Liahona
Ang Kapayapaan ang Himala
Oktubre 2024


“Ang Kapayapaan ang Himala,” Liahona, Okt. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Kapayapaan ang Himala

Pagkatapos akong masuri, itinuon namin ang aming paningin sa Panginoon upang makita namin ang mga pagpapala sa amin.

isang lalaking hinahagkan ang ulo ng kanyang asawa habang nagsusulat ito sa isang mesa

Larawang-guhit ni Michael J. Bingham

Nang malaman namin ng asawa kong si David na hindi kami magkakaanak, umiyak ako. Pagkatapos, noong 2016, pinabalik ako ng aking doktor sa kanyang klinika matapos ang regular na medical checkup at mammogram. Matapos ang iba pang pagsusuri, ang inakala niya noong una na isang maliit na problema ay naging malaki: kanser.

Nakakagulat iyon, at may mga araw na hirap na hirap kami. Bago namin nalaman kung ano ang kalalabasan ng lahat, sinabi ko sa Ama sa Langit, “Kung ito na po ang katapusan ko, pangalagaan lamang po Ninyo si David.”

Buong araw kong napigilan ang aking damdamin, pero sa pagsapit ng gabi at tahimik na ang lahat, napapaluha ako. Pero noon ko rin nadarama sa pamamagitan ng Espiritu Santo na magiging maayos ang lahat—hindi lamang dahil sa mabubuhay ako kundi dahil nariyan ang Ama sa Langit. Kaya, habang ginagamot ako, sumulong kami nang paunti-unti.

Ang ilang himno at talata sa banal na kasulatan ay naging mas makabuluhan. Ang Doktrina at mga Tipan 122:8 ay talagang tumimo sa akin: “Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?”

Natanto ko na hindi, hindi ako nakahihigit sa Kanya. Kung mas napapahalagahan ko ang Tagapagligtas at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo dahil hindi ako magkakaanak at may kanser ako, kung gayon ay handa ako.

Itinuon namin ang aming paningin sa Panginoon upang makita namin ang mga pagpapala sa amin, kabilang na ang isang napakagandang support system. Napakabait ng Relief Society president ko. Ang mga tao mula sa paaralan kung saan ako nagtuturo noon ay gumawa ng cancer walk para sa akin. Isang kasamahan na ginustong ipaalam sa akin na mahal niya ako ang nagbigay sa akin ng isang pink pen. Sa gayong mga sandali, sasabihin mong, “Ikaw ang anghel ko ngayon. Ikaw ang katibayan ko na alam ng Diyos na kailangan ko ng yakap o ng pink pen.”

Nakamasid sa atin ang mga tao bilang mga miyembro ng Simbahan. Gusto nilang malaman kung bakit tayo dumaranas ng hirap at nakakangiti pa rin.

“Bakit parang wala kayong problema?” madalas itanong sa amin ng mga tao. Ipinaliwanag namin na ang kapayapaang nadama namin ay nagmula sa aming pananampalataya at mga paniniwala, sa aming pagmamahal sa Ama sa Langit, at sa tiwala namin sa Kanyang kalooban para sa amin. Ang pagbabahagi ng aming pananampalataya ay nagpalakas sa aming pananampalataya.

Hindi dumating ang kapayapaan sa sandaling nasuri ako, pero dumating iyon kalaunan. Ang kapayapaan ang himala.