Digital Lamang: Mga Young Adult
Pakiramdam Mo ba ay Nag-iisa Ka Kapag Nababalisa Ka? Makakatulong ang 3 Tip na Ito
Ang awtor ay naninirahan sa American Samoa.
Ang aking pakikibaka sa kalungkutan at pagkabalisa ay lalong naglapit sa akin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at ipinaunawa sa akin ang aking puwang sa ebanghelyo.
Kung minsan, mahirap madama na kabilang ka sa mga young single adult.
Pakiramdam ko kadalasan ay hindi ako kabilang. Sinisikap kong patatagin ang sarili kong buhay, pero ramdam ko pa rin na responsibilidad kong pangalagaan ang aking pamilya. At kahit nais kong makipag-ugnayan sa iba, parang dahan-dahan akong lumalayo sa kanila at sa mga bagay na gustung-gusto kong gawin.
Ngayon mismo, nahihirapan akong gawin ang lahat ng bagay na ito dahil sa aking pagkabalisa samantalang nadarama ko pa rin na kabilang ako. Madalas ay ito ang ugat ng marami sa mga hamon sa buhay ko.
Kapag nababalisa ako, mas gusto kong isulat ang mga naiisip ko sa isang journal sa halip na makipag-ugnayan ako sa iba, kadalasan dahil pakiramdam ko ay walang nakakaunawa sa nararanasan ko. Dito sa American Samoa, hindi gaanong pinag-uusapan ang kalusugan ng pag-iisip. Palagay ko “matigas” ang kalooban ng iba kapag sinisikap kong ipaliwanag ang aking pakikibaka sa pagkabalisa. Kaya, sa halip na humingi ng tulong, inihihiwalay ko ang sarili ko.
Gayunman, ang pakikibaka ko sa pagkabalisa ay nagturo sa akin kung gaano kahalaga ang makipag-ugnayan sa iba, lalo na sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Narito ang ilang paraan na ang pakikibaka ko sa pagkabalisa ay mas naglapit sa akin sa Ama sa Langit at natulungan akong matanto na talagang kabilang ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Pagpapalawak ng Kapangyarihan ng Panalangin
Bagama’t matagal na akong nakikibaka sa pagbalisa, naging mas mahirap ang hamong ito noong nagdadalaga ako nang magkaroon ako ng mga bagong oportunidad at naharap sa maraming pagbabago. Ang mabuhay na may ganitong takot at pag-aalala palagi ay nagiging dahilan kung minsan para pagdudahan ko ang aking kahalagahan at kung may nagmamahal sa akin.
Gayunman, ang isang bagay na nakatulong sa akin para tunay na matanto na kabilang ako ay ang pagkausap sa Ama sa Langit sa panalangin.
Tulad ng ipinayo ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023): “Kayang baguhin ng panalangin ang ating buhay. Nahihikayat ng taos-pusong panalangin, makakaya nating bumuti pa at tulungan ang iba na gawin din iyon.”1
Dahil sa pagkabalisa, umasa ako nang husto sa panalangin, at nakatulong ito na mapalalim ko kapwa ang aking kaugnayan sa Ama sa Langit at ang aking pananampalataya na naririnig Niya ang lahat ng panalangin. Talagang naging mas makabuluhan ang mga panalangin ko sa paglipas ng panahon nang harapin ko ang hamong ito at umasa ako sa tulong ni Jesucristo at ng Ama sa Langit.
Kinakausap ko ang Ama sa Langit tungkol sa aking mga nadarama, aking araw, aking mga alalahanin—kahit ano talaga. Kahit hindi Niya pinapawi ang balisang mga kaisipan at damdamin, kapag humihingi ako ng tulong sa Kanya, pakiramdam ko ay nakaakbay Siya sa akin at tinitiyak Niya sa akin na kasama ko Siya.
Tinutulungan Niya akong malaman na ako ay Kanya at na hindi ako nag-iisa.
Pagpapalalim ng Pag-unawa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Sa lahat ng alituntunin ng ebanghelyo, ang isa na may pinakamalakas akong patotoo ay ang nagpapagaling na kapangyarihan ng aking Tagapagligtas na si Jesucristo.
Kapag napapansin ko kung paano ako natulungan ng Tagapagligtas, nadarama ko na kabilang ako at nakatitiyak ako na kilala ako. Ang aking pakikibaka sa pagkabalisa ay naghihikayat sa akin na hanapin ang nakapapanatag na presensya ng Espiritu, at dahil dito, palagi akong nakikibahagi sa maliliit at mga karaniwang espirituwal na gawi (tingnan sa Alma 37:6) araw-araw para makahugot ako ng lakas sa kapangyarihan ni Cristo sa aking buhay.
Ang pagsampalataya sa Kanyang biyaya at sakripisyo talaga ang pinakamalaking susing kailangan ko para harapin ang lahat ng paghihirap at hamon sa buhay. Tulad ng Kanyang itinuro, “Ako ang ilaw ng sanlibutan” (Juan 8:12), na ang ibig sabihin para sa akin ay wala tayong nararanasang kadiliman na makapag-aalis ng Kanyang liwanag.
Mapagmahal ding itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng paghahanap ng mga kasangkapan para sa mga nakikibaka sa kalusugan ng pag-iisip. Sabi niya: “Humingi ng payo sa mahuhusay na tao na may sertipiko sa pagsasanay, propesyonal, at mabubuti ang pinahahalagahan. Maging tapat sa kanila tungkol sa nangyayari sa inyo at mga paghihirap ninyo. Mapanalangin at responsableng pag-isipan ang payo at mga solusyong ibinibigay nila. Inaasahan ng ating Ama sa Langit na gagamitin natin ang lahat ng magagandang kaloob na ibinigay Niya sa dakilang dispensasyong ito.”2
Sa suporta ng Tagapagligtas, magagawa nating sumulong.
Pagkakaroon ng Makabuluhang mga Kaugnayan
Kamakailan lang, nakibaka ako nang husto sa pagkabalisa. Pero sa halip na lumayo sa iba, humingi ako ng tulong sa Ama sa Langit sa panalangin, at tinulungan ako ng Espiritu na makita ang isang katotohanang nagpapabago ng buhay:
Kailangan natin ang isa’t isa.
Bagama’t maaari akong maudyukan ng pagkabalisa na lumayo sa iba, hindi ang paghiwalay sa iba ang nais ng Ama sa Langit para sa akin. Nais ng kaaway na madama natin na hindi tayo makaugnay sa iba—na hindi tayo kabilang, lalo na kapag mayroong mga hamon sa ating buhay. Pero kapag umaasa ako na bibigyan ako ng Tagapagligtas ng lakas na humingi ng tulong sa aking mga kapatid o kaibigan tungkol sa aking mga hamon, tumutugon sila nang may pagmamahal at tinutulungan akong patuloy na sumulong.
Nakita ko na kapag handa tayong lahat na makipag-ugnayan sa isa’t isa (lalo na kapag mas gusto nating tahimik na ilayo ang ating sarili), madarama natin na kabilang tayo—ang pakiramdam na iyon ng pagkakaisa at pag-asa kay Cristo.
Ebanghelyo ng Pagiging Kabilang
Hindi ko alam kung bakit kailangang maging napakahirap ng ilang hamon. Pero alam ko na sa pamamagitan ng aking mga karanasan sa pagkabalisa, napalalim ko ang aking patotoo tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa pangangailangan nating makipag-ugnayan. Matapos makahanap ng tulong sa pamamagitan ng ebanghelyo at mga kasangkapan sa kalusugan ng pag-iisip, mas nakikita ko na talagang may puwang ako sa ebanghelyo ni Jesucristo—na lahat ay may puwang, anuman ang kanilang sitwasyon.
Alam ko na laging may paraan para mas makatulong na maipadama sa lahat na may nagmamahal sa kanila sa Simbahan, lalo na sa mga young adult. Pero patuloy kong nakikita na may mga himalang nangyayari.
Kung nahihirapan kayo sa mga hamon sa kalusugan ng pag-iisip, sana’y malaman ninyo na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang ebanghelyo ng pagpapagaling, ng kagalakan, at, higit sa lahat, ng pagiging kabilang—para sa lahat ng anak ng Ama sa Langit.
Nadarama ko ang katotohanang iyan sa puso ko.