“Tayo ang mga Anak ng Tipan,” Liahona, Okt. 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Tayo ang mga Anak ng Tipan
Sa 3 Nephi 20–21 mababasa natin ang tungkol sa mga pakikipagtipan ng Diyos sa Kanyang mga anak. Tinuruan ni Jesucristo ang Kanyang mga disipulo sa mga lupain ng Amerika:
“Kayo ay sakop ng tipang ginawa ng Ama sa inyong mga ama, na sinasabi kay Abraham: At sa iyong binhi pagpapalain ang lahat ng angkan sa lupa.
“… Mga anak kayo ng tipan” (3 Nephi 20:25–26).
Paulit-ulit nang binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson ang kahalagahan ng pag-alaala sa dakilang katotohanang ito.
Ano ang ibig sabihin ng maging mga anak ng tipan?
Ang mga anak ng tipan ay gumagawa ng gayon ding mga tipan, o mga sagradong pangako, sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na ginawa Nila kay Abraham (tingnan sa Abraham 2:8–11).
Noong 1843 sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith:
“Si Abraham ay tumanggap ng mga pangako hinggil sa kanyang mga binhi, at ng bunga ng kanyang balakang—kung kaninong balakang kayo ay nagmula … ; at hinggil kay Abraham at sa kanyang mga binhi, … kapwa sa daigdig at sa labas ng daigdig dapat silang magpatuloy katulad ng mga hindi mabilang na bituin. …
“Ang pangakong ito ay inyo rin, sapagkat kayo ay mula kay Abraham” (Doktrina at mga Tipan 132:30–31).
Ang mga ipinangakong pagpapala ay angkop din sa atin. Itinuro ni Pangulong Nelson na kasama sa mga pangako “[ang karapatang] tanggapin ang kabuuan ng ebanghelyo, tamasahin ang mga pagpapala ng priesthood, at maging marapat sa pinakamalaking pagpapala ng Diyos—ang buhay na walang hanggan.”
Paano kung hindi ako inapo ni Abraham?
Kapag tayo ay nabinyagan at nakumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nagiging bahagi tayo ng pamilya ni Abraham. Pagkatapos ay “itinuturing [tayo] na mga anak na lalaki at anak na babae ni Jesucristo, dahil tayo ay Kanyang mga anak sa pamamagitan ng pagsunod sa ebanghelyo.”
Ano ang tipan na ginagawa ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak?
Nakikipagtipan ang Ama sa Langit na sa pamamagitan ng pagtubos at pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo, maaari tayong makabalik sa piling Niya at maging katulad Niya. Ito ang layunin ng plano ng kaligtasan. Itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak ay nagtutulot sa atin na mabuhay kung saan at kung paano Siya nabubuhay at sa huli ay mas lalo pang maging katulad Niya. Ang Kanyang plano ay literal na ibinibigay sa atin ang pinakamayayamang pagpapala ng buong kawalang-hanggan, pati na ang potensyal nating maging ‘mga kasamang tagapagmana ni Cristo’ [Roma 8:17].”
Bakit tayo nakikipagtipan sa Ama sa Langit?
Bumabalik tayo sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan. Ito ang tinutukoy ng mga propeta na pagtahak sa landas ng tipan. Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nagsisimula tayo sa landas papasok sa binyag. … Sa pagtahak sa landas ng tipan … , tinatanggap natin ang lahat ng ordenansa at tipan ukol sa kaligtasan at kadakilaan.”
Ano ang bago at walang-hanggang tipan?
Ang isa pang pangalan para sa tipang Abraham ay ang bago at walang-hanggang tipan. Bago ito dahil ito ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith bilang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ito ay walang hanggan dahil ito rin ang tipan na ginawa ng Diyos sa Kanyang mga anak tuwing handa ang mga tao na tanggapin ito.
Bawat tipan na ating ginagawa ay bahagi ng bago at walang-hanggang tipan, kabilang na ang binyag, pagtanggap ng Melchizedek Priesthood para sa kalalakihan, at ang endowment sa templo at pagbubuklod (walang-hanggang kasal).