Liahona
Pagpasan ng Pasanin ng Isa’t Isa: Ang mga Pagpapala ng Ating Komunidad sa Simbahan
Oktubre 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pagpasan ng Pasanin ng Isa’t Isa: Ang mga Pagpapala ng Ating Komunidad sa Simbahan

Ang awtor ay naninirahan sa Chile.

Nang pumanaw ang lola ko, inisip ko kung paano ako mapapayapa. Nasa ward ko ang sagot.

isang babaeng nakaupo at nakangiti sa Relief Society

Habang lumalaki, parang simple lang ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo. Nagtiwala ako sa aking mga magulang at lider, at ginabayan nila ako at tinulungang gumawa ng mga tamang pasiya.

Pero nang magdalaga na ako, natutuhan ko na maaaring madalas tayong makaranas ng mga paghihirap at hamon sa buhay na susubok sa ating pananampalataya.

Nang pumanaw ang lola ko nang hindi inaasahan, naranasan namin ng pamilya ko ang isa sa mahihirap na panahong ito. Napatigil ako at napatanong, “Kung mabait ang Diyos, bakit Niya kukunin ang isang mabuting tao sa buhay namin?”

Sandigan namin ang lola ko. Mabait siya, maalaga, at mapagmahal sa kapwa—isang ina sa lahat. Tinanggap niya ang lahat sa aming tahanan. Naghahapunan sa amin ang mga anak ng mga kapitbahay namin na naglalaro sa kalye sa harap ng bahay namin dahil may pagkain siya para sa lahat.

Kaya nang mamatay siya, nahirapan akong manampalataya.

Sa gitna ng lahat ng aking pagdadalamhati, kahit hindi ako naghanap ng mga sagot sa ebanghelyo o sa Diyos, araw-araw pa rin akong nagdasal. Noong una, hindi nagbabago ang mga panalangin ko. Iyon at iyon din ang mga ipinagdarasal ko. Iyon at iyon din ang mga pinasalamatan ko.

Pero sa paglipas ng panahon, may isang tanong sa puso ko na sa wakas ay itinanong ko sa Ama sa Langit:

“Paano ako mapapayapa?”

Pagkakaroon ng Walang-Hanggang Pananaw

Isang kaibigan ang naging sagot sa taimtim na panalanging iyon.

Dahil sa kanya, nagsimula akong magsimbang muli. Niyaya niya akong sumama sa kanya, at pumayag ako, dahil lang sa kaibigan ko siya. Hindi ako interesadong makilahok.

Pero unti-unti, dahil lang sa naroon ako, nagsimulang tumalab sa puso ko ang mga mensahe ng ebanghelyo. Nakita ko na may plano ang Panginoon para sa ating lahat. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ang walang-hanggang pananaw ay nagbibigay ng kapayapaan ‘na hindi maabot ng pag-iisip.’ (Filipos 4:7.) …

“Ang buhay ay hindi nagsisimula sa pagsilang, ni hindi nagtatapos sa kamatayan.”

Bagama’t nagdadalamhati pa rin ako para sa lola ko, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa akin ng kapayapaan at katiyakan na balang araw ay magkakasama kaming muli.

Nalaman ko rin na kailangan ng palagian at araw-araw na pagsisikap na alalahanin ang aking tipan sa binyag at pakinggan ang gumagabay na tinig ng Espiritu. Sinimulan kong pahalagahan ang kaloob na Espiritu Santo sa aking buhay. Alam ko na lagi Siyang sumasaakin, sa bawat paghihirap na nararanasan ko.

Pagluluksa na Kasama ng mga Nagluluksa

Lubos akong nagpapasalamat sa isang kaibigan na nakapansin na lumalayo ako sa ebanghelyo at lumapit para suportahan ako. Habang patuloy akong dumadalo sa simbahan, institute, at iba pang mga aktibidad ng mga young adult, mas napalapit ako sa mas maraming young adult sa lugar namin na naghahangad noon na mahalin ang isa’t isa at ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Itinuro din ni Pangulong Nelson:

“Ang mga Banal sa mga Huling Araw, katulad ng ibang mga [alagad] ni Jesucristo, ay palaging naghahanap ng mga paraan para tumulong, magpasigla, at magmahal [sa] iba. “Sila na nahahandang tawaging mga tao ng Panginoon ay ‘nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; … at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw’ [Mosias 18:8–9].

“Tunay na hinahangad nila na ipamuhay ang una at ikalawang dakilang mga kautusan. Kapag minamahal natin ang Diyos nang buong puso, ibinabaling Niya ang ating mga puso sa kapakanan ng iba sa isang maganda at banal na siklo.”

Ang pagtulong sa akin na mapasan ang aking mga pasanin ay ang ginawa mismo ng mga kapwa ko disipulo sa aming ward para sa akin at ang patuloy nilang ginagawa para sa isa’t isa. Taos-puso kong minamahal ang mga nasa ward ko! Madalas kaming nagtitipon, sumusuporta sa isa’t isa, at naglilingkod sa isa’t isa. Kapag may nangangailangan ng trabaho, tinutulungan namin ang isa’t isa na maghanap ng mga oportunidad. Kapag may mga baguhang bumibisita sa aming mga miting tuwing Linggo, binabati namin sila at sinisikap naming ipadama na sila ay kabilang.

Natulungan ako ng mabubuting kaibigan na maging matatag sa ebanghelyo, at sama-sama, matatag naming napaglalabanan ang mga pagsubok at tukso sa buhay.

Pagiging Kaibigan sa Iba

At tulad lang pagsuporta sa akin ng mabubuting kaibigan noong kailanganin ko ito nang husto, mayroon na ako ngayong oportunidad na maging kaibigan sa iba. Sa mga pagkakataon na napansin kong nahihirapan ang mga taong mahal ko o inilalayo nila ang kanilang sarili sa Simbahan, ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko para patuloy silang suportahan at anyayahan—para ipaalala sa kanila na mahal sila ng Panginoon at hinihintay silang bumalik sa landas ng tipan.

Alam ko na wala ako sa kinaroroonan ko ngayon kung wala ang mababait kong kaibigan at ang mga miyembro ng aming ward na tumulong sa akin na lakas-loob na manatiling tapat noong makadama ako ng matinding dalamhati.

Ang pagkakaroon ng matatag at mapagmahal na komunidad na ito ng mga disipulong may mga paniniwala at pinahahalagahan na katulad ng sa atin ay isa sa mga himalang natatanggap natin bilang mga miyembro ng Simbahan. Wala nang mas makapangyarihan kaysa sa sumamba na kasama, mahalin, at pasiglahin ang mga nagsisikap na maging katulad ng Tagapagligtas.

Kung nahihirapan ka sa isang mahirap na hamon, tandaan na hindi ka nag-iisa. May mga kaibigan, ministering brothers at sisters, at mapagmahal na mga lider sa inyong ward, branch, at stake na maaaring sumuporta at magpalakas sa iyo. At maaari ka ring maging lakas sa kanila.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Doors of Death,” Ensign, Mayo 1992, 72.

  2. Russell M. Nelson, “Ang Ikalawang Dakilang Kautusan,” Liahona, Nob. 2019, 97.