Liahona
Kabilang Kayo
Marso 2024


“Kabilang Kayo,” Liahona, Mar. 2024.

Mga Young Adult

Kabilang Kayo

Madarama natin na kabilang tayo habang nililinang natin ang makabuluhang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

ang Diyos Ama at si Jesucristo na nakaunat ang kanilang mga bisig habang binabati ang mga taong nakapaligid sa kanila

Detalye mula sa Glory by Degrees [Kaluwalhatian sa Iba’t Ibang Antas], ni Annie Henrie Nader

Bawat isa sa atin ay isinilang na may likas na pangangailangang mapabilang. Likas nating inaasam na makabilang sa ating mga pamilya, kaibigan, katrabaho, ward, at iba pang mga tao sa ating buhay. Ang ating mga puso ay tila mayroon nitong mga makalangit na pag-asam para sa isang malalim at patuloy na pangangailangang mapabilang.

Kayo at ako noon—at hanggang ngayon—ay bahagi pa rin ng isang walang-hanggang pamilya kasama ang ating Ama sa Langit bago pa tayo pumarito sa lupa. Inilalarawan tayo ng mga banal na kasulatan bilang “mga dayuhan at manlalakbay sa ibabaw ng lupa,” (Mga Hebreo 11:13; Doktrina at mga Tipan 45:13). Sa pag-alis sa ating tahanan sa langit at pagpunta sa isang mundong puno ng kaguluhan, kalungkutan, at dalamhati, maaari nating madama na tila tayo mga palaboy, inaasam ang ating walang-hanggang tahanan at ugnayan.

Kung nakadama ka na ng kaunting pangungulila para sa langit, marahil ito ay dahil ang ating tunay na tahanan at identidad ay nakabigkis sa ating Ama sa Langit at Tagapagligtas na si Jesucristo. Kaya nga napakahalagang magkaroon ng malalim na koneksyon sa Kanila. Kapag tayo ay konektado sa Kanila sa pamamagitan ng ating pakikipagtipan, madarama natin ang tunay na damdamin ng pagiging kabilang na ninanais ng ating mga espiritu.

Ang Ating Pakikipagtipan sa Diyos

Ang ating mga kilos at ating mga iniisip ay sumasalamin sa mga ugnayang pinahahalagahan natin. Totoo rin ito sa ating pakikipagtipan sa ating Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.

Kapag pinahahalagahan natin ang ating pakikipagtipan sa Diyos, nagbabago ang lahat. Sa halip na maimpluwensyahan ng mundo, tayo ay naiimpluwensyahan Niya at nagiging higit na katulad Niya. Ang ating buhay ay nagsisimulang magkaroon ng higit na kahulugan at espirituwal na katatagan at kapangyarihan. Kapagdaka, ang “pagiging kabilang” ay nahihigitan ang mga mortal na bagay na sa palagay natin ay kahulugan ng “pagiging kabilang”.

Kapag naging prayoridad ang ugnayan ng tipang iyon sa Diyos, nawawalan ng kahulugan ang mababaw na paggambala ng mundo at natatagpuan natin ang tunay na personal na kapayapaan at pagiging kabilang. Sa mundong hindi karaniwang nagbibigay ng mga bagay na walang kapalit, mapagmahal na ipinagkakaloob ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga pagpapala ng tipan anuman ang ating katayuan sa mundong ito (tingnan sa 2 Nephi 9:50–51).

Napakagandang itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, nililisan natin ang kawalan ng kaalaman sa mabuti at masama. Hindi tatalikuran ng Diyos ang Kanyang ugnayan sa mga taong nagkaroon ng gayong pagkakabigkis sa Kanya. Sa katunayan, ang lahat ng nakipagtipan sa Diyos ay maaaring makatanggap ng espesyal na uri ng pagmamahal at awa.”1

Natutukoy natin kung malapit tayo sa Diyos—lagi Siyang nananatili sa atin, ngunit dapat nating piliing palaging lumapit sa Kanya. At ang banal na pagpiling iyan ay kapwa nagbibigay-lakas at nagpapalaya! Ang pagpiling ito ay nagpapalaya sa atin mula sa mga maling pananaw kung sino tayo at mula sa naglilimitang tanikala ng mga inaasahan sa atin ng mundo.

At kapag natuklasan natin na kabilang tayo sa ating Ama sa Langit, magagawa nating tumingin palabas at makikita natin ang iba tulad ng pagkakita Niya. Kapag nauunawaan ko ang nadarama Niya tungkol sa akin, mas nauunawaan ko ang nadarama Niya tungkol sa inyo, at nagiging mas malakas ang kakayahan at hangarin kong tumulong at tipunin ang iba.

Nauvoo Temple sa dapit-hapon

Paglalarawan ng Nauvoo Temple sa dapit-hapon, ni Max D. Weaver

Binubuksan ng mga Tipan ang mga Pagpapala

Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na makipagtipan tayo sa Kanila upang mapagpala Nila tayo sa mga paraang kailangan natin at mabago tayo sa mga paraang magtutulot sa atin na makabalik sa Kanilang piling.

Inaanyayahan ko kayong pumunta nang madalas hangga’t kaya ninyo sa bahay ng Panginoon. Habang nangangako ako na madalas at sadya akong pupunta, napapanatag ako na malayo ako sa mundo, at napapabuti ang aking mga iniisip at likas na pagkatao.

Sa pagtupad sa ating mga tipan, tumatanggap tayo ng kapangyarihan ng priesthood na nagbubukas ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa ating buhay. Kabilang sa mga pagpapalang iyon ang paggaling, patnubay, proteksyon, tulong, lakas, kapayapaan, pananaw, at kagalakan. Nais ng Ama sa Langit na biyayaan tayo ng lahat ng ito sa pamamagitan ng ating pakikipagtipan.

Kung hindi pa ninyo natatanggap ang mga pagpapala ng templo, inaanyayahan ko kayong pag-aralan ang mga pagpapala ng templo, kapangyarihan ng priesthood, mga tipan, at ang nais ng Diyos para sa inyo. Huwag nang hintayin pang matanggap ang Kanyang kapanatagan, kapangyarihan, at mapagmahal na tulong.

Sinabi ni Pangulong Nelson:

“Hinihikayat ko kayo na huwag nang maghintay na maikasal para matanggap ang endowment sa bahay ng Panginoon. Magsimula ngayon na matutuhan at maranasan ang ibig sabihin ng masandatahan ng kapangyarihan ng priesthood.

“At sa bawat isa sa inyo na gumawa na ng mga tipan sa templo, nakikiusap ako sa inyo na hangarin—nang may panalangin at nang palagian—na maunawaan ang mga tipan at ordenansa sa templo. Ang mga espirituwal na pintuan ay mabubuksan. Matututuhan ninyo kung paano hawiin ang tabing sa pagitan ng langit at lupa, kung paano hilingin sa mga anghel ng Diyos na tulungan kayo, at kung paano mas makatanggap ng patnubay mula sa langit. Ang masigasig ninyong pagsisikap na gawin ito ay magpapatatag at magpapatibay sa inyong espirituwal na pundasyon.”2

Pagiging Kabilang sa Pamamagitan ng Pagsisisi

Ang patuloy na pagsisisi ay isa pang maganda at mabisang paraan para manatiling malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kadalasan ay nagkakamali tayo sa paniniwala na kung nagsisisi tayo nang husto, malayo tayo sa Kanila. Subalit totoo ang kabaligtaran nito!

Ang pagsisisi ay hindi naglalayo sa inyo sa Kanila—mas inilalapit kayo nito sa Kanila!

Mas mapapabilang kayo at magkakaroon ng mas malalim na kaugnayan sa Kanila sa pamamagitan ng inyong pagsisikap na humingi ng tulong sa Kanila at tumanggap ng kapatawaran.

Maaaring madama ng bawat isa sa atin na malayo pa tayo sa pagiging perpekto na inaasam natin, ngunit sa palagay ko ay hindi iyan ang inaalala ng Ama sa Langit, ang mas inaalala Niya ay ang ating hangarin at pagsisikap na sumubok muli. Mahal Niya tayo, alam Niya kung saan tayo patungo, at mapagmahal Niya tayong inaakay.

Ang pagkilala sa ating mga kahinaan at pagkakamali ay nangangailangan ng kahinaan, ngunit sa pamamagitan ng pagsisisi, inaanyayahan natin ang Ama sa Langit na maging malapit sa ating mahinang bahaging iyon. Ang pagiging malapit na iyon ay nagtutulot sa Kanya na ipaabot ang Kanyang dakilang pagmamahal sa atin at maglaan ng pagpapagaling, pagpapatawad, at kaligtasang kailangan natin. Sa ugnayang ito sa Diyos tayo ay nagkakaroon ng tiwala at lakas ng loob at tunay na pagiging kabilang.

ang Paglikha

The Creation [Ang Paglikha], ni Annie Henrie Nader

Paghahangad ng Mas Mataas na Pananaw

Ang ating pananaw ay makapag-aambag sa ating damdamin na kabilang tayo sa Simbahan ng Panginoon. Maaari nating piliin ang pananaw na ang sarili nating mga ginagawa ay makatutulong sa ating ward, Relief Society, o sa ating elders quorum na maging mapagmahal na lugar ito para mapabilang. Ang paghahangad na tulungan ang iba ay talagang nagpapaibayo ng ating damdamin ng pagiging kabilang.

Dahil kayo ay mga anak ng Diyos, kabilang kayo—anuman ang tingin sa inyo ng iba o kung paano ninyo nakikita ang inyong sarili. Ang plano ng kaligayahan ng Ama ay para sa inyo, at mayroon kayong mahalagang gagampanan dito. Bawat isa sa inyo ay may kakayahang mag-ambag nang natatangi at makabilang sa kaharian ng Diyos, anuman ang inyong marital status, edukasyon, o pinagmulan.

Ang isang ideya na paulit-ulit na pumapasok sa isipan ko ay na ang mga katagang “mga young single adult,” “mga young adult,” at “mga single adult,” ay hindi nagsasabi kung sino kayo talaga. Ito ay mga salitang demograpiko na tumutulong na ilarawan ang edad at marital status, ngunit hindi sapat ang mga ito sa paglalarawan ng tunay na walang hanggang pagkakakilanlan, layunin, at kakayahan.

Ang mga label o pagkukumpara ay maaaring limitahan kung paano natin nakikita ang ating sarili at ang ating kahalagahan at potensyal sa kaharian ng Diyos. Ang katotohanan ay kayo ay mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nakipagtipan kayo sa Diyos. Makakamtan ninyo ang kapangyarihan ng Kanyang priesthood. Kayo ay miyembro ng Relief Society o elders quorum. Kayo, gaya ng itinuro ni Pangulong Nelson, ay anak ng Diyos, isang anak ng tipan, at isang disipulo ni Jesucristo. Ang pagkatao ninyo ang una at pinakamahalaga, at iyan ang “[aakay sa inyo] sa buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal ng Diyos.”3

Ipinanumbalik ang ebanghelyo sa pamamagitan ng isang young adult na propeta—si Joseph Smith. Iyan ay isang napakahalagang kaalaman na dapat pagnilayan. Ipinagkatiwala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa Propeta at sa kanyang mga kasama sa panahong iyon na ipanumbalik ang Simbahan. Pinagkakatiwalaan din kayo ng Diyos na maging bahagi ng dakilang gawaing ito sa mga huling araw na ito.

Kung nais ninyong malaman kung sino kayo at kung kayo ay minamahal at pinahahalagahan, tanungin ang inyong Ama sa Langit. Palagi Niyang sasabihin sa inyo ang katotohanan tungkol sa inyo. Tutulungan Niya kayong makita ang inyong sarili tulad ng pagtingin Niya sa inyo—nang may matinding kakayahan at pagmamahal. Magagabayan Niya kayo sa magagandang oportunidad at pag-unlad na hindi ninyo mawawari!

Nawa’y magkaroon tayong lahat ng mga mata para makita ang isa’t isa at ang ating sarili, hindi sa pamamagitan ng edad o marital status ng mag-asawa kundi sa nagkakaisang pananaw ng mga tumutupad ng tipan, mga kapwa disipulo ni Jesucristo, mga kaibigan, kapatid, at mga anak na lalaki at babae ng Diyos. At sa mga walang-hanggang tungkulin at ugnayang iyon, makikita natin ang pinakadakila at pinakatunay na damdamin ng pagiging kabilang.