Liahona
Mga Salita ng Katotohanan
Marso 2024


“Mga Salita ng Katotohanan,” Liahona, Mar. 2024.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Mga Salita ng Katotohanan

Marami akong tanong, ngunit tinulungan ako ng kasintahan ko at ng Simbahan na mahanap ang mga sagot.

babae at lalaking nakasuot ng damit para sa binyag na nakatayo sa harap ng larawan ng Tagapagligtas

Mga larawan sa kagandahang-loob ng awtor

Sa paglaki ko sa Taiwan na hindi Kristiyano ang kultura, hindi ako pinalaki na maging relihiyoso. Naniniwala ako sa Diyos, pero wala akong alam tungkol kay Jesucristo. Ang relihiyon ko ay ang aking propesyon at ang abalang pakikisalamuha sa lipunang kaakibat nito. Kabilang rito ang malakas na pag-inom ng alak at paninigarilyo. Malakas rin akong uminom ng kape at tsaa. Lahat ng ito ay bahagi ng aming kultura sa negosyo.

Nakilala ko ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw dahil sa aking kasintahan at sa kanyang pamilya. Si Chase ay isang Amerikano. Lumaki siya sa Simbahan at nagmisyon, ngunit hindi siya aktibo noong panahong iyon. Gayunman, ang kanyang panganay na anak na lalaki ay naghahandang magmisyon, at sinuportahan ni Chase ang desisyon nito.

Noong lockdown ng COVID-19, dumalo kami sa sacrament meeting sa tahanan ng mga magulang ni Chase, nanonood ng mga broadcast na nagmumula sa kanilang meetinghouse sa simbahan. Nang matapos ang mga mensahe, binasbasan at ipinasa ng dalawang anak na lalaki ni Chase ang tinapay at tubig.

Marami akong tanong. Matiyagang sinagot ng aking kasintahan ang bawat isa sa mga ito. Sino si Jesus? Ano itong nadarama ko sa puso ko tuwing magtitipon kami para dumalo sa mga miting sa simbahan? Noon ko lamang nadama ang damdaming iyon. Ano ang sinisimbolo ng tinapay at tubig? Bakit tumulo ang mga luha ko nang tumanggap ako ng sakramento? Ano ba itong kapayapaang nadarama ko?

Isang gabi nakakita ako ng isang website sa aking katutubong wika na nagpapaliwanag kung sino si Jesus at ikinuwento ang tungkol sa Kanyang buhay. Kinabukasan, sinabi ko sa ina ng aking kasintahan na naunawaan ko na kung sino si Jesus at naniniwala ako sa Kanya.

Isang araw ng Linggo pumunta ang bishop sa bahay dahil ioorden ng panganay na anak na lalaki ni Chase ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki para maging priest. Nang ipatong ng panganay na anak ang mga kamay nito sa ulo ng kanyang kapatid, hindi ko mapigilang umiyak. Nakadama ako ng gayon kasidhing damdamin sa puso ko, hindi ko mapigilan ang mga luha. Kalaunan, ipinaliwanag ng kasintahan ko na nadama ko ang Espiritu Santo at nadama rin niya ito.

Nakita ko na nanumbalik sa aking kasintahan ang pagmamahal niya sa kanyang simbahan. Kahit paano, alam ko na lahat ng nadarama ko ay konektado sa Diyos at sa isang bagay na totoo. Nakadama ako ng pagmamahal na hindi ko pa nadama kailanman.

“Ako ay Nanawagan sa Diyos”

Natapos ang tourist visa ko at kinailangan ko nang bumalik sa Taiwan. Nang sumunod na mga buwan pa lamang, hinanap-hanap ko ang nadama ko. Sa loob ng ilang panahon, napuno ako ng kalungkutan at kadiliman. Napakatindi ng mga damdaming iyon kung kaya ginusto ko nang sumuko. Hindi ko talaga alam kung paano magdasal, pero humingi ako ng tulong sa Diyos at sinabi sa Kanya ang lahat ng nararamdaman at naiisip ko. Nakadama ako ng kapayapaan—ang damdaming naranasan ko noong dumalo ako sa aming home church. Alam kong ang Espiritu Santo iyon. Pinayapa Niya ako.

Pagkatapos nito, pinapunta ng kasintahan ko ang mga missionary para turuan ako. Sinabi ko sa kanila na alam ko nang totoo ang ipinanumbalik na ebanghelyo at nauunawaan ko kung ano ang pakiramdam na madama ang Espiritu Santo. Ngunit nag-alala ako na bago mahirapan ako na tigilan ang paninigarilyo at pag-inom ng kape at tsaa.

Nagsimula akong magsimba, magbasa ng Aklat ni Mormon, at makipagkita sa mga sister missionary nang tatlo o apat na beses sa isang linggo. Kalaunan, tinulungan ako ng Espiritu Santo na itigil ang paninigarilyo at pag-inom ng kape at tsaa.

Nagsimulang makita ng kaibigan ko na kababata ko ang mga pagbabago sa akin bawat linggo. Inanyayahan ko siya sa mga pagtuturo sa akin ng mga missionary. Habang nakikinig siya, nadama rin niya ang Espiritu Santo at nagkaroon ng patotoo. Nang bumaba na ang krisis sa COVID-19, ang aking kasintahan, na ngayon ay aktibo na sa Simbahan, ay nakapunta na sa wakas sa Taiwan. Nagpakasal kami, at bininyagan niya ako. Isa na akong bagong tao.

isang grupo ng mga taong nakatayo sa harap ng larawan ng Tagapagligtas

Si Sister Weiling Chen Canfield (Winnie) kasama ang mga sister missionary at mga miyembro ng ward na nagturo at nag-fellowship sa kanya. “Nag-uusap pa rin kami bawat linggo at nagtutulungan sa bago kong tungkulin sa Simbahan sa Relief Society,” sabi niya.

Sinabi ng matatagal ko nang mga kaibigan at kasamahan sa negosyo, kabilang na ang ilang mga bangkero at stock market agent, na nakikita nilang nag-iba at mas masaya na ako. Inanyayahan ko sila sa aking binyag, at nagpunta sila. Pagkatapos, sinabi nila sa akin na may nadama silang isang bagay na hindi pa nila nadarama noon.

Hindi ako takot sabihin sa iba ang nalalaman at nadarama ko tungkol kay Jesucristo—na ang alam ko ay totoo. Batid kong malakas ang aking patotoo. Ang mga nakakakilala sa akin sa buong buhay ko ay nalalaman ito. Dahil nirerespeto nila ang aking pananampalataya, hindi na sila naninigarilyo at umiinom ng alak sa mga miting at salu-salo namin. Ito ay isang bagay na hindi karaniwan sa nakagawain sa aming kultura sa negosyo.

dalawang babaeng nakatayo sa harap ng isang gusali ng Simbahan

Si Sister Canfield kasama si Jin Hua, isang matagal nang kaibigan na naging interesado sa Simbahan sa pamamagitan ng conversion ni Sister Canfield.

Hindi ako natatakot na makita, marinig, at madama ng iba ang aking patotoo. Naniniwala ako na madarama ng maraming tao na hindi alam kung paano matatagpuan ang Diyos at si Jesucristo ang gayon ding nadama ko kapag narinig nila ang mga salita ng katotohanan. Lagi akong magiging handang ibahagi ang mga salitang nagpabago sa buhay ko.