Liahona
Isang Magiliw na Awa Makalipas ang 25 Taon
Marso 2024


“Isang Magiliw na Awa Makalipas ang 25 Taon,” Liahona, Mar. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Isang Magiliw na Awa Makalipas ang 25 Taon

Nagpapasalamat ako na ginamit ng Diyos ang isang nalimutan nang liham para isagawa ang isa sa Kanyang magigiliw na awa.

mag-ama sa Niagara Falls

Larawan sa kagandahang-loob ng awtor

Habang nagtuturo ako ng early-morning seminary sa Eureka, California, USA, hiniling ko sa aking mga estudyante na isipin kung ano ang nakikita nila sa kanilang sarili pagkalipas ng 10 taon. Pagkatapos ay hiniling ko sa kanila na sumulat ng liham gamit ang kanilang patotoo sa ebanghelyo at anumang iba pang nais nilang ibahagi sa mas nakatatandang bersiyon ng kanilang sarili. Sinabi ko sa kanila na ipapadala ko sa koreo ang mga liham makalipas ang 10 taon.

Lumipas ang panahon at hindi ko nagawang ipadala ang mga liham. Isang araw makalipas ang 25 taon, natagpuan ng anak kong si Heidi ang mga liham at nagtanong siya tungkol sa mga ito. Matapos kong ipaliwanag ang plano ko, hinanap niya ang mga address ng mga dati kong estudyante gamit ang mga social media tool.

isang kamay na ipinapasa ang ilang sobre sa isa pang kamay

Paglalarawan ni Alex Nabaum

Matapos niyang ipadala ang mga liham, tumanggap kami ng magagandang sagot. Isinulat ng isa sa mga dati kong estudyante sa seminary:

“Kailangan kong ipaalam sa iyong tatay na may dahilan kung bakit ngayon lang niya natagpuan ang mga liham na iyon. Ang 18-taong-gulang kong anak na babae ay nahihirapan sa kanyang patotoo at nadarama na ang pagiging ‘perpektong batang Banal sa mga Huling Araw’ ay hindi para sa kanya. Hindi niya ibinabahagi sa amin ang kanyang nadarama. Napakahirap nito.”

Ang dati kong estudyante, na nalungkot sa ilang bagay na isinulat kamakailan ng kanyang anak na babae sa isang blog, ay idinagdag din na:

“Alam ko na kailangan ko siyang kausapin tungkol dito. Gaya ng dati, kapag pinag-uusapan namin ang mga ito, matigas at palaban ang itsura ng kanyang mukha, at wala siyang sinasabing anuman. Iniabot ko sa kanya ang liham ko at sinabi ko sa kanya na nais kong basahin niya ito.

“Nakita ko na ilang beses niyang binasa ang unang talata. Isinulat ko noon na hindi ko alam kung mayroon akong patotoo, na ang pagiging perpektong Banal sa mga Huling Araw ay napakabigat para sa akin at marahil ay hindi para sa akin.

“Nagsimulang umiyak ang anak ko. Kinailangang malaman niya na talagang nauunawaan ko ang kanyang mga paghihirap. Hindi niya kailanman paniniwalaan ito kung wala ang liham na iyon! Ngayon ay mas handa na siyang magkuwento, at talagang nadama ko na ang tiyempo ng pagdating ng liham na ito ay isang magiliw na awa. Kung natanggap ko ito 10 taon na ang nakararaan, baka naitapon ko ito o nawala ko pa! Pakisabi sa tatay mo na salamat sa pagpapasulat sa amin ng mga liham at pagwaglit sa mga ito sa buong panahong ito! Walang nagkataon lamang.”

Binabantayan ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang tupa, at sa Kanyang kagila-gilalas na takdang panahon, makagagawa Siya ng magiliw na awa at mga himala sa pamamagitan ng bawat isa sa atin upang magabayan ang mga taong nagpagala-gala pabalik sa kawan.