“Ligtas na Ginabayan Patungo sa Kailangan Nating Kalagyan,” Liahona, Mar. 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ligtas na Ginabayan Patungo sa Kailangan Nating Kalagyan
Palagi tayong tutulungan ng Tagapagligtas sa ating paglalakbay sa pambihirang mga paraan.
Noong 12 taong gulang ako, lumipat ang pamilya ko mula sa medyo tropikal na Hong Kong patungo sa isang lugar na may malamig at di-pamilyar na taglamig. Hindi nagtagal, inanyayahan ako sa aking unang paglalakbay sa taglamig kasama ang mga young men sa aming ward.
Noong araw ng aming paglalakad, nagsuot ako ng damit na alam kong hindi ako giginawin. Nang umakyat kami sa paikot na daan ng bundok, tuwang-tuwa akong makita ang pagbagsak ng niyebe sa lupa. Gayunman, hindi tama ang bihis ko para sa lupain at panahon, at nahirapan akong makasunod sa grupo ko. Sinabi ko sa kanila na mauna na at sasabay ako sa mga taong inakala kong sumusunod sa amin.
Habang nagpapatuloy ako sa aking paglalakad, nababad sa basa ang sapatos at kasuotan ko at namanhid ang aking mga kamay, paa, at mukha. Pagkatapos ay nagsimulang umulan ng niyebe nang napakalakas kaya hindi ko na makita ang daan. Matapos magpagala-gala, natanto ko na naligaw ako, nag-iisa, at hindi tiyak kung may nakakaalam na wala ako.
Kung minsan sa paglalakbay natin sa buhay, madarama natin na tayo ay hindi handa, naliligaw, o naiiwan. Maaaring mawala ang ating direksyon at paningin sa landas na tatahakin natin. Tila habang mas nagsisikap tayong sumulong, lalo tayong napapalayo sa ating patutunguhan. Maaaring makadama tayo ng kabiguan, at mas natutuksong sumuko na lang.
Sa mapagpalang paraan, ang Tagapagligtas na si Jesucristo ay may kapangyarihang gabayan ang ating mga yapak, iangat tayo kapag nadapa tayo (tingnan sa Mga Awit 37:23–24), at nagbibigay sa atin ng kapahingahan (tingnan sa Mateo 11:28), pagpapagaling (tingnan sa Isaias 53:5; Alma 15:8; Doktrina at mga Tipan 42:48), tiwala sa sarili (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:45), at kapayapaan (tingnan sa Mosias 4:3; Alma 38:8; Doktrina at mga Tipan 19:23). “Magsilapit kayo sa akin,” sabi Niya, “at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan” (Doktrina at mga Tipan 88:63). Maaaring hindi palaging malinaw ang natatanaw na hinaharap, ngunit masusunod natin ang Tagapagligtas nang may pananampalataya na ang ating paglalakbay ay magwawakas nang maganda at matagumpay dahil gagabayan Niya tayo nang ligtas patungo sa kailangan nating kalagyan.
Maaari tayong laging bumaling kay Jesucristo dahil si Jesucristo nga “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6).
Ang Tamang Landas para sa Ating Paglalakbay
Sa pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon sa taong ito, sinundan natin si Lehi at ang kanyang pamilya sa kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako. Isipin kung ano ang tiniis ng pamilya ni Lehi habang naglalakbay sila:
-
pangungutya sa paniniwala at pagsunod sa mga propeta
-
pinagpalit na nakagisnang kaginhawaan para pumunta sa ilang na hindi pa napuntahan
-
paglalakbay nang walang kalinawan sa distansya, destinasyon, o tagal ng panahon
-
gutom, kalungkutan, karamdaman, at kamatayan
-
mahihirap na gawain, kung minsan ay hindi nauunawaan ang mga dahilan o kung paano isasakatuparan ang mga ito
-
mga kabiguan, pagkaantala, pagtatalo, at kabiguan
-
mahihirap na kalagayan sa pagpapalaki ng mga bata pang pamilya
Sa mga nagaganap na ito, nakita rin natin kung paano sila palaging tinutulungan ng Panginoon. Siya ay naglaan ng
-
isang propetang mamumuno at personal na paghahayag,
-
mga banal na kasulatan na naglalaman ng mga ipinangakong pagpapala at tipan,
-
impormasyon tungkol sa talaangkanan at kasaysayan ng mag-anak,
-
mga bagong kasangkapan at pamamaraan upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan,
-
dagdag na kakayahang tiisin ang mga paghihirap,
-
karunungan at tagubilin para maisakatuparan ang mga hindi pamilyar na gawain,
-
ang Liahona (isang kasangkapan para tulungan silang maglakbay), at
-
kaligtasan at proteksyon para sa kanilang mga pamilya.
Tulad ng pamilya ni Lehi, hindi mawawalan ng mga hamon at sakripisyo ang ating mga paglalakbay. Palagi rin tayong tutulungan ng Tagapagligtas sa mga pambihirang paraan. Itinuro ni Nephi, “Ang tamang landas ay maniwala kay Cristo … nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, at nang buo ninyong kaluluwa” (2 Nephi 25:29). Kung pipiliin nating manampalataya kay Jesucristo, mapagpakumbabang tatanggapin ang Kanyang salita, at magkakaroon ng tapang na kumilos, makasusumpong tayo ng kagalakan at mga pagpapala sa gitna ng mga paghihirap na nararanasan natin. Habang isinasagawa ito, maaari tayong magtiwala na magagawa natin ang nais Niyang ipagawa sa atin (tingnan sa 1 Nephi 3:7).
Ang sumusunod ay ilan sa maraming paraan kung paano tayo patuloy na tinutulungan ng Tagapagligtas.
Ibinibigay Niya sa Atin ang Kanyang Doktrina
Batid ni Jesucristo “ang wakas mula sa simula” (Abraham 2:8). Siya rin ay “namuno … at landas ay ’tinuro.”1 Ang Kanyang doktrina, na kilala sa mga banal na kasulatan bilang doktrina ni Cristo, ay ang landas na dapat tahakin nating lahat upang masagip at maligtas.
Dapat tayong patuloy na manampalataya kay Jesucristo, palagiang magsisi, magpabinyag, tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo, makipagtipan, at sikaping makapagtiis. Bilang kapalit, pinangakuan tayo ng kapatawaran, pag-asa, at buhay na walang hanggan. (Tingnan sa 2 Nephi 31:2–20.)
Sa mundong puno ng magkakaibang landas at magkakasalungat na paraan, ang doktrina ni Cristo ay nagbibigay ng malinaw at simpleng tagubilin na masusunod natin upang manatili tayo sa tamang landas (tingnan sa 2 Nephi 31:21).
Ibinibigay Niya sa Atin ang Kapanatagan
Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, batid ng Tagapagligtas kung ano ang pakiramdam ng tunay na nag-iisa at pinabayaan. Alam din Niya kung paano tayo papanatagin. Sabi Niya, “Huwag mabagabag ang inyong puso” (Juan 14:1) at “Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako’y darating sa inyo.” (Juan 14:18).
Ipinangako ng Tagapagligtas ang kaloob na Mang-aaliw, na siyang Espiritu Santo, sa mga naniniwala sa Kanya. Sinabi Niya na ang Mang-aaliw, “ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat” (Juan 14:26).
Ibinibigay Niya sa Atin ang Salita ng Diyos
Sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ating panahon, binigyan tayo ng Panginoon ng sinauna at banal na kasulatan sa mga huling araw, na siyang naglalaman ng salita ng Diyos. Itinuro sa atin ni Nephi na “sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at mahigpit na kakapit dito, … kailanman sila ay hindi masasawi” (1 Nephi 15:24).
Ang pagpapakabusog araw-araw sa salita ng Diyos ay naghahatid ng proteksyon at inaakay tayo na madama natin nang mas sagana ang pagmamahal ng Diyos. Binibigyang-tanglaw ng Kanyang salita ang ating landas (tingnan sa Mga Awit 119:105) at “magsasabi sa [atin] ng lahat ng bagay na nararapat nating gawin” (2 Nephi 32:3).
Ginagabayan Niya Tayo sa pamamagitan ng Kanyang mga Lingkod—ang mga Propeta at Apostol
Naghirang si Jesucristo ng mga propeta at apostol upang tulungan tayo. Ang kanilang payo at mga turo ay para sa atin at sa ating panahon. Kung mawawala o maliligaw ka sa iyong paglalakbay, maaaring makatulong sa iyo na pag-isipan ang sumusunod na tatlong tanong:
-
Paano ako inihanda ng Panginoon sa pamamagitan ng mga salita ng mga propeta at apostol para sa mga pagsubok na naranasan ko?
-
Ano ang paanyaya ng mga propeta at apostol na gawin ko ngayon upang paghandaan ang mga hamong darating?
-
Ano ang ginagawa ko ngayon para kumilos ayon sa mga paanyaya ng propeta?
Sa pag-iisip sa mga tanong na ito, matatanto natin ang kahalagahan ng patnubay ng mga propeta at apostol. Mas maririnig natin ang tinig ng Panginoon at mas mapapansin kung paano Niya tayo palaging tinutulungan. Kung pipiliin natin, maaari tayong makinig sa mga propeta at apostol at humanap ng patnubay, kasaganahan, at proteksyon sa landas pabalik sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.
Ang Pananampalataya na Sumulong
Naliligaw, giniginaw, at nag-iisa sa maniyebeng bundok na iyon maraming taon na ang nakararaan, naging desperado ako. Hindi ko alam kung ano pa ang gagawin, lumuhod ako sa bagong bagsak na niyebe at nanalangin sa aking Ama sa Langit para humingi ng tulong. Sinabi ko sa Kanya ang aking masamang sitwasyon at takot at nagsumamong matagpuan ako at masagip.
Nang tumayo na ako matapos manalangin, umulan ng niyebe sa paligid ko, at napuno ng maganda at payapang katahimikan ang mga puno. Nagambala ang katahimikang ito nang makarinig ako ng kaluskos ng mga dahon sa kalapit na palumpong. Dalawang mas nakatatandang batang lalaki ang lumabas. Nakarating na sila sa tuktok, at sa halip na sumunod sa daan, nagpasiya silang dumausdos pababa ng bundok. Sa lahat ng puwedeng lugar, dumausdos sila sa mismong lugar kung saan ako naroon!
Nang tinanong nila ako kung ano ang ginagawa ko roon, sinabi ko sa kanila na naligaw ako. Inanyayahan nila akong sumama sa kanila, at magkakasama kaming dumausdos nang ligtas pababa sa paanan ng bundok. Di-nagtagal ay muli naming nakasama ang iba pa naming kagrupo.
Habang sumusulong tayo sa ating personal na paglalakbay nang may pananampalataya, katapatan, at pagtitiis, nawa’y malaman natin kung paano tayo sinamahan ng Tagapagligtas at patuloy tayong tinutulungan. Si Jesucristo ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Nawa’y ang ating pananampalataya sa Kanya ay maghatid ng kapayapaan sa ating isipan at kagalakan sa ating paglalakbay.