Liahona
Ang Pangangailangan Kong Mapagaling
Oktubre 2024


“Ang Pangangailangan Kong Mapagaling,” Liahona, Okt. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Pangangailangan Kong Mapagaling

Sa pamamagitan ng isang himno sa sakramento, tinuruan ako ng Espiritu tungkol sa pagbibigay at pagtanggap ng kapatawaran.

mga taong kumakanta sa simbahan

Larawang-guhit ni Michael J. Bingham

Nakaupo ako sa simbahan isang araw ng Linggo, na galit at inis. Nag-away kami ng asawa kong si Aaron noong nakaraang gabi, at nagsimba ako na balisa at galit pa rin. Nanatili akong galit kay Aaron hanggang sa magsimula ang pulong sa himno ng sakramento, na nag-iisip na, “Kailangan siyang mag-sorry.”

Habang naghahanda kaming tumanggap ng sakramento, inawit ng aming kongregasyon ang himnong “Habang Aming Tinatanggap.” Nanatili akong galit sa buong unang talata. Pagkatapos ay nagsimula ang pangalawang talata: “Habang kahapo’y gunita, kami’y nagsisisi.”

Huminto ako sa pagkanta. Nakinig ako sa patuloy na pagkanta ng aking asawa, mga anak, at mga miyembro ng ward ng: “Landas Ninyo’y kabutihan, dapat naming sundin.”

Lumambot ang puso ko. Hindi naman siguro ang asawa ko ang dahilan ng pagkabalisa ko. Siguro ako lang iyon.

Nagpatuloy ang himno:

Pagpapatawad N’yo sa ‘mi’y

Tapat naming hiling,

Pagtanggap ng sakramento,

Pangako’y tutupdin.

Naroon ako at nagagalit, samantalang ang kailangan ko talagang gawin ay magpakumbaba at humingi ng tawad mula sa Ama sa Langit—isang kaloob na ginawang posible ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Napaluha ako habang nakatingin ako sa maliliit naming mga anak. Lahat ng galit at tensyong nadama ko, lahat ng paninisi at sama-ng-loob na nagpasikip sa dibdib ko, ay naglaho. Ang sandaling ito ay tungkol sa kailangan kong gawin para magbago upang makahingi at makatanggap ako ng kapatawaran mula sa aking Ama sa Langit at kay Jesucristo. Sa pamamagitan ng isang himno, malinaw akong tinuruan ng Espiritu tungkol sa pagpapatawad at sa pangangailangan kong kapwa tanggapin ito at ibigay ito.

Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Nagsusumamo ako sa inyo na lumapit sa Kanya upang mapagaling Niya kayo! Pagagalingin Niya kayo mula sa kasalanan kung magsisisi kayo. Pagagalingin Niya kayo mula sa kalungkutan at takot. Pagagalingin Niya kayo mula sa mga sugat ng mundong ito.”

Habang nakaupo roon, na nakikinig sa mga titik ng himno at tumatanggap ng sakramento, nadama ko na kailangan akong mapagaling, at alam ko kung saan ko kailangang bumaling. Ang mga katotohanang natutuhan ko tungkol sa pagpapatawad sa pulong na iyon ay higit na naglapit sa akin sa Panginoon at sa aking asawa.