“Sinusunod Natin ang Punong Lingkod,” Liahona, Okt. 2024.
Sinusunod Natin ang Punong Lingkod
Si Jesucristo ang ating perpektong halimbawa ng mahabaging paglilingkod sa lahat.
Kapag dumadalo ako sa mga stake conference saanman sa Simbahan, nagkakaroon ako ng magandang oportunidad na sumama sa mga stake president para bumisita at maglingkod sa indibiduwal na mga miyembro at pamilya. Sa mga ministering visit na ito, kung minsa’y iniisip ko kung ano ang sasabihin at gagawin, lalo na kapag ang mga binibisita ko ay nagdaraan sa mahihirap na hamon. Pero sa halip na magtuon sa maaari kong sabihin o gawin, natuklasan ko na ang pagtutuon sa Punong Lingkod—ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo—ay nakatutulong sa akin nang husto kapag naglilingkod ako sa iba.
Tulad sa lahat ng mabubuting bagay, Siya ang ating sakdal na halimbawa. Kapag nilisan natin ang ating tahanan—at lumabas tayo mula sa lugar na panatag tayo—para maglingkod sa mga nasa paligid natin tulad ng gagawin Niya, gagabayan tayo ng Tagapagligtas sa ating mga pagsisikap. Sa gayon ay nagiging mas makabuluhan ang ating paglilingkod kaysa anumang maaari nating sabihin o gawin nang mag-isa.
Huwag Lampasan ang Iba
Nang may nagtanong, “Sino ang aking kapwa?” (Lucas 10:29), sinamantala ni Jesus ang pagkakataon para magbahagi ng isang talinghaga. Nagkuwento Siya tungkol sa isang lalaking naglakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico na “nahulog sa kamay ng mga tulisan” at ninakawan, binugbog, at iniwan itong “halos patay” sa daan (Lucas 10:30).
Hindi nagtagal ay dumaan ang isang pari. Nakita siguro ng pari na kritikal ang lagay ng lalaki, pero hindi siya tumigil para tumulong. Siya ay “dumaan sa kabilang panig” ng daan (Lucas 10:31). Pagkatapos, “nakita” ng isang Levita kung gaano kalubha ang pinsala ng lalaki. Siya man ay “dumaan” sa kabilang panig (Lucas 10:32). Pagkatapos ay dumating ang isang Samaritano. Inilarawan ni Jesus ang Samaritano na may isang bagay na wala ang pari at ang Levita: ang Samaritano ay “nahabag [sa lalaki]” (Lucas 10:33) at “nilapitan siya, … tinalian ang kanyang mga sugat, … at inalagaan [siya]” (Lucas 10:34).
Ang talinghaga ng mabuting Samaritano ay hindi lamang tungkol sa mga pari, Levita, o Samaritano. Tungkol talaga ito sa atin. Mayroon tayong mga kapatid na naiwang sugatan sa gilid ng kalsada ng buhay. Maaari silang maging sinuman—mga kaibigan, kapamilya, kapitbahay, miyembro ng komunidad, at maging ang mga nakaupo sa chapel na kasama natin tuwing Linggo. Nakikita ba natin sila at nilalampasan? O naglilingkod ba tayo sa kanila nang may habag tulad ng ginawa ng mabuting Samaritano? Hindi natin makikita ang mga sugat ng karamihan sa mga tao. Marami ang tahimik na nagdurusa at hindi humihingi ng tulong. Ang tanging paraan para makatiyak sa ating pamamaraan ay ang tumugon sa iba nang may pagmamahal at habag na ipinakita ng Samaritano. Ang ibig sabihin ng maglingkod na tulad ni Cristo ay magpakita ng habag sa lahat.
Ipagdasal na Makita ang mga Pangangailangan ng Iba
Habang naglalakad si Jesus sa gitna ng maraming tao, isang babaeng 12 taon nang inaagasan ng dugo ang humingi ng tulong sa Kanya nang may pananampalataya. Nang hawakan nito ang laylayan ng damit ni Jesus, nadama Niya na “may kapangyarihang umalis sa [Kanya].” Bumaling si Jesus sa babae at sinabi, “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya; humayo kang payapa” (tingnan sa Lucas 8:43–48).
Nang ibaba ng kanyang mga kaibigan ang “isang lalaking lumpo” mula sa bubong para dalhin kay Jesus, pinagaling muna ni Jesus ang lumpo sa espirituwal na paraan. “Anak, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan,” sabi Niya. Bilang tugon, pinaratangan ng mga eskriba si Jesus ng kalapastanganan. Para maipaunawa sa mga naroon na Siya ay may “awtoridad sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan,” sinabi ni Jesus sa lalaki, “Tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.” Ang lalaki ay agad “tumayo … sa harapan nilang lahat” (tingnan sa Marcos 2:3–12). Ang kapangyarihan ni Cristo na pisikal na pagalingin ang maysakit ay siya ring kapangyarihang ginamit Niya para pagalingin ang maysakit sa espirituwal na aspeto.
Ang dalawang pagkakataong ito—at marami pang iba—ay nagpapakita na lubos na nauunawaan ng Tagapagligtas kapwa ang mga temporal at espirituwal na pangangailangan ng iba at pinaglilingkuran sila ayon sa mga pangangailangang iyon. Magagawa rin natin iyan. Bagama’t hindi natin lubos na nakikita ang mga pangangailangan ng iba, na tulad ng Tagapagligtas, maaari nating ipagdasal na makita natin ang mga pangangailangang iyon, na mapatnubayan kung paano matutugunan ang mga iyon, at maging sagot sa panalangin ng ibang tao.
Kapag nakita na natin ang pangangailangan ng iba, kailangan din tayong kumilos nang may habag. Ano ang kahalagahan ng makakita kung wala tayong gagawing anuman? Kung nakikita natin at wala tayong ginagawa, maaaring mawala ang ating espirituwal na paningin. Kapag kumilos tayo, kahit sa maliliit na paraan, tatanggap tayo ng higit pang liwanag ng Tagapagligtas para mas makita at mapaglingkuran ang mga nasa paligid natin.
Samahan Sila
Kung minsan, maaaring nag-aatubili tayong maglingkod sa iba. Maaaring nag-aalala tayo kung ano ang magiging reaksyon ng iba o kung tatanggapin nila ang tulong natin. Nangyari na ito sa akin. Sa mga sandaling iyon, ang pinakamahalagang magagawa natin ay samahan sila at mahalin sila. Muli, ang Tagapagligtas ang ating sakdal na halimbawa.
Bago nagpakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga Nephita, nakaranas na sila ng maraming sakuna at matinding kadiliman. Desperado silang guminhawa. Maaari sanang kausapin na lamang sila ng Tagapagligtas mula sa langit at sabihin sa kanila ang kailangan nilang marinig (tingnan sa 3 Nephi 9–10), pero nagpakita pa Siya sa kanila at sumama sa kanila. Tinuruan Niya sila at nanalangin na kasama nila at ipinagdasal sila. (Tingnan sa 3 Nephi 11–19.)
Tinanong din sila ng Tagapagligtas, “Mayroon bang may karamdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, o ketongin, o mga may dinaramdam, o yaong mga bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo; ang aking sisidlan ay puspos ng awa. …
“At ito ay nangyari na, nang siya ay makapagsalita nang gayon, lahat ng tao ay magkakaayong humayo kasama … ang lahat sa kanila na nahihirapan sa anumang dahilan; at pinagaling niya ang bawat isa sa kanila na dinala sa kanya” (3 Nephi 17:7, 9; idinagdag ang diin).
Kung hindi kayo sigurado o nasasabik kayo pagdating sa paglilingkod sa iba, huwag masyadong alalahanin kung ano ang sasabihin o gagawin. Magsimula sa pagsama lamang sa nangangailangan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “nakabatay ang mabuting inspirasyon sa mahusay na impormasyon.” Kapag kasama ninyo sila, malalaman ninyo ang tungkol sa kanila at malalaman kung kailan bibisita kapag sila ay maysakit, kailan mag-aalok at magbibigay ng mga basbas ng priesthood, kailan makikinig at “[magpapasan] ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan,” “[makikidalamhati] sa mga yaong nagdadalamhati; … [aaliwin] yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8–9), at makikigalak sa mga taong nagagalak! Huwag mag-atubili. Mabibigyang-inspirasyon kayo sa kailangan ng Tagapagligtas na sabihin at gawin ninyo habang naglilingkod kayo.
Sundan ang Kanyang Huwaran
Ang unang ginawa ng Tagapagligtas nang magpakita Siya sa mga Nephita ay sabihin sa kanila na “bumangon at lumapit sa [Kanya]” at nang “maihipo ang [kanilang] mga kamay sa [Kanyang] tagiliran, at … masalat ang bakas ng pako sa [Kanyang] mga kamay at … mga paa” (3 Nephi 11:14).
Ayaw ng Tagapagligtas na basta makita lang Siya nila. Nasaksihan na nila Siya na “[bumaba] mula sa langit … at tumayo sa gitna nila” (3 Nephi 11:8). Nais Niyang lumapit sa Kanya ang bawat isa sa kanila at damhin at kilalanin Siya at alamin ang Kanyang nagawa para sa buong mundo. “At ito ay ginawa nila, isa-isang nagsilapit hanggang sa ang lahat ay makalapit” (3 Nephi 11:15; idinagdag ang diin).
Tumawag din Siya ng labindalawang disipulo at “binigyan niya sila ng kapangyarihan na magbinyag” (3 Nephi 11:22) at tinuruan ng doktrina ng pagbibinyag (tingnan sa 3 Nephi 11:23–27). Pagkatapos ay inutusan Niya ang mga Nephita na itigil ang lahat ng pagtatalo. “Masdan, hindi ito ang aking doktrina, na pukawin sa galit ang mga puso ng tao, isa laban sa isa; kundi ito ang aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi” (3 Nephi 11:30).
Sa maraming paraan, ang ministeryo ng Tagapagligtas sa Aklat ni Mormon ay nagsisilbing huwaran para sa ating sariling paglilingkod. Maaari nating tulungan ang ating mga kapatid na lumapit kay Jesucristo, hikayatin silang magpabinyag at matanggap ang iba pang mga ordenansa ng kaligtasan, at mahalin sila at maging mga tagapamayapa, tulad ng itinuro sa atin ng propeta.
Kung minsa’y hindi madaling tumulong sa iba. Maaari pa nga nating matagpuan na may sarili tayong mga pagsubok na mas nagpapahirap sa atin na maganyak na maglingkod sa paraan ng Tagapagligtas. Ang mga pagsubok at paghihirap ay nangyari sa Manunubos sa Kanyang ministeryo. Kapag tinaglay natin sa ating sarili ang Kanyang pangalan at tumayo tayo bilang mga saksi Niya (tingnan sa Mosias 18:9), hihilingan tayong tularan ang Kanyang halimbawa at tulungan at mahalin ang mga nakakaugnayan natin.
Kung tutularan natin si Jesucristo—ang Punong Lingkod—at maglilingkod tayo sa iba tulad ng gagawin Niya, palalakasin Niya tayo at bibigyan ng kapangyarihan. Sa pamamagitan ng ating paglilingkod, mapagpapala natin ang buhay ng iba at makasusumpong tayo ng kapayapaan at kagalakan para sa ating sarili.