Liahona
Pagkakaisa—“Magkaroon ng Isang Puso at Isang Isipan”
Oktubre 2024


Digital Lamang: Mga Turo ng mga Pinuno ng Simbahan mula sa Social Media

Pagkakaisa—“Magkaroon ng Isang Puso at Isang Isipan”

Tingnan kung ano ang naituro ng mga propeta, apostol, at iba pang mga pinuno ng Simbahan sa social media tungkol sa pagkakaisa.

si Jesucristo na ipinapakita ang Kanyang kamay sa mga Nephita

Bilang isang Simbahan, pinagpala tayong magkaroon ng mga miyembro mula sa iba’t ibang pinagmulan at sitwasyon. Napagpala ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin ng natatanging mga katangian, kaloob, at talento, at bahagi iyan ng dahilan kaya napakaganda ng Simbahan ni Jesucristo. Sa kabila ng lahat ng ating pagkakaiba-iba, inuutusan tayo ng Panginoon na “maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (Doktrina at mga Tipan 38:27). Bagama’t hindi tayo maaari at hindi dapat na magkapare-pareho, maaari tayong maging isa habang sinisikap nating magsama-sama at ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa [isang panalangin kalaunan], nagsumamo para sa pagkakaisa si Jesus. ‘Ama,’ sabi Niya, ‘ako ay nananalangin sa inyo para sa kanila, … upang sila ay maniwala sa akin, at nang ako ay mapasakanila kagaya ninyo, Ama, na nasa akin, upang tayo ay maging isa’ [3 Nephi 19:23]. Tayo man ay maaring manalangin para sa pagkakaisa. Maaari nating idalangin na magkaroon tayo ng isang puso at isang isipan kasama ang hinirang ng Panginoon at ang ating mga mahal sa buhay. Maaari nating idalangin na magkaroon ng unawaan at respeto sa pagitan natin at ng ating mga kapitbahay. Kung talagang nagmamalasakit tayo sa iba, dapat natin silang ipagdasal [tingnan sa Mateo 5:44]. ‘Ipanalangin ninyo ang isa’t isa … ,’ pagtuturo ni Santiago, sapagkat ‘ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan’ [Santiago 5:16].”

Nagsalita ang mga pinuno ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa pagkakaisa. Nagbahagi rin sila ng mga mensahe tungkol sa mga paksang ito sa social media, kabilang na ang mga sumusunod:

Ang Pagkakaisa ay Isang Mabisang Patotoo tungkol sa Impluwensya ng Tagapagligtas

Dieter F. Uchtdorf

“Nang basahin ko ang mga banal na kasulatan, humanga ako sa malaking kinalaman ng gawain ng Tagapagligtas sa pagtitipon ng mga tao. Mga Hudyo at Gentil, mga maniningil ng buwis at mangingisda, kalalakihan at kababaihan.

“Ang pagkakaisa ay isang makapangyarihang patotoo tungkol sa impluwensya ng Tagapagligtas. Ipinahayag ni Jesucristo na maniniwala sa Kanya ang mundo kapag nakita nila ang pagkakaisa ng Kanyang mga lingkod. Marahil ay mas maraming tao sa mundo ang magkakaroon ng patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan kung makikita nila na mas nagkakaisa tayo, na Kanyang mga disipulo.

“Ang pagkakaisang hangad natin ay hindi ang makita ng lahat ang mga bagay-bagay sa parehong paraan; iyon ay para patinginin ang lahat sa iisang direksyon—kay Jesucristo. Hindi ang ating mga pare-parehong karanasan o pinagmulan ang nagbubuklod sa atin. Ang nagbubuklod sa atin ay ang ating iisang layunin. Tayo ay isa, hindi dahil sa kung saan tayo nanggaling kundi kung saan tayo nagsisikap na makarating, hindi dahil sa kung sino tayo kundi kung sino ang hangad nating kahinatnan.

“Siyempre pa, ang ating perpektong halimbawa sa paghahangad ng pagkakaisa ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, lahat ng anak ng Diyos ay maaaring mapagpala nang walang hanggan.

“Ang mga hamon sa pagtatatag ng Simbahan ng Tagapagligtas ay nangangailangan ng maraming pananaw, ngunit lahat ng ito ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.”

Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Hunyo 23, 2023, facebook.com/dieterf.uchtdorf.

Pahalagahan Natin ang Pagiging Natatangi ng Bawat Tao, Kapwa, at Kaibigan

Quentin L. Cook

“Inilabas ko mula sa pagkakatago ang aking sumbrero para batiin ang mga embahador at diplomat mula sa mga bansa sa buong mundo sa isang pagtitipon kamakailan na may temang Western. Dahil sa kahanga-hangang kaganapang ito, pinasalamatan ko kapwa ang mga pagkakaibigang nabuo namin sa paglipas ng mga taon pati na rin ang mga bagong relasyon na patuloy naming itinatatag.

“Nagsasama-sama kami ng mga taong natatangi ang kultura, wika, at relihiyon. Pahalagahan natin ang pagiging natatangi ng bawat tao, kapwa, at kaibigan bilang ating mga tunay na kapatid.

“Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at banyaga, kundi kayo’y mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos” (Efeso 2:19).

Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Nob. 3, 2023, facebook.com/quentin.lcook.

Tayo ay Dapat Maging Isa sa Katawan ni Cristo

D. Todd Christofferson

“Ang isa sa mga dahilan kaya nagtatag si Jesucristo ng isang simbahan, ang Kanyang Simbahan, ay para maranasan nating mahalin ang iba, para malaman kung ano talaga ang kahulugan ng maganyak ng pag-ibig sa kapwa.

“May katalinuhan sa pag-organisa ng mga lokal na unit ng Simbahan batay sa heograpiya. Hindi tayo pumipili ng kongregasyon batay sa kung sino ang gusto o nais nating makasama. Pinipili ang mga ward para sa atin batay sa makatwirang pagkakahanay ng mga lugar, at natututo tayong pakisamahan, paglingkuran, at mahalin ang mga taong maaaring naiiba ang pinagmulan, kagustuhan, at opinyon.

“Maaari tayong makakita ng ilan na medyo mahirap pakisamahan, ngunit kailangan nating maging isa sa katawan ni Cristo. Ang pakiusap ko ay na umasa tayo kay Jesucristo sa ating mga iniisip at ginagawa upang mapuspos tayo ng dalisay na pag-ibig ni Cristo na iginagawad ng Diyos ‘sa lahat na tunay na mga [alagad] ng kanyang Anak, si Jesucristo’ (Moroni 7:48).”

Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Nob. 30, 2023, facebook.com/dtodd.christofferson.

Ang Templo ay Makapaghahatid ng Pagkakaisa ng Puso’t Isipan

Gary E. Stevenson

“Kung umaasa tayong madama ang Espiritu ng Panginoon, kailangan nating gumugol ng oras sa mga lugar kung saan madaling manahan ang Kanyang Espiritu.

“Kabilang sa pinakabanal sa mga lugar na kung saan maaari tayong manatili ay sa mga templo ng Panginoon. Nitong katapusan ng linggo, natuwa akong makasama ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Japan nang ilaan ko ang Okinawa Japan Temple.

“Maaaring alam na ninyo na may espesyal na puwang sa puso ko ang bansang Japan. Ang pagbisita ay laging parang pag-uwi. Bukod sa paglilingkod bilang missionary ng Simbahan ni Jesucristo noong binata pa ako sa Japan ilang dekada na ang nakararaan, naglingkod kami ni Lesa bilang mga mission leader dito, at nito lang huli sa Asia North Presidency. Sa kabuuan, pitong taon nang nanirahan ang aming pamilya sa Japan.

“Isa sa mga kahanga-hangang aspeto ng templong ito ay ang katotohanan na pagsisilbihan nito ang Okinawa Japan Stake na nagsasalita ng Japanese gayundin ang Okinawa Japan Military District na nagsasalita ng Ingles.

“Ang maisip ang kasaysayan na bahagi ng dalawang grupong ito at makita silang magkakasama para maglingkod sa Panginoon sa templo ay kahanga-hanga talaga.

“Tutulutan ng templong ito ang mga miyembrong Okinawan ng Simbahan ni Jesucristo na parangalan ang kanilang mga ninuno—kabilang na ang marami na namatay nang wala sa panahon dahil sa digmaan.

“Para sa mga nasa Okinawa—at para sa ating lahat—ang templo ay maaaring maghatid ng kapayapaan at kapanatagan at pagkakaisa ng puso’t isipan at paggalang at katapatan sa ating mga yumaong ninuno.”

Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Nob. 12, 2023, facebook.com/stevenson.gary.e.

Sumusulong Tayo Bilang mga Anak ng Diyos

Ulisses Soares

Ang Iguazu River ay dumadaloy sa katimugang Brazil hanggang sa isang talampas na bumubuo ng isang sistema ng mga talon na kilala sa buong mundo bilang Iguazu Falls—isa sa mga pinakamaganda at pinakamaringal na likha ng Diyos sa lupa. Dumadaloy ang napakaraming tubig sa iisang ilog at pagkatapos ay naghihiwalay ito, at bumubuo ng walang-kapantay na daan-daang talon.

“Sa matalinghagang pananalita, ang kamangha-manghang grupong ito ng mga talon ay sumasalamin sa pamilya ng Diyos sa lupa, sapagkat iisa ang ating espirituwal na pinagmulan at katangian, na hango sa ating banal na pamana at angkan.

“Gayunman, bawat isa sa atin ay dumadaloy sa iba’t ibang kultura, lahi, at bansa, na may iba’t ibang opinyon, karanasan, at damdamin. Sa kabila nito, sumusulong tayo bilang mga anak ng Diyos at bilang magkakapatid kay Cristo, nang hindi nawawala ang ating banal na ugnayan, na ginagawa tayong mga natatanging tao at minamahal na komunidad.

“Nawa’y maiayon natin ang ating mga puso’t isipan sa kaalaman at patotoo na pantay-pantay tayo sa paningin ng Diyos, na tayong lahat ay lubos na pinagkalooban ng parehong walang-hanggang potensyal at pamana.

“Nawa’y mas matamasa natin ang espirituwal na ugnayan na namamagitan sa atin at pahalagahan ang iba-ibang katangian at sari-saring kaloob na mayroon tayong lahat. Kung gagawin natin ito, ipinapangako ko sa inyo na dadaloy tayo sa ating sariling paraan, tulad ng tubig sa Iguazu Falls, nang hindi nawawala ang ating banal na ugnayan na tumutukoy sa atin bilang mga natatanging tao, mga anak ni Cristo, at mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos.”

Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Nob. 19, 2023, facebook.com/soares.u.

Mahal ng Ama sa Langit ang Lahat ng Tao

J. Anette Dennis

“Ang isa sa mga gabay na alituntunin ng Relief Society ay ang magkaisa sa pagtulong sa mga nangangailangan. Noong 2022, tumulong ang mga miyembro ng Relief Society sa buong mundo sa gawaing ito sa pamamagitan ng napakaraming oras ng pagboboluntaryo at mga kontribusyon sa pagkakawanggawa ng Simbahan.

“Noong nakaraang taon, nagpintura ang kababaihan sa Simbahan ng mga muwebles para mapakinabangan ng mga taong walang tirahan, lumahok sa 483 emergency response project sa buong mundo, at naglakad pa sa putik para personal na maghatid ng kailangang-kailangang mga supply sa mga nangangailangan.

“Ibinuod ni Sylwia, isang miyembro ng Simbahan sa Poland, ang hangarin ng kababaihan na maglingkod nang perpekto: ‘Natural ito. Kapag nakakakita ka ng mga taong nangangailangan ng tulong, tumutulong ka. … Hindi mahalaga kung miyembro ka man ng Simbahan o hindi. Mahal [ng Ama sa Langit] ang lahat ng tao.’

“Para malaman ang iba pa, basahin ang Taunang Ulat ng Simbahan sa Pangangalaga sa mga Nangangailangan noong 2022.”

Paunawa: Marami ka ring matututunan sa 2023 Summary: Pag-aalaga sa mga Nangangailangan.

Sister J. Anette Dennis, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, Facebook, Abr. 4, 2023, https://www.facebook.com/RS1stCounselor.

Ang Pagkakaisang Nadama Namin ay Nagbukas ng Daan para sa Paghahayag

Susan H. Porter

“Nang pumasok kami sa mga chapel kapwa sa San Diego at sa Nauvoo, may naramdaman kami. Natanto namin na nasa isang silid kami na puno ng kababaihang nagugutom at nauuhaw sa pagmamahal, pagpapagaling, at pagpapaginhawa ng Tagapagligtas. Isinantabi nila ang iba pang mga bagay na maaari sana nilang gawin sa Biyernes ng gabi at nagsama-sama para tumanggap ng personal na paghahayag.

“Nadama namin ang pagkakaisa bilang mga anak na babae ng Diyos at mga miyembro ng Relief Society nang sama-sama kaming tumayo sa pulpito na magkakayakap. Ang gutom at sakripisyo ng kababaihang iyon at ang pagkakaisang nadama namin bilang kababaihan ng Diyos ang nagbigay-daan para sa mga pambihirang gabi ng kapangyarihan at paghahayag. Isinantabi namin ang aming mga talaan at sinabi namin ang ipinaramdam ng Panginoon sa aming puso. Nagtiwala kami na sa pamamagitan ng aming di-perpektong mga salita at mensahe, magsasalita ang Panginoon sa puso ng bawat kababaihan. Hindi Siya nagpapalampas ng oportunidad na mahalin at pagpalain ang Kanyang mga anak na babae kapag nagtitipon sila sa Kanyang pangalan.

“Paano kayo mas napalapit sa Tagapagligtas sa pagtitipon bilang kababaihan ng Diyos at mga miyembro ng Relief Society?”

Pangulong Susan H. Porter, Primary General President, Facebook, Nob. 1, 2023, https://www.facebook.com/PrimaryPresident.

Ang Pagkakaisa at Pagkakapantay-pantay ay Bahagi ng mga Alituntunin ng Priesthood

Amy A. Wright

“Habang binabasa ang ‘Mga Alituntunin ng Priesthood’ sa General Handbook, napuspos ng dalawang partikular na salita ang aking puso’t isipan: pagkakaisa at pagkakapantay-pantay. Maliban sa walang-kapantay na kaloob na Kanyang Bugtong na Anak, wala akong maisip na mas dakilang pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak kaysa sa di-mabilang na mga pagpapalang pantay-pantay na makukuha ng Kanyang mga anak na lalaki at babae sa pamamagitan ng Kanyang banal na priesthood.

“‘Ang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos ay dumadaloy sa lahat ng miyembro ng Simbahan—babae at lalaki—habang tinutupad nila ang mga tipang ginawa nila sa Kanya’ (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3.5, Gospel Library).

“Paano napagpala ng banal na priesthood ang inyong buhay?

Sister Amy A. Wright, Unang Tagapayo sa Primary General Presidency, Facebook, Ene. 1, 2024, https://www.facebook.com/Primary1stCounselor.

Maaari Nating Sadyang “Makita” ang Lahat ng Tao sa Simbahan

Amy A. Wright

“Ito ay … kuwento mula sa mahal kong kaibigang si Kathryn Godderidge, Primary General Advisory Council Member, na umantig nang husto sa puso ko:

“‘Dumalo kami ng asawa ko sa isang sacrament meeting kasama ang anak naming lalaki at kanyang pamilya sa Simpsonville, South Carolina. Maagang nagsimba ang kanyang asawa para tumugtog ng organo, at medyo nahuli kami ng dating na kasama ang aming anak at mga apo, at nakakita kami ng mga upuan sa likod. Agad kaming naupo at nagsimulang makinig sa musika sa organo para sa pambungad na himno, nang matuklasan namin na dala pala ng dalawang-taong-gulang na apo namin ang paborito niyang largabista. Sinimulan niyang gamitin iyon para masusing suriin ang kongregasyon, at nang sikapin naming tulungan siyang itago iyon, tumutol siya, “Kailangan kong makita si mama sa organo!”

“’Napakatamis na pagpapahayag ng pagmamahal at hangarin mula sa isang batang lalaki para sa kanyang ina!

“‘Ah, sana magdala tayong lahat ng sarili nating “largabista” para hindi lang mahanap yaong naghahatid sa atin ng kagalakan kundi para tunay ring makita ang isa’t isa kapag nagtitipon at sumasamba tayo tuwing Linggo.’

“‘Habang naghahanda tayo para sa sacrament meeting, sadya ba nating “nakikita” ang lahat ng tao sa kongregasyon? “Nakikita” ba natin ang ating mahal na mga anak, kabataan, at young single adult bilang mahahalagang kalahok sa dakilang gawaing ito? “Nakikita” ba natin sila bilang mga pinagtipanang miyembro na may natatanging papel na gagampanan sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos?

“‘Pinatototohanan ko na kapag nagsimula tayong “makita” at makibahagi sa lahat ng miyembro ng kongregasyon, magiging mas masaya, sagrado, banal, at nakasentro kay Jesucristo ang ating pagsamba sa araw ng Sabbath.’”

Sister Amy A. Wright, Unang Tagapayo sa Primary General Presidency, Facebook, Peb. 19, 2024, https://www.facebook.com/Primary1stCounselor.