Liahona
Samahan Nawa Kayo ng Diyos sa Inyong Paglalakbay
Oktubre 2024


“Samahan Nawa Kayo ng Diyos sa Inyong Paglalakbay,” Liahona, Okt. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Samahan Nawa Kayo ng Diyos sa Inyong Paglalakbay

“Tigil!” sigaw ng sundalo, na direktang tinutukan ng malaking riple ang aking ama.

isang sundalong tumutugtog ng biyolin para sa isa pang sundalo

Larawang-guhit ni Michael J. Bingham

Pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ginustong sumama ng aking mga magulang sa mga Banal sa Amerika. Pero kinailangan muna nilang tumakas ng kanilang limang anak mula sa East Germany papuntang West Germany.

Nagpuntang mag-isa ang aking amang si Walter para alamin kung saan pinakaligtas na makatatawid ng hangganan. Kakaunti ang bitbit niya sa paglalakbay pero nadama niyang dapat niyang dalhin ang kanyang biyolin. Isang matagumpay na biyolinista, nagkaroon siya ng espirituwal na impresyon na kahit paano’y matutulungan siya ng kanyang biyolin sa kanyang paglalakbay.

Noong Pebrero 1949, sumakay ng tren si Itay papunta sa isang bayan na maraming milya pa rin mula sa hangganan. Pagdating niya roon, patago siyang umalis ng bayan, at tumahak sa isang landas na nagdala sa kanya sa isang malamig na gubat na may niyebe. Sinumang mahuli na papunta sa hangganan ng West Germany ay pinaghihinalaang tumatakas at dadakpin.

Habang daan, nakita ni Itay ang isa pang lalaking nagtatangkang tumakas papuntang West Germany. Nagpasiya silang maglakbay nang magkasama. Mas mabuting apat na mata ang nakabantay kaysa dalawa lang.

Maingat silang nagpatuloy nang magdaan sila sa isang toreng may bantay. Mula sa likod ng isang palumpong, isang bata pang sundalong Russian ang biglang tumalon at sumigaw ng, “Tigil!”

Hindi nakakilos sa takot ang tatay ko at ang kanyang bagong kaibigan nang tutukan sila ng malaking riple ng sundalo. Sinabi ng sundalo na arestado sila.

Dahan-dahan, binuksan ng bagong kaibigan ng tatay ko ang kanyang maleta, at lumitaw ang ilang masasarap na pagkain. Sumenyas siya sa sundalo na ibibigay niya ang mga iyon dito kung pakakawalan sila nito, pero hindi natinag ang sundalo.

Sa paputul-putol na Russian, sinabi ng tatay ko sa sundalo na mahilig siya sa Russian folk music. Itinuro niya ang lalagyan ng kanyang biyolin at sinabi na gusto niyang tumugtog para dito.

Inilabas ni Itay ang kanyang biyolin at nagsimulang tumugtog ng isang madamdaming himig na Russian. Pagkaraan ng maikling sandali, nakita niyang namumuo ang mga luha sa mga mata ng binatilyo. Nang matapos ni Itay ang tugtugin, tinanong siya ng sundalo kung may alam siyang iba pang himig na Russian.

Pagkatapos ay tumugtog si Itay ng isa pang himig. Nang matapos siya, umiiyak ang sundalo. Habang isinusukbit nitong muli ang baril sa kanyang balikat, sinabi ng sundalo sa Russian, “Samahan nawa kayo ng Diyos sa inyong paglalakbay.” Pagkatapos ay hinayaan nito ang dalawang lalaki na magpatuloy sa kanilang pagtakas papuntang Kanluran.

Hindi nagtagal ay ligtas na nakabalik ang tatay ko sa East Germany, na nagpapasalamat sa inspirasyon na humantong sa kanyang proteksyon. Pagkaraan ng tatlong taon, tumakas sila ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng paglalakbay papuntang East Berlin at pagtawid sa hangganan doon papasok ng West Berlin.