Liahona
Gusto Kong Bumalik sa Diyos—pero Puwede Kaya?
Oktubre 2024


“Gusto Kong Bumalik sa Diyos—pero Puwede Kaya?,” Liahona, Okt. 2024.

Gusto Kong Bumalik sa Diyos—pero Puwede Kaya?

Kahit naniwala ako kay Jesucristo, nakumbinsi ako na hindi ako posibleng mapatawad sa nagawa ko.

lalaking dumudungaw sa bintana sa isa pang lalaking nagpapala ng niyebe

Mga larawang-guhit ni Mark Smith

Nakaupo ako sa kuwarto ko sa motel isang maniyebeng gabi ng Enero, na lubhang pinanghihinaan-ng-loob. Kalalabas ko lang ng bilangguan kamakailan pagkaraan ng mahigit 34 na taon dahil sa ilang mabibigat na krimen at pinsala, at pinagbubulayan kong gumawa ng isang bagay na direkta sanang nagbalik sa akin sa pinanggalingan ko. Nasira na ang mga plano ko mula nang palabasin ako—at dahil kakaunti ang resources ko at tila hindi nasasagot ang mga panalangin ko, pakiramdam ko ay limitado ang aking mga opsyon.

Isang tunog sa labas ang narinig ko. Nang dumungaw ako sa bintana, nakita ko ang may-ari ng motel na mag-isang nagpapala ng niyebe sa parking lot. “Ah, hindi tama iyan,” naisip ko, kaya sinamahan ko siya. Hindi ko gaanong inisip ang paglilingkod ko noong gabing iyon. Pero laking gulat ko nang kinabukasa’y binabaan ng may-ari ang renta sa kuwarto ko. At habang naroon ako nang sumunod na limang linggo, hindi niya pinabayaran sa akin ang buong renta kahit kailan.

Ang kanyang kabutihang-loob ay higit pa sa pinansyal na pagpapalang kailangang-kailangan ko noon. Ang kanyang kabaitan ay naging sagot din sa aking panalangin noong nawawalan na ako ng pag-asa. Sa pamamagitan niya, naunawaan ko na alam ng Diyos ang nangyayari sa akin—at na kailangan kong gumawa ng ilang hakbang para makabalik sa Kanya.

Isang Paraan para Makabalik

Ilang dekada bago ang gabing iyon ng Enero, ayaw kong magkaroon ng kaugnayan sa Diyos. Nang pumasok ako sa isang piitan ng estado na isang galit, masama-ang-loob, at nalilitong 22-anyos, ginawa ko ang lahat para matakot at igalang ako ng mga kapwa ko bilanggo. Naniwala rin ako na walang sinumang magmamahal o dapat magmahal sa akin—kahit ang Diyos—dahil nakumbinsi ako na wala na akong pag-asang makabalik at matubos.

Alam ko na ngayon na mali ako; maaari tayong magsisi palagi at bumalik sa Diyos. Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Nais ni Satanas na isipin natin na kapag nagkasala tayo ay lampas na tayo sa ‘hangganang wala nang balikan’—na huli na ang lahat para magbago ng landas. …

“Naparito si Cristo para iligtas tayo. Kung namali tayo ng landas, mabibigyan tayo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ng katiyakan na ang kasalanan ay hindi hangganan kung saan hindi na puwedeng bumalik. Ang ligtas na pagbalik ay posible kung susundin natin ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan.”

Nagsimula ang pagbalik ko sa Diyos matapos akong mabilanggo nang mahigit isang dekada. Isang kaibigang bumisita sa akin sa piitan sa loob ng maraming taon ang nagbigay sa akin ng Aklat ni Mormon at hinikayat akong basahin ito. Bagama’t nangako akong gawin iyon, patuloy kong ipinagpaliban iyon. Isang weekend ay bumisita ang kaibigan ko at nagtanong kung dinampot ko man lang ang aklat. Siyempre naman! Dinadampot ko iyon tuwing naglilinis ako ng higaan ko sa piitan. Pero hindi ko pa iyon nabasa—at nang makausap ko nang seryoso ang kaibigan ko, na nagkintal sa isipan ko kung gaano kahalaga na tuparin ko ang aking pangako, saka lang ako nagsimulang magbasa.

lalaki sa isang selda sa piitan na nagbabasa ng isang aklat

Marami akong nakitang kawili-wiling kuwento sa Aklat ni Mormon, pero sinabi ko sa sarili ko na iyon lang iyon—mga kuwento. Pagkatapos ay umabot ako sa Moroni 10:4. Aaminin ko, ayaw kong “magtanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo” kung ang aklat ay totoo; ayaw kong isipin ang mga kahihinatnan ng isang taong katulad ko kung totoo iyon. Bukod pa rito, kung ito ang salita ng Diyos, totoo ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at nasusuklam akong isipin kung paano nakaragdag ang mga ginawa ko sa Kanyang pagdurusa.

Gayunman, nagdasal ako. Wala akong nakitang pangitain o narinig na tinig na nagsasabi na ang aklat ay totoo. Pero nang dumungaw ako sa bintana isang maaliwalas na araw ng tag-init, may gumagalaw na ulap na may dalang bagyo sa kalangitan. Walang ulan—isang malakas na hangin lang—at simbilis ng pagdating nito, muling naglaho ang ulap. At noon ko nalaman. Tulad ng ipinangako ni Moroni, pinatotohanan ng Espiritu sa puso ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo—at na kailangan kong magbago.

Sinimulan kong pag-aralan nang mas masigasig ang mga banal na kasulatan at pinayagan akong magpasimula ng isang grupong mag-aaral ng Aklat ni Mormon kasama ang mga kapwa ko bilanggo. Nakipag-usap din ang mga missionary sa akin at sa iba pa sa bilangguan. Nang sumunod na 15 taon, nakinig ako sa mga lesson ng mga missionary, at sa nalalabing panahon ko sa bilangguan, sinikap kong baguhin ang buhay ko. Hindi ito naging madali sa lugar na iyon. Pero naging posible iyon dahil sa aking Tagapagligtas, na sumuporta at gumabay sa akin sa karanasang iyon at sa sumunod na kabanata ng buhay ko (tingnan sa Mosias 24:15).

Pagkasumpong sa Kapatawaran

Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na nakilala ko ang bishop ko pagkatapos ng malungkot na gabing iyon ng Enero sa kuwarto ko sa motel. Tinulungan ako ng kaibigan kong nagbigay sa akin ng Aklat ni Mormon na makausap ang bishop. Nang makipagkita ako sa bishop sa kanyang opisina bago nagsimula ang simba, ikinuwento ko sa kanya ang aking nakaraan, at naging handa akong sabihin niya na hindi nila kailangan ang isang katulad ko sa ward nila.

Sa halip, inanyayahan niya akong pumasok sa sacrament meeting.

Kaya pumasok ako. Nakumbinsi akong nakatato ang salitang kriminal sa aking noo at na kapag pumasok ako, itatakwil ako ng lahat. Pero hindi iyon nangyari. Sa halip, natagpuan ko ang pinakamababait na taong nakita ko. Nang sumunod na Linggo, bumalik ako. Hindi nagtagal matapos akong magsimulang magsimba, tinanong ako ng isang counselor sa bishopric kung puwede akong magsalita tungkol sa pagpapatawad sa sacrament meeting.

“Ako? Magsasalita tungkol sa pagpapatawad?” tanong ko. Pero nang pagtibayin niya na seryoso siya, tinanggap ko ang assignment. Nang magsalita ako sa kongregasyon, sigurado ako na ang magiging tingin lang nila sa akin ay isa akong dating kriminal. Pero habang nagtatagal ang pagsasalita ko, lalo akong naging tiwala, at pagkatapos ay wala akong nakita kundi pagmamahal mula sa mga miyembrong ito, na niyakap o kinamayan ako. Nang araw na iyon talagang nadama ko ang kahulugan ng “ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:39).

Ang mas mahalaga, sa wakas ay naunawaan ko na nang magdusa ang Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani at lumabas ang dugo sa bawat butas ng kanyang balat (tingnan sa Mosias 3:7; Doktrina at mga Tipan 19:18–19), nagtigis din siya ng dugo para sa akin. Isa itong panahon ng pagbabago—kahit natanggap ko na ang katotohanan ng Aklat ni Mormon at naanyayahan si Jesucristo sa aking buhay, nakumbinsi ako na hindi ako aanyayahan sa langit. Hindi ako mapapatawad. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay para sa lahat, pero hindi para sa akin—dahil sa nagawa ko.

Pero sa sandaling ito, natanto ko na maaari akong mapatawad. Ang kaalamang ito ay nakatulong sa akin na sumulong sa aking buhay. Matapos ang iba pang mga pakikipag-usap sa mga missionary, nabinyagan ako noong Marso 2012—ang aking unang hakbang sa landas ng tipan. Bagama’t hindi ko inakala dati na posible ito, nakapag-asawa ako ng isang kahanga-hangang babae mula sa aking ward. Nabuklod kami sa Salt Lake Temple noong Hunyo 2013.

Natutuhan naming mag-asawa na manampalataya kay Jesucristo. Umasa kami sa Kanyang Pagbabayad-sala, naniniwala na “dahil sa nilakad ni Jesus ang mahaba at malungkot na daan nang [lubos na] nag-iisa, hindi na natin kailangang gawin iyon.” Bilang mga tao, hindi tayo perpekto. Kung minsa’y magkakamali tayo—at magkakasala pa. Pero gaano man natin isipin na hindi tayo karapat-dapat o hindi na maliligtas, hindi tayo sinusukuan ni Cristo; lagi Siyang nagkukusa at handa na tulungan tayong makauwi nang ligtas.

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Liahona, Mayo 2007, 99.

  2. Jeffrey R. Holland, “Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Liahona, Mayo 2009, 88.