Liahona
Isang Huwaran para sa Pagkakaisa kay Jesucristo
Oktubre 2024


“Isang Huwaran para sa Pagkakaisa kay Jesucristo,” Liahona, Okt. 2024.

Isang Huwaran para sa Pagkakaisa kay Jesucristo

Kapag nagkakaisa tayo kay Jesucristo tulad ng mga tao sa 4 Nephi, ang pagnanais nating maging isa ay nagiging higit kaysa ating mga pagkakaiba at humahantong sa kaligayahan.

estatwa ng Christus

Nabubuhay tayo sa isang panahon na lumalaganap ang tumitinding alitan at pagtatalo sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa tulong ng teknolohiya at pagsulsol ng mga tao na nanlamig na ang puso, ang mga puwersang ito na pinag-aaway-away ang mga tao ay nagbabantang puspusin ng paghamak ang ating puso at sirain ng pagtatalo ang ating pag-uugnayan. Nasisira ang mga pag-uugnayan ng mga tao sa komunidad. Nagngangalit ang mga digmaan.

Sa kontekstong ito, naghahangad ng kapayapaan ang tunay na mga alagad ni Jesucristo at aktibong nagsisikap na bumuo ng ibang klase ng lipunan—isang lipunan na nakabatay sa mga turo ni Jesucristo. Dahil dito, inutusan tayo ng Panginoon na “maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (Doktrina at mga Tipan 38:27). Tunay ngang ang pagkakaisa ay tanda ng tunay na Simbahan ni Jesucristo.

Paano tayo kumikilos laban sa mga puwersa ng pagkakawatak-watak at pagtatalo? Paano tayo magkakaroon ng pagkakaisa?

Mabuti na lang, binigyan tayo ng isang halimbawa sa 4 Nephi sa Aklat ni Mormon. Nakatala nang maikli sa kabanatang ito ang paraan ng pamumuhay ng mga tao matapos na dalawin sila ng Tagapagligtas, turuan sila, at itatag ang Kanyang Simbahan sa kanila. Ipinapakita ng salaysay na ito kung paano nagkamit ang mga taong ito ng masaya at mapayapang pagkakaisa, at binibigyan tayo ng huwarang masusundan natin para magkaroon tayo mismo ng ganitong pagkakaisa.

Pagbabalik-loob

Sa 4 Nephi 1:1, mababasa natin: “Ang mga disipulo ni Jesus ay nagtatag ng simbahan ni Cristo sa lahat ng lupain sa paligid. At [ang mga tao ay] lumapit sa kanila, at tunay na nagsisi ng kanilang mga kasalanan.”

Nagkakaisa tayo sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Kapag nalaman ng bawat tao ang tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang ebanghelyo, at Kanyang Simbahan, pinatototohanan ng Espiritu Santo ang katotohanan sa puso ng bawat tao. Pagkatapos ay makatatanggap ang bawat isa sa atin ng paanyaya ng Tagapagligtas na manampalataya sa Kanya at sumunod sa Kanya sa pamamagitan ng pagsisisi.

Sa gayon sinisimulan ng isang indibiduwal ang kanyang pagbabalik-loob—malayo sa makasarili at makasalanang mga hangarin at patungo sa Tagapagligtas. Si Jesus ang pundasyon ng ating pananampalataya. At kapag nakatingin ang bawat isa sa atin sa Kanya sa bawat pag-iisip (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:36), Siya ay nagiging isang puwersa ng pagkakaisa sa ating buhay.

Mga Tipan

Nagpatuloy ang talaan sa 4 Nephi sa pagpapahayag na ang mga lumapit sa Simbahan at nagsisi ng kanilang mga kasalanan “ay bininyagan sa pangalan ni Jesus; at sila rin ay tumanggap ng Espiritu Santo” (4 Nephi 1:1). Nakipagtipan sila—isang espesyal at nakapagbibigkis na ugnayan—sa Diyos.

Kapag tayo ay gumagawa at tumutupad ng mga tipan, tinataglay natin ang pangalan ng Panginoon bilang mga indibiduwal. Bukod pa riyan, tinataglay natin ang Kanyang pangalan bilang isang grupo ng mga tao. Lahat ng nakikipagtipan at nagsisikap na tuparin ang mga ito ay nagiging mga tao ng Panginoon, na Kanyang espesyal na kayamanan (tingnan sa Exodo 19:5). Sa gayon, tinatahak natin ang landas ng tipan kapwa nang mag-isa at nang magkakasama. Ang ating pakikipagtipan sa Diyos ay nagbibigay sa atin ng iisang adhikain at iisang identidad. Kapag ibinigkis natin ang ating sarili sa Panginoon, tinutulungan Niya tayo na ang ating “mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21).

Pagkamakatarungan, Pagkakapantay-pantay, at Pagtulong sa mga Maralita

Nagpatuloy ang salaysay sa 4 Nephi: “Hindi nagkaroon ng mga alitan at pagtatalu-talo sa kanila, at bawat tao ay makatarungan ang pakikitungo sa isa’t isa.

“At nagkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay sa kanila; kaya nga walang mayaman at mahirap, alipin at malaya, kundi silang lahat ay ginawang malaya, at magkasalo sa makalangit na handog” (4 Nephi 1:2–3).

Sa ating mga temporal na pakikitungo, nais ng Panginoon na maging makatarungan at patas tayo sa pakikitungo sa isa’t isa at huwag manloko o magsamantala sa isa’t isa (tingnan sa 1 Tesalonica 4:6). At habang mas napapalapit tayo sa Panginoon, “hindi [tayo] maglalayong saktan ang isa’t isa, kundi ang mabuhay nang mapayapa, at ibigay sa bawat tao ang alinsunod sa nararapat sa kanya” (Mosias 4:13).

Inutusan din tayo ng Panginoon na pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan. Dapat tayong “magbahagi ng [ating] kabuhayan” ayon sa ating kakayahang gawin iyon, nang hindi sila hinuhusgahan (tingnan sa Mosias 4:21–27).

Bawat isa sa atin ay dapat “pahalagahan … ang kanyang kapatid gaya ng kanyang sarili” (Doktrina at mga Tipan 38:24). Kung nais nating maging mga tao ng Panginoon at magkaisa, hindi lamang natin kailangang pakitunguhan ang isa’t isa bilang kapantay natin, kundi kailangan din nating tunay na ituring ang isa’t isa na kapantay natin at madama sa ating puso na tayo ay pantay-pantay—pantay-pantay sa harapan ng Diyos, na may pantay na kahalagahan at pantay na potensyal.

Pagsunod

Ang sumunod na aral mula sa 4 Nephi ay ipinahayag sa simpleng paraang ito: “Sila ay lumakad alinsunod sa mga kautusang natanggap nila mula sa kanilang Panginoon at kanilang Diyos” (4 Nephi 1:12).

Itinuro ng Panginoon sa mga taong ito ang Kanyang doktrina, binigyan sila ng mga kautusan, at tumawag ng mga lingkod para mangasiwa sa kanila. Ang isa sa Kanyang mga layunin sa paggawa nito ay ang tiyakin na hindi magkaroon ng mga pagtatalo sa kanila (tingnan sa 3 Nephi 11:28–29; 18:34).

Ang pagsunod natin sa mga turo ng Panginoon at ng Kanyang mga lingkod ay mahalaga sa ating pagkakaisa. Kabilang dito ang pangako nating sundin ang utos na magsisi tuwing nagkukulang tayo at tulungan ang isa’t isa sa pagsisikap nating magpakabuti at maging mas mabuti araw-araw.

mga taong nakatingin sa mga banal na kasulatan sa isang miting

Sama-samang Pagpupulong

Sumunod, natutuhan natin na ang mga tao sa 4 Nephi ay “[nagpatuloy] sa pag-aayuno at panalangin, at sa madalas na pagtitipong magkakasama kapwa upang manalangin at makinig sa salita ng Panginoon” (4 Nephi 1:12).

Kailangan tayong sama-samang magpulong. Ang ating mga lingguhang pulong sa pagsamba ay mahalagang oportunidad para makahanap tayo ng lakas, kapwa nang mag-isa at nang sama-sama. Tumatanggap tayo ng sakramento, natututo, nagdarasal, sama-samang kumakanta, at sumusuporta sa isa’t isa. Ang iba pang mga pagtitipon ay tumutulong din na maghikayat ng damdamin ng pagiging kabilang, pagkakaibigan, at iisang layunin.

Pagmamahal

Pagkatapos ay ibinigay sa atin ng tala sa 4 Nephi kung ano ang maaaring dakilang susi sa lahat ng ito—kung wala nito, walang tunay na pagkakaisa na matatamo: “Hindi nagkaroon ng alitan sa lupain, dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao” (4 Nephi 1:15).

Magkakaroon tayo ng personal na kapayapaan kapag tayo, sa mapagpakumbabang pagsunod, ay tunay na nagmamahal sa Diyos. Ito ang una at dakilang utos. Ang ibigin ang Diyos nang higit kaysa kaninuman o anupamang bagay ang kundisyong naghahatid ng tunay na kapayapaan, kapanatagan, kumpiyansa, at kagalakan. Kapag nagkaroon tayo ng pagmamahal sa Diyos at kay Jesucristo, likas na susunod ang pagmamahal sa pamilya at sa kapwa.

Ang pinakamatinding kagalakang mararanasan natin ay kapag napuspos tayo ng pagmamahal para sa Diyos at sa lahat ng Kanyang mga anak.

Ang pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, ang panlaban sa pagtatalo. Ito ang nangungunang katangian ng tunay na [alagad] ni Jesucristo. Kapag nagpakumbaba tayo sa harapan ng Diyos at nanalangin nang buong lakas ng ating puso, pagkakalooban tayo ng Diyos ng pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan sa Moroni 7:48).

Kapag hinangad nating lahat na manahan ang pag-ibig ng Diyos sa ating puso, ang himala ng pagkakaisa ay magiging tila lubos nang likas sa atin.

Banal na Pagkatao

Sa huli, ang mga tao sa 4 Nephi ay nagpakita ng tanda ng pagkakaisa na nararapat nating pagtuunan ng pansin: “Walang mga tulisan, ni mamamatay-tao, ni mga Lamanita, ni anumang uri ng mga -ita; kundi sila ay iisa, ang mga anak ni Cristo, at mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos” (4 Nephi 1:17).

Ang mga bansag na nagwatak-watak sa mga tao sa loob ng daan-daang taon ay naglaho sa harap ng mas nagtatagal at nagpapadakilang identidad. Itinuring nila ang kanilang sarili—at ang lahat ng iba pa—ayon sa relasyon nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Ang pagkakaiba-iba at mga pagkakaiba ay maaaring mabuti at mahalaga para sa atin. Ngunit ang pinakamahalaga nating mga identidad ay ang mga may kaugnayan sa ating banal na pinagmulan at layunin.

Una at higit sa lahat, bawat isa sa atin ay anak ng Diyos. Pangalawa, bilang miyembro ng Simbahan, bawat isa sa atin ay anak ng tipan. At pangatlo, bawat isa sa atin ay disipulo ni Jesucristo. Hinihimok ko tayong lahat na huwag nating tulutan ang iba pang pantukoy na “[humalili, pumalit, o mangibabaw sa] tatlong … di-nagbabagong mga pantukoy na ito.”

pamilyang sama-samang nakaupo sa sahig

Maging Isa

Inanyayahan ng Diyos ang lahat na lumapit sa Kanya. May puwang para sa lahat. Maaaring magkakaiba tayo sa mga kultura, pulitika, etnisidad, kagustuhan, at sa maraming iba pang paraan. Ngunit kapag nagkakaisa tayo kay Jesucristo, naglalaho ang kahalagahan ng gayong mga pagkakaiba at napapalitan ng ating matinding hangaring maging iisa—upang tayo ay maging Kanya.

Isapuso ang mga aral na itinuro sa 4 Nephi. Habang sinisikap ng bawat isa sa atin na isama ang mahahalagang elementong ito ng pagkakaisa sa ating buhay, maaaring masabi sa atin, tulad sa kanila, “Tunay na wala nang mas maliligayang tao sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos” (4 Nephi 1:16).