Liahona
Alam Kong Protektado Ako
Marso 2024


“Alam Kong Protektado Ako,” Liahona, Mar. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Alam Kong Protektado Ako

Nagngangalit ang digmaan sa labas, ngunit nang binasa ko ang Aklat ni Mormon, nakadama ako ng kapayapaan at hindi ako natakot.

babaeng nagbabasa ng isang aklat

Paglalarawan ni Alex Nabaum

Noong 1992, nagngangalit ang digmaan sa Yugoslavia. Ang bayan namin sa Mostar ay pinauulanan ng bomba araw-araw. Lahat ng pampublikong serbisyo ay suspendido, kabilang na ang koreo.

Gayunman, noong ika-1 ng Abril, may kumatok sa pintuan ko. Nang binuksan ko ito, isang lalaking hindi ko pa nakita ang nag-abot sa akin ng isang package mula sa aking anak na babae, na nakatira noon sa Malaga, Spain, kung saan siya sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa loob nito ang isang kopya ng Aklat ni Mormon.

Sinimulan kong basahin ito noon mismong araw na iyon. Nagngangalit ang digmaan sa labas, ngunit habang nagbabasa ako, nakadama ako ng kapayapaan at hindi ako natakot. Kalaunan, nalaman ko na ang kapayapaang nadama ko ay ang Espiritu Santo. Alam kong protektado ako at hindi ako mamamatay.

Habang nagbabasa ako, nalaman ko ang tungkol kay Jesucristo at na Siya ay buhay. Nalaman ko ang tungkol sa binyag at sa Simbahan ng Tagapagligtas. Nadama ko na lahat ng nabasa ko ay totoo. Paminsan-minsan, sinasagot ng anak ko ang mga tanong ko.

Nang pumanaw ang asawa ko noong 2019, nagpasiya akong magpunta sa Estados Unidos, kung saan nakatira ngayon ang aking anak. Gusto ko siyang makita at matuto pa tungkol sa ipinanumbalik na Simbahan.

Nanatili ako sa Salt Lake City, Utah, sa loob ng apat at kalahating buwan. Tuwing Linggo ay nagsisimba ako kasama ang aking anak. Nakaramdam ako ng damdaming hindi ko mailarawan. Nagpaturo ako sa mga missionary. Alam kong totoo lahat ito. Naranasan ko ang pinakamagandang araw ng buhay ko nang lumusong ako sa tubig ng binyag at nakumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong Hulyo 27, 2019.

Nang pumasok ako sa silid para makumpirma matapos akong mabinyagan, umiiyak ang lahat. Ang pagpapabinyag at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo ay isang dakilang kaloob mula sa ating Ama sa Langit. Matapos ang kumpirmasyon ko, nadama ko na nagbukas ang langit at magkakasama kaming lahat doon. Sa aking patriarchal blessing kalaunan, tumanggap ako ng maraming espesyal at walang-hanggang pangako.

Ang Aklat ni Mormon ay totoo. Sa pagbabasa at pagdarasal tungkol dito, magkakaroon tayo ng sariling patotoo tungkol dito. Sa patotoong iyan, malalaman natin na si Joseph Smith ay isang propeta at sa pamamagitan niya, ang totoong Simbahan ni Jesucristo ay ipinanumbalik sa lupa.