Liahona
7 Araw ng Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya
Oktubre 2024


Digital Lamang

7 Araw ng Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya

Ang mga paghahandang ginawa para sa mensahe ni Haring Benjamin ay maaaring magbigay-inspirasyon sa sarili nating huwaran ng paghahanda para sa pangkalahatang kumperensya.

si Haring Benjamin na nangangaral sa mga tao

In the Service of Your God [Nasa Paglilingkod ng Inyong Diyos], ni Walter Rane

Hindi ba’t nakadaragdag sa ating pang-unawa na hindi lamang nagsimula ang Mosias 2 sa pagbibigay ng mensahe ni Haring Benjamin? Sa halip, ang unang walong talata ng kabanatang iyon ay naghahayag ng isang mahalagang aspeto ng mensahe ni Haring Benjamin—ipinapakita ng mga ito ang sadyang paghahanda na ginawa ng mga tao, pamilya, at lider para ihanda ang kanilang puso’t isipan na marinig ang mga mensahe mula sa propetang si Haring Benjamin. Kabilang sa ilang halimbawa ang:

  1. Isang paanyaya ang ibinigay sa lahat na magpunta at makinig (talata 1).

  2. Ang paanyayang ito ay ginawa bilang tugon sa tagubilin ng isang propeta (tingnan sa Mosias 1:10).

  3. Ang mga tao at pamilya ay naghanda at nag-alay ng espesyal na sakripisyo (talata 3).

  4. Nagpasalamat sila sa lahat ng nagawa ng Diyos para sa kanila (talata 4).

  5. Naglakbay sila papunta sa templo at nakakita ng mga lugar para sa kanilang pamilya (talata 5).

  6. Itinayo nila ang kanilang mga tolda na paharap sa templo upang makapanatili sila roon at marinig nila ang propeta (talata 6).

  7. Nagpadala sila ng mga nakasulat na mensahe ng mga turo upang matanggap ng lahat ang mga salitang binigkas (talata 8).

Gustung-gusto ko ang halimbawang ito ng paghahanda na marinig ang propeta ng Diyos! Marahil ay isinama sa Aklat ni Mormon ang mga talatang ito tungkol sa paghahanda para hikayatin tayo na sadyang maghanda para sa pangkalahatang kumperensya o para sa anumang mga mensahe mula sa mga propeta ng Diyos sa buong taon.

Nitong nakaraang ilang taon, sinikap kong sadyang maghanda para sa pangkalahatang kumperensya isang linggo bago maganap iyon, at naging mas makabuluhan ang karanasan ko sa kumperensya sa maraming magagandang paraan! Kung gusto mong subukang sadyang maghanda pitong araw bago ang pangkalahatang kumperensya, narito ang ilang ideya batay sa mga talata mula sa Mosias 2.

7 Araw ng Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya—Isang Huwaran mula sa Mosias 2:1–8

Mosias 2

7 Araw ng Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya

1. Anyayahan ang lahat na pumunta at makinig (talata 1).

1. Anyayahan ang iba na manood ng pangkalahatang kumperensya.

2. Kumilos ayon sa tagubilin ng propeta (Mosias 1:10).

2. Kumilos ayon sa kasalukuyang mga paanyaya ng mga propeta.

3. Mag-alay ng hain at handog na susunugin (talata 3).

3. Ipagdasal ang isang bagay na maaari mong isakripisyo para mas matanggap ang salita ng Diyos.

4. Magpasalamat sa lahat ng nagawa ng Diyos (talata 4).

4. Magpasalamat sa kung paano napagpala ng mga turo mula sa mga nakaraang pangkalahatang kumperensya ang buhay mo.

5. Maglakbay patungong templo at maghanap ng mga espasyo para sa kanilang pamilya (talata 5).

5. Gumawa ng sagradong espasyo para makinig sa pangkalahatang kumperensya.

6. Itayo ang kanilang mga tolda paharap sa propeta; manatili at makinig (talata 6).

6. Suriin kung gaano kahusay na nakabaling ang puso mo sa mga propeta, at maghandang “[manatili] … at [makinig].”

7. Ipadala ang mga mensahe na nakasulat (talata 8).

7. Maghanda ng plano para sa pag-aaral ng kumperensya sa hinaharap.

Unang Araw: Anyayahan ang iba na manood ng pangkalahatang kumperensya. Maaari kang mag-imbita ng iba nang personal o magpadala ng isang paanyaya sa lahat ng kaibigan mo sa social media. Maging malikhain tungkol sa iba pang mga paraan na puwede mong ibahagi ang isang paanyaya sa iyong komunidad! Maaari kang lumikha ng isang masayang paanyaya para sa iyong pamilya o mga kasama sa bahay para ipahiwatig ang espesyal na kaganapan at mga pagpapala ng pagkatuto mula sa mga propeta at pinuno ng Simbahan.

Ikalawang Araw: Kumilos ayon sa mga paanyaya ngayon ng mga propeta. Maipapakita natin sa Ama sa Langit na handa tayong tumanggap ng tagubilin at kumilos ayon dito sa pamamagitan ng pagkilos ayon sa mga turong natanggap na natin. Isiping basahin ang mga naunang mensahe mula sa mga propeta at apostol at kumilos ayon sa mga paanyayang ibinigay nila.

Ikatlong Araw: Ipagdasal ang isang bagay na maaari mong isakripisyo para mas matanggap ang salita ng Diyos. Isipin kung anong sakripisyo ang maaari mong gawin sa linggong ito para maipakita sa Ama sa Langit na handa kang makinig pa sa Kanya. Halimbawa, binigyang-inspirasyon ng dalawang naunang paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson na magdaos ng social media fast, nalaman ko na makakatulong na isakripisyo ang social media (maliban sa pagbabahagi tungkol sa pangkalahatang kumperensya) at maging ang iba pang media na hindi mula sa Simbahan bago sumapit ang pangkalahatang kumperensya. Nakakatulong na linawin ang aking isipan para mas makatuon ako kay Jesucristo at sa Kanyang salita. Maaaring humingi ang bawat isa sa atin ng inspirasyon sa panalangin na malaman kung anong sakripisyo ang pinakamalaki ang maitutulong sa paghahanda ng bawat isa sa atin.

Ikaapat na Araw: Pasalamatan kung paano napagpala ang buhay mo ng mga turo mula sa nakaraang mga pangkalahatang kumperensya. Isipin kung paano napagpala ang buhay mo nang kumilos ka ayon sa mga turo sa nakaraang pangkalahatang kumperensya. Magpasalamat sa Ama sa Langit para sa mga turo at pagpapalang iyon. Maaari mo pang itala sa journal mo ang iyong mga saloobin o ibahagi ang iyong mga karanasan sa mga mahal mo sa buhay.

Ikalimang Araw: Gumawa ng sagradong espasyo para sa pakikinig sa pangkalahatang kumperensya. Makikinig ka man sa pangkalahatang kumperensya sa isang meetinghouse, sa bahay mo, sa isang tahimik na parke, o sa iyong pinagtatrabahuhan, tingnan kung may paraan para maihanda ang espasyong iyon bilang isang “bahay ng pag-aaral” (Doktrina at mga Tipan 109:8). Mag-isip ng mga simpleng paraan na makakaya mo, tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson tungkol sa Sabbath, na “[gawing] sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang inyong tahanan [o iba pang mga lugar]” para sa pangkalahatang kumperensya, tulad ng paglilinis o kahit pansamantalang pag-aalis ng mga posibleng gambala.

Ikaanim na Araw: Suriin kung gaano kahusay na nakabaling ang puso mo sa mga propeta, at maghandang “[manatili] … at [makinig].” Kapag naiisip ko ang mga tao na nagtatayo ng kanilang mga tolda paharap sa propeta, naaalala kong suriin kung gaano kahusay ang pagbaling ko sa mga propeta. Maaari nating isiping rebyuhin ang “Thou Shalt Have No Other Gods [Hindi Ka Magkakaroon ng Ibang mga Diyos]” mula kay Pangulong Nelson at “Which Way Do You Face? [Saan Ka Nakaharap?]” mula kay Elder Lynn G. Robbins, emeritus General Authority Seventy. Napakaganda ng mga tanong nila kung gaano kahusay tayo nakaharap sa Diyos at sa Kanyang mga propeta. Sa paggawa nito, magiging handa tayong magsisi at mas sundin ang mga utos ng Diyos sa darating na pangkalahatang kumperensya.

Gustung-gusto ko rin kung paano naghanda ang mga tao ni Haring Benjamin na “[manatili] … at [makinig]” nang hindi na kailangang lumabas pa ng kanilang tolda nang magsalita siya. Noong bata pa ako, minsan ay itinuturing ko ang musika ng pangkalahatang kumperensya bilang isang magandang oras para magpahinga, pero natatanto ko na ngayon na ang musika ay mahalagang bahagi rin ng mga turo sa kumperensya. Sinisikap kong maghanda nang mas mabuti para matuto mula sa bahaging iyon ng pangkalahatang kumperensya para ako ay “makapanatili” sa buong dalawang oras ng bawat sesyon. Maaaring mahirap iyan kapag may mga bata o sa mga espesyal na sitwasyon, pero maaari nating isipin kung mayroon tayong maihahanda (tulad ng meryenda o aktibidad para sa mga bata o tiyakin na maaga tayong matulog para manatili tayong alerto) upang mabawasan natin ang mga pangangailangang umalis sa pangkalahatang kumperensya sa mga sesyon at sa halip ay “[manatili] … at [makinig]” (Mosias 2:6) tulad ng ginawa ng mga tao ni Haring Benjamin.

Ikapitong Araw: Maghanda ng plano para sa pag-aaral ng kumperensya sa hinaharap. Tulad noong panahon ni Haring Benjamin, ang mga propeta natin ngayon ay ginagawang available sa lahat ang kanilang mga mensahe sa pamamagitan ng Liahona o Gospel Library app. Magplano ngayon na pag-aralan ang mga mensahe ng mga propeta pagkatapos ng kumperensya para maging handa ka na! Halimbawa, alamin kung paano gumawa ng plano sa pag-aaral sa Gospel Library app, o mag-subscribe sa Liahona sa print o digital format sa MagazineSubscriptions.ChurchofJesusChrist.org.

Maaari mo ring rebyuhin ang artikulong “Ang Ating ‘Kilos at Pananalita’ ayon sa Pangkalahatang Kumperensya” ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol para sa iba pang mga ideya kung paano tayo magiging handang kumilos ayon sa mga turo ng mga propeta at iba pang mga pinuno ng Simbahan.