarili nating kabutihan? Wala kaya tayong tiyaga sa mga hindi sumusunod sa ating mga pamantayan? Nakakagawian na lang ba natin ang mga bagay-bagay, dumadalo sa ating mga miting, naghihikab sa Gospel Doctrine class, at nakatingin marahil sa ating mga cell phone sa sacrament meeting?
O katulad natin ang babaeng ito, na inakalang wala na siyang pag-asa dahil sa kasalanan?
Tayo ba ay nagmamahal nang labis?
Nauunawaan ba natin ang ating utang-na-loob sa Ama sa Langit at humihiling nang buong kaluluwa para sa biyaya ng Diyos?
Kapag lumuluhod tayo sa panalangin, ito ba ay para ibanda sa publiko ang ating sariling kabutihan, o para ipagtapat ang ating mga kasalanan, magsumamo para sa awa ng Diyos, at lumuha nang may pasasalamat para sa kamangha-manghang plano ng pagtubos?25
Ang kaligtasan ay hindi natatamo sa pagsunod; natatamo ito sa pamamagitan ng dugo ng Anak ng Diyos.26 Ang paniniwala na maipagpapalit natin sa kaligtasan ang ating mabubuting gawa ay parang pagbili ng tiket sa eroplano at pagpapalagay pagkatapos na pag-aari natin ang eroplano. O pag-iisip na matapos magbayad ng upa natin sa bahay, hawak na natin ang titulo sa buong daigdig.
Kung Gayo’y Bakit Tayo Susunod?
Kung ang biyaya ay isang kaloob ng Diyos, bakit napakahalagang sumunod sa mga utos ng Diyos? Bakit tayo mag-aabala sa mga utos ng Diyos—o magsisisi, para diyan? Bakit hindi na lang natin aminin na makasalanan tayo at hayaang iligtas tayo ng Diyos?
O, sabi nga ni Pablo, “Magpapatuloy baga tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay makapanagana?” Ang sagot ni Pablo ay simple at malinaw: “Huwag nawang mangyari.”27
Mga kapatid, sinusunod natin ang mga utos ng Diyos—dahil sa ating pagmamahal sa Kanya!
Ang pagsisikap na unawain ang biyayang kaloob ng Diyos nang buong puso’t isipan ay nagbibigay sa ating lahat ng mas maraming dahilan para mahalin at sundin ang ating Ama sa Langit nang may kaamuan at pasasalamat. Habang tumatahak tayo sa landas ng pagkadisipulo, tumitino tayo, nagiging mas mabuti tayo, tinutulungan tayo nitong maging higit na katulad Niya, at inaakay tayo nito pabalik sa Kanyang kinaroroonan. Ang “Espiritu ng Panginoon [nating Diyos]” ay naghahatid ng gayong “malaking pagbabago sa [atin], … kaya nga [tayo] ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti.”28
Samakatwid, ang ating pagsunod sa mga utos ng Diyos ay nagiging likas na bunga ng ating walang-hanggang pagmamahal at pasasalamat sa kabutihan ng Diyos. Ang anyong ito ng tunay na pagmamahal at pasasalamat ay mahimalang isasama ang ating mga gawa sa biyaya ng Diyos. Pupuspusin ng kabanalan ang ating isipan nang walang humpay, at lalakas ang ating pagtitiwala sa harapan ng Diyos.29
Mahal na mga kapatid, ang tapat na pamumuhay ng ebanghelyo ay hindi isang pabigat. Ito ay masayang pag-eensayo—isang paghahanda para sa pagmamana ng dakilang kaluwalhatian ng mga kawalang-hanggan. Hinahangad nating sundin ang ating Ama sa Langit dahil ang ating espiritu ay mas aayon sa mga espirituwal na bagay. Mauunawaan natin ang mga bagay-bagay na hindi natin naunawaan noong una. Magkakaroon tayo ng kaliwanagan at pang-unawa kapag sinunod natin ang kalooban ng Ama.30
Ang biyaya ay isang kaloob ng Diyos, at ang hangarin nating sundin ang bawat utos ng Diyos ay pag-unat ng ating kamay upang tanggapin ang sagradong kaloob na ito mula sa ating Ama sa Langit.
Lahat ng Ating Magagawa
Gumawa ng mahalagang kontribusyon ang propetang si Nephi sa ating pang-unawa sa biyaya ng Diyos nang sabihin niyang, “Masigasig kaming gumagawa … upang hikayatin ang ating mga anak, at ang atin ding mga kapatid, na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos; sapagkat nalalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”31
Gayunman, kung minsa’y naiisip ko kung nagkakamali tayo sa pag-unawa sa mga katagang “sa kabila ng lahat ng ating magagawa.” Kailangan nating maunawaan na ang “sa kabila” ay hindi katumbas ng “dahil.”
Hindi tayo naliligtas “dahil” sa lahat ng ating magagawa. May nakagawa na ba sa atin ng lahat ng ating magagawa? Naghihintay ba ang Diyos hanggang sa maubos natin ang lahat ng pagsisikap bago Siya makialam sa ating buhay sa pamamagitan ng Kanyang nakapagliligtas na biyaya?
Maraming taong pinanghihinaan ng loob dahil palagi silang nagkukulang. Alam nila mismo na “ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa’t mahina ang laman.”32 Inilalakas nila ang kanilang tinig na kasama ni Nephi sa pagpapahayag na, “Ang aking kaluluwa ay nagdadalamhati dahil sa aking mga kasamaan.”33
Natitiyak ko na alam ni Nephi na ang biyaya ng Tagapagligtas ay nagtutulot at nagbibigay-kakayahan sa atin na iwasang magkasala.34 Kaya nga nagsumigasig si Nephi na hikayatin ang kanyang mga anak at kapatid “na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos.”35
Kunsabagay, iyan ang ating magagawa! At iyan ang ating gawain sa mortalidad!
Ang Biyaya ay para sa Lahat
Kapag naiisip ko ang ginawa ng Tagapagligtas para sa atin hanggang sa unang Linggong iyon ng Pagkabuhay, nais kong lakasan ang aking tinig at sumigaw ng mga papuri sa Kataas-taasang Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo!
Bukas ang mga pintuan ng langit!
Bukas ang mga dungawan sa langit!
Ngayon at magpakailanman ang biyaya ng Diyos ay para sa lahat na bagbag ang puso at nagsisisi ang espiritu.36 Nalinis na ni Jesucristo ang daan para lumago tayo nang husto na hindi kayang unawain ng isipan ng tao.37
Dalangin ko na mas maunawaan natin nang may pasasalamat ang walang-hanggang kahalagahan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Dalangin ko na maipakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos at ang ating pasasalamat sa kaloob na walang-katapusang biyaya ng Diyos sa pagsunod sa Kanyang mga utos at masayang “[nag]lalakad sa panibagong buhay.”38 Sa sagradong pangalan ng ating Panginoon at Manunubos na si Jesucristo, amen.