“Mangyaring Iligtas Po Ninyo ang Buhay ni Inay,” Liahona, Mar. 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Mangyaring Iligtas Po Ninyo ang Buhay ni Inay
Natakot ako nang kailanganin ng nanay ko na maoperahan sa puso, ngunit tinuruan ako ng isang matapat na guro sa Primary kung paano manalangin.
Noong 10 taong gulang ako, nagkaroon ng matinding atake sa puso ang aking ina. Ilang linggo siyang nasa ospital na nakikipaglaban para sa kanyang buhay.
Sa panahong ito, ang aking guro sa Primary na si Sister Ellen Johnson ay dumadalaw sa bahay namin minsan sa isang linggo para makita ako. Kasisimula ko pa lang dumalo sa Primary at limitado pa ang pagkaunawa ko sa ebanghelyo. Bawat linggo ay nagpapatotoo sa akin si Sister Johnson at tinatalakay ang tungkol sa panalangin. Itinuro niya sa akin na kung mananalangin ako, sasagot ang Ama sa Langit.
Pagkaraan ng ilang linggo, lalo pang bumagsak ang kalusugan ni Inay. May pinsala ang valve ng puso niya na kailangang operahin. Sinabi ng kanyang doktor na mamamatay siya kung hindi sasailalim sa eksperimental na operasyon sa puso. Gayunman, ang tsansa niyang ganap na gumaling ay 50/50 lamang.
Ang operasyon sa puso ay bago at mapanganib noong mga unang taon ng dekada ng 1960. Plano ng mga siruhano na buksan ang katawan ni Inay mula sa kanyang dibdib papunta sa kanyang buto sa likod at pagkatapos ay bibiyakin ang kanyang rib cage upang maabot ang kanyang puso. Maraming pasyente ang hindi nakaligtas sa operasyon. Galit at takot ako na baka mamatay ang nanay ko.
Si Itay naman ay karaniwang nasa trabaho o sa ospital kasama si Inay. Ang ate kong si Pam ang nag-alaga sa amin ng nakababata naming kapatid na lalaki. Sa gabi, nalulungkot ako at natatakot, pero naisip ko ang itinuro sa akin ni Sister Johnson tungkol sa panalangin. Madalas akong lumuhod sa tabi ng aking higaan at umiiyak, na nagsusumamo sa Ama sa Langit na iligtas ang buhay ni Inay.
Sa isang partikular na panalanging iyon, nakadama ako ng matinding kapayapaan at tumigil ako sa pag-iyak. Nadama ko na magiging OK ang lahat. Nakadama ako ng katiyakan na mabubuhay ang aking ina para masaksihan akong lumaki at na hindi ko na kailangan pang mag-alala. Wala akong narinig na tinig o nakitang pangitain, pero tahimik at payapa ang mga nadama ko. Hindi ko pinagdudahan ang mga ito. Sinagot ng Ama sa Langit ang aking panalangin, at batid ko ito.
Nakaligtas si Inay sa operasyon. Mahina siya at sakitin sa halos lahat ng araw ng kanyang buhay, ngunit sinagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin at iniligtas ang kanyang buhay. Nabuhay siyang makita akong lumaki, mag-asawa, at magkaroon ng mga anak.
Makalipas ang ilang taon, nang maging Apostol si Pangulong Russell M. Nelson, sinabi sa akin ni Inay na siya ang siruhano sa puso na nagligtas sa kanyang buhay. Lumiham ako para pasalamatan siya. Nang sumagot siya, pinasalamatan niya ako sa aking liham at kinilala ang tulong ng Diyos sa kanyang gawain.