“‘Mapapalakas ba Natin ang Ating Huminang Relasyon?’ Pagtugon sa Panlalait at Emosyonal na Pang-aabuso,” Liahona, Okt. 2024.
“Mapapalakas ba Natin ang Ating Huminang Relasyon?” Pagtugon sa Panlalait at Emosyonal na Pang-aabuso
Kung dumaranas ka ng panlalait o emosyonal na pang-aabuso, humingi ng tulong. Maaari kang ikonekta o iugnay ng mga kaibigan, kapamilya, mga lider ng Simbahan, at iba pa sa resources na magpapadama sa iyo na ligtas ka upang ikaw ay gumaling at maalala mo ang iyong halaga.
Sa edad na 71, si Janet (binago ang mga pangalan) ay muling nag-asawa. Nasa honeymoon sila ng kanyang bagong asawa nang mainis ang asawa niya sa kanya. Paggunita ni Janet, “Noon lang may nagsalita sa akin nang ganoon.” Nabalisa siya at natakot.
Sa paglipas ng panahon ay tumindi ang galit ng kanyang asawa. Ang pagsigaw ay nauwi sa pagmumura, pang-iinsulto, at personal na mga pag-atake sa pagkatao ni Janet. Sinabi nito na mas pinahahalagahan ni Janet ang kanyang mga kaibigan at kapamilya kaysa sa kanya.
“Hindi totoo iyan,” sabi ni Jane. “Pero para mapanatili ang kapayapaan, lumayo ako sa kanila. Nagsimula akong hindi makipagkita sa mga kaibigan. Sinasabi kong hindi maganda ang pakiramdam ko.”
“Anuman ang ginawa ko, hindi iyon sapat para sa kanya,” sabi ni Janet. “Sinimulan kong sisihin ang sarili ko sa galit niya at inisip ko, ‘Sana’y hindi ko nagawa ang bagay na ito o ang bagay na iyon.’ Nagsimula akong mag-isip kung masama akong tao tulad ng sabi niya.”
Tinanong niya ang kanyang sarili na tulad ng, “Kung may halaga ako, bakit ko pinili ang taong ito? At bakit ko siya hinahayaang magsalita sa akin nang ganoon? Nakita ko ba dapat nang maaga ang mga babala?” Napakabait, maalalahanin, at mapagmahal ang asawa ni Janet noong nagdedeyt sila.
“Nalungkot ako nang husto,” paggunita niya. Naisip niya na mas mabuti pa sanang magkasakit na lang siya at mamatay para hindi na niya kinailangang makipagdiborsyo sa asawa niya. Minsan na siyang nag-asawa at hindi na niya kakayanin ang isa pang bigong pag-aasawa.
“Mabuti sana kung may nakausap ako,” sabi niya, “pero hiyang-hiya ako. At alam ko na sasabihan nila ako na hiwalayan siya. Ayaw kong magwakas ang pagsasama naming mag-asawa at ayaw kong muling mapag-isa. Kaya patuloy akong umasa na magbabago ang lahat, at patuloy kong binigyang-katwiran ang pag-uugali niya.”
Ang Pang-aabuso ay Isang Mabigat na Kasalanan
Kung minsa’y tinitiis ng mga biktima ang maling pag-uugali dahil hindi nila ito itinuturing na pang-aabuso. Ang emosyonal na pang-aabuso ay nangyayari kapag sinubukan ng isang tao na laitin o berbal na saktan, kontrolin, o manipulahin ang iba. Maaaring ito ay sa pamamagitan ng matinding pamimintas, paninisi, pagbubukod sa iba, pagmanipula, pagbabanta, pag-insulto, o pagkakait ng pagmamahal. Maaaring mangyari ito sa anumang klase ng relasyon: sa magkaibigan, sa kadeyt, sa mag-asawa o sa pagitan ng mga magulang at anak, at maging sa mga katrabaho.
“Ang pang-aabuso ay nagpapakita ng impluwensya ng kaaway,” pagtuturo ni Pangulong Russell M. Nelson. “Ito ay isang mabigat na kasalanan. Bilang Pangulo ng Simbahan, pinagtitibay ko ang mga turo ng Panginoong Jesucristo tungkol sa isyung ito. Hayaan ninyong ganap ko itong linawin: anumang uri ng pang-aabuso sa kababaihan, sa mga bata, o sa sinuman ay karumal-dumal sa Panginoon. Nalulungkot Siya at nalulungkot ako tuwing may sinuman na nasasaktan. Nagdadalamhati Siya at nagdadalamhati tayong lahat para sa bawat taong naging biktima ng anumang uri ng pang-aabuso. Ang mga gumagawa ng kahindik-hindik na mga gawaing ito ay hindi lamang mananagot sa mga batas ng tao kundi haharapin din ang matinding poot ng Diyos. …
“… Hindi kukunsintihin ng Tagapagligtas ang pang-aabuso, at bilang Kanyang mga disipulo, hindi rin natin ito dapat kunsintihin.”
Tayong lahat ay mga minamahal na mga anak ng mga magulang sa langit, na may banal na katangian at tadhana. Itinuturo sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo na mahalin ang isa’t isa (tingnan sa Juan 13:34) at pakitunguhan ang iba sa paraan na nais nating pakitunguhan nila tayo (tingnan sa Mateo 7:12).
Ang mga Biktima ay Kadalasang Binabagabag ng Konsiyensya
Ang mga biktima ay maaaring makadama ng takot, kahihiyan, pagkadesperado, kawalan ng pag-asa, at pagkawala ng pagpapahalaga sa sarili.
Sinira ng dalawang taong pakikisama ni Diego sa mapang-abusong asawa ang buhay niya at halos magpakamatay siya. Naisip niya na sana’y nakita niya ang mga babala. Nagkaroon na ng mga bigong pag-aasawa at relasyon ang kanyang asawa. Gayunman, naging maayos naman ang anim na buwang pagliligawan nila, at umibig siya.
Matapos silang magpakasal, nagulat at nalito siya sa pag-uugali nito. Pininpintasan nito ang kanyang hitsura, at nang itanong niya kung bakit nito sinabi ang mga bagay na iyon, sinabi nito sa kanya na biro lang iyon at na hindi siya marunong tumanggap ng biro. “Napakaraming panlalait at pagmamanipula sa utak,” sabi niya.
Nagkaroon din ng mga pisikal na pang-aabuso nang duraan siya nito sa mukha at sipain at kalmutin siya. Tulad ng maraming biktima, pinilit ni Diego na bigyang-katwiran ang pag-uugali ng kanyang asawa. Sinabi niya sa kanyang sarili na masama lang ang araw ng asawa niya. Desperado niyang sinikap na gawin ang mga bagay na inasam niyang magpapasaya rito.
“Nililinis ko ang mga banyo at nagluluto ako ng hapunan,” paggunita niya, “pero hindi ko siya mabigyang-kasiyahan kahit kailan. Pisikal na pang-aabuso na marahil ang pinakamasamang bagay para sa akin bilang isang lalaki. Nanghina ako at wala akong magawa. Kung minsa’y nakakakita ako ng lugar na pagtataguan sa trabaho at umiiyak ako. Ako ang naging biktima, pero ipinadama niya sa akin na parang lahat ng masamang nangyari ay kasalanan ko. Nakonsiyensya ako. Tama ba siya? Napakalungkot nito.”
Paggunita niya: “Ginusto kong maging maayos ang pagsasama naming mag-asawa. Nagdasal ako nang husto, nagpunta sa templo, nag-ayuno, nagbasa ng mga banal na kasulatan, at nagsikap na mas mapalapit sa Ama sa Langit sa lahat ng paraan. Pag-asa ang nagbigay sa akin ng lakas. Patuloy akong naniwala na kung susunod ako, magiging maayos ang lahat.”
Paghingi ng Tulong
Humingi ng espirituwal na lakas: Maaaring humingi ng inspirasyon at espirituwal na lakas ang mga biktima sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, mga basbas ng priesthood, at pagsisimba at pagdalo sa templo. Maaari silang humingi ng tulong at suporta mula sa mapagkakatiwalaang mga kaibigan, lider ng Simbahan, o professional counselor. Higit sa lahat, maaari silang manampalataya sa Panginoon, hingin ang Kanyang patnubay sa panalangin, at magtiwala na Kanyang “ilalaan ang iyong mga paghihirap para sa iyong kapakinabangan” (2 Nephi 2:2).
Magtakda ng mga hangganan: Sinasabi ng mga eksperto na mahalaga ang magtakda at magpanatili ng mga hangganan. Maaaring sabihin ng isang biktima na, “Pakiramdam ko, hindi mo ako nirerespeto ngayon. Gusto kitang kausapin, pero hindi kita kakausapin hangga’t hindi mo ako tinatrato nang may paggalang at kabaitan.”
Gayunman, hindi igagalang ng ilang tao ang mga hangganang iyon. Sinikap ni Diego na magtakda ng mga hangganan, pero patuloy na nakipagtalo ang kanyang asawa. “Hindi ka maaaring mangatwiran palagi sa isang nang-aabuso,” paliwanag niya. “At napakahirap manatiling kalmado kapag nilalait ka ng isang tao. Kung si Cristo iyan, lalayo o magsasalita Siya nang malumanay. Hindi ako gayon kaperpekto. Mas maganda sanang gawin iyon. Sa palagay ko kailangan mo ng tagapamagitan—isang lider ng Simbahan o isang therapist—para maging makatwiran ang pag-uusap ninyo.”
Maaaring makatulong ang humingi ng tulong sa isang propesyonal sa ganitong mga sitwasyon. Ang mga counselor na maalam tungkol sa emosyonal na pang-aabuso ay maaaring magmungkahi ng mga paraan para malutas ang mga pabagu-bagong emosyon.
Lutasin ang mga problema: Kung minsa’y hindi natatanto ng mga nagsasalita ng masasakit na bagay kung gaano nila sinisira ang relasyon. Matututo silang magbago kung handa silang humingi ng tulong. Kapag hindi emosyonal ang isang tao, maaaring sabihin ng biktima ng masasakit na komento ang katulad ng, “Nasasaktan ako [o hindi mo ako mahal o hindi mo ako iginagalang] kapag nagsasabi ka ng gayong mga bagay. Magpapasalamat ako kung ikaw ay …” Ang pagpapaalam ng mga pag-uugaling iyon sa taong nananakit ay maaaring magbigay ng oportunidad para magbago siya.
Kung handang makinig ang tao, kapwa sila makakahingi ng tulong. Maaari silang magkasamang humingi ng payo at talakayin kung aling mga pag-uugali ang nakakasakit sa relasyon at kung aling mga pag-uugali ang nagpapagaling sa relasyon. Maaari silang magtulungan na mabuo ang relasyong hangad nila.
Gayunman, kung ayaw makinig ng tao at patuloy siya sa mapaminsalang pag-uugali, hindi kailangan ng biktima na manatili sa mapang-abusong relasyon. Para sa mga mag-asawa, maaaring hindi ito palaging mangahulugan ng diborsyo, pero maaaring mangahulugan ito na maghiwalay muna sila hanggang sa masunod ng asawa ang mga hangganan para sa isang masayang relasyon.
Sikaping itigil ang hindi magagandang ginagawa: Itinuro ni Sister Kristin M. Yee, Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency:
“Sa landas ng pagpapatawad at pagpapagaling, naroon ang pagpapasiyang iwaksi ang di-mabubuting huwaran o ugnayan sa ating pamilya o saanman. Sa lahat ng ginagawa natin, maaari tayong tumugon ng kabutihan sa kalupitan, pagmamahal sa pagkamuhi, kahinahunan sa kabagsikan, kaligtasan sa kapighatian, at kapayapaan sa pagtatalo.
“Ang ibigay ang ipinagkait sa inyo ay mabuting bahagi ng banal na paggaling na posible sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.”
Paggaling sa Tulong ng Diyos
Kinausap ni Diego ang isang marriage counselor at regular na nakipag-usap sa kanyang bishop. “Hindi ko tiyak kung malalagpasan ko ang karanasang ito nang walang tulong ng bishop ko, ang pinaka-mapagmahal na taong nakilala ko. At nakahahanap ako ng kapayapaan sa templo.”
Nahirapan si Diego na gumaling pagkatapos ng kanyang diborsyo pero sabi niya, “Marami akong natutuhan mula sa relasyon at lumago ako sa lahat ng aspeto, na naging dahilan para maging mas mabuti akong lalaki, ama, tao, priesthood holder, anak, kaibigan, at asawa. Ginawa ko ang lahat sa abot ng aking makakaya para maging maayos ang aming pagsasama, pero hindi nangyari iyon. Malaya siya at pinili niyang gawin iyon.”
Pagkaraan ng tatlong taon ng pagsisikap na maging maayos ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa, nakipagdiborsyo si Janet at pansamantalang lumipat kasama ang isa sa kanyang mga anak. “Ang mga unang araw at linggong iyon ang pinakamahirap,” paggunita niya. Ibinuhos niya ang kanyang puso sa panalangin at naging tapat sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon araw-araw, pati na ng nakakapanatag na mga mensahe sa kumperensya.
Nagpatuloy siya sa regular na pagsisimba, nakakita ng isang professional therapist, at tumanggap ng nakakatulong na espirituwal na payo mula sa kanyang bishop. “Nakatulong nang husto ang therapist, at gumanda ang pakiramdam ko matapos kong kausapin ang bishop ko,” sabi niya.
Iminungkahi ng isang kaibigan na bigkasin niya nang malakas ang kanyang mga paboritong talata sa banal na kasulatan at ipahayag ang lahat ng mabubuting bagay na nais niyang makamtan sa buhay. Tapat na ginawa iyon ni Janet, na isinasaulo ang mga talata na nagbigay-inspirasyon sa kanya. Ang dalawa sa kanyang mga paborito ay:
“Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manlupaypay: sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay kasama mo saan ka man pumaroon” (Josue 1:9).
“Huwag kang matakot, sapagkat ako’y kasama mo, huwag kang mabalisa, sapagkat ako’y Diyos mo; aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan; oo, ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran” (Isaias 41:10).
Nakasumpong siya ng lakas sa pagkaalam na ang misyon ng Tagapagligtas ay “upang [pagalingin ang wasak ang puso], upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag, … upang palayain ang mga naaapi” (Lucas 4:18; idinagdag ang diin).
Nang patotohanan niya ang nagpapagaling na misyong iyon ng Tagapagligtas, tiniyak ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga biktima ng pang-aabuso:
“Mula sa katindihan ng Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa, ang Tagapagligtas ay nagbigay ng pag-asang inakala ninyong nawala na magpakailanman, ng lakas na inakala ninyong hindi ninyo tataglayin kailanman, at pagpapagaling na hindi ninyo akalaing posible. …
“… [Nakaunat ang mga bisig,] nais ng Tagapagligtas na pagalingin kayo. [Sa] katatagan, tiyaga, at tapat na pagtutuon sa Kanya, hindi magtatagal ay lubos ninyong matatanggap ang paggaling na ito.”