Digital Lamang: Mga Turo ng mga Pinuno ng Simbahan mula sa Social Media
Pinalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Tingnan kung sinu-sinong mga propeta, apostol, at iba pang mga pinuno ng Simbahan ang nagturo kamakailan sa social media tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Ang Alma 7:11–14 ay nagpapaalala sa atin na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong malinis mula sa ating mga kasalanan kapag nagsisi tayo, at maaari tayong tumanggap ng lakas mula kay Jesucristo para tulungan tayong matiis ang ating mga pasakit at karamdaman.
Ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na sa pamamagitan ni Jesucristo mismo dumarating ang pagliligtas na ito: “Hindi kumpleto sa doktrina,” sabi niya, “na banggitin ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoon sa mga pinaikling parirala, tulad ng ‘Pagbabayad-sala’ o ‘nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad sala’ o ‘paggamit ng Pagbabayad-sala sa ating buhay’ o ‘pinalalakas ng Pagbabayad-sala.’ Nanganganib na iligaw ng mga pahayag na ito ang pananampalataya sa pagturing sa pangyayari na parang ito ay may sariling buhay at mga kakayahan na hiwalay sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.
Sa ilalim ng dakilang walang-hanggang plano ng ating Ama sa Langit, ang Tagapagligtas ang nagdusa. Ang Tagapagligtas ang nagkalag ng mga gapos ng kamatayan. Ang Tagapagligtas ang tumubos sa ating mga kasalanan at paglabag at bumubura sa mga ito kapag nagsisi tayo. Ang Tagapagligtas ang nagpapalaya sa atin sa pisikal at espirituwal na kamatayan.
“Walang entidad na walang hugis na tinatawag na ‘Pagbabayad-sala’ na maaari nating hingan ng tulong, pagpapagaling, kapatawaran, o kapangyarihan. Si Jesucristo ang pinagmumulan nito. Ang mga sagradong katagang tulad ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ay inilalarawan ang ginawa ng Tagapagligtas, ayon sa plano ng Ama, upang tayo ay mabuhay nang may pag-asa sa buhay na ito at magtamo ng buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas—ang pinakatampok na kaganapan sa kasaysayan ng buong sangkatauhan—ay higit na mauunawaan at mapapahalagahan kapag hayagan at malinaw natin itong iniugnay sa Kanya.”1
Paano pa tayo mapagpapala ni Jesucristo at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo? Tingnan kung ano ang ibinahagi ng mga pinuno ng Simbahan tungkol sa paksang ito sa social media sa mga sipi sa ibaba. Maaari din ninyong basahin ang iba pa sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Paano Kung Patuloy Kong Gawin ang mga Kasalanang Nagawa Ko?
“Kamakailan ay tinanong ako ng isang bata pang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kung ano ang iniisip sa atin ng Tagapagligtas kapag patuloy nating ginagawa ang mga kasalanang nagawa natin.
“Ibinahagi ko na naniniwala ako na itinuturing tayo ng Tagapagligtas na karaniwan sa lahat ng anak ng ating Ama sa Langit, at hindi nito nababawasan ang pagmamahal Niya at ng ating Ama sa Langit para sa atin.
“Malilinis tayo mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi, at ito ay isang kagalakan, hindi isang pasanin. Kapag nagsisi tayo, binubuksan ng ating mapagmahal na Tagapagligtas ang Kanyang mga bisig para tanggapin ang lahat ng kalalakihan at kababaihan upang matamasa ang pinakadakilang mga pagpapala ng Diyos para sa Kanyang mga anak.”
Pangulong Dallin H. Oaks, Facebook, Hulyo 20, 2023, facebook.com/dallin.h.oaks.
Kailangang Baguhin ang Ating Likas na Pagkatao
“Ang ibig sabihin ng sundin si Jesucristo ay baguhin ang ating likas na pagkatao sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Iyon lamang ang paraan para makasandig tayo sa Kanyang tiyak na saligan at manatiling matatag sa paparating na pagdagsa ng mga tukso at pagsubok.
“Upang maranasan ang pagbabagong ito, kailangang maging katulad tayo ng isang bata—isang batang musmos.
“Para sa ilan, hindi iyon magiging madaling tanggapin. Karamihan sa atin ay gustong maging malakas. Maaaring isipin natin na ang pagiging tulad sa isang bata ay pagiging mahina. Pero ang maging tulad sa isang bata ay hindi pagkilos na parang bata.
“Iyon ay ang maging tulad ng Tagapagligtas, na ipinagdasal sa Kanyang Ama na bigyan Siya ng lakas na gawin ang kalooban ng Kanyang Ama at magbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat ng anak ng Kanyang Ama at pagkatapos ay ginawa Niya iyon. Kailangang mabago ang ating likas na pagkatao para maging tulad sa isang bata upang magtamo tayo ng lakas na kailangan natin para maging matatag sa mga panahon ng panganib.
“Gagawin tayong marapat ng pagbabagong iyan para matamasa natin ang mga kaloob na dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang pagkakaroon ng patnubay ng Espiritu ay papanatag, gagabay, at magpapalakas sa atin.”
Pangulong Henry B. Eyring, Facebook, Hunyo 14, 2022, facebook.com/henry.b.eyring.
Sa Mahihirap na Araw, Isipin ang Getsemani
“Huwag alisin sa paningin ang Getsemani. Kung nahihirapan ka—at malamang na mangyari iyan—maupo ka sandali at isipin mo ang Getsemani. Isipin ang Tagapagligtas at kung ano ang handa Niyang gawin para sa iyo at sa akin. Ipinapangako ko na kapag ginawa mo iyan, gagaan ang iyong mga pasanin, at madarama mo ang impluwensya at kapangyarihan ng Panginoong Jesucristo sa iyong buhay. Nangako Siyang tutulungan ka Niya.”
Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023), Facebook, Mayo 3, 2023, facebook.com/mrussell.ballard.
Maaari Tayong Bumangong Muli
“Ito ay isang video ng aking apo-sa-tuhod na nag-aaral na lumakad. Tayo na nasa posisyon niya dati ay nadapa at nahulog paminsan-minsan bago rin natin lubos na naunawaan ang mga bagay-bagay.
“Gayunman, para sa marami sa atin, nang bumagsak tayo, naroon ang mapagmahal na mga magulang para hikayatin tayong patuloy na mag-aral dahil nais nilang lumago tayo at maging mga tao na alam nilang maaari nating kahinatnan. Sa gayon ding paraan, alam ng ating maawaing Ama sa Langit na mabibigo tayo nang higit sa isang beses.
“Ang ating mga pagkakamali at pagkukulang ay magdudulot sa atin kung minsan ng panghihinayang o pasakit. Bahagi ito ng ating mortal na karanasan—na kadalasa’y mga bunga ng ating mga pagpili. Pero kung ayaw nating manghina ang ating loob dahil sa ating mga pagkukulang, maaaring maging isang mahusay na guro ang mga pagkakamaling ito. Ang hindi pamumuhay palagi ayon sa pinakamabuting magagawa natin ay hindi tanda ng pagiging depektibo—tanda ito ng pagiging bahagi ng pamilya ng tao. Kabiguan ang kabayaran para maging mas mabuti.
“Oo, magkakamali tayo. Pero kapag nabigo tayo, maaari tayong bumangong muli, dahil alam natin na nariyan ang Diyos para tulungan tayo, saanman at sa tuwing mangyayari iyon. Siya ang ating tagapayo, ang ating guro, ang ating tagapagpagaling, ang ating lakas, ang ating Tagapagligtas.
“Kaya, saanman kayo naroon sa buhay, huwag sumuko. Huwag mawalan ng pag-asa! Tandaan, hindi kayo nag-iisa kailanman. Pinapatnubayan kayo ng Diyos. Si Jesucristo ang inyong lakas. Natutuhan ko sa buhay ko na maraming bagong simula, maging mga bagong simula araw-araw. Ang ebanghelyo ni Jesucristo, ang sakripisyo ni Jesucristo, at ang kahandaan nating humayo sa landas ng pagsisisi at kapatawaran ay nagbubukas ng mga pintuan sa mga bagong simulaing ito.
“Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tutulungan tayo ng ating mga pagkakamali na matuto at lumago para maging mas bumuti pa tayo.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Peb. 27, 2023, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Si Jesucristo ay Karapat-dapat sa Ating Pagpipitagan at Walang-Hanggang Pasasalamat
“Bilang disipulo ni Jesucristo, nagpapatotoo ako sa Kanya. Siya ang aking Panginoon at Tagapagligtas. Nadaig Niya ang kasalanan at kamatayan. Sa pamamagitan Niya, magagawa rin ito ng bawat isa sa atin.
“Napuspos ako ng pasasalamat para sa Tagapagligtas ngayon nang maisip namin ang Kanyang sakripisyo sa dalawang espesyal na lugar. Binisita namin ang Libingan sa Halamanan—isang sinaunang libingan na maikukumpara sa lugar kung saan naihimlay ang katawan ni Cristo kasunod ng Pagpapako sa Kanya sa krus.
“Binisita rin namin ang lugar na itinuturing ng ilan na Halamanan ng Getsemani. Nang maglakad kami sa napakatatandang puno ng olibo, nakinig kami sa mga talata sa banal na kasulatan na naglalarawan sa sagradong sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin sa halamanan at sa krus.
“Ang matinding paghihirap ni Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani at sa krus ay nararapat sa ating lubos na paggalang at lubos na pagpipitagan. Gayundin, ang magagandang pangyayaring naganap sa ikatlong araw kasunod ng Pagpapako sa Kanya sa krus ay nararapat magkaroon ng puwang sa pagpipitagan at walang-hanggang pasasalamat sa ating puso’t isipan.
“Bilang disipulo ni Cristo, mapalad akong maipahayag ang aking patotoo na Siya ay buhay!
“Naalala ko ang mga titik ng himnong ‘S’ya’y Nabuhay’:
“‘S’ya’y Nabuhay! S’ya’y Nabuhay!
“‘Itanghal nang may sigla.
“‘Nagapi N’ya ang libingan;
“‘Ang mundo’y magdiwang na.
“‘Malaya na ang tao.
“‘Nagtagumpay si Cristo.’”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Abr. 23, 2023, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Isaalang-alang ang Simbolismo ng Oil Press o Pigaan ng Langis
“Ang pagbisita namin kamakailan sa Getsemani ay naging dahilan para pagnilayan ko ang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin. Alam na ninyo siguro na sa Hebreo, ang ibig sabihin ng ‘geth’ ay ‘pisain’ at ng ‘shemen’ ay ‘langis.’ Ang Getsemani ay literal na lugar na pigaan ng langis.
“Naging tunay na tunay sa akin ang paglalarawang ito nang magkaroon ako ng oportunidad na masaksihan at mapatakbo ang isang sinaunang pigaan ng olibo sa BYU Jerusalem Center.
“Noong buhay ang Tagapagligtas, pinagugulong muna ang isang malaking bato sa ibabaw ng mga olibo para gumawa ng langis. Pagkatapos ay dinidiinan ng mabibigat na biga ang dinurog na olibo para makagawa ng pinong langis. Para matiyak na napiga ang lahat ng posibleng patak ng langis, nagpapatong ng malalaking bato sa ibabaw ng mga biga, at pinipisa ang mga nalabi.
“Isipin ang simbolismo ng prosesong ito habang iniisip mo ang karanasan ni Jesucristo sa Getsemani, kung saan ‘ang dugo ay [nagmula] sa bawat butas ng kanyang balat’ (Mosias 3:7) nang magdusa ang Tagapagligtas sa di-maintindihang mga paraan nang lumuhod Siya sa matinding panalangin at ialay Niya ang Kanyang sarili bilang pantubos para sa ating mga kasalanan.
“Dahil sa sakdal na pagmamahal, ibinigay Niya ang lahat upang matanggap natin ang lahat. Ang Kanyang banal na sakripisyo ay nagpapaalala sa atin tungkol sa utang-na-loob ng lahat ng tao kay Cristo dahil sa Kanyang banal na kaloob.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Abr. 24, 2023, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Hindi Mo Kailangang Maghintay
“Marahil ay hindi mo naisakatuparan ang mga mithiin at resolusyong itinakda mo para sa bagong taon. Tandaan mo sana na hindi mo kailangang maghintay hanggang Enero 1 [ng susunod na taon] para subukan iyong muli. Dahil kay Jesucristo, maaari kang magsimulang muli ngayon at araw-araw.
“Lubos akong nagpapasalamat sa kaloob na pagsisisi na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
“Ang pagkakasunud-sunod ng pagiging disipulo ay simple at tuwiran: manampalataya sa Tagapagligtas, magsisi, tumanggap ng mahahalagang tipan at ordenansa, magbago, magsikap na laging panatilihin ang kapatawaran ng mga kasalanan, at sumulong nang tapat sa landas ng tipan.”
Elder David A. Bednar, Facebook, Ene. 19, 2023, facebook.com/davida.bednar.
Umasa Muna sa Ating Manunubos
“Kinakailangan sa pagsisisi ang Manunubos. Ang pagtalikod sa kasamaan ay hindi naghahatid ng espirituwal na paggaling nang hindi bumabaling sa Kanya.
“Itinuro ni Ezra Taft Benson (1899–1994), pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na ang pagsisisi ay talagang nagdudulot ng mga pagbabago sa saloobin at pag-uugali, pero ang simpleng pagbabago ng mga saloobin at pag-uugali ay hindi pagsisisi.
“Sabi ni Pangulong Benson, ‘Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ang pundasyon na kailangang pagbatayan ng taos-puso at makabuluhang pagsisisi. Kung tunay nating hinahangad na iwaksi ang kasalanan, kailangan muna nating umasa sa Kanya na May-akda ng ating kaligtasan.”
Elder David A. Bednar, Facebook, Set. 8, 2023, facebook.com/davida.bednar.
Ang “Layunin” at “Puso” ay Nakaugnay sa Pagsisisi
“Itinuturo sa Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo, ‘Maniwala na kayo ay kinakailangang magsisi ng inyong mga kasalanan at talikdan ang mga ito, at magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Diyos; at [hilingin] nang taos sa puso [na] kayo ay kanyang patawarin; at ngayon, kung kayo ay naniniwala sa lahat ng bagay na ito, tiyaking ito ay inyong gagawin” (Mosias 4:10).
“Mula sa talatang ito at sa iba pa, nalaman natin na ang mga salitang ‘layunin’ at ‘puso’ ay nakaugnay sa proseso ng pagsisisi. Kapag umasa at bumaling tayo sa Panginoon, kailangang maging tapat tayo sa ating sarili. At kailangang mayroon tayong tunay na layunin at maging tapat tayo sa Kanya na kung kaninong kapatawaran ay siyang hangad natin. Ang tunay na pagtatapat sa Diyos, at kung kinakailangan sa mga priesthood leader, ay kailangang maging lubos at ganap.”
Elder David A. Bednar, Facebook, Set. 9, 2023, facebook.com/davida.bednar.
Maaari Tayong Maging Sakdal kay Cristo
“Nang bumisita kami sa Pacific Area, gumugol kami ni Kathy ng panahon sa estado ng Tasmania sa Australia. Habang naroon, bumisita kami sa isang dating penal colony sa Port Arthur, isang pamayanan na ginamit para gawing tirahan ng mga bilanggo noong ika-19 na Siglo (marami mula sa U.K.). Ngayon, ang Port Arthur ay isang makasaysayang lugar na binibisita ng marami. Tampok sa dating bakuran ng bilangguan ang maayos na mga hardin, malagong kagubatan, at ilang kahanga-hangang arkitektura.
“Sinubukan sa Port Arthur ang iba’t ibang uri ng parusa at rehabilitasyon na nagkaroon ng mas malaki o mas maliit na tagumpay sa loob halos ng 50-taong kasaysayan nito. Sa kabilang dako naman, hindi ko maiwasang isipin ang walang-katapusan at malawak na saklaw ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Mababago tayo ng biyaya ni Cristo. Sa tulong Niya, madaraig natin ang anumang balakid o pagkakamali. Hindi natin kailangang maging bilanggo ng kamatayan o kasalanan—sa halip, maaari tayong maging ganap sa Kanya.”
Elder D. Todd Christofferson, Facebook, Hunyo 11, 2023, facebook.com/dtodd.christofferson.
Ang Nagbabayad-salang Sakripisyo ni Jesucristo ay Ipinagkakaloob sa Lahat
“Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay buhay at na ang Kanyang sakdal na pagmamahal, na ipinahayag sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ay ipinagkakaloob sa lahat ng nagnanais na sumunod sa Kanya at tamasahin ang Kanyang kapayapaan sa mundong ito at sa mundong darating.”
Elder Ulisses Soares, Facebook, Abr. 8, 2023, facebook.com/soares.u.
Si Jesucristo ay Nag-aalok ng Ginhawa sa Ating mga Pasanin
“Dinaranas nating lahat ang mga pasanin ng mortalidad. Nagdaranas tayo ng sakit, kawalan, dalamhati, kabiguan, at hirap—pero kapag nakaayon ang ating puso’t isipan kay Jesucristo, susuportahan Niya tayo. Mag-aalok Siya ng ginhawa.”
Pangulong Camille N. Johnson, Facebook, Hunyo 2, 2023, facebook.com/RSGeneralPresident.
Walang Sinuman ang Hindi Sakop ng Kapangyarihang Tumubos ni Cristo
“Isa sa mga paborito kong kuwento sa banal na kasulatan ang babae sa tabi ng balon. Sa Juan 4:5–30, mababasa natin ang salaysay tungkol sa pagbibigay ni Jesus sa isang Samaritana na … namumuhay sa kasalanan ng unang nakatalang pahayag sa publiko tungkol sa Kanyang pagiging Mesiyas. Subalit nagpunta si Jesus sa isang balon sa Samaria at nakilala ang babaeng ito, batid ang lahat ng tungkol dito, at ipinahayag pa rin dito ang Kanyang pagiging Mesiyas, at inanyayahan itong uminom mula sa Kanyang tubig na buhay. Nagkaroon ng personal na karanasan ang babaeng ito sa Tagapagligtas at naging saksi Niya nang tumakbo ito papunta sa lungsod, na sinasabi sa lahat ng makikinig na pumarito at tingnan ang Cristo, na ginawa ng marami.
“Paparito rin sa atin ang Tagapagligtas, na batid ang lahat ng tungkol sa atin. Iniisip natin kung minsan na kailangan tayong maging ‘karapat-dapat’ na manalangin o mahalin ng Tagapagligtas. Pero ipinapakita ng kuwentong ito na handa Siyang pumarito sa atin anuman tayo. Nais Niyang magkaroon tayo ng personal na karanasan sa Kanya at madama natin ang Kanyang pagmamahal, sapagkat ang pagmamahal na iyon ay malakas na puwersa na kayang baguhin ang ating puso upang mas lubos tayong makalapit sa Kanya. Maaari tayong maging saksi ng Kanyang nagpapabagong kapangyarihan sa ating buhay at anyayahan ang iba na ‘halikayo, at tingnan ninyo’ ang Cristo, tulad ng ginawa ng Samaritana.
“Palagay ko ang katotohanan na may mga ipinintang larawan sa mga templo na naglalarawan sa kuwento tungkol sa babae sa tabi ng balon ay napakaraming itinuturo. Dahil sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, walang sinuman ang hindi sakop ng Kanyang kapangyarihang tumubos. Hindi natin dapat limitahan kung sino sa palagay natin ang kaya Niyang iligtas o kung kanino tayo dapat humingi ng tulong sa Kanyang pangalan. Sa susunod na makakita kayo ng isang ipinintang larawan ng babae sa tabi ng balon, tandaan na dahil sa Kanya, may pag-asa para sa ating lahat.”
Sister J. Anette Dennis, Facebook, Peb. 28, 2023, facebook.com/RS1stCounselor.
Si Jesucristo ay Madalas Magbigay ng Ginhawa sa Pamamagitan ng Iba
“Nagdaan o nagdaraan ang bawat isa sa atin sa mahihirap na karanasan sa buhay. Maaari mong isipin kung paano maaaring magbigay ng ginhawa si Jesucristo sa iyong mga partikular na sitwasyon.
“… Talagang nagbibigay ng ginhawa si Jesucristo sa ating kaluluwa. Sumasakop at tumatagos ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo sa lahat ng bahagi ng ating buhay. Alam Niya ang mga detalye ng lahat ng ating damdamin, alalahanin, dalamhati, at kaligayahan. At alam Niya kung paano personal na tumulong at magpagaling.
“Ang maganda, madalas Niyang ibigay ang ginhawang iyan sa pamamagitan ng isa’t isa! Kaya nga Niya tayo inutusang alagaan ang isa’t isa, na ‘makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati’ at ‘aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw’ (Mosias 18:9).
“Kapag sinasabi natin ang ‘Relief Society,’ umaasa kami na madarama at makikita ninyo ang Tagapagligtas sa ‘Relief’—dahil sa Relief Society itinuturo natin ang isa’t isa sa Tagapagligtas, inaalok ang Kanyang pagmamahal, at hinahangad na maging Kanyang kasangkapan sa paghahatid ng kailangang-kailangang espirituwal at temporal na ginhawa sa lahat ng anak ng Diyos.”
Sister Kristin M. Yee, Facebook, Abr. 2, 2023, facebook.com/RS2ndCounselor.
Higit na Magtuon sa Tagapagligtas Kaysa sa Pagliligtas
“Pagkaraan ng halos tatlong henerasyon ng pamumuhay sa iba’t ibang lupain, muling naging isang lahi ang mga Nephita. Ang mga tao ni Limhi, mga tao ni Alma, at mga tao ni Mosias—maging ang mga tao ng Zarahemla. Ang unang ginawa nila nang sama-sama silang magtipon ay ikuwento ang pagliligtas sa kanila. Partikular na, nagturo at nagpatotoo sila tungkol sa Tagapagligtas mismo na si Jesucristo. Nalaman natin mula sa mga salaysay na ito na ang kaligtasan ay hindi palaging agaran, pero palaging agaran ang kabutihan ng Diyos! (tingnan sa Mosias 25:10)
“Alam ko mula sa karanasan na kapag bumaling ako kay Jesucristo, agad Siyang nagiging bahagi ng aking kuwento. Samakatwid, dapat ay hindi ako gaanong magtuon sa kung paano ako maliligtas mula sa mga hamon ng ating panahon kundi dapat akong higit na magtuon sa Tagapagligtas mismo. Ang Diyos ay mabuti kaagad! Samakatwid, hindi lamang ako makapagtitiwala sa Kanyang kalooban kundi maging sa Kanyang takdang panahon.”
Sister Amy A. Wright, Facebook, Mar. 14, 2023, facebook.com/Primary1stCounselor.
Ang Pagsisisi ay Pagbalik
“Ang pagsisisi ay hindi lamang pagtigil sa paggawa ng mali kundi pagbaling, o pagbalik, doon sa mabuti, makatarungan, kapaki-pakinabang, at nakaayon sa mga turo ni Jesucristo.
“Ipinaliwanag sa Bible Dictionary, ‘Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagbaling ng puso at kalooban sa Diyos, at pagtalikod [din] sa kasalanang likas nating kinahihiligang gawin.’”
Sister Amy A. Wright, Facebook, Abr. 29, 2023, facebook.com/Primary1stCounselor.
Ang mga Tinik ay Maaaring Maging Simbolo ng Kaluwalhatian ng Diyos
“Nagkaroon ako ng magandang pagkakataong makasama sa paglalakbay si Sister Becky Craven kamakailan at makasama ang mga Banal sa Republic of Cabo Verde, isang kapuluan at islang bansa na nasa pagitan ng Africa at Portugal. Matapos makausap ang Unang Ginang ng Cabo Verde, naglakad-lakad kami sa patyo sa bakuran ng palasyo ng presidente at nakita namin ang kahanga-hangang mga bulaklak na ito. Ipinaalam ng aming Cabo Verdean escort sa aming grupo na ang halamang ito ay karaniwang kilala bilang ‘Christ’s Crown [Korona ni Cristo]’ sa isla. Napakagandang simbolo. Ang matitinik na tangkay ng halamang ito ay nakapagpapaalala sa pinagpatung-patong na koronang tinik na inilagay sa ulo ng Tagapagligtas sa pagtatangkang kutyain Siya patungo sa Pagpapako sa Kanya sa Krus sa Kalbaryo. Ngunit tulad ng lahat ng bagay, kaya ni Jesucristo na gawing kaluwalhatian ang mga tinik. Sa ibabaw lang ng matitinik na tangkay ay naroon ang isang nakasisiyang makapal na pumpon ng magagandang pulang bulaklak.
“Itinuro sa atin ni Cristo sa Aklat ni Mormon, ‘At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; at matapos na ako ay maipako sa krus, upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin” (3 Nephi 27:14).
“Ang Pagpapako sa Tagapagligtas sa Krus, na nilayon ng Kanyang mga kaaway para wakasan ang Kanyang mga turo, Kanyang ministeryo, at Kanyang mga alagad, ay bahagi ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala. Ang malaking halagang ibinayad ni Jesucristo para sa ating mga kasalanan upang tayo ay maputungan ng buhay na walang hanggan kung lalapit tayo sa Kanya.
“Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith, ‘At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!’ (Doktrina at mga Tipan 76:22).
“Mga kapatid, idinaragdag ko ang aking patotoo sa patotoo ng isang pinakamamahal na propeta ng Diyos. Na sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Mag-uli, si Jesucristo ay buhay! Sa Pasko ng Pagkabuhay at araw-araw, Siya ay buhay at tinatawag tayong lumapit at mabuklod sa Kanya upang tayo man ay mabago. Upang ang mga tinik sa ating buhay, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay maging simbolo ng Kanyang kaluwalhatian.”
Sister Tracy Y. Browning, Facebook, Abr. 9, 2023, facebook.com/Primary2ndCounselor.