Liahona
Mga Salitang Umaantig sa Puso
Oktubre 2024


“Mga Salitang Umaantig sa Puso,” Liahona, Okt. 2024.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Mga Salitang Umaantig sa Puso

Mula nang maging miyembro ako ng Simbahan hanggang sa trabahong ginagawa ko para tulungan ang mga Banal na marinig at makanta ang mga himno sa sarili nilang wika, natanto ko na naging malaking pagpapala ang musika sa aking pamilya.

isang pamilyang sama-samang kumakanta ng himno

Larawang kuha ni Christina Smith

Noon pa man ay mahalagang bahagi na ng aking patotoo ang musika. Nang una akong magsimba sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, may mga pamilyang nagtipon at kumakanta ng himnong “Ako ay Anak ng Diyos” (Mga Himno, blg. 189). Naisip ko, “Parang langit ito dahil napakasaya nila. Ganito ang hitsura ng masasayang pamilya.”

Para sa akin, ang pinakamagandang bahagi ng ebanghelyo ay ang mga pamilya. Kapag iniisip ko ang lahat ng kinailangang mangyari para matagpuan ng sarili kong pamilya ang ebanghelyo, naaalala ko na may plano ang Diyos para sa bawat pamilya.

Mula Burma Hanggang India

Ang aking ina ay mula sa Burma, pero dahil sa kaguluhan sa pulitika, tumakas sila ng kanyang mga magulang at tatlong kapatid na babae papuntang India. Iniwan nila ang lahat. Sa kasamaang-palad, pagdating nila sa India, pumanaw ang mga magulang ni Inay. Dahil siya ang panganay, kinailangang alagaan ni Inay ang tatlong kapatid niya.

Napunta ang mga bata sa isang bahay-ampunan. Nang mag-18 taong gulang ang nanay ko, ipinasiya niyang magpunta sa New Delhi para maghanap ng mas magagandang oportunidad para sa kanyang sarili at sa kanyang mga kapatid. Doon, ipinakilala siya kay Ashima Chaudhuri, ang prinsipal ng isang kolehiyo na tumutulong sa mga kabataang babae. Tinulungan at tinuruan ni Ashima ang nanay ko. Nang makatapos ng kolehiyo ang nanay ko, naging assistant siya ni Ashima. Naging napakalapit nila sa isa’t isa.

Si Ashima ay may 10 kapatid, at walang nababanggit tungkol sa bunsong si Reza. Itinuring siyang suwail na anak. Sumapi si Reza sa ipinanumbalik na Simbahan matapos makilala ang mga full-time missionary habang nag-aaral sa kolehiyo sa England. Sa panahong iyon, isa siyang Muslim scholar, kaya nang talikuran niya ang Islam para sumapi sa Simbahan, malaking bagay iyon.

Habang nakatira si Reza sa Toronto, Canada, napanaginipan niya na kailangan niyang bumalik sa India at kontakin ang kapatid niyang si Ashima. Bago siya naglakbay, napanaginipan din niya ang isang babaeng hindi pa niya kilala. Dahil palagi niyang nakikita ang mukha ng babae sa kanyang mga panaginip, lalo siyang nagmadaling bumalik sa India.

Gayunman, nag-alala si Reza dahil itinakwil na siya ng kanyang pamilya. Pero nang tawagan niya si Ashima sa New Delhi, sinabi nito, “Miss na kita. Dapat kang pumarito.”

Wala ang nanay ko sa New Delhi noon, kaya tinawagan ni Ashima ang isa sa mga tita ko na si Assiya. “Makakaparito ka ba?” tanong niya. “Mas maganda kung may ibang mga tao rito para hindi kami mag-away-away.”

Kaya, nagpunta si Tita Assiya. Pagdating niya, agad nalaman ni Reza na siya ang babae sa mga panaginip niya. Agad silang nagkaibigan at nagpakasal. Nang lumipat sila sa Toronto, sinimulang tanungin ni Tita Assiya ko si Reza tungkol sa Simbahan, bakit niya nilisan ang India, at bakit handa siyang itakwil ng kanyang pamilya.

Sinagot ni Reza ang mga tanong niya at ibinahagi ang kanyang patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Hindi nagtagal ay sumapi sa Simbahan ang tita ko.

ang awtor kasama ang isang grupo ng mga tao

Kaliwa pakanan: nanay ni Tahira na si San San Nu; tito niyang si Reza Shah; tita niyang si Assiya Shah; si Tahira noong bata pa; at si Ashima Chaudhuri.

“Gusto Kong Malaman ang Iba pa”

Sa panahong iyon, nakatira kami ng nanay ko sa New Delhi. Malapit ako sa tita ko, kaya noong 11 anyos ako, binisita ko siya at si Tito Reza sa Toronto noong tag-init. Habang naroon ako, niyaya ako ang tita ko na magsimba. Sa unang miting ko, gustung-gusto kong makita na sama-samang kumakanta ng mga himno ang mga pamilya. Noon ko lang naranasan iyon.

“Anong lugar ito?” tanong ko sa tita ko pagkatapos ng miting. “Napakasaya at napakabait ng lahat. Gusto kong malaman ang iba pa.”

Dumating ang dalawang sister missionary at itinuro sa akin ang mga lesson. Nalaman ko na gusto kong maging bahagi ng natututuhan ko. Pinasaya ako ng ebanghelyo, at ginusto kong sumapi sa Simbahan, kaya sumapi ako.

mga tao sa isang serbisyo sa binyag

Si Tahira sa kanyang binyag kasama ang kanyang Tita Assiya, Tito Reza, at si Sister Jane Rogers, na siyang nagturo ng ebanghelyo kay Tahira.

Nag-aral ako sa boarding school habang lumalaki ako, kaya mahaba ang mga bakasyon ko tuwing tag-init. Nagtrabaho ang nanay ko at nagdiborsyo ang mga magulang ko, kaya nagsimula akong magpunta sa Canada sa tag-init. Ang tita at tito ko ang naging parang pangalawa kong mga magulang.

Nasiyahan si Tito Reza, na orihinal na nagmula sa Pakistan, sa pagsasalin ng mga himno ng Simbahan sa Hindi at Urdu. Sa sacrament meeting, madalas naming kantahin ang mga isinalin niyang bersyon ng mga himno.

ang awtor kasama ang tito niya

Nasiyahan si Tito Reza, na nakalarawan sa itaas kasama ng awtor, sa pagsasalin ng mga himno ng Simbahan sa Hindi at Urdu. “Sa sacrament meeting,” sabi ni Tahira, “madalas naming kantahin ang mga isinalin niyang bersyon ng mga himno.”

Kalaunan ay ginustong malaman ng nanay ko ang iba pa tungkol sa simbahang inaniban ng kanyang anak at kapatid. Nakipag-usap siya sa mga missionary at hindi nagtagal ay nabinyagan siya. Tiniyak ng nanay at tita ko na magpupunta ako sa Toronto tuwing tag-init para makasimba ako at makibahagi sa mga aktibidad ng Simbahan.

Noong oras na para pumili ako ng kolehiyo, tinulungan ako ng tita at tito ko na makapasok sa Brigham Young University, kung saan ko nakilala ang asawa ko na taga-Argentina. Madalas kong pag-isipan kung ano ang nagbubuklod sa pamilya namin. Dahil sa Simbahan, nakilala at pinakasalan ng isang binatilyo mula sa Argentina ang isang dalagita mula sa India.

babaeng nasa harap ng mesa at nakatingin sa isang computer

Bilang music supervisor sa hymn-translation team ng Simbahan, sinabi ni Tahira, “Ibinabahagi ko ang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga himno.”

Larawang kuha ni Christina Smith

Isang Pamana ng Katatagan at Patotoo

Ngayon, ako ang music supervisor sa hymn-translation team ng Simbahan. Nagtatrabaho ako sa mga proyekto sa anim na iba’t ibang wika. Isinasalin ko ang mga himno sa wikang Nepali at Burmese, na siyang katutubong wika ng aking ina. Masaya at kapaki-pakinabang iyon. Nagsasalin din ako sa wikang Amharic mula sa Ethiopia, Twi at Fante mula sa Ghana, at Sinhala mula sa Sri Lanka.

Mahal ko ang trabaho ko dahil pinagpapala ng musika ang buhay ko. Musika ang naghikayat sa akin na sumapi sa Simbahan. Ngayon ay iniisip ko kung ilang tao ang makakarinig ng mga himno sa sarili nilang wika at maaantig. Ibinabahagi ko ang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga himno, at nakikita ko kung paano tinutupad ng ginagawa ko ang mga pangakong nakasaad sa aking patriarchal blessing.

Pumanaw na ang tito at tita ko, pero sa pamamagitan ng mga himno, ramdam ko ang pamana ng kanilang katatagan at patotoo. Gustung-gusto ng tito ko na ibahagi ang kanyang patotoo sa awitin.

“Balang-araw ay maririnig at kakantahin ng mga miyembro ng Simbahan ang mga himnong ito sa sarili nilang wika,” sabi niya. “Mauunawaan ng mga tao ang sinasabi ng mga himno, at aantigin ng mga titik ang puso nila.”

Bahagi ako ng proyektong iyan. Isang malaking pagpapala ito sa aking pamilya.

pamilyang sama-samang naglalakad

Ang awtor at ang kanyang pamilya sa kanilang tahanan sa Payson, Utah, USA.

Larawang kuha ni Christina Smith