Digital Lamang
Ang Ating ‘Kilos at Pananalita’ ayon sa Pangkalahatang Kumperensya
Hango mula sa Sarah Jane Weaver, “Episode 24: Elder Bednar Shares His Pattern for Studying General Conference Messages,” Church News (podcast), Mar. 30, 2021, thechurchnews.com.
Kapag pinakikinggan, pinanonood, at binabasa natin ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, pinayuhan tayo ni Elder Bednar na alamin ang doktrinang itinuturo, mga paanyayang ipinaaabot, at mga pagpapalang ipinapangako.
Hinimok ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na hayaan ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya na “[maging] gabay sa ikikilos at sasabihin nila sa susunod na anim na buwan.” Itinuro niya, “Ito ang mahahalagang bagay na sa tingin ng Panginoon ay angkop sa kanyang mga tao sa araw na ito.”1
Gayundin, binigyang-diin ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na mahalagang pakinggan at pag-aralan ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Itinuro niya, “Walang teksto o aklat sa labas ng mga pamantayang banal na kasulatan ng Simbahan ang dapat magkaroon ng napakahalagang puwang sa mga istante ng inyong personal na silid-aklatan.”2
Sa pagtatapos ng pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1977, sinabi ni Pangulong Kimball: “Naging napakaganda ng kumperensyang ito at habang inilalahad ang bawat isa sa magagandang mensaheng ito ay tutok na tutok ako sa pakikinig, at nagpasiya akong umuwi at maging mas mabuting tao kaysa dati. … Hinihimok ko kayong mag-isip nang husto pag-uwi ninyo mula sa kumperensyang ito at isiping muli ang mga bagay na napansin ninyo.”3
Ang malaman na natututo maging ang mga Pangulo ng Simbahan mula sa mga mensaheng ibinahagi sa pangkalahatang kumperensya ay talagang hinangaan ko noong binatilyo pa ako. Nang simulan kong sundin ang kanilang payo, natuklasan ko ang tatlong bagay:
1. Binibigyang-diin ng mga lider ng Simbahan ang mga pangunahing doktrina at alituntunin sa kanilang mga mensahe.
2. Halos palagi, kabilang sa kanilang mga mensahe ang mga paanyayang kumilos na may kaugnayan sa doktrina o mga alituntuning itinuro.
3. Alinsunod sa paanyaya, nangangako ng mga pagpapala ang mga lider ng Simbahan.
Gumawa ako ng pattern ng pagdodrowing ng tatlong column sa isang papel. Pagkatapos ay sinikap kong tukuyin at ibuod nang maikli ang doktrina, mga paanyaya, at mga ipinangakong pagpapala sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Iyan, sa kabuuan, ang aking naging kilos at pananalita sa sumunod na anim na buwan.
Ang Kahalagahan ng Paanyaya
Kung angkop na naghahangad ang mga tao ng espirituwal na kaloob na pananampalataya sa Panginoon, kailangan nilang kumilos alinsunod sa Kanyang mga turo. Mahalaga ang mga paanyaya dahil ang pananampalataya sa Tagapagligtas ay isang alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan. At bilang Kanyang lingkod, sinisikap kong magbigay ng mga paanyaya na maaaring magpalakas sa pananampalataya at katapatan ng mga tao sa Kanya.
Maraming beses sa ating serbisyo sa Simbahan maaari nating sabihin ang mga bagay na tulad ng, “Hinihamon ko kayong gawin ang X.” Pero wala ako nakikitang gayong pananalita sa ministeryo ng Tagapagligtas, sa mga banal na kasulatan, o sa mga turo ng mga lider ng Simbahan. Ginawa ng Tagapagligtas, at dapat gawin ng mga lider ng Simbahan, na mag-anyaya, mag-udyok, maghikayat, at mangako ng mga pagpapala—isang pamamaraang higit na katulad ng kay Cristo sa pagtulong sa mga indibiduwal at pamilya.
Nagparating si Pangulong Dallin H. Oaks, bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ng mahalagang paanyaya sa isang mensahe sa mga Aaronic Priesthood holder. Nagbahagi siya ng isang halimbawa ng alituntunin ng huwag-manggambala. Sabi niya, “Ang alituntuning iminumungkahi ko para pamahalaan ang mga nangangasiwa sa sakramento—sa paghahanda man, pangangasiwa, o pagpapasa—ay na hindi sila dapat gumawa ng anumang bagay na makakagambala sa sinumang miyembro sa kanyang pagsamba at pagpapanibago ng mga tipan.”4
Maaaring itanong ng isang Aaronic Priesthood holder sa kanyang sarili, “Ano ba ang dapat kong isuot kapag lumalahok ako sa ordenansa ng sakramento?” Kung nauunawaan ng isang binatilyo ang simpleng alituntuning ito, hindi niya susubukang magpakita ng personal na “dating” sa kanyang pananamit o kilos. Sa halip, sisikapin niyang maging hindi kapansin-pansin upang hindi siya makasagabal o makagambala sa mga taong nagpapanibago ng mga tipan sa ordenansa ng sakramento—o sa anumang iba pang ordenansa.
Dagdag pa ni Pangulong Oaks, “Hindi ako magmumungkahi ng mga detalyadong tuntunin.”5 Para sa akin, isang paanyaya iyan sa lahat ng priesthood holder na pag-isipan kung paano maaaring humantong ang alituntuning ito sa mas mataas at mas banal na paraan sa pagtupad ng mga tungkulin sa priesthood.
Nagpalabas si Pangulong Russell M. Nelson ng isang uri ng paanyayang katulad ng sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2015, nang ituro niya sa atin na “ang Sabbath ay kaluguran.”6 Sabi niya, “Paano ba natin ginagawang banal ang araw ng Sabbath? Noong ako ay bata pa, pinag-aralan ko ang listahan na ginawa ng ibang tao tungkol sa bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath. Kalaunan ko lang natutuhan mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay dapat na maging tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit [tingnan sa Exodo 31:13; Ezekiel 20:12, 20]. Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng mga listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang sarili ko, ‘Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?’ Sa tanong na iyon naging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath.”7
Sa tanong ni Pangulong Nelson at sa halimbawa ni Pangulong Oaks, matutukoy natin ang mga paanyayang kumilos. At kapag kumilos tayo, laging sumusunod ang kagila-gilalas na mga pagpapala.
Kumilos at Mapagpala
Makakagawa ng maraming bagay ang mga Banal sa mga Huling Araw para makapaghanda para sa pangkalahatang kumperensya. Dalawa lang ang aking bibigyang-diin.
Una, kailangan nating maghandang kumilos. Habang sabik tayong nagtatanong, naghahanap, at kumakatok, nananampalataya tayo sa Tagapagligtas at inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na maging ating guro. Maghahatid ang Espiritu ng mga ideya sa ating isipan at damdamin sa ating puso, at isa-isa at personal tayong tuturuan ng Espiritu tungkol sa mga bagay na kinakailangan.
Magiging mas mahirap ang pagtanggap ng kailangan natin kung ang kundisyon ng ating isipan ay, “Makikinig lang ako sa mga mensahe at sana may makatulong sa akin.” Ang proseso ng paghahayag ay nangangailangan ng sabik na pakikibahagi at hindi lamang pakikilahok nang walang ginagawa.
Nauuna ang paghahanda sa epektibong pagkilos, at ang isang partikular na paraan para makapaghanda para sa pangkalahatang kumperensya ay ang magkaroon ng isang tanong o mga tanong sa isipan habang nakikinig tayo sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya.
Ang pangalawang bahagi ng paghahanda ay partikular na anyayahan ang Espiritu Santo na patnubayan tayo, na isa sa mga layunin ng panalangin. Ang patuloy na patnubay ng Espiritu Santo ay hindi awtomatiko dahil lamang sa mga kamay na ipinatong sa ating ulo at pinayuhan tayo na “tanggapin ang Espiritu Santo.” Kailangan nating gawin ang ating bahagi para matanggap ang kaloob.
Inaanyayahan natin ang Espiritu Santo kapag nagdarasal tayo nang taimtim at may tunay na layunin. Inaanyayahan natin ang Espiritu Santo kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo sa mga banal na kasulatan. Inaanyayahan natin ang Espiritu Santo kapag sinusunod natin ang payong ibinigay ng mga lider natin sa Simbahan. Ang gayong mga pagpapahayag ng pananampalataya sa Tagapagligtas ay nag-aanyaya sa Espiritu Santo na patnubayan tayo. At naniniwala ako na mas mabilis Siyang dumarating kapag partikular natin Siyang inaanyayahan.
Kailangan din nating matutuhan at maunawaan na ang mga pagpapala ay hindi kailangang dumating sa ating buhay kung kailan natin gusto o sa paraang nais natin. Sa halip, ipinagkakaloob sa atin ang mga ito alinsunod sa kalooban at takdang oras ng Panginoon.
Anuman ang posisyon o katayuan, sinumang miyembro ng Simbahang ito—basta’t nagsisikap siyang maging karapat-dapat at humihingi ng patnubay ng Espiritu Santo—ay maaaring humingi, maghanap, at kumatok (tingnan sa Mateo 7:7; 3 Nephi 14:7) at tumanggap ng mga sagot at espirituwal na patnubay.
Isinaayos ng Langit
Kapag isinaalang-alang ng mga Banal sa mga Huling Araw na konektado at magkakarugtong ang mga mensaheng ibinibigay sa pangkalahatang kumperensya, maaaring isipin ng ilan kung itinatalaga ang mga paksa at kung planado ang mga tema. Ang mga ito ay planado—ng langit, hindi ng mga nakikibahagi sa kumperensya mismo.
Halos 20 taon na akong nakikibahagi sa pangkalahatang kumperensya, at bibihirang nabigyan ng partikular na paksa ang isang tagapagsalita para talakayin ito. Pero may mga pagkakataon na habang nakaupo sa pulpito at nalalaman na malapit na akong magsalita, saka ko napapansin ang nabubuong pagpapatuloy sa mga mensaheng ibinibigay. Bawat isa sa mga lider ng Simbahan na hindi nag-usap-usap tungkol sa nilalaman ng kanilang indibiduwal na mga mensahe ay nag-aambag sa magkakarugtong at lumalakas na mensahe na mahimala. Kaya, oo, isinaayos ang pangkalahatang kumperensya—pero ng langit, hindi ng mga kalahok.
Sa ika-52 bahagi ng Doktrina at mga Tipan, inihayag ng Panginoon na bibigyan Niya tayo ng “isang huwaran sa lahat ng bagay” (talata 14). Isa sa mga huwarang iyon ang paraan ng paglilingkod sa atin ng Tagapagligtas. Nang magpakita Siya sa grupo ng 2,500 katao sa templo sa lupain ng Masagana, hindi lamang Niya inanyayahan ang isa o dalawa na lumapit at damhin ang mga sugat sa Kanyang mga kamay, Kanyang mga paa, at Kanyang tagiliran. Ibinigay Niya ang oportunidad na iyon sa lahat ng tao nang “isa-isa” (3 Nephi 11:15).
Sa pangkalahatang kumperensya, nangungusap ang Panginoon sa isang pandaigdigang kongregasyon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, at nangungusap Siya sa bawat isa sa atin nang “isa-isa” sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang espirituwal na huwarang ito ay maaaring mapakinabangan nating lahat kapag tayo ay nakikinig, natututo, at nagsisikap na maging matatapat na disipulo ng Tagapagligtas.