Liahona
Ang Magiliw na mga Bulong ng Banal na Espiritu
Oktubre 2024


“Ang Magiliw na mga Bulong ng Banal na Espiritu,” Liahona, Okt. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Magiliw na mga Bulong ng Banal na Espiritu

Hangga’t hindi ko nakikita ang mga bunga ng Espiritu, nakumbinsi ako na ang Simbahan ng Panginoon ay wala sa lupa.

mag-asawang magkasamang nagdarasal

Larawang-guhit ni Michael J. Bingham

Hindi kami lumaki ng asawa kong si Ruby sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pero noong dalagita siya, nalantad si Ruby sa maraming iba’t ibang simbahan at turo. Sa palagian at masigasig na panalangin, natukoy niya ang mga turo na nadama niyang totoo, at nakabuo ng isang set ng mga paniniwala mula sa mga turo ng iba’t ibang simbahang Kristiyano. Lumaki ako sa iisang simbahan at kakaunti ang alam ko sa iba.

Pagkatapos naming makasal, magkasama kaming nagsimba, pero nagsimula akong mag-alinlangan sa relihiyong kinalakihan ko at tinanong ko ang asawa ko tungkol sa doktrina. Ang matalino at simpleng sagot niya, “Nabasa mo na ba ang Biblia?”

Hindi pa, kaya sabay naming binasa ang buong Biblia. Habang nagbabasa kami, isinulat ko ang mga tanong na nanatiling walang sagot. Sinimulan naming hanapin ang isang simbahan na nagtuturo ng lahat ng natuklasan namin. Nang sumunod na dalawang taon, bumisita kami sa maraming simbahan, humingi kami ng literatura, nagbasa kami tungkol sa pilosopiya at relihiyon, at nanalangin. Nakumbinsi ako na ang Simbahan ng Panginoon ay wala sa lupa.

Kulang kami sa karunungan at nangailangan ng tulong mula sa langit (tingnan sa Joseph Smith Kasaysayan 1:11–13). Kaya, taimtim kaming nanalangin nang sabay, na hinihiling sa Diyos na ipakita sa amin ang daan. Hindi nagtagal matapos kaming magdasal, dumating sa aming pintuan ang mga missionary mula sa Simbahan. Agad na nadama ni Ruby ang katotohanan ng itinuro nila. Hindi niya malimutan ang kanilang mga turo at tumugma iyon sa mga sagot na natanggap niya maraming taon na ang nakararaan nang magdasal siya noong dalagita pa siya. Sinagot din ng mga missionary ang lahat ng tanong ko, pero ginusto kong makatiyak. Binasa ko ang Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at iba pang mga aklat ng Simbahan.

Nagsimba rin kami linggu-linggo at ipinamuhay namin ang mga turo ng ebanghelyo. Sa huli, napansin ko ang mga bunga ng Espiritu ng Diyos sa buhay ko (tingnan sa Galacia 5:22) at nakatanggap ako ng malakas na patotoo. Nabinyagan kami, natanggap ang kaloob na Espiritu Santo, at kalaunan ay nabuklod sa templo.

Hindi namin kailanman pinagsisihan ang pagsapi sa Simbahan. Napanatili nitong matibay ang aming pagsasama sa mahihirap na panahon, at ang pamana ng pagiging malapit sa Espiritu ng Diyos ay nagpapatuloy sa aming anim na anak.

Para sa mga nagsisikap na magtamo ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon o sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, sasabihin ko, “Patuloy na manalangin, patuloy na magbasa, at patuloy na makinig sa magiliw na mga bulong ng Espiritu Santo.”