“Adiksyon sa Drama sa Telebisyon: Paano Ko Hinayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Mar. 2024.
Adiksyon sa Drama sa Telebisyon: Paano Ko Hinayaang Manaig ang Diyos
Nang itinigil ko ang panonood ng dramang ito sa telebisyon, nadama kong pinalawig nang lubos ng impluwensya ng Espiritu Santo ang aking buhay.
Ang pagpili kay Jesucristo ay naghahatid ng dakilang kapangyarihan, “at, talagang kakailanganin natin ang Kanyang kapangyarihan sa mga darating na araw.”1 Nagkakagulo ang ating mundo. Tila mas malaki ang impluwensya ng kaaway sa napakaraming anak ng Diyos. Ang kawalan ng kabanalan ay niluluwalhati, at ang mga tukso ay gumagambala sa atin at inilalayo tayo sa mga bagay na maglalapit sa atin sa Panginoon.
Upang madaig ito, dapat nating aktibong piliin si Jesucristo sa ating buhay at talikuran ang mga bagay na nakasasakit sa Espiritu. Ipinayo sa atin ni Moroni, “Maging matalino sa mga araw ng inyong pagsubok; hubaran ang inyong sarili ng lahat ng karumihan” (Mormon 9:28) at inanyayahan tayo na, “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; … at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas” (Moroni 10:32).
Paano natin maiwawaksi ang mga makamundong bagay at mas may layuning lumapit kay Cristo? Bawat isa sa atin ay magkakaiba ng antas sa prosesong ito. Maiwawaksi nating lahat ang isang bagay na humahadlang sa atin para mas lubos na madama ang impluwensya ng Espiritu Santo. Kailangan natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas para magawa ito, at nagsisimula ito sa paggamit ng ating kalayaang pumili upang piliin Siya.
Ang Hangaring Mapabilang
Noong huling taon ko sa high school, nasa varsity cheerleading team ako. Araw-araw sa pagsasanay namin, pinag-uusapan ng mga dalagita sa cheerleading team namin kung ano ang nangyayari sa drama sa telebisyon sa umaga. Hindi ko ito pinanonood at alam ko na ito ay isang palabas na may kalaswaan. Gayunman, sa bawat araw sa aming pagpapraktis dama ko na napag-iiwanan ako habang tuwang-tuwang pinag-uusapan ng mga kasama ko ang tungkol sa palabas. Ibinulong sa akin ng Espiritu na huwag itong panoorin, pero gustung-gusto kong makasama sa kanilang mga pag-uusap, kaya nagsimula akong manood.
Parang hindi naman masama iyon. Ikinatwiran ko na hindi naman ako maaapektuhan nito. Alam ko na hindi ko gagawin ang masasamang bagay na makikita kong ginagawa ng mga artista. Masyado akong natuwa at araw-araw kong pinanood ang palabas. Nang mag-aral ako sa Brigham Young University, inayos ko ang iskedyul ng mga klase ko para mapanood ko ito araw-araw. Hindi ako kailanman naka-miss ng kahit isang episode.
Ikinasal ako at isinilang ang aking panganay na anak. Pinapatulog ko siya araw-araw sa tuwing may palabas para mapanood ko ito.
Sa paglipas ng mga taon, maraming beses na bumulong sa akin ang Espiritu na dapat kong itigil ang panonood sa palabas na iyon. Ngunit tumutol ako. Sobrang natutuwa din ako sa mga tauhan at sa kanilang buhay. Iyon ang paraan ko para magpahinga, kaya patuloy akong nanonood. Nakumbinsi ako na hindi ito masama para sa akin.
Ang Paanyaya
Labinsiyam na taon matapos ang hayskul, araw-araw ko pa ring pinanonood ang palabas. Sa pangkalahatang kumperensya, nagsalita si Sister Sheri L. Dew, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, tungkol sa paglayo sa mundo at mga bagay na hindi banal. Pagkatapos ay sinabi niya, “Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na tukuyin ang kahit isang bagay na magagawa natin upang makalabas mula sa mundo at mas mapalapit kay Cristo.”2
Nang ipinaabot niya ang paanyayang iyon, nakadama ako ng matinding pagbuhos ng Espiritu, at narinig ko ang mga salita sa aking isipan, “Kailangan mong tumigil sa panonood ng palabas na iyon ngayon din!” Napalakas nito; parang sampal ito sa aking mukha. Sa mismong sandaling iyon ay nalaman ko na hindi ko na maaaring balewalain pa ang pahiwatig na ito. Nakadama ako ng agarang pangangailangan na huwag nang muling panoorin ang palabas. Natanto ko na wala ni isang tauhan ang gumagawa ng anumang bagay na mabuti o marangal. Nag-aanyaya ako ng basura sa buhay ko araw-araw. Nakipagtipan ako sa Panginoon, sa mismong oras na iyon, na hindi ko na ito muling papanoorin.
Hindi ito naging madali! Ang labinsiyam na taong gawi at adiksyon ay mahirap wakasan. Sumapit ang Lunes at oras na para magsimula ang palabas. Naglakad ako palapit sa remote ng TV. Gustung-gusto kong buksan ito. Naalala ko ang aking tipan sa Panginoon na hindi ko na ito muling papanoorin pa. Lumakad ako palayo.
Pagkatapos ay naisip ko ang paborito kong tauhan sa drama at inisip ko kung ano ang maaaring mangyari sa kanya at naglakad pabalik sa remote. Alam ko na kailangan ko ang tulong ng Diyos, kung kaya lumuhod ako at nagdasal na magkaroon ako ng lakas na hindi ko ito panoorin. Naisip ko ang aking pangako sa Ama sa Langit, at lumabas ako ng silid. Pinili kong sundin ang mga pahiwatig na natanggap ko mula sa Espiritu Santo at tupdin ang aking pangako.
Ang sitwasyong iyon ay nagpaulit-ulit araw-araw noong linggong iyon at sa sumunod na linggo. Araw-araw, lumuluhod ako at nanalangin at humihingi ng lakas na huwag manood, at araw-araw ay pinipili ko si Jesucristo at lumalayo sa isang imoral na palabas sa telebisyon. Nakatanggap ako ng lakas na madaig ito mula sa kapangyarihang ibinibigay ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Pagkaraan ng ilang panahon na ginagawa ito, nagkaroon ng himala. Tuluyang nawala sa akin ang lahat ng hangaring panoorin ang palabas, matapos itong panoorin araw-araw sa loob ng 19 na taon. Kamangha-mangha iyon! Nawalan din ako ng hangaring panoorin ang lahat ng kaduda-dudang palabas, kaya tuluyan na akong tumigil.
Naging mas alerto at sensitibo ako, at nakilala ko ang kasamaan sa kung ano iyon. Talagang gusto kong iwasan ang anumang anyo ng kasamaan (tingnan sa 1 Tesalonica 5:22). Hindi na ako naging manhid rito.
Ang Pinaka-nakamamanghang Pagpapala
Ngunit ang pinaka-nakamamanghang bagay na nangyari ay nadama kong pinalawig nang lubos ng impluwensya ng Espiritu Santo ang aking buhay nang higit pa sa anumang naranasan ko noon. Bumilis nang husto ang aking espirituwal na pag-unlad! Inakala ko na natatamasa ko ang patnubay ng Espiritu Santo noong mga taon na iyon, ngunit ang nararanasan ko ay napakaliit na bahagi lang pala ng maaaring natanggap ko sana. Natanto ko na ang panonood sa mga palabas na iyon ay nakaapekto sa akin noong buong panahong iyon. Napalampas ko ang napakaraming taon ng pagkakaroon ng mas malakas na ugnayan sa Diyos. Nang ginamit ko ang aking kalayaang pumili upang talikuran ang mga hindi banal at makamundong bagay, lubos na lumapit sa akin ang Espiritu, at malaking kaibhan ang nagawa niyon sa buhay ko para palakasin, panatagin, at gabayan ako.
Mahigpit tayong kumakapit sa mga bagay na walang halaga—mga bagay na talagang pumipigil sa mga pagpapalang nais ng Diyos na ipagkaloob sa ating buhay. Bakit natin ipagpapalit ang makapangyarihan at nakapagbibigay-kakayahang impluwensya ng Espiritu para sa kasiyahan o sa popular? Siguro ang panonood ng isang palabas sa telebisyon ay hindi mahalaga o malaking kasalanan, ngunit nakahadlang ito sa akin na madama nang sagana ang Espiritu Santo sa aking buhay at pinabagal nito ang aking espirituwal na pag-unlad.
Lubos akong nagpapasalamat na hindi ako sinukuan ng Panginoon ngunit matiyagang hiniling sa akin na talikuran ang isang bagay na hindi malinis upang lubos na mapuno Niya ng Kanyang impluwensya ang buhay ko.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.