Liahona
Pagtatamo ng Kapangyarihan ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Tipan
Oktubre 2024


Digital Lamang

Pagtatamo ng Kapangyarihan ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Tipan

Ang kapangyarihan ng Diyos ay magpapalakas sa ating mga espirituwal na kaloob at talento, magbibigay sa atin ng lakas na higit pa sa ating sarili na dalhin ang mabibigat na pasanin ng mortalidad, at magbibigay sa atin ng kapayapaan at kapangyarihang kailangan natin.

si Cristo habang kausap ang babae sa may balon

Paulit-ulit nang nagsalita ang ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa kapangyarihan ng priesthood na maaaring ipagkaloob sa kalalakihan at kababaihan sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Diyos. Sabi niya:

“Bawat babae at lalaki … na nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood [at gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Diyos], ay matatanggap mismo ang kapangyarihan ng Diyos. …

“Ang kalangitan ay bukas din sa kababaihan na pinagkalooban ng kapangyarihan ng Diyos na nagmumula sa kanilang mga tipan sa priesthood tulad ng kalalakihan na nagtataglay ng priesthood.”

Bilang mga anak na babae ng Diyos, maaari tayong pagkalooban ng kapangyarihan ng priesthood—ang kapangyarihan ng Diyos na dumarating sa atin kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa priesthood. Napakahalaga ng mga ipinahihiwatig nito. Bilang endowed na kababaihan, may karapatan tayong gamitin nang husto ang kapangyarihan ng Tagapagligtas para matulungan ang ating sarili, ang ating pamilya, at ang iba.

Tinanggap ko ang sarili kong endowment noong 20 taong gulang ako, pero hindi ko naunawaan sa loob ng maraming taon ang kapangyarihan ng langit na nagamit ko sa pamamagitan ng mga tipan na nagawa ko sa aking Ama sa Langit at kay Jesucristo. Gayunman, habang ginugunita ko, napapansin ko ang dagdag na lakas at kakayahang ibinigay sa akin para tiisin ang maraming hamon sa iba’t ibang sitwasyon sa buhay ko. Pinagpala tayong mabuhay sa panahon na may higit na pagkaunawa tungkol sa dagdag na kapangyarihan, kapayapaan, at lakas na maaaring mapasaatin sa pakikipagtipan sa Diyos.

Tulad ng itinuro ng ating propeta, kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, nagiging mas malapit ang ating ugnayan sa Kanya kaysa bago tayo nakipagtipan, at hindi Niya pababayaan ang ugnayang iyon. Hindi Siya kailanman mapapagod sa mga pagsisikap Niyang tulungan tayo, at hindi mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin. Masaya tayong nakabigkis sa Kanya sa isang walang-hanggang tipan na pinili nating gawin sa Kanya.

Ang kaalamang ito ay dapat magbigay sa atin ng malaking kapayapaan at katiyakan habang dumaranas tayo ng mga hirap at pighati sa buhay na ito. Daragdagan ng kapangyarihan ng Diyos ang ating espirituwal na mga kaloob at talento, bibigyan tayo ng lakas na higit pa sa sarili nating lakas na dalhin ang mabibigat na pasanin ng mortalidad, at bibigyan tayo ng kapayapaan at kapangyarihang kailangan natin kapag naharap tayo sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na mga hamon sa ating buhay.