Liahona
Ang Tagapagligtas ng Lahat, Isang Ebanghelyo para sa Lahat
Marso 2024


“Ang Tagapagligtas ng Lahat, Isang Ebanghelyo para sa Lahat,” Liahona, Mar. 2024.

Ang Tagapagligtas ng Lahat, Isang Ebanghelyo para sa Lahat

Ang ebanghelyo, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang nagpapala sa lahat ng anak ng Diyos.

Si Cristo at isang lalaking lumpo

Christ and the Palsied Man [Si Cristo at ang Lalaking Lumpo], ni J. Kirk Richards, hindi maaring kopyahin

Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay, una, pinakamahalaga, at magpakailanman, ang pinagmumulan ng walang-hanggang kaligayahan, tunay na kapayapaan, at kagalakan para sa lahat ng tao sa mga huling araw na ito. Ang mga pagpapalang dumadaloy mula sa ebanghelyo at mula sa walang hanggang kabutihan ni Cristo ay hindi lamang para sa iilang pinili, sa sinunang panahon o sa makabagong panahon.

Gaano man kababa ang tingin natin sa ating sarili, at sa kabila ng mga kasalanan na maaaring maglayo sa atin sa Kanya sa loob ng ilang panahon, tinitiyak sa atin ng ating Tagapagligtas na “iniuunat niya ang kanyang mga kamay sa [ating lahat] sa buong maghapon” (Jacob 6:4) na nag-aanyaya sa ating lahat na lumapit sa Kanya at madama ang Kanyang pagmamahal.

Mga Pagpapala ng Ebanghelyo para sa Buong Mundo

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay “ipinanumbalik sa mga huling araw na ito upang tugunan ang mga … pangunahing pangangailangan ng bawat bansa, lahi, wika at tao sa mundo.”1 Ang ebanghelyo ay para sa lahat ng bansa, lipi, at kultura upang ituro na “pantay-pantay ang lahat sa Diyos” (2 Nephi 26:33).2 Ang Aklat ni Mormon ay kahanga-hangang saksi ng katotohanang ito.

Ang kamangha-manghang talaang ito ay nagpapatotoo na naaalala ni Cristo ang lahat ng bansa (tingnan sa 2 Nephi 29:7) at ipapakita “ang kanyang sarili sa lahat ng yaong naniniwala sa kanya, … [at gagawa] ng mga makapangyarihang himala, tanda, at kababalaghan, sa mga anak ng tao” (2 Nephi 26:13). Kabilang sa mga makapangyarihang himala, tanda, at kababalaghang ito ay ang paglaganap ng ebanghelyo. Kaya, nagpapadala tayo ng mga missionary sa iba’t ibang panig ng mundo upang patotohanan ang mabuting balita nito. Ibinabahagi rin natin ang ebanghelyo sa mga nakapaligid sa atin. Tinitiyak ng paggamit ng ipinanumbalik na mga susi ng priesthood para sa mga buhay at patay na ang kabuuan ng ebanghelyo ay matatamo ng bawat anak na lalaki at anak na babae ng ating mga magulang sa langit—noon, ngayon, o maging sa hinaharap.

Ang pinakamahalagang aspeto ng ebanghelyong ito—ang pangunahing mensahe ng bawat propeta at apostol na tinawag sa gawain—ay si Jesus ang Cristo at naparito Siya upang pagpalain ang lahat. Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ipinapahayag natin na ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay para sa buong mundo.

Ang Pangangailangan sa Walang Katapusan at Walang Hanggang Pagbabayad-sala

Sa paglibot ko sa iba’t ibang panig ng mundo, nagdaraos ako ng mga interbyu sa mga miyembro ng Simbahan na may iba’t ibang pinagmulan. Nabigyang-inspirasyon akong marinig kung ano ang nadarama nila sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa kanilang buhay, kahit kapag ipinagtatapat nila ang kasalanang matagal nang nagawa. Kamangha-mangha na ang nakalilinis na kapanatagan ng Kanyang Pagbabayad-sala ay laging nariyan para sa ating lahat!

“Kinakailangan na may isang pagbabayad-salang gawin,” sabi ni Amulek, “at kung hindi, ang buong sangkatauhan ay tiyak na hindi makaiiwas na masawi.” Magpakailanman tayo ay “nahulog at … masasawi, … maliban sa pamamagitan ng pagbabayad-sala,” na nangangailangan ng “walang katapusan at walang hanggang hain.” Dahil “walang anumang bagay na kukulangin sa walang hanggang pagbabayad-sala ang makasasapat para sa mga kasalanan ng sanlibutan” (Alma 34:9, 10, 12).

Itinuro rin ng dakilang propetang si Jacob na dahil “ang kamatayan ay napasalahat ng tao, … talagang kinakailangang magkaroon ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli” upang madala tayo sa kinaroroonan ng Diyos (2 Nephi 9:6).

Kailangang madaig kapwa ang kasalanan at kamatayan. Ito ang misyon ng Tagapagligtas, na buong tapang Niyang natapos para sa lahat ng anak ng Diyos.

Si Cristo sa Getsemani

Gethsemane [Getsemani], ni J. Kirk Richards, hindi maaaring kopyahin

Ang Sakripisyo ng Ating Tagapagligtas

Sa Kanyang huling gabi sa mortalidad, pumasok si Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani. Doon, lumuhod Siya sa gitna ng mga punong olibo at nagsimulang makadama ng napakatinding pagdurusa na hinding-hindi natin malalaman kailanman.

Doon, pinasan Niya ang mga kasalanan ng daigdig. Nadama Niya ang bawat sakit, pighati, at dalamhati, at tiniis Niya ang lahat ng dalamhati at pagdurusang naranasan ninyo, ako, at ng bawat taong nabuhay o mabubuhay. Ang dakila at walang hanggang pagdurusang ito ay “dahilan upang [Siya], … ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat” (Doktrina at mga Tipan 19:18). Tanging Siya lamang ang makagagawa nito.

Walang makababayad ng

Ating kasalanan.

S’ya lang ang may kakayahang

Kalangita’y buksan.3

Pagkatapos ay dinala si Jesus sa Kalbaryo, at sa pinakamalungkot na sandali ng kawalang-katarungan sa kasaysayan ng mundong ito, Siya ay ipinako sa krus. Walang sinumang makakukuha ng Kanyang buhay mula sa Kanya. Bilang Bugtong na Anak ng Diyos, mayroon Siyang kapangyarihang daigin ang pisikal na kamatayan. Maaari sana Siyang manalangin sa Kanyang Ama, at pupunta sana ang pulutong ng mga anghel upang lipulin ang mga nagpapahirap sa Kanya at maipakita ang Kanyang kapangyarihan sa lahat ng bagay. “Ngunit kung gayo’y paanong matutupad ang mga kasulatan,” tanong ni Jesus sa Kanyang pagkakanulo, “na ganito ang kinakailangang mangyari?” (Mateo 26:54).

Dahil sa Kanyang lubos na pagsunod sa Kanyang Ama—at sakdal na pagmamahal sa atin—kusang-loob na ibinigay ni Jesus ang Kanyang buhay at isinagawa ang Kanyang walang katapusan at walang-hanggang nagbabayad-salang sakripisyo, na saklaw ang nakaraan at ang hinaharap tungo sa buong kawalang-hanggan.

Ang Tagumpay ng Ating Tagapagligtas

Iniutos ni Jesus sa Kanyang mga Apostol na ipagpatuloy ang Kanyang gawain matapos ang Kanyang kamatayan. Paano nila iyon gagawin? Ang ilan sa kanila ay mga abang mangingisda lamang, at wala sa kanilang sinanay sa mga sinagoga para sa ministeryo. Sa sandaling iyon, tila nakatadhanang mawala ang Simbahan ni Cristo. Ngunit ang mga Apostol ay nagkaroon ng lakas na gampanan ang kanilang tungkulin at hubugin ang kasaysayan ng mundo.

Ano ang nagpalakas sa gayong nakikitang kahinaan? Sinabi ng lider ng simbahang Anglican at iskolar na si Frederic Farrar: “May isa, at iisang posibleng sagot—ang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay. Lahat ng malaking pagbabagong ito ay dahil sa kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli ni Cristo.”4 Bilang mga saksi ng nagbangong Panginoon, alam ng mga Apostol na walang makapipigil sa pagsulong ng gawaing ito. Ang kanilang patotoo ay pinaghugutan ng lakas sa panahong dinaranas ng mga sinaunang Simbahan ang lahat ng tila di-malalampasang hamon.

Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, bilang isa sa Kanyang inorden na mga saksi, ipinapahayag ko na noong isang magandang Linggo ng umaga, ang Panginoong Jesucristo ay bumangon mula sa kamatayan upang palakasin tayo at kalagin ang mga gapos ng kamatayan para sa lahat. Si Jesucristo ay buhay! Dahil sa Kanya, ang kamatayan ay hindi ang katapusan natin. Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay walang bayad at kaloob ni Cristo sa lahat.

si Cristo at si Maria Magdalena sa libingan

Christ and Mary at the Tomb [Si Cristo at si Maria sa Libingan], ni Joseph Brickey

Lumapit kay Cristo

Ang ebanghelyo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay para sa lahat—ibig sabihin, para sa bawat isa. Ang tanging paraan para maranasan natin ang buong pagpapala ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ay sa pamamagitan ng pagtanggap ng bawat isa sa Kanyang paanyaya: “Magsiparito sa akin” (Mateo 11:28).

Lumalapit tayo kay Cristo kapag nananampalataya tayo sa Kanya at nagsisisi. Lumalapit tayo sa Kanya kapag binibinyagan tayo sa Kanyang pangalan at tumatanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Lumalapit tayo sa Kanya kapag sinusunod natin ang mga kautusan, tumatanggap ng mga ordenansa, tumutupad ng mga tipan, tinatanggap ang mga karanasan sa templo, at ipinamumuhay ang uri ng pamumuhay ng mga disipulo ni Cristo.

Paminsan-minsa’y makararanas kayo ng kalungkutan at pagdurusa. Maaaring sobrang nalulungkot kayo para sa sarili ninyo o para sa isang taong mahal ninyo. Maaaring lubha kayong nababagabag sa mga kasalanan ng iba. Ang mga pagkakamaling nagawa ninyo—marahil ay mabibigat na pagkakamali—ay maaaring maging dahilan para mangamba kayo na hindi na kayo mapapayapa at liligaya magpakailanman. Sa gayong mga pagkakataon, alalahanin na hindi lamang pinagagaan ng Tagapagligtas ang pasanin ng kasalanan kundi pati na rin ang “mga pasakit at paghihirap at lahat ng uri ng tukso” (Alma 7:11), pati ang sa inyo! Dahil sa dinanas Niya para sa inyo, alam Niya mismo kung paano kayo tutulungan kapag tinanggap ninyo ang Kanyang paanyayang nagpapabago ng buhay: “Magsiparito sa akin.”

Lahat ay Malugod na Tinatanggap

Nilinaw ni Jesucristo na lahat ng anak ng Ama sa Langit ay may pantay na karapatan sa mga pagpapala ng Kanyang ebanghelyo at Pagbabayad-sala. Ipinapaalala Niya sa ating lahat na ang “lahat ng tao ay may pribilehiyo, ang isa tulad ng iba, at walang pinagbabawalan” (2 Nephi 26:28).

“Inaanyayahan niya silang lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae” (2 Nephi 26:33).

“Inaanyayahan Niya silang lahat”—ibig sabihin niyan ay tayong lahat! Hindi natin dapat ilarawan nang may kababawan o bansagan ang ating sarili o ang iba. Hindi tayo dapat maglagay ng anumang makahahadlang sa pagmamahal ng Tagapagligtas o isipin man lang na hindi natin Siya kayang abutin o ng iba. Gaya ng sinabi ko noon, “Hindi posibleng lumubog [ang sinuman] nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo.”5

Sa halip, gaya ng itinuro namin ni Sister Holland ilang buwan bago siya pumanaw, iniutos sa atin na “magkaroon ng pag-ibig sa kapwa ang lahat ng tao, kung aling pag-ibig sa kapwa-tao ay pagmamahal” (2 Nephi 26:30).6 Ito ang pagmamahal na ipinapakita sa atin ng Tagapagligtas, dahil “Hindi siya gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan, maging ang kanyang sariling buhay ay inialay niya upang mapalapit ang lahat ng tao sa kanya” (2 Nephi 26:24).

Pinatototohanan ko na ang ebanghelyo at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay para sa lahat ng tao. Dalangin ko na tatanggapin ninyo nang may galak ang mga pagpapalang hatid Niya.

Mga Tala

  1. Howard W. Hunter, “The Gospel—A Global Faith,” Ensign, Nob. 1991, 18.

  2. Tingnan sa Howard W. Hunter, “All Are Alike unto God” (Brigham Young University fireside, Peb. 4, 1979), 1–5, speeches.byu.edu.

  3. May Luntiang Burol,” Mga Himno, blg. 117.

  4. Frederic W. Farrar, The Life of Christ (1994), 656.

  5. Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Liahona, Mayo 2012, 33.

  6. Tingnan sa Jeffrey R. at Patricia T. Holland “Isang Hinaharap na Puno ng Pag-asa” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 8, 2023), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.