“Ang Natuklasan Ko Nang Hindi Ako Gumamit ng Social Media,” Liahona, Mar. 2024.
Ang Natuklasan Ko Nang Hindi Ako Gumamit ng Social Media
Ang pagbabawas sa paggamit ko ng social media ay nagbigay sa akin ng mas maraming oras para sa aking mga anak at mapagbuti ang aking ugnayan sa Tagapagligtas.
Sa nakalipas na ilang taon, alam ko na nagpapahiwatig sa akin ang Diyos na bawasan ko ang oras ko sa social media. Alam ko na makabubuti para sa akin ang hindi masyadong mag-ukol ng oras sa social media, ngunit alam ko rin na masaya ako sa komunidad na natagpuan ko roon. Hindi ko alam kung paano ko mababalanse ang dalawang bagay na ito; alam ko lang na may kailangang baguhin.
May nabasa akong aklat na naghikayat sa akin na pag-isipan ang tanong na, “Gaano karaming oras ang dapat gugulin sa social media para magkaroon ng kapakinabangan sa komunidad, nang wala ang lahat ng negatibong impluwensya?” Para sa akin, ang sagot sa tanong na ito ay mga 20 minuto … sa isang buwan. Nagtakda ako ng mithiin para magawa ito, at sa tulong ng Panginoon, mas madali ito kaysa inakala ko. Ang bagay na hindi ko inasahan ay kung gaano palalakasin ng pagbabagong ito ang pakikipag-ugnayan ko sa aking Tagapagligtas. Mas nadama ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa akin; naunawaan ko nang mas malinaw ang plano Niya para sa akin; at nakita ko nang mas malinaw ang mga pangangailangan ng mga tao sa paligid ko.
Huwag Hayaan na ang mga Selfie ang Magpasiya ng Aking Kahalagahan
Noon pa man ay alam ko na ako ay anak ng Diyos at mahal Niya ako. Nadama ko ang pagmamahal ng aking Tagapagligtas sa mahihirap na panahon ng buhay ko. Ngunit kadalasan ay hinahayaan ko ang social media na magdikta kung paano ko nakikita at iniisip ang sarili ko. Bagama’t sinisikap kong kumbinsihin ang sarili ko na ang mga ideyalistikong larawan sa social media ay hindi nakakaapekto sa akin, lumalabas na apektado pa rin ako nito. Ang pagbabawas ng oras ko sa social media ay nagbigay sa akin ng kapayapaan at katahimikan sa isipan na kailangan ko para marinig ang sinasabi sa akin ng Tagapagligtas kung ano ang nadarama Niya tungkol sa akin. Hindi ko natanto kung gaano ako nangungulila na marinig ang Kanyang tinig hanggang sa magbigay ako ng malaking puwang para sa Kanya.
Noon pa man ay naniniwala na ako sa plano ng kaligtasan. Alam kong si Jesucristo ang sentro sa planong iyon. Ngunit naniniwala rin ako na may plano ang Ama sa Langit para sa bawat isa sa atin. Si Larry M. Gibson, dating First Counselor sa Young Men General Presidency, ay nagturo na “Alam ko na nagmamalasakit ang Ama sa Langit sa bawat isa sa atin at may personal na plano para makamtan natin ang ating walang-hanggang tadhana.”1
Gumugol ako ng maraming oras sa pag-scroll para masubukan at malaman kung ano ang aking layunin. Ang pagpunta sa social media ay nagbigay sa akin ng pagkakataong makita nang malapitan ang lahat ng malikhain at magagandang bagay na ginagawa ng mga tao. Marami akong natutuhan mula sa mga taong ito, pero nag-ukol ako ng mas maraming oras sa paghahanap kaysa sa paggawa. Mula nang binawasaan ko ang paggamit sa social media, nadama ko na ginabayan ako para malaman ko kung ano ang nais ipagawa sa akin ng Ama sa Langit. Marami sa mga bagay na ito ang nakamamangha at naiiba sa inaakala ko, ngunit naging mas makabuluhan at mas masagana ang buhay ko.
Naparito ang Tagapagligtas upang tayo’y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito (tingnan sa Juan 10:10). Nagpapasalamat ako sa mga pahiwatig na ibinibigay sa atin ng Espiritu Santo para tulungan tayong magkaroon ng mas masaganang buhay.
Buhay sa labas ng Social Media
Nakita ng Tagapagligtas ang mga taong hindi napapansin ng iba. Gustung-gusto kong magbasa ng mga kuwento tungkol sa Kanya na naglilingkod sa gayong mga tao at nagtuturo sa kanila ng kanilang kahalagahan. Ang pag-uukol ng sobrang maraming oras sa social media ay humadlang sa akin na talagang mapansin ang mga tao sa sarili kong buhay, kabilang na ang aking pamilya. Natanto ko na kung dama ng mga anak ko na hindi ko sila pinahahalagahan, hindi magtatagal ay maghahanap sila sa labas ng magpapahalaga sa kanila.
Namangha ako sa pagmamahal ko para sa aking mga anak habang mas nakakasama ko sila. Gustung-gusto ko ang tungkulin ko bilang ina nitong nakaraang taon kaysa dati. Nakilala ko ang mga kapitbahay ko at naging mas aktibo ako sa aming komunidad. Nadagdagan ang mga pagkakataon kong maglingkod. Inakala ko na tinutulungan ako ng social media na maging mas maalam, pero ang totoo ay hindi ako nabubuhay sa sandaling iyon para talagang makita ang mga pangangailangan ng mga nakapaligid sa akin.
Ang pagbabawas sa paggamit ko ng social media ay tila isang maliit at simpleng bagay, ngunit nagbigay-daan ito na mapalakas ko ang aking pananampalataya at mapagbuti ang aking ugnayan sa aking Tagapagligtas. Alam ko na mahal tayo ng Ama sa Langit, na may plano Siya para sa atin, at may mga anak Siya na kailangan din nating mapagtuunan ng pansin.
Ang awtor ay naninirahan sa New York, USA.