Liahona
“Dahil sa Iyong Pananampalataya ay Nakita Mo”
Oktubre 2024


“Dahil sa Iyong Pananampalataya ay Nakita Mo,” Liahona, Okt. 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Eter 2–3

“Dahil sa Iyong Pananampalataya ay Nakita Mo”

Kapag nagpapakumbaba tayo nang may pananampalataya, maaari tayong tulungan ng ating Ama na makita ang mga posibilidad na nakikita Niya para sa atin.

mga kamay na may hawak na mga bato

Ang isa sa mga pinakamasaya at nakakapagpakumbabang kuwento sa Aklat ni Mormon para sa akin ay ang salaysay tungkol sa kapatid ni Jared (tingnan sa Eter 2–3). Dahil sa kanyang malaking pananampalataya, hindi maipagkait sa kanya ang presensya ng Panginoon. Nagsagawa siya ng malalaking himala at pinakitaan ng kagila-gilalas na mga pangitain.

Nakakatuwa ang kuwento dahil itinuturo nito na sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod, malaking kaalaman at maluluwalhating katotohanan ang nakalaan sa bawat isa sa atin.

Nakakapagpakumbaba ang kuwento dahil ipinapakita nito sa akin na hindi ako tulad ng kapatid ni Jared. Paminsan-minsan sa buhay na ito, maaaring nakatanggap sana ako ng mas malaking kaalaman at espirituwal na lakas mula sa aking Ama sa Langit kung hindi ako nagkulang sa pananampalataya.

Para sa akin, dalawang katotohanan ang lumitaw mula sa kuwentong ito: (1) paniniwala ang susi para makita ang Panginoon na gumagawa ng mga kagila-gilalas na gawain sa ating buhay, at (2) hindi pa huli ang lahat para maniwala at pagkatapos ay makita ito.

Kapag nagdududa tayo, ipinipikit natin ang ating espirituwal na mga mata. Sa Eter 12:27 hindi lamang ipinaliwanag ng Panginoon na may kahinaan tayong mga mortal kundi sinabi rin Niya, “Kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.” Ipinahihiwatig nito na kapag nagpakumbaba tayo nang may pananampalataya, maaari tayong tulungan ng ating Ama na makita ang mga posibilidad na nakikita Niya para sa atin—kung ano ang maaari nating kahinatnan at ano ang maaari nating makamit.

Maaari nating isipin, “Bakit Niya ipapaalam ang mga dakilang bagay sa akin?” Ito mismo ang tanong ng mga kuya ni Nephi na sina Laman at Lemuel. Nang mahirapan silang maunawaan ang mga turo sa pangitain ng kanilang ama, tinanong sila ni Nephi, “Nagtanong ba kayo sa Panginoon?” Sagot nila: “Hindi; sapagkat walang ipinaaalam na gayong bagay ang Panginoon sa amin.” Bilang sagot, inulit ni Nephi ang paanyaya ng Panginoon: “Kung hindi ninyo patitigasin ang inyong mga puso, at magtatanong sa akin nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, nang may pagsusumigasig sa pagsunod sa aking mga kautusan, tiyak na ipaaalam sa inyo ang mga bagay na ito” (1 Nephi 15:7–9, 11). Ang pangakong ito ay para sa ating lahat.

Ang mga salita ng premortal na si Jesucristo sa kapatid ni Jared ay nagbibigay ng pag-asa sa mga taong may malaking pananampalataya at pagsunod sa paghahangad ng banal na patnubay: “Dahil sa iyong pananampalataya ay nakita mo” (Eter 3:9). Maaari tayong akayin ng ating pananampalataya na makita ang Kanyang kagila-gilalas na mga gawain sa ating sariling buhay.

kapatid ni Jared na umaakyat sa isang gabara

Hindi lamang natin pribilehiyo at oportunidad na maghangad ng kaalaman mula sa Panginoon kundi tungkulin din natin ito at responsibilidad. Iniutos ng Tagapagligtas, “Maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118).

Taglay natin ang inspiradong tagubiling ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson:

“Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo! …

“Hinihimok ko kayong dagdagan pa ang espirituwal na kakayahan ninyong makatanggap ng personal na paghahayag, sapagkat nangako ang Panginoon na ‘kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag’ [Doktrina at mga Tipan 42:61].”

Alam kong may hindi bababa sa tatlong paraan para matulungan Niya tayong makita ang Kanyang mga gawain sa ating buhay kapag nananalig tayo.

binatilyong tumatanggap ng patriarchal blessing

1. Tutulungan Niya tayong makita ang ating misyon sa buhay na ibinigay Niya para maisakatuparan natin.

Noong 16 anyos ako, isang patriarch na noon lang ako nakita at walang alam tungkol sa aking pinagmulan ang nagbigay sa akin ng aking patriarchal blessing. Dito’y sinagot ng Panginoon ang partikular na mga tanong sa puso ko na may kaugnayan sa ilang personal na hamon. Ang mga ideya ko tungkol doon ay parang masyadong personal para ibahagi. Ang isang hamon ay kung makakakita ba ako ng isang mapagmahal na babae na sapat ang tapang para magpakasal sa akin sa kabila ng aking matinding depekto mula nang isilang ako—na maaaring manahin ng isa sa aming mga anak. Ang sagot ay oo. Pinakasalan ko nga si Marie, at nagkaroon kami ng limang minamahal na mga anak.

Iginalang ng mga sagot ng Panginoon sa blessing na iyon ang aking mga alalahanin at privacy. Isinaad ang mga iyon upang ako lamang ang lubos na makaunawa sa kahulugan niyon. Mula nang araw na iyon, nagkaroon ako ng matibay na personal na patotoo na kilalang-kilala ako ng aking Ama sa Langit.

Ang aking propesyon ay naghatid ng kagalakan, paglago, at kasiyahan sa pamamagitan ng pagsisikap na paglingkuran Siya at ang Kanyang mga anak. Nang magretiro ako, umusad ang mundo at propesyon ko kahit wala ako. Kung minsan, sa mga oras na “walang-wala” akong ginagawa, naiisip ko kung talagang may nagawa akong kabutihan sa mga taon na iyon—kung karapat-dapat ang inialay ko sa mga dakilang pangakong ibinigay sa akin.

Sa isa sa mga oras na iyon, nadama ko ang sagot na ito: basahing muli ang iyong patriarchal blessing. Nang basahin ko iyon, pumasok sa isip ko ang mga tuwirang tanong: “Hindi Ko ba ibinigay sa iyo ang pagpapalang ito tulad ng ipinangako Ko? Hindi ba ito nagkatotoo sa buhay mo? At pati na ito?” Malinaw kong nakita kung paano tinupad ng Panginoon ang mga pagpapalang ipinangako Niya sa akin. Nakadama ako ng katiyakan na ang mga bagay na mapagpakumbaba at kusang-loob kong inialay ay katanggap-tanggap at isa ring payo na hindi pa ako tapos—marami pa ring oportunidad na maglingkod.

Naisip ko rin na hindi ako nag-iisa sa mga alalahaning ito. Maaaring mag-isip ang marami pang iba, kapag nilingon nila ang kanilang nakaraan at wala silang makitang mga tanda ng makabuluhang pagbabago sa buhay, kung may nagawa silang anumang kabutihan. Pero hindi natin nakikita ang nakikita ng Panginoon. Kung pipiliin natin marahil na magtuon sa ibinigay Niya sa atin, sa halip na sa mga bagay na gusto natin pero hindi natin natamo, makikita natin nang mas malinaw kung paano Niya naimpluwensyahan ang ating buhay.

babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan

2. Habang mapanalangin kong binabasa at pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan, tinutulungan ako ng Panginoon na makita ang higit pa sa pangkalahatang patnubay sa lahat ng Kanyang mga anak. Nakikita ko ang personal na patnubay para sa sarili kong mga hamon.

Puno ng mga tala ang mga margin sa aking mga banal na kasulatan, lalo na sa Aklat ni Mormon, kung ano ang nilinaw sa akin ng Panginoon tungkol sa pagsunod sa mga turo doon. Ilang taon na ang nakararaan, nagsimula akong gumawa ng hiwalay na journal ng mga tala, na kung minsa’y tungkol sa paisa-isang talata, na itinatala ang itinuturo sa akin ng Panginoon. Ilang beses ko na ngayong nabasa ang buong Aklat ni Mormon sa ganitong paraan, pagkatapos ay ang Doktrina at mga Tipan, Mahalagang Perlas, at kamakailan ay ang Bagong Tipan. Kapag nag-aaral ako nang may panalangin, na hinihiling sa Panginoon na linawin ang kahulugan ng mga banal na kasulatan sa akin, namamangha ako kung gaano Niya ako tinutulungang makakita.

Ang mga kuwento at talinghaga na tila nagbibigay ng simple at mabubuting halimbawa ng indibiduwal na pag-uugali ay biglang nagkakaroon ng mga praktikal na aplikasyon sa buhay ko. Ang mga banal na kasulatan na sa tingin ko ay makasaysayan ay biglang nagkakaroon ng malalawak na kahulugan para sa patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Nakikita ko kung paano umaangkop ang mga karanasan nina Jose at Daniel, Pedro at Pablo, Nephi, ng dalawang Alma, at ni Kapitan Moroni sa mga hamong kinakaharap natin araw-araw. Ang mga kabanata ng digmaan sa Aklat ni Mormon ay hindi lamang nag-aalok ng isang salaysay tungkol sa malawak na plano ni Kapitan Moroni sa pakikipaglaban kundi isa ring personal na estratehiya para matugunan ang walang-humpay na mga pag-atake ng diyablo: maaari nating patibayin nang maaga ang mga personal na espirituwal na muog.

Ang mga bagay na nakikita ko sa personal na pag-aaral ay maaaring hindi na bago sa iba. Pero ang pagtatala ng itinuturo sa akin ay naging mahalaga sa aking personal na espirituwal na pag-unlad.

Maraming beses na tayong hinikayat ng mga propeta at pinuno ng Simbahan na itala ang itinuturo sa atin ng Panginoon kung nais nating bigyan pa Niya tayo ng iba. Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nalaman ko rin na ang wastong pagtatala ng mga espirituwal na impresyon ay nagpapamalas sa Tagapagligtas kung gaano ko pinahahalagahan ang Kanyang patnubay. Ang simpleng pagsasanay na isulat ang mga espirituwal na kaisipan at damdamin ay lubhang dinaragdagan ang posibilidad na matanggap at mapansin ang mga karagdagang pahiwatig mula sa Espiritu Santo.”

Si Jesucristo na nakaunat ang kamay

3. Kapag humingi tayo nang may pananampalataya at mapagpakumbabang kahandaang sumunod, tutulungan tayo ng Panginoon na makita ang mga oportunidad at solusyon na hindi natin makikita nang mag-isa. Iaakma Niya ang Kanyang mga sagot sa ating mga pangangailangan.

Naipakita Niya sa akin kung paano harapin ang mga problema mula sa masasakit na espirituwal na hamon hanggang sa temporal na bagay gaya ng pagkukumpuni ng bahay. Naipakita Niya sa akin ang mga hamong darating at kung paano maghanda. Naipakita Niya ang Kanyang kapangyarihan sa buhay ko noong natakot ako at nagduda—nang sabihin ko, tulad ng ama na nagsusumamo na mapagaling ang kanyang anak, “Panginoon, nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya” (Marcos 9:24).

Marahil ay hindi natin Siya sineseryoso nang sapat kapag binabasa natin ang, “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan” (Mateo 7:7) o “Kung ikaw ay hihingi sa akin ay makatatanggap ka” (Doktrina at mga Tipan 6:5). Ang pangako na “siya na may pananampalatayang makakita ay makakikita” (Doktrina at mga Tipan 42:49) ay tila tumutukoy sa pisikal na paggaling, pero hindi ako naniniwala na limitado ang kahulugan nito. Kapag sapat ang ating pananampalataya, maaari Niyang buksan ang ating espirituwal na mga mata para makita ang Kanyang mga himala sa sarili nating buhay.

Hindi ko na mababago ang nakaraan. Pero gaano man karaming panahon ang natitira sa akin, sana ay mas manampalataya pa ako sa Kanyang mapagmahal na hangaring ipakita sa akin ang iba pa Niyang mga gawain. Umaasa akong marinig, tulad ng kapatid ni Jared, ang Kanyang nagpapatibay na mga salita: “Dahil sa iyong pananampalataya ay nakita mo.”

Isinulat ng awtor, isang dating managing editor ng mga magasin ng Simbahan, ang artikulong ito na puno ng pananampalataya bago siya pumanaw dahil sa pancreatic cancer noong Setyembre 2023.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95.

  2. David A. Bednar, The Spirit of Revelation (2021), 37.